Aids—Ano ang Pag-asa sa Kinabukasan?
BUKOD sa kawalan ng mga gamot upang malunasan o mahadlangan ang pagkahawa sa HIV, may ilang salik na humahadlang sa pagsugpo sa karamdamang ito. Isa sa mga ito ang bagay na maraming tao ang handang sumuong sa panganib na mahawahan, palibhasa’y ayaw nilang baguhin ang kanilang istilo ng pamumuhay. Halimbawa, sa Estados Unidos, nananatili pa rin ang antas ng bilang ng mga nahahawahan, sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga taong may malalang AIDS. Ang dahilan na ipinahiwatig ng Associated Press ay ang bagay na “maraming tao ang hindi nakikinig sa mga babala tungkol sa pag-iingat.”
Sa mga nagpapaunlad na bansa sa daigdig, iniulat na tahanan ng mga 93 porsiyento ng mga nahawahan ng HIV, may karagdagang mga suliranin sa pagharap sa karamdamang ito. Marami sa mga bansang ito ang gayon na lamang kahirap para man lamang maglaan ng pangunahing mga serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan. Kahit na magkaroon ng mga bagong gamot sa mga lupaing iyon—at kadalasan ay wala—ang halaga ng paggamot sa isang taon ay higit pa sa kinikita ng maraming tao sa buong buhay nila!
Gayunman, ipagpalagay natin na nakagawa ng isang bago at di-mamahaling gamot na talagang lulunas sa karamdaman. Makararating kaya ang gayong gamot sa lahat ng nangangailangan nito? Malamang na hindi. Bawat taon, ayon sa United Nations Children’s Fund, mga apat na milyong bata ang namamatay sa mga sakit na maaari namang mahadlangan sa pamamagitan ng di-mamahalin at mabibili na mga bakuna.
Kumusta naman ang mga taong nahawahan na nakatira sa mga bansa na kung saan hindi sila makakuha ng gamot? Si Ruth Mota, ng International Health Programs sa Santa Cruz, California, ay tumulong na mag-organisa ng mga programa sa paghadlang sa HIV at pangangalaga sa maraming nagpapaunlad na mga bansa. Sabi niya: “Buhat sa aking karanasan, ang isang positibong saloobin ay kasinghalaga ng pagkakaroon ng medikasyon. May kilala akong mga tao na 10 hanggang 15 taon nang may HIV at hindi kailanman uminom ng gamot. Nakatutulong ang medikasyon, ngunit higit pa ang nasasangkot sa paggaling kaysa sa pagpapasok lamang ng mga kemikal sa iyong katawan. Nasasangkot dito ang saloobin, suporta ng lipunan, espirituwalidad, at nutrisyon.”
Magkakaroon ng Lunas
May dahilan ba para maniwalang masusugpo ang AIDS balang araw? Oo, mayroon. Ang pinakamagandang pag-asa ay nasa mga salita ng tinatawag ng marami na Panalangin ng Panginoon o Ama Namin (Paternoster). Sa panalanging iyan, na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Mateo, hinihiling natin na maganap nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paanong gayon sa langit. (Mateo 6:9, 10) Hindi kalooban ng Diyos na salutin ng karamdaman ang mga tao magpakailanman. Sasagutin ng Diyos ang panalanging iyan. Sa paggawa nito, wawakasan niya hindi lamang ang AIDS kundi pati ang lahat ng iba pang karamdaman na sumasalot sa sangkatauhan. Kung magkagayon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit.’”—Isaias 33:24.
Samantala, ang pinakamagaling na paraan ay ang pag-iingat. Sa maraming karamdaman, may dalawang mapagpipilian: Maaari mong hadlangan o kaya’y gamutin ang mga ito. Sa HIV, walang gayong mapagpipilian. Mahahadlangan ito, ngunit hindi magagamot sa kasalukuyan. Bakit mo isasapanganib ang iyong buhay? Ang pag-iingat ay talagang mas mabuti kaysa sa walang lunas.
[Blurb sa pahina 9]
“Higit pa ang nasasangkot sa paggaling kaysa sa pagpapasok lamang ng mga kemikal sa iyong katawan. Nasasangkot dito ang saloobin, suporta ng lipunan, espirituwalidad, at nutrisyon.”—Ruth Mota
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
“Napakabait ng Kongregasyon”
Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Inilahad ng ina ni Karen, na nabanggit sa unang artikulo, kung paano tumugon ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova nang malaman nila na sina Karen at Bill ay may HIV. Sabi niya: “Napakabait ng kongregasyon. Nang magkasakit si Bill ng pulmonya, si Karen ay may sakit din at nagpupunyagi sa pag-aalaga sa kaniya at sa mga bata. Nilinis ng mga kapatid ang kanilang bahay, kinumpuni ang kanilang kotse, at nilabhan ang kanilang mga damit. Tumulong sila sa pag-aasikaso ng mga papeles at sa paglipat sa ibang tahanan. Sila’y nagdala at nagluto ng pagkain para sa kanila. Nagkaroon ng saganang taimtim na pag-alalay sa emosyonal, espirituwal, at materyal na paraan.”
[Larawan sa pahina 8]
Ang katapatan ng mag-asawa sa isa’t isa ay maaaring makahadlang sa pagkahawa sa HIV