Ang Pangglobong Pang-akit ng Musikang Latino
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
MAHIGIT na 400 milyong tao sa buong daigdig ang nagsasalita ng Kastila. Kasunod ng Mandarin at Hindi, mas maraming katutubo ang nagsasalita ng Kastila kaysa anumang ibang wika. Kung gayon, hindi kataka-taka na maraming tao ang pamilyar sa musika ng Latin Amerika. Ang mga tao sa buong daigdig ay nasiyahan na sa pakikinig o sa pagsasayaw sa indayog ng mambo, cha-cha, merengue, o salsa.
Bakit napakapopular ng musikang ito? Ito’y dahil sa masigla at masayang katangian nito. Gusto ng maraming Latino Amerikano ang mabilis at tropikal na mga indayog. Ang ilan sa mga kumpas ng indayog na ito ay ipinakilala sa Latin Amerika ng mga alipin buhat sa Kanlurang Aprika daan-daang taon na ang nakalipas. Totoo, hindi nagugustuhan ng ilang hindi Latino ang ilan sa mas mabibilis na himig na may paulit-ulit na mga hampas ng tambol.
Maaari ring maging mabagal at romantiko at malungkot pa nga ang musikang Latino. Halimbawa, sa tuwina’y naiibigan sa maraming bansa ang Latino-Amerikanong bolero. Ang bolero ay karaniwang itinatanghal ng mga triyo at kilala dahil sa romantiko at matulaing katangian nito. Palibhasa’y napakapopular noong mga taon ng 1940 at 1950, nagbabalik kamakailan ang bolero sa awitin ng mga kabataang mang-aawit. Kilala rin sa buong daigdig ang mga mariachis ng Mexico, na suot ang kanilang kaakit-akit na mga terno, malalaking sombrero, at sariling musika.
Merengue, Salsa, at Tex-Mex
Naging napakapopular ng merengue at salsa sa maraming bansa. Hindi na bago ang mga indayog na ito. Ang merengue ay buhat sa Dominican Republic at Haiti. Inilarawan ito bilang ‘napakabilis, paulit-ulit, nakahahawa, at nakalulugod.’ Ang salitang Kastila na merengue ay basta nangangahulugang merengue, ang kendi na gawa mula sa asukal at puti ng itlog na binatí ng husto. Pagkatapos masdan ang napakasiglang pag-indak ng ilang mananayaw ng merengue, madaling maunawaan ng isang nagmamasid na angkop nga ang pangalan.
Sa uri naman ng musikang salsa, may iba’t ibang indayog, karamihan ay buhat sa Cuba at Puerto Rico. Ang salitang Kastila na salsa ay nangangahulugang “sarsa.” Ayon sa ilan, ang salsa ay resulta ng pagsasama-sama ng musika na naganap sa New York City, kung saan nagsama-sama ang haluang mga tagapagtanghal mula sa lahat ng dako sa Caribbean. Mula roon ay kumalat ito sa buong daigdig.
Dahil sa asasinasyon noong 1995 kay Selena, isang Hispanikong mang-aawit sa Estados Unidos, ang kaniyang mga awit ay naging mas popular kaysa sa noong siya’y nabubuhay pa. Kilala siya bilang reyna ng musikang Tex-Mex, na inilarawan bilang isang kombinasyon ng country music ng Amerika at ritmong norteño (gawing hilaga ng Mexico). Ang mga himig na ito ay inaawit sa Ingles, Kastila, o Spanglish, pinaghalong Kastila at Ingles. Naging napakapopular ng musikang ito sa mga Latino sa Estados Unidos at Latin Amerika.
Isang Timbang na Pangmalas sa Musika at Pagsasayaw
Ang musika, gaya ng iba pang bagay na nagdudulot ng kaluguran, ay totoong kasiya-siya kapag pinag-ukulan nang katamtamang panahon. (Kawikaan 25:16) Maingat ang mga Kristiyano sa kanilang pagpili ng musika. Nagpapayo ang Bibliya: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Alam na alam na ang ilang awit ay may mga temang lapastangan, imoral, o sataniko pa nga. Apektado rin ng gayong nakasasamang impluwensiya ang musikang Latino.
