Mula sa Aming mga Mambabasa
Internet Computer engineering ang pinag-aaralan ko, at nais kong purihin kayo sa seryeng “Ang Internet—Ito ba’y Para sa Iyo?” (Hulyo 22, 1997) Ang mga artikulo ay maiikli ngunit malaman, impormatibo, at wasto ayon sa siyensiya. Hindi ninyo sinuportahan ang walang-kabuluhang paninira at pananakot na nakapalibot sa Internet. Sa kabilang banda, hindi naman ninyo itinago ang mga tunay na panganib.
L. E., Italya
Nagtuturo ako ng computer sa mga klase, at upang makaagapay ako sa mga bagong kausuhan, madalas na bumibili ako ng mga magasin na may kinalaman sa computer. Wala ni isa man dito ang nagkaroon ng tibay ng loob na tuwirang sabihin ang tungkol sa mga bentaha at disbentaha ng Internet.
A. A. S., Brazil
Marami na akong naririnig tungkol sa Internet nitong nakararaan, pero hindi ko ito lubusang maunawaan. Ipinaliwanag ang paksang ito sa inyong serye sa isang napakasimple at madaling-sundang paraan.
A. H., India
Isinulat ninyo sa isang paraan na madaling maunawaan maging ng mga mambabasang kakaunti lamang o walang kaalaman tungkol sa World Wide Web. Tinulungan din ninyo kami na huminto at kalkulahin ang magagastos sa paggamit ng serbisyong ito.
E. K., Ethiopia
Nasisisi Ako po’y 15 taóng gulang, at ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ako na Lang Lagi ang May Kasalanan?” (Hulyo 22, 1997) ay nagpapatak ng aking mga luha sa aking mukha. Ako po ang bunso sa pamilya at siyang palagi nang iniinis. Salamat po sa inyong pagsulat nito.
N. H., Estados Unidos
Rift Valley Labis-labis ang aking kasiyahan na mabasa, nang maraming ulit, ang artikulong “Ang Great Rift Valley.” (Hulyo 22, 1997) Para akong nag-safari. Ang aking asawang lalaki ay nakapagtrabaho sa Aprika, at nakapagbiyahe ako sa timugang bahagi ng Tanzania. Nakatutok ang aking mukha sa bintana ng aming Land Rover. Lahat ay napakatingkad at napakakulay sa Aprika; hindi na ito makakatkat sa aking isip.
B. S., Canada
Sumusulong na mga Anak Nais kong pasalamatan kayo dahil sa napakahusay na seryeng “Tulungang Sumulong ang Inyong mga Anak.” (Agosto 8, 1997) Nasumpungan ko itong kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay-loob. Ako’y may tatlong-taóng anak na lalaki, at ang artikulong ito ay nakatulong sa akin upang maunawaan ang kaniyang punto de vista at upang mapagbuti ang paraan ng aking pagdisiplina sa kaniya. Mapasa kay Jehova nawa ang aking matinding pasasalamat dahil sa mga artikulong ito.
P. S., Italya
Labis akong naantig sa artikulong “Masasakit na Salita, Sama ng Loob.” Sa buong buhay ko ay naging malupit na ang aking paghatol sa aking sarili. Nalulugod akong mabatid na sa halip na may kalupitang humatol, buong-pagmamahal na sinisikap ninyong matulungan ang lahat ng dumaranas ng pagdurusa. Sana’y patuloy kayong pagpalain ni Jehova at patnubayan ang pagsulat ng mga artikulong totoong kapaki-pakinabang at nakagiginhawa.
L. D., Canada
Sana’y mabuksan ng mga artikulong ito ang mga mata ng iba sa ugat na dahilan ng karamihan sa panloob na kaligaligan na nararanasan ng marami sa atin. Salamat sa pagtalakay sa paksang ito.
L. B., Estados Unidos
Ang mga artikulong gaya nito ay nakatutulong sa akin na mapagbuti pa ang pagganap ng aking trabaho bilang guro sa isang nursery school. Isang libong pasasalamat sa pagpapanatili sa amin na kaagapay ng panahon at sa pagtulong sa amin na sumulong.
G. R., Mexico
Nabigyan ako ng pag-asa ng mga artikulo. Ako’y mula sa isang magulong pamilya at madalas na nadarama kong hindi ako karapat-dapat maglingkod kay Jehova at mag-alaga sa aking maliit na anak na babae. Pagsisikapan kong mabuti na maikapit ang mga mungkahi sa artikulo. Salamat sa pagmamalasakit.
A. A., Estados Unidos