Pagmamasid sa Daigdig
Mga Sunog sa Kagubatan ng Mexico
Inilarawan bilang “isang sakuna sa ekolohiya” ang sunud-sunod na sunog sa kagubatan na hanggang noong kalagitnaan ng Abril ay sumupok na ng mga 140,000 ektarya sa Mexico. Hanggang sa panahong iyon, ayon kay Julia Carabias Lillo, ang kalihim ng pamahalaang pederal ng Mexico, mayroon nang mga 6,800 sunog ang naglagablab sa Mexico sa tinaguriang pinakamalubhang panahon ng sunog sa nakalipas na 57 taon. Bagaman higit sa katamtaman ang init ng temperatura at napakadalang ang pag-ulan, karamihan sa mga sunog ay “resulta ng kagagawan ng tao—bunga ng kamangmangan, ng iresponsabilidad, at maging ng gawaing-kriminal,” ang ulat ng pahayagang El Universal. Sinabi ni Octavio Escobar López, ang panrehiyong direktor ng Komite para sa Likas na Kayamanan: “Gugugol ng mga sampung taon upang maibalik ang lahat ng buhay-halaman at buhay-hayop na naiwala natin sa loob ng mahigit na tatlong araw lamang.”
Ehersisyo at Haba ng Buhay
“Ang mabilis na paglakad nang kalahating oras kahit anim na beses lamang sa isang buwan ay waring nakababawas ng 44 na porsiyento sa panganib na mamatay [nang maaga],” ang ulat ng The New York Times tungkol sa isang kamakailang pag-aaral sa haba ng buhay. Sinubaybayan ng mga mananaliksik sa Finland ang halos 8,000 pares ng kambal sa loob ng mga 19 na taon at nasumpungan nila na kahit ang mga paminsan-minsang nag-eehersisyo ay “nagtatagal ang buhay nang 30 porsiyento kaysa sa kanilang palaupong kakambal.” Makahulugan ang pag-aaral dahil isinaalang-alang ang henetikong mga salik sa pagtiyak sa ehersisyo. Ganito ang sinabi ni Steve Farrell, isang mananaliksik sa aerobics na hindi kasangkot sa pag-aaral: “Kahit na may depekto ang inyong mga gene, masidhing ipinahihiwatig ng pag-aaral na ito na ang higit na pagkilos ng katawan ay makatutulong sa inyo na mabuhay nang mas mahaba.”
Mabalahibong mga Kriminal?
Nadiskubre ng pulisya sa Timog Aprika ang isang operasyon sa pagpupuslit ng brilyante na ginagamitan ng mga ibon. Sinasabi ng pulisya na ang mga empleado ng isang minahan ng brilyante na pag-aari ng estado ay naglalagay sa mga baunan o sa maluluwang na damit ng mga kalapating sanay umuwi upang ipuslit ang mga ito papasok sa minahan. Doon ay nilalagyan nila ng brilyante ang mga ibon at pagkatapos ay pinalilipad ang mga ito, ang ulat ng Los Angeles Times. Ang mga kalapating sanay umuwi ay makapaglalakbay ng maraming milya na dala ang mga hiyas. Sa nakalipas na ilang taon, apat na ibon ang nahuli na may dalang kontrabandong brilyante. Sa isang pagkakataon, nasumpungan sa isang kalapating sanay umuwi ang anim na karat ng di-tabas na brilyante na nakatali sa ilalim ng mga pakpak nito. Hanggang sa kasalukuyan, mga 70 katao na ang naaresto dahil sa paggamit ng pamamaraang ito. Sinabi ng pahayagan na tinataya ng mga opisyal ng kompanya na halos 1 sa 3 naminang brilyante mula sa pinakasahig ng sinaunang ilog ay ninakaw ng di-matatapat na empleado.