Itinatampok ng ilang awit na Latino ang mahahalay na liriko. Ang ilan ay naglalaman ng dobleng kahulugan, samantalang ang iba naman ay erotiko o maliwanag na tungkol sa sekso. Hayagan ding itinatampok ang mga isyung pulitikal, karahasan, at paghihimagsik sa maraming awit. Halimbawa, ang musikang Mexicano na kilala bilang corrido ay malaon nang paborito ng maraming Latino. Subalit, kamakailan ay nagiging popular ang isang bagong uri ng corrido na kilala bilang narco corrido. Inilalahad ng mga awit na ito ang mararahas na kuwento ng mga ilegal na nagbebenta ng droga, na inilalarawan sila bilang mga bida. Itinataguyod din ng ilang awit na mariachi ang nakaiinis na mga tema, na lumuluwalhati sa paglalasing, kahigitan ng mga lalaki, o nasyonalismo. Gayunding pagkabahala ang umiiral tungkol sa mga liriko sa merengue, salsa, at iba pang uri ng musikang Latino.
Hindi naiintindihan ng ilang nasisiyahan sa musikang Latino ang mga liriko. Hindi nila namamalayang sila’y nasisiyahan na pala sa mga awit na nagtataguyod ng seksuwal na imoralidad, karahasan, o okulto pa nga. Maaaring hindi naman alintana niyaong mga nakauunawa ng Kastila ang liriko ng kahina-hinalang mga awit habang sumasayaw sa nakaaakit at masasayang indayog. Gayunman, ang taimtim na paggalang sa mga pamantayan ng Bibliya ay dapat na mag-udyok sa atin na suriing maingat ang lahat ng awit na pinatutugtog sa ating mga tahanan at sa sosyal na mga pagtitipon. Hahadlangan tayo nito na makinig o magsayaw sa indayog ng mga awit na naglalaman ng mga liriko na nakagagalit sa Diyos.
Dapat din tayong mag-ingat na huwag makatisod sa iba sa paraan ng ating pagsasayaw. (1 Corinto 10:23, 24) Ang mga Kristiyano ay nag-iingat na huwag magsayaw sa paraang nagwawala anupat naiwawala ang kanilang dignidad. Ni gugustuhin man nilang sumali sa pagsasayaw na kusang pumupukaw ng damdamin. Ang mga mag-asawa ay magpapakita ng matinong pagpapasiya upang ang kanilang pagsasayaw ay hindi maging isang di-angkop na lantarang paglalambingan.
Ang Kristiyanong pagkakatimbang ay nangangailangan din ng pagiging katamtaman pagdating sa lakas ng musikang pinatutugtog at sa haba ng mga sosyal na pagtitipon. Tiyak, ang mga mananamba ni Jehova ay maaaring masiyahan sa kanilang pinipiling musika nang hindi gumagawa ng “maiingay na pagsasaya” na tumatagal hanggang sa madaling araw at nagpapatugtog ng musikang nakabibingi. Nagpapayo ang Bibliya: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, mga kalibugan, mga pagpapakalabis sa alak, maiingay na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga ilegal na idolatriya.”—1 Pedro 4:3.
Sa kabila ng palasak na imoral na mga elemento sa libangan ngayon, marami pa ring iba’t ibang mabuting musika na maaaring ikasiya ng isa. Ang musika ay isang magandang regalo mula sa Diyos, at sinasabi ng Bibliya na may “panahon sa bawat bagay o layunin sa silong ng langit . . . , panahon upang magdalamhati at panahon upang magsayaw.” (Eclesiastes 3:1, 4, The Amplified Bible) Kung gusto mo ng masigla at masasayang musika, tiyak na masisiyahan kang makinig at magsayaw sa nakalulugod na mga indayog ng musikang Latino, na ginagawa ang gayon nang katamtaman at taglay ang Kristiyanong pagkakatimbang.—1 Corinto 10:31; Filipos 4:8.