Ang Relihiyon Ngayon sa Poland
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA POLAND
KILALA sa buong daigdig ang mga tao sa Poland sa pagiging napakarelihiyoso. Sa katunayan, halos 95 porsiyento ng populasyon ay nag-aangking Romano Katoliko.
Taimtim na isinasagawa ang relihiyosong mga pagdiriwang sa bansang ito at isang mahalagang bahagi ng pambansang tradisyon. Lalo na sa mga lalawigan, ang mga kapistahang relihiyoso ay maaaring maging totoong makulay at masaya, palibhasa’y nakasuot ng pambansang mga kasuutan ang mga kalahok at ang mga tao’y sumasali sa mga palaro.
Palaging itinatampok ng mga pahayagan ang mga pangyayaring ito, gayundin ang mga peregrinasyon sa kilalang mga dako ng pagsamba at relihiyosong mga prusisyon. Malaki rin ang pagpapahalaga sa mga okasyong gaya ng mga binyag, kasal, kapistahan ng mga santo, at unang Komunyon ng simbahan.
Noong 1978, si Karol Wojtyła, mula sa Poland, ay naging Papa John Paul II. Nagbigay ito ng higit pang pampasigla sa relihiyong Katoliko sa Poland. Malugod na tinatanggap ng nagbubunying karamihan ang kanilang kababayan kailanma’t dumadalaw siya sa kaniyang lupang tinubuan.
Ipinahihiwatig ng lahat ng relihiyosong gawaing ito sa mga tao sa labas ng Poland na ang mga Polako ay may matibay at ipinahahayag-sa-madla na pananampalataya. Subalit, ang mga Katolikong lider at iba pang nagmamasid sa Poland ay nababahala sa nagbabagong mga saloobin at kinaugalian ng dumaraming miyembro ng simbahan.
Ang Pangmalas ng Polako
May kakaibang pangmalas ang prominenteng mga kinatawan ng herarkiyang Katoliko sa Poland pati na ang mga peryodista at mga mananaliksik sa lipunan tungkol sa kalagayan ng relihiyong Katoliko sa Poland ngayon. Dahil sa dumadalas, mapuwersang pananalita ang naririnig sa kilalang mga tao bilang pagtugon sa lumalalang krimen, bumababang mga pamantayang moral, at umuunting interes sa doktrina at gawain ng simbahan. Umiikot ang talakayan sa tanong na, Anong epekto mayroon sa araw-araw na buhay ng tao ang popular na anyo ng pagsambang Romano Katoliko?
Halimbawa, binanggit ng Obispong Polako na si Józef Glemp ang paglago ng sekularismo sa mga tao at binanggit niya ang pangangailangan na salansangin ang daluyong ng neopaganismo sa bansa. Mas detalyadong pagsusuri sa kalagayan ang ibinigay ng manunulat na si Wojciech Chudy sa magasing Katoliko na Ład. Sabi niya: ‘Kailangang isaalang-alang natin ang isyu na nakababahala sa mga pari, sosyologo, at sikologo ng relihiyon sa nakalipas na mga taon—ang malinaw na pagkakaiba ng relihiyoso at pang-araw-araw na buhay. Nakikinig ka sa isang sermon, subalit sa sandaling lumabas ka ng simbahan, nakakalimutan mo na ang tungkol sa daigdig ng Diyos. Pumapasok ka sa ibang daigdig, isang daigdig ng ating pang-araw-araw na pakikipagpunyagi, kung saan ikaw ay namumuhay na parang walang Diyos.’
Ganito pa ang sinabi ni Arsobispo Henryk Muszyński, bise presidente ng Episcopal Conference: “Hindi nabago ng Ebanghelyo ang ating panloob na pagkatao. Kristiyano lamang sa estadistika ang mga Polako. Hindi maikakaila na minamalas ng karamihan ang Kristiyanismo bilang isa lamang kinaugalian sa halip na isang relihiyon.”
Nagbagong mga Simulain—Nagbagong Paggawi
Ipinakikita ng mga kapahayagang ito na ang nangungunang mga kinatawan ng simbahan ay nababahala tungkol sa napakalaking pagbabago na nangyari sa mga simulain at paggawi ng publiko. Ang isang dahilan ay waring napapalitan ng ibang mga pang-abala ang dating karaniwang relihiyosong debosyon.
Upang ilarawan, sa isang pag-aaral na pansosyolohiya, inuuna ng mga Polako sa kanilang buhay ang pamilya, sinusundan ng katapatan, katarungan, kabaitan, at pagkamaaasahan. Ang mga bagay na nauugnay sa Diyos at sa relihiyon ay ika-16 lamang. Bunga nito ay umuunti ang nagsisimba, kahit sa gitna ng marami na nag-aangking mga mananampalataya.