Henetikong Inhinyeriya
Sa nakalipas na dekada, maraming natuklasan ang mga siyentista tungkol sa mga gene na ipinalalagay na kumokontrol sa masalimuot na mga katangian at karamdaman ng tao. Sinabi ng ilang siyentista na darating ang panahon, pangyayarihin nitong mabago ng tao ang mga gene at maalis ang di-kanais-nais na mga katangian. Halimbawa, iniulat ng The New York Times na sinasabi ni Lee Silver, isang biyologo sa Princeton University, na ang ating mga inapo ay magiging mas matatalino at mas malalakas at mabubuhay nang daan-daang taon. Gayunman, sinabi ni John Horgan, may-akda ng The End of Science: “Umaasa ang mga mananaliksik na mababago nila ang mga personalidad ng tao sa pamamagitan ng henetikong inhinyeriya. Subalit hanggang ngayon ay wala ni isa sa mga pag-aangking ito, na di-umano ang mga gene ay may kinalaman sa masalimuot na mga katangian, ang napatunayan ng sumunod na mga pag-aaral.” Kaya naman, sinabi pa ni Horgan: “Kung papansinin ang mga kabiguan at mga lehitimong tagumpay ng siyensiya, marahil kapuwa ang mga siyentista at mga peryodista ay makapaghaharap ng mas makatotohanan at mas tapat na paglalarawan sa tunay na mga pag-asa ng siyensiya.”
Hindi Na ba Gaanong Masustansiya ang mga Produktong Mula sa Bukid?
Hindi na ba gaanong masustansiya ngayon ang mga prutas at gulay dahil sa hindi na mataba ang lupa? Ayon sa mga siyentistang nagsusuri sa lupa, ang sagot ay hindi. Sinabi ng University of California Berkeley Wellness Letter: “Ang mga bitamina sa mga halaman ay ginagawa ng mga halaman mismo.” Samakatuwid, kung ang lupa ay kulang sa kinakailangang mga mineral, hindi lálakí nang husto ang mga halaman. Maaaring hindi mamulaklak ang halaman, o baka malanta na lamang at mamatay ito. Upang hindi ito mangyari, ang mga magsasaka ay gumagamit ng mga pataba upang ibalik ang mga mineral sa lupa. Ganito ang sabi ng Wellness Letter: “Kung ang mga prutas at gulay na binibili ninyo ay mukhang sariwa, makatitiyak kayo na taglay ng mga ito ang sustansiya na dapat makuha sa mga ito.”
Mga Bahay na Itinayo Nang Walang Kusina
Sa Australia, tinataya na kalahati ng lahat ng agahan, tanghalian, at hapunan ay kinakain sa labas ng bahay. Gayon na lamang ang epekto ng kausuhang ito anupat ang ilang apartment sa Sydney ay itinatayo nang walang kusina, ang ulat ng The Courier-Mail. Bukod dito, dahil sa 20 minuto lamang ang katamtamang ginugugol ng mga Australiano sa paghahanda ng pagkain, kinailangang suriing muli ng maraming supermarket sa Australia ang uri ng mga pagkaing itinitinda ng mga ito. Ang manedyer ng isang supermarket na may maraming sangay sa Sydney ay nagsabi na ang Australia ay sumusunod sa isang kausuhan na karaniwan na sa Estados Unidos, kung saan ang karamihan ay kumakain na lamang sa labas ng bahay.
Krimen at Pagtatangi ng Lahi
Ang kamakailang pagdami ng krimen sa Gresya ay isinisi ng ilan sa pagdagsa ng mga nagsilikas at mga dayuhan mula sa Silangang Europa at sa Balkans, lalo na mula sa Albania. Sinabi ni Richardos Someritis, isang kolumnista para sa pahayagang To Vima, na ang pagkabahala sa pagdaming ito ng krimen ay nagbunga ng isang uri ng ‘pagkapoot sa mga dayuhan at malimit na alitan ng lahi’ sa bansang ito. Gayunman, ipinakita na ang mga dayuhan ay hindi higit na napapasangkot sa masasamang gawa kung ihahambing sa mga Griego. Halimbawa, ipinakikita ng mga surbey na “96 sa 100 krimen ay gawa ng [mga Griego],” ang ulat ng pahayagan. “Ang mga krimen ay sanhi ng suliranin sa kabuhayan at sa lipunan,” ang sabi ni Someritis, “hindi sa ‘lahi.’ ” Sinisisi rin niya ang media “sa sistematikong pagpukaw ng pagkapoot sa dayuhan at pagtatangi ng lahi” sa pamamagitan ng may-kinikilingang pagbabalita tungkol sa krimen sa Gresya.
