Mula sa Aming mga Mambabasa
Malapit Na Bang Maglaho ang Morse Code? Maaaring magbigay ng maling impresyon ang balitang “Halos Naglaho Na ang Morse Code sa Loob ng 150 Taon,” na lumabas sa “Pagmamasid sa Daigdig.” (Agosto 8, 1997) Ang Morse code ay patuloy pa ring ginagamit sa mga radyong naghahatid ng mga hudyat sa mga eroplano at sa mga short wave na pakikipagtalastasan sa radyo.
H. K., Netherlands
Salamat sa iyong pagpuna rito. Tulad ng wastong napansin ng aming mambabasa, ang “paglaho” ng Morse code na aming iniulat ay espesipikong tumutukoy sa mga paglalayag sa dagat.—ED.
Tuberkulosis Aking napahalagahan ang seryeng “Tuberkulosis—Ang Pagbabalik ng Isang Mamamatay-Tao.” (Disyembre 22, 1997) Nagkaroon ako ng TB noong 1988 at ako’y gumaling. Tama ang inyong sinabi na dapat inumin ng mga pasyente ang kanilang gamot nang “hindi pumapalya ni minsan.”
Y. L., Pransiya
Napansin ng aking biyenang babae, na hindi naman relihiyosa, ang artikulo na nasa ibabaw ng aking mesa at binasa niya ito. Itinanong niya kung puwede niyang iuwi ito sa bahay. Nakapagpasakamay ako sa kaniya ng dalawang iba pang isyu ng Gumising! Salamat sa lahat ng inyong pagpapagal upang mailabas ang bawat magasin.
L. N., Estados Unidos
Nagkaroon ako ng TB 11 taon na ang nakaraan. Tumpak na tumpak ang impormasyong iniharap. Kung minsan, kapag aking binabasa ito ay para bang nadarama ko ulit ang aking naranasan. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa kaloob na buhay at sa regular na payong pangkalusugan na ating tinatanggap sa Gumising!
G. B., Italya
Ako ay nagkaroon ng sakit na ito at nagpagamot sa loob ng anim na buwan. Tinulungan ako ng inyong artikulo na magkaroon ng higit na kaalaman tungkol sa nakamamatay na sakit na ito. Higit sa lahat, natulungan ako nitong patibayin ang aking pananampalataya na ang Kaharian ng Diyos ang magdudulot ng pandaigdig na lunas sa suliraning ito.
P. P., Indonesia
Kuwento ng Buhay Nabagbag ang aking puso sa artikulong “Ang Parokyano ay Laging Tama.” (Disyembre 22, 1997) Tulad ni Wei Tung Chin, ako man ay mayroon ding anim na anak. Tumutulo ang aking mga luha habang isinasalaysay niya ang kaniyang kuwento. Alam kong ipinagmamalaki niya ang kaniyang mga anak at ang pamilya ng mga ito. Apat sa aking mga anak ang hindi pa yumayakap sa pagka-Kristiyano bilang paraan ng kanilang pamumuhay. Marahil, mararanasan ko rin balang araw ang uri ng kagalakan na kaniyang nadama.
E. H., Estados Unidos
Lagi kong nasusumpungang nakapagpapatibay ang mga kuwento ng buhay sa Gumising! Lubhang nabagbag ang aking damdamin sa kuwento ni Wei Tung Chin. Anong laki ng ating kagalakan na ang gayong mahahalagang indibiduwal ay bahagi ng isang bayan na tinitipon ni Jehova.
I. T., Alemanya
Maling Pangalan! Nais kong magpasalamat sa nakawiwiling artikulo na “Ang Kagandahan ng mga Pambansang Parke sa Alpino.” (Nobyembre 22, 1997) Yamang mahilig ako sa mga bundok at sa pagkuha ng mga larawan, natamasa ko na ang kasiyahan na makita at makunan ng larawan ang lahat ng mga hayop na inilahad ninyo sa artikulong ito. Gayunman, sa palagay ko ay may pagkakamali sa paliwanag para sa larawang nasa gawing itaas ng pahina 15. Sa tingin ko’y hindi mga chamois ang nasa larawan, kundi mga babaing ibex.
M. D. M., Italya
Gusto naming magpasalamat sa aming mambabasa sa kaniyang pagkasumpong sa pagkakamaling ito.—ED.
Moscow Salamat sa artikulong “Moscow—Ang Ika-850 Anibersaryo Nito.” (Disyembre 22, 1997) Nag-uumapaw ang pagkamapagpatuloy at pagiging palakaibigan ng mga Ruso. Personal ko itong naranasan noong 1989, nang 3,000 Ruso ang dumalo sa isang Kristiyanong kombensiyon sa Poland. Ang huling pahina ng isyung iyon, na nagpapakita ng isang kapatid na babaing Ruso na nangangaral sa lalawigan, ay nakapupukaw rin ng damdamin. Nawa’y tiyakin ni Jehova na marami pang taong nagsasalita ng Ruso ang maging mga mananamba niya!
I. L., Alemanya