Nag-aalala rin ang mga obispong Polako sa mga estadistika na nagpapakita ng malaganap na pagwawalang-bahala sa mga turo ng simbahan. Halimbawa, sa isang surbey ni Irena Borowik ng Jagielloński University tungkol sa relihiyosong mga bagay, 50 porsiyento lamang ng mga tinanong ang nagsabi na naniniwala sila sa kabilang-buhay, 47 porsiyento ang may palagay na dapat payagang mag-asawa ang mga pari, at 64 na porsiyento ang sumasang-ayon sa diborsiyo.
Ipinakita ng isa pang pag-aaral, na inilathala sa magasing Wprost, na “kinokondena ng 69 na porsiyento ng mga Polako ang pagbabawal ng simbahan sa paggamit ng mga kontraseptibo, tinututulan ng 56 na porsiyento ang pagbabawal sa aborsiyon, at sinasang-ayunan naman ng 54 na porsiyento ang pagsisiping bago ang kasal.” Ipinababanaag ng mga bilang na ito ang kasalukuyang mga pagkakaiba ng kaisipan sa loob ng simbahan.
Ang simbahan ay lubhang pinahalagahan sa nakalipas na dalawang dekada dahil sa papel nito sa paglaban sa Komunismo. Subalit ngayon, ang patuloy na pagkasangkot ng simbahan sa mga isyung pampulitika at panlipunan ay waring pinagmumulan ng sama ng loob, anupat nagbubunga ng mas malalim na pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga miyembro ng simbahan at ng herarkiya ng simbahan.
Ano ang Tunay na Lunas?
Bago ang makasaysayang pulitikal na mga pagbabago noong 1989, ipinatupad ng pamahalaan ang espesipikong mga alituntunin ng paggawi. Karamihan dito ay hindi na umiiral. Ang bagong pulitikal na sistema ang nagpairal ng demokrasya at personal na kalayaan subalit ito rin ang nagpairal ng pakikipagpunyagi upang mabuhay sa isang ekonomiya ng malayang pamilihan. Inaakala ng marami rito na hindi pa handa ang lipunang Polako para sa gayong radikal na pagbabago. Ano ang kulang?
Nangangailangan ng pananampalatayang salig sa isang bagay na mas malalim kaysa sa relihiyosong kinaugalian o seremonya upang makaligtas sa moral at espirituwal na paraan sa daigdig ngayon. Ang bawat isa’y kailangang magkaroon ng pananampalatayang matatag na nag-uugat sa isang personal na pagkakilala at pagkaunawa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Inamin kamakailan ni Papa John Paul II mismo ang pangangailangan para sa mga Kristiyano na maging regular na mga mambabasa ng Sagradong Kasulatan. Inanyayahan niya ang mga tao na “linangin ang mas dibdiban at madalas na pagbasa sa Salita ng Diyos.” Sabi pa niya: “Mahalaga sa mananampalataya na matutong magbasa ng Sagradong Kasulatan: ito ang unang hakbang sa proseso, na nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay at, sa gayo’y nilalakipan ng taimtim na panalangin.” Pinasigla ng Papa “ang sinumang naghahanap ng katotohanan . . . na lumakad na pinakakain ang kaniyang sarili sa araw-araw sa pamamagitan ng tinapay ng Salita ng Buhay.”
Labinsiyam na dantaon na ang nakalipas, bago pa naging abala at mabuway ang buhay na gaya sa ngayon, hiniling ni Jesu-Kristo sa Diyos na ingatan ang kaniyang mga alagad mula sa nakapagpapahina sa espirituwal na mga impluwensiya sa paligid nila. Siya’y nanalangin: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) At ang dahilan kung bakit ang Bibliya “ay katotohanan” ay sapagkat ito ang Salita ng Diyos, hindi ng tao. Sumulat si apostol Pablo sa isang kongregasyon: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
Sapagkat ang Bibliya ay “salita ng Diyos” at “katotohanan,” makapaglalaan ito ng kinakailangan natin upang mapatibay ang ating mga sarili sa sekular na daigdig na ito. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Natutuklasan ng maraming taimtim at matatalinong tao sa Poland at sa buong daigdig na ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay nagbibigay ng matibay na saligan para sa pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang layunin. Ganitong uri ng pananampalataya ang nagbibigay sa kanila ng lakas upang mamuhay ng isang tunay na buhay Kristiyano sa daigdig ngayon na lalo pang nagiging sekular.
[Blurb sa pahina 16]
“Kristiyano lamang sa estadistika ang mga Polako.”—Isang arsobispong Polako
[Blurb sa pahina 17]
Laganap ang pagwawalang-bahala sa mga turo ng simbahan
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
POLAND