Ang Simbahang Katoliko at ang “Holocaust”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
MULA pa noong 1987, may mga usap-usapan na tungkol sa mga plano ng Simbahang Katoliko na gumawa ng isang dokumento na umaamin sa pananagutan nito sa Holocaust. Kaya naroon ang matinding pag-asam nang ilabas noong Marso 1998 ng Vatican Commission for Religious Relations with the Jews ang dokumentong pinamagatang We Remember: A Reflection on the Shoah.a
Bagaman ang dokumento ay naunawaan ng ilan, marami ang hindi nasiyahan sa mga nilalaman nito. Bakit? Ano ang nasumpungan nilang hindi kanais-nais?
Kontra-Judaismo at Kontra-Semitismo
Pinagkakaiba ng dokumento ng Vatican ang kontra-Judaismo, kung saan inaamin ng simbahan ang pagkakasala, at ang kontra-Semitismo, na ikinakaila nito. Nasusumpungan ng marami na ang pagkakaiba at ang konklusyon na pinatutunguhan nito ay hindi kanais-nais. Ganito ang sabi ng Alemang rabbi na si Ignatz Bubis: “Para sa akin, waring sinasabi nito na hindi namin kasalanan ito; kasalanan ito ng iba.”
Bagaman tinatanggap ng Italyanong Katolikong mananalaysay na si Giorgio Vecchio ang pagkakaiba ng kontra-Judaismo at kontra-Semitismo, binabanggit niya na “problema rin ang pag-unawa sa kung paanong ang kontra-Judaismo ng Katoliko ay maaaring umakay sa paglaganap ng kontra-Semitismo.” Kapansin-pansin na inilathala ng pahayagan sa Vatican na L’Osservatore Romano, ng Nobyembre 22-23, 1895, ang isang liham na nagsasabing: “Sa diwa, sinumang taimtim na Katoliko ay kontra-Semitiko: gayundin ang pagkapari, dahil sa obligasyon sa doktrina at ministeryo.”
Gayunman, ang bahagi ng dokumento ng Vatican na pumukaw ng pinakamaraming pagpuna ay ang pagtatanggol sa mga ikinilos ni Pius XII, ang hinirang na papa noong bisperas ng Digmaang Pandaigdig II. Si Pius XII ay naglingkod bilang nuncio (kinatawan ng papa) sa Alemanya mula noong 1917 hanggang 1929.
Ang Pagsasawalang-Kibo ni Pius XII
Hindi inaakala ng huradong Italyano na si Francesco Margiotta Broglio na ang dokumento “ay nagbibigay ng bago o mga salik na nagpapaliwanag tungkol sa malawakang pinagdedebatihang usapin ng tinatawag na ‘pagsasawalang-kibo’ ni Papa Pius XII, tungkol sa sinasabing simpatiya niya para sa mga Aleman, at tungkol sa kaniyang diplomatikong pakikitungo sa rehimeng Nazi kapuwa bago at noong panahon ng kaniyang pagiging papa.”
Sumasang-ayon ang karamihan ng mga komentarista na anuman ang pangmalas ng isa sa kahulugan ng dokumentong We Remember, ang tanong kung bakit nagsawalang-kibo ang Simbahang Katoliko tungkol sa lansakang pagpatay sa mga kampong piitan ng Nazi ay “nananatiling pinagtatalunan pa.” Ayon sa Amerikanong mananalaysay na si George Mosse, sa pagsasawalang-kibo ay “nailigtas [ni Pius XII] ang simbahan subalit isinakripisyo ang moral na mensahe nito. Gumawi siya na parang pinuno ng Estado, hindi gaya ng isang papa.” Naniniwala ang mga may-kabatirang nagmamasid sa Vatican na ang nag-antala sa paglalathala ng dokumento ay ang problema sa kung paano tatalakayin ang papel ni Pius XII sa Holocaust.
Ikinagalit ng marami ang pagtatanggol ng dokumento kay Papa Pius XII. “Ang pananahimik tungkol sa ‘pagsasawalang-kibo ng papa’ ang nagpangyari sa dokumentong ito na maging hindi kasiya-siya,” ang sulat ni Arrigo Levi. Ganito ang sabi ni Elie Wiesel, nagwagi ng Gantimpalang Nobel para sa Kapayapaan noong 1986: “Para sa akin, waring ang paggiit na kaming mga Judio ay dapat na magpasalamat kay Pius XII ay taliwas sa katotohanan, sabihin na lamang natin sa mahinahong pananalita.”
