Pagmamasid sa Daigdig
Naglalahong Maulang Gubat
Ang maulang gubat sa Amazon ay patuloy na naglalaho nang napakabilis. Sa nagdaang tatlong taon, 1.9 milyong ektarya ang naglaho bawat taon, na katumbas ng halos “pitong football field sa isang minuto,” ang ulat ng magasing Natural History. Pagkatapos alisin sa lupain ang mahahalagang kahoy, ang natitirang pananim ay karaniwang sinusunog upang magkaroon ng matatamnan. Gayunman, “habang ang mga puno at iba pang halaman ay nasusunog o nabubulok dahil sa mga mikroorganismo, ang mga ito’y naglalabas ng napakaraming carbon dioxide, methane, at nitrous oxide sa atmospera, na nagpapatindi sa greenhouse effect.” Ang epekto ng paglalabas ng mga gas na ito ay maaaring “katumbas ng pagsira sa karagdagan pang 1 hanggang 3 milyong akre ng maulang gubat bawat taon,” ang sabi ng magasin.
Ang Kababaihan at ang Sakit sa Puso
Hanggang noong dekada ng 1960, ang sakit sa puso ay pangunahing karamdaman ng kalalakihan sa Brazil, ulat ng magasing Veja. Gayunman, nagbago ang takbo ng mga bagay nang ang mga babae ay magtrabaho. Nang mahantad ang mga babae sa katulad na mga “kaigtingan, paninigarilyo at mga pagkain sa fast food” dahil sa pagtatrabahong tulad ng mga lalaki, dumami ang mga babaing nagkakasakit sa puso. Bagaman ipinalalagay ng ilan na ang mga babae ay may hormon na siyang nag-iingat sa kanila laban sa mga sakit sa puso, “pagkalipas ng edad na 35, ang hormon na nag-iingat sa kanila ay umuunti, anupat nahahantad ang mga babae sa gayunding antas ng panganib gaya ng mga lalaki,” sabi ng magasin. Noong 1995, dalawang ulit na mas mataas ang bilang ng mga babaing taga-Brazil na namatay sa atake sa puso kaysa sa pinagsamang mga namatay sa kanser sa suso at kanser sa matris.
Pagkawasak ng Pamilya sa Bolivia
Mahigit sa 70 porsiyento ng mga taga-Bolivia ang namumuhay sa karalitaan, ang ulat ng Bolivian Times. Bilang resulta, maraming bata “ang lumalayas sa kanilang wasak na tahanan para mamuhay sa posibleng mas malupit na kapaligiran sa lansangan.” Doon ay nahahantad sila sa cocaine at iba pang mga sinisinghot gaya ng tiner ng pintura at pandikit. Tinataya na 88 porsiyento ng gamot sa Bolivia ay inuubos ng mga kabataang nasa pagitan ng 5 at 24 na taóng gulang. Kaya naman ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay tumaas ng halos 150 porsiyento sa nakalipas na 15 taon. Ayon sa Times, “ipinalalagay ng marami na ang sanhi ng pagtaas na ito ay ang pagkawasak ng tradisyonal na kaayusan ng pamilya.”
Natuklasang May Bigat ang Neutrino
Ang neutrino ay isang pagkaliit-liit na subatomikong tipik na walang electric charge, kumikilos na halos kasimbilis ng liwanag, at halos bihirang humalo sa anumang uri ng bagay. Ang mga neutrino diumano’y madaling humaginit nang deretso sa lupa nang walang tinatamaan na kahit isa mang atomo. Magkagayunman, ang mailap na mga tipik na ito ay pinag-ukulan ng pansin kamakailan sa buong mundo nang ipahayag ng mga siyentipiko sa Takayama, Hapon, na natuklasan nila na ang neutrino ay nagtataglay ng bigat. Yamang ang sansinukob ay punô ng mga neutrino, tinitiyak ng ilang siyentipiko na ang pinagsama-samang bigat ng mga ito ay sapat na makadaragdag sa bigat ng uniberso upang mapabagal ang paglawak nito.
