Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/8 p. 28
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinalot ng Kolera ang Silangang Aprika
  • Pagtulong sa mga Patay?
  • Radyoaktibong mga Hiyas
  • Kinaugalian sa Pagbabasa
  • “Binuo-sa-Sarili na Relihiyon”
  • Biglang Paglitaw ng Kolera—Isang Talaarawan ng Taga-Kanlurang Aprika
    Gumising!—1991
  • Ang Kinatakutang Sakit ng Ika-19 na Siglo
    Gumising!—2010
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/8 p. 28

Pagmamasid sa Daigdig

Sinalot ng Kolera ang Silangang Aprika

“Ang paglaganap ng kolera ay isa nang salot sa Silangang Aprika,” sabi ng balita ng Associated Press mula sa Nairobi, Kenya. Ang kolera, isang nakahahawang sakit sa bituka na sanhi ng malubhang diarrhea, ay maaaring ikamatay kung hindi magagamot. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit sa 61,000 katao sa Silangang Aprika ang nagkasakit nito noong 1997, at 2,687 ang iniulat na namatay. Ang paglaganap ng kolera ay pangkaraniwan na sa mga bansa na di-sapat ang kalinisan at pangangalagang medikal. Ang situwasyon ay lumalala kapag ang dumi ng tao ay tinatangay ng ulan patungo sa tubig na iniinom. Sinabi ni Dr. Maria Neira, puno ng task force ng WHO laban sa kolera, na hangga’t hindi nagkakaroon ng mga lagusan ng dumi at malinis na tubig sa lahat ng apektadong lugar, malamang na hindi lubusang maaalis sa rehiyon ang kolera.

Pagtulong sa mga Patay?

Sa Hong Kong, ang pagpapanatili ng magandang katayuan ay hindi laging natatapos kapag namatay ang isang tao​—para sa ilan ay nagpapatuloy pa rin ito hanggang sa Kabilang-buhay. Iyan ay dahil sa malaking bahagi ang ginagampanan ng pagsamba sa ninuno sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kulturang Tsino. Kaya, “kahit sa daigdig ng mga espiritu ay iniisip nila na napakahalagang magpakita ng kayamanan,” sabi ng isang may-ari ng tindahan na si Kwan Wing-ho. Upang matulungan ang naulilang mga kamag-anak at kaibigan na mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga namatay na minamahal, nagbebenta si G. Kwan ng papel na larawan ng sari-saring materyal na mga bagay, pati na ang mga mobile telephone, computer, microwave oven, at maging isang buong Mercedes Benz. “Ang mga bagay na ito ay sinusunog sa unang pitong araw pagkatapos ng kamatayan, sa mga anibersaryo, at kapag nanaginip ang isang kamag-anak na ang namatay ay kailangang mamili,” sabi ng isang balita ng Associated Press. “Magandang negosyo ito,” sabi ni G. Kwan, “dahil hindi maaaring bumalik ang parokyano upang magreklamo.”

Radyoaktibong mga Hiyas

Ang mga batong hiyas na ipinagbili sa isang mangangalakal sa Bangkok ay nagbunsod ng isang alarma sa pandaigdig na kalakalan nang matuklasan na ang mga ito ay radyoaktibo. Si Sahabudeen Nizamudeen, isang makaranasang negosyante ng hiyas, ay nakaaalam kung malaki ang kikitain sa isang transaksiyon. Kaya nang alukan siya ng isang mangangalakal na taga-Indonesia ng 50 cat’s-eye na ang presyo ay masyadong mababa sa normal na halaga ng mga ito, sinunggaban niya agad ito. “Ang bawat isa ay nagtataglay ng pinakamimithing kulay tsokolate, na hinahati ng natatanging bahid ng kinang na kahawig sa makitid na balintataw ng pusa,” ulat ng Asiaweek. Gayunman, lumabas na ang kinang ng mga hiyas ay may ibang pinagmumulan. Ang mga ito ay inilantad sa radyasyon upang patingkarin ang kulay ng mga ito nang sa gayo’y tumaas ang halaga. Isa pang bato, na natagpuan sa isang bilihan ng mga alahas sa Hong Kong, ang nakapagtala ng antas na lampas nang 25 beses sa hangganan ng ligtas na radyasyon sa Asia. “Hanggang sa ngayon, ang suliranin ay natuklasan lamang sa cat’s-eye na chrysoberyl,” sabi ng magasin.

Kinaugalian sa Pagbabasa

Sa aberids, ang mga taga-Brazil ay nagbabasa ng 2.3 aklat taun-taon, ulat ng Jornal da Tarde. Pagkatapos mag-aral, ang karamihan sa mga taga-Brazil ay hindi na nagbabasa ng mga aklat. “Ang totoong problema,” sabi ng kalihim ng Ministri ng Kultura, si Ottaviano de Fiore, “ay na 60 porsiyento ng mga aklat na binabasa sa Brazil ay sapilitang ipinababasa” sa mga bata sa paaralan. “Sa natitirang 40 porsiyento, ang karamihan ay mga aklat tungkol sa relihiyon at misteryo, mga aklat tungkol sa sekso, o mga aklat tungkol sa sariling-sikap,” sabi ng pahayagan. Hinggil sa mga kinaugalian sa pagbabasa, ganito ang sabi ni De Fiore: “Ang mga bata ay nagtitipun-tipon sa pamilya, sa paaralan, at sa palibot ng TV. Kung walang mahilig magbasa sa pamilya, hindi sila kailanman magkakaroon ng anumang pangganyak doon.” Sinabi pa niya: “Kung tungkol sa TV, ang pangganyak upang bumasa ang huling pinagkakaabalahan ng pangunahing mga istasyon.”

“Binuo-sa-Sarili na Relihiyon”

Maraming Latin Amerikano ang nagsasagawa ng “binuo-sa-sarili na relihiyon,” sabi ng sosyologong si Fortunato Mallimaci. Ang mga tao ay lumalayo na sa mga simbahan at mga doktrina, nakadarama ng kalayaang kumuha ng mga kurso sa yoga, nagbabasa ng isang aklat tungkol sa Silanganing mistisismo, dumadalo sa mga pulong kung saan nagpapagaling ang mga mangangaral, o pumupunta sa mga seremonyang Aprikano-Braziliano. “Hindi ito nangangahulugang ayaw na ng mga tao sa relihiyon. Naniniwala sila, ngunit binuo nila ang kanilang sariling relihiyon,” sabi ni Mallimaci. Nang magsalita sa harap ng Fourth Encounter of Lay Centres sa South Cone (ng Latin Amerika), sinabi ng sosyologo na “ang Katolisismo ay sumasailalim sa isang proseso ng muling pagbubuo ‘sa gitna ng malulubhang pagkakabaha-bahagi at mga alitan,’” ulat ng ENI Bulletin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share