Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Kahalagahan ng Pag-iisa
MINSAN, si Jesus ay “umahon sa bundok nang bukod upang manalangin. Bagaman gabi na, siya ay naroong nag-iisa.” (Mateo 14:23) Sa isa namang pagkakataon, “nang maging araw na, siya ay lumabas at pumaroon sa isang liblib na dako.” (Lucas 4:42) Pinatutunayan ng mga kasulatang ito na sinikap at pinahalagahan ni Jesu-Kristo ang paminsan-minsang mga sandali ng pag-iisa.
Ang Bibliya ay nagsasabi pa ng ibang halimbawa ng mga lalaking, gaya ni Jesus, nagpahalaga sa pag-iisa. Sa panahon ng pag-iisa habang nagbabantay sa gabi, ang salmista ay nagbulay-bulay sa kadakilaan ng kaniyang Dakilang Maylalang. At sa kaso ni Jesu-Kristo, pagkarinig na pagkarinig niya sa balitang namatay si Juan Bautista, siya’y pumunta “sa isang liblib na dako upang mapabukod.”—Mateo 14:13; Awit 63:6.
Sa ngayon, dahil sa gulo ng modernong pamumuhay, ang pag-iisa, ito man ay di-sinasadya o sinasadya, ay isang bagay na hindi nabibigyan ng lubusang pagpapahalaga. Naaalaala mo ba kung kailan ka huling nagkaroon ng pagkakataong mapag-isa? Isang kabataang babae na may-asawa ang nagsabi: “Hindi pa ako kailanman napag-isa sa tanang buhay ko.”
Ngunit talaga bang kailangan ang pag-iisa? Kung oo, paano magagamit ang tahimik na mga panahon sa paraang kapaki-pakinabang at makabuluhan? At anong papel ang ginagampanan ng pagiging timbang sa pagnanais na mapag-isa?
Pag-iisa—Bakit Mahalaga?
Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na si Isaac, na noo’y isang lalaki ng Diyos, ay nagnais na mapag-isa “sa parang nang sumasapit ang gabi.” Bakit? “Upang magbulay-bulay,” sabi nito. (Genesis 24:63) Ayon sa isang diksyunaryo, ang pagbubulay-bulay ay “ang pag-iisip nang malalim o sa paraang di-nagmamadali.” Ito’y “nagpapahiwatig ng isang taimtim at mahabang panahon ng pagtutuon ng isip.” Para kay Isaac, na tatanggap ng mabigat na pananagutan, ang gayong di-nagagambalang pagbubulay-bulay ay nagpangyari sa kaniya na makapag-isip na mabuti, isa-isahin ang kaniyang mga panukala, at alamin ang dapat unahin.
Isang eksperto sa kalusugan ng isip ang nagsabi na hangga’t ‘nakokontrol ang kalungkutan, nagiging posible na maisa-isa natin ang ating mga panukala at lalong makapagtuon ng isip kapag walang ibang tao sa paligid.’ Marami ang makapagpapatunay na ito’y maaaring makapagpaginhawa, makapagpalakas, at makapagpalusog.
Kabilang sa kanais-nais na mga bunga ng pagbubulay-bulay ay ang pagkakaroon ng malawak na kaisipan at pagiging lubusang mahinahon, mga katangiang aakay sa matalinong pagsasalita at pagkilos, na nagiging dahilan naman upang magkasundo ang mga tao. Halimbawa, ang isang taong marunong magbulay-bulay ay maaari ring matuto kung kailan dapat manahimik. Sa halip na magpadalus-dalos sa pagsasalita, patiuna niyang isinasaalang-alang ang maaaring maging epekto ng kaniyang sasabihin. “Nakikita mo ba ang taong padalus-dalos sa kaniyang mga salita?” tanong ng kinasihang manunulat ng Bibliya. Patuloy niyang sinabi: “Mas may pag-asa pa sa isang mangmang kaysa kaniya.” (Kawikaan 29:20) Ano ang remedyo sa gayong walang-pakundangang paggamit ng dila? Sabi ng Bibliya: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”—Kawikaan 15:28; ihambing ang Awit 49:3.
Para sa Kristiyano, ang tahimik na pagbubulay-bulay na kaugnay ng pag-iisa ay isang mahalagang salik sa pagsulong sa espirituwal na pagkamaygulang. May kinalaman ang mga salita ni apostol Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Timoteo 4:15.
Gamitin ang Pag-iisa Upang Lalong Mapalapit sa Diyos
Sabi ng isang awtor na Ingles: “Ang pag-iisa ay isang pagkakataon upang makalapit sa Diyos.” Kung minsan, nadarama ni Jesus ang pangangailangang lumayo sa kaniyang kapuwa tao upang makapanalangin sa Diyos nang nag-iisa. Ang isang halimbawa nito ay inilarawan sa Bibliya: “Maaga sa kinaumagahan, samantalang madilim pa, siya ay bumangon at lumabas at umalis patungo sa isang liblib na dako, at doon ay nagpasimula siyang manalangin.”—Marcos 1:35.
Sa Awit, paulit-ulit na tinukoy ang pagbubulay-bulay ukol sa Diyos. Sa pakikipag-usap kay Jehova, sinabi ni Haring David: “Binubulay-bulay kita.” Ganito rin ang diwa ng mga salita ni Asap: “Bubulay-bulayin ko nga ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga pakikitungo ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 63:6; 77:12) Samakatuwid, ang pagdidili-dili sa mga katangian at pakikitungo ng Diyos ay nagdudulot ng mayayamang gantimpala. Pinag-iibayo nito ang pagpapahalaga sa Diyos, anupat pinapangyayari nito na ang isa’y mapalapit sa kaniya.—Santiago 4:8.
Kailangang Nasa Katamtaman
Mangyari pa, kailangang nasa katamtaman ang pag-iisa. Ang pag-iisa ay maaaring ilarawan bilang isang makabuluhang dako para sa pansamantalang pagdalaw ngunit isang mapanganib na lugar para manatili roon. Ang matagal na pag-iisa ay taliwas sa pangunahing pangangailangan ng tao na makisama, makipag-usap, at magpahayag ng pag-ibig. Isa pa, ang pag-iisa ay maaaring maging isang lupa na doo’y tumutubo ang mga dawag ng kahangalan at kaimbutan. Nagbabala ang kawikaan sa Bibliya: “Ang isang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na nasa; siya’y nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.” (Kawikaan 18:1) Upang maging timbang sa pagnanais na mapag-isa, dapat na makilala natin ang mga panganib ng pag-iisa.
Gaya ni Jesus at ng ibang espirituwal na mga lalaki noong panahon ng Bibliya, ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagpapahalaga sa kanilang mga sandali ng pag-iisa. Totoo, dahil sa maraming pananagutan at kaabalahan, ang pagkakaroon ng panahon at pagkakataon upang magbulay-bulay habang nag-iisa ay maaaring maging isang hamon. Gayunman, gaya ng sa lahat ng bagay na totoong mahalaga, dapat nating bilhin “ang naaangkop na panahon.” (Efeso 5:15, 16) Sa gayon, gaya ng salmista, masasabi natin: “Maging kalugud-lugod nawa ang mga salita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso sa harap mo, O Jehova.”—Awit 19:14.