Pagsisi sa Iba
Ginamit ng dokumento ang tradisyonal na pagkakaibang ginawa ng mga teologong Katoliko, na nagsasabing ang simbahan ay isang banal na institusyon at iningatan ng Diyos mula sa pagkakamali, samantalang ang mga miyembro nito, na mga makasalanan, ang maysala sa anumang nagawang kasamaan. Ang komisyon ng Vatican ay sumulat: “Ang espirituwal na pagtutol at ang nakikitang pagkilos ng ibang Kristiyano ay hindi siyang inaasahan mula sa mga tagasunod ni Kristo. . . . [Ang mga ito] ay hindi nagkaroon ng sapat na lakas upang hayagang ipahayag ang kanilang pagtutol. . . . Taimtim naming ikinalulungkot ang mga pagkakamali at mga pagkabigo ng mga anak na lalaki at babae ng Simbahan.”
Gayunman, ang paninisi sa isahang mga miyembro ng simbahan sa halip na aminin ito bilang isang institusyon para sa karamihan ay tila isang malaking pag-urong, kung ihahambing sa maliwanag na paghingi ng kapatawaran kamakailan. Halimbawa, ang Simbahang Romano Katoliko sa Pransiya ay naglabas ng isang pormal na “Deklarasyon ng Pagsisisi,” anupat humihingi ng kapatawaran sa Diyos at sa mga Judio para sa “kawalang-malasakit” ng Simbahang Katoliko sa pag-uusig sa mga Judio noong panahon ng digmaan sa ilalim ng pamahalaang Vichy ng Pransiya. Sa isang kapahayagang binasa ni Arsobispo Olivier de Berranger, inamin ng simbahan na pinahintulutan nito ang sarili nitong mga kapakanan na “palabuin ang pananagutan ayon sa Bibliya na igalang ang bawat tao na nilalang sa larawan ng Diyos.”
Sa bahagi ay binanggit ng deklarasyong Pranses: “Dapat kilalanin ng simbahan na kung tungkol sa pag-uusig sa mga Judio, at lalo na kung tungkol sa maraming hakbang na kontra-Semitiko na ipinag-utos ng mga kapangyarihang Vichy, namayani ang kawalang-malasakit sa pagkagalit. Naging karaniwang pamamaraan ang pagsasawalang-kibo, at ang pagsasalita pabor sa mga biktima ay bihira. . . . Sa ngayon, ipinahahayag namin na isang pagkakamali ang pagsasawalang-kibong ito. Inaamin din namin na nabigo ang simbahan sa Pransiya sa misyon nito bilang tagapagturo sa budhi ng mga tao.”
Mahigit nang 50 taon pagkatapos ng nakatatakot na trahedya ng Shoah, o Holocaust, hindi pa rin matanggap ng Simbahang Katoliko ang sarili nitong kasaysayan—isa na hindi maliwanag at walang kibo, wika nga. Subalit may ilan na hindi kailanman kailangang gumawa ng gayong hakbang. Hindi nagpakababa ang mga Saksi ni Jehova, isang minoryang relihiyon na malupit na pinag-usig ng mga Nazi, upang makipagkompromiso.
Gaya ng lalo pang lumiwanag nitong kalilipas na panahon lamang, kabaligtaran ng mga miyembro ng simbahan, tinuligsa ng mga Saksi ang kalupitan ng Nazi. At hindi lamang mga indibiduwal ang gumawa nito. Ginawa rin ito ng kanilang opisyal na mga tagapagsalita at mga publikasyon. Ganito ang paliwanag ng mananalaysay na si Christine King, pangalawang-pangulo ng Staffordshire University sa Inglatera: “Buong tapang na nagsalita ang mga Saksi ni Jehova. Buong tapang silang nagsalita mula sa simula. Buong tapang silang nagsalita nang may iisang tinig. At buong tapang silang nagsalita taglay ang matinding lakas ng loob, na may mensahe para sa ating lahat.”
[Talababa]
a Ang Shoah ay Hebreong pangalan para sa Holocaust, ang lansakang pagpatay ng mga Nazi sa mga Judio, Gitano, Polako, Slav, at iba pa noong Digmaang Pandaigdig II.
[Larawan sa pahina 26]
Si Papa Pius XII ay nagsawalang-kibo noong panahon ng Holocaust
[Credit Line]
U.S. Army photo