Nagmamasid ang Malaking Chip
Ang mga mananakbo na nagpapaligsahan sa Boston Marathon sa taóng ito ay may maliit na karagdagang dala-dalahan sa buong 42,195-metrong takbuhan—isang microchip. Ayon sa magasing InformationWeek, upang masubaybayan ang kanilang pagtakbo, lahat ng nakarehistrong mananakbo ay kinabitan ng elektronikong chip sa kanilang damit. Ang mga chip ay nakaprograma para “basahin ng mga radio frequency receiver na inilagay sa bawat ikalimang kilometro [tatlong milya].” Pagkatapos, ang bilis ng mga mananakbo ay ipinababatid sa punong-tanggapan ng takbuhan, na doo’y ipinapasok naman ang mga ito sa Internet. Hindi lamang masusubaybayan ng mga tagahanga sa marathon ang kanilang paboritong mananakbo kundi nahahadlangan din ng bagong teknolohiyang ito ang sinumang mananakbo na nagtangkang mandaya sa pamamagitan ng hindi pagtakbo sa buong takbuhan.
Muling Natuklasan sa Tsina ang Bihirang Usa
“Ang pulang usa ng Tibet, na inakalang hindi na umiiral nang mahigit na 50 taon, ay muling natuklasan sa Shannan Prefecture sa Autonomous Region ng Tibet,” ang ulat ng China Today. Sa loob ng maraming taon, ang bilang ng pulang usa, na may taas na 1.2 metro at tumitimbang ng mga 110 kilo, ay lubhang pinaunti ng mga mangangaso na naghahangad sa mahahalagang sungay ng mga ito. Ikinamatay rin ng mga usa ang digmaan at ang mga pagbabago sa kapaligiran. Tinataya na kulang pa sa 200 ang natitira sa magagandang usang ito, at ang mga ito ay nakatala bilang nanganganib malipol na mga uri ng hayop.
Mga Laro Para sa Isip
Sinubok ng mga kalahok sa kauna-unahang U.S. National Memory Championship ang kanilang husay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa limang laro para sa isip. Kasali sa mga pagsubok ang pagmememorya ng 100 mukha ng karaniwang tao, pagsasaulo ng tula na may 50 taludtod (kasali na ang mga bantas), pag-alaala sa 125 pangngalang Ingles (ayon sa pagkasunud-sunod), pagmememorya sa isang talaan ng mga numerong hindi sunud-sunod, at pag-alaala sa pagkakasunud-sunod ng isang salansan ng 52 baraha (na binalasa muna at itinaob). Pinahanga ng isang kalahok sa paligsahan, si Wallace Bustello, ang kaniyang mga katunggali sa pamamagitan ng pagmememorya sa 109 na sunud-sunod na numero na basta na lamang pinili nang isa-isa. Subalit ang pangkalahatang kampeon ay ang 26-na-taong-gulang na si Tatiana Cooley. Ayon sa Daily News ng New York, siya at ang kaniyang ama, na gumagawa ng mga programa ng mga satelayt para sa isang kompanya ng mga sasakyang pangkalawakan, ay nagtatagisan ng pagsubok sa memorya kapag nasa bahay. “Kadalasan ay nananalo ako,” ang sabi ni Tatiana.
Kapistahan sa Ilog Ganges
Milyun-milyong Hindu ang naglublob sa Ilog Ganges noong Abril habang sumasapit sa kasukdulan ang Kumbh Mela o kapistahan ng pitsel. Ang Kumbh Mela ay isang tatlong-buwang kapistahan ng mga Hindu na doo’y ipinagdiriwang ang kaloob na imortalidad. Ang kapistahan ay ginaganap tuwing ikatlong taon at halinhinang idinaraos sa apat na lunsod ng India kung saan, ayon sa alamat, nahulog sa lupa ang nektar ng imortalidad nang ang mga diyos at mga demonyo ay naglaban sa langit para maangkin ito. Noong nakalipas, ang pagdaragsaan ng mga tao upang makaligo sa sagradong katubigan ng India ay nagbunga ng kamatayan ng marami.