Sinaunang Sintetikong Bato
Natuklasan ng mga arkeologo ang kauna-unahang katibayan ng gawang-taong bato, sa Mashkan-shapir, isang sinaunang lunsod na ang mga labí ay matatagpuan sa dako na ngayon ay timugang Iraq. Sinasabi ng mga heologo at mga arkeologo na nagawa ang bato sa pamamagitan ng pagpapainit sa burak mula sa mga ilog ng Tigris at Eufrates hanggang sa ito’y matunaw at pagkatapos ay unti-unti itong palalamigin “upang makagawa ng tipak na kasintigas ng bato na katulad ng isang uri ng batong mula sa bulkan na tinatawag na basalto,” ang ulat ng The New York Times. Nagkulang noon ng likas na materyales sa pagtatayo sa lugar na iyon, kaya “waring gumawa ng marami-raming [sintetikong basalto] bilang pamalit sa likas na basalto.” Ang gawang-taong bato ay ginamit sa pagtatayo ng Mashkan-shapir mga 4,000 taon na ang nakalilipas.
Mga Pag-iingat Habang Nagluluto
Mula noong 1990 hanggang 1994, ang pinakamadalas na dahilan ng pagkamatay ng mga babaing nasunog na nasa Sumner Redstone Burn Center sa Massachusetts General Hospital ay ang damit na nadilaan ng apoy habang ang biktima ay nagluluto, ang sabi ng Tufts University Health & Nutrition Letter. Kadalasan, ang mga biktima ay mga babaing nasa kanilang edad na mga 60 o mas matanda pa at na ang maluluwang na manggas nila ay sumayad sa apoy ng lutuan habang kanilang inaabot ang takurí. Iminungkahi ang mga sumusunod upang maiwasan ng mga tao ang malulubhang pagkasunog. Habang nagluluto, (1) huwag magsuot ng mga bata de banyo o iba pang maluluwang na damit, (2) gamitin ang mga kalan na nasa unahan hangga’t maaari upang mabawasan ang pagkakataong masunog habang inaabot ang mga kaldero o kawali, (3) magsuot ng mga damit na hindi nasusunog.
Huwag Lamang ang mga Bata ang Papuntahin
Nang magreklamo ang isang estudyanteng nasa ikatlong baitang sa isang klase na nagtuturo ng relihiyon na napakaraming kautusan daw para sa mga bata subalit wala man lamang para sa mga nasa hustong gulang, tumugon ang guro sa pamamagitan ng paghiling sa klase na isulat ang kanilang sariling Sampung Utos para sa mga nasa hustong gulang. Ayon sa lingguhang babasahin ng mga Katoliko sa Alemanya na Christ in der Gegenwart, karamihan sa mga mág-aarál ay palaisip sa kabutihan, kapayapaan, pagkamakatarungan, katapatan, at pagiging totoo. Ganito ang mababasa sa talaan ng isang bata: “1. Huwag magtatangi. 2. Huwag magalit nang husto. 3. Huwag kaming apurahin. 4. Huwag kaming laging istorbohin. 5. Huwag kaming pagtawanan. 6. Huwag kaming pilitin. 7. Aminin na kami’y tama paminsan-minsan. 8. Huwag gumawa ng sarili ninyong patakaran. 9. Makipagkasundo sa isa’t isa. 10. Kayo mismo’y magsimba, at huwag lamang ang mga bata ang papuntahin.”
Isang Kapahayagan ng Pag-ibig?
“Ang pag-ibig at pagiging handang makipagtalik ay magkaugnay para sa mga kabataang lalaki,” ang sabi ng isang ulat sa suplemento ng pahayagang Witness Echo sa Timog Aprika, “at kung tumanggi ang mga nagdadalaga na makipagtalik malamang na sila’y mabugbog.” Isiniwalat ng isang pananaliksik tungkol sa mga tin-edyer sa isang bayan sa Cape Town na “kinokontrol ng kalalakihan ang pakikipagrelasyon, anupat malimit na nandarahas upang piliting makipagtalik sa kanila ang mga kabataang babae.” Ipinakita ng isang pagsusuri na 60 porsiyento ng mga kabataang babae ang nabugbog ng kanilang mga kapareha, kahit nakikipag-usap lamang sa ibang lalaki. “Palasak na ang pisikal na pananakit,” ang sabi pa ng ulat, “anupat itinuturing ng karamihan sa kanilang mga kaedad na babae na ito’y isang kapahayagan ng pag-ibig.”
Nakaiimpluwensiya ang Musika sa mga Mamimili
Sa Inglatera, natuklasan ng isang grupo ng mga sikologo mula sa University of Leicester na ang naririnig na musika ay nakaiimpluwensiya sa pagpili ng mga bumibili ng alak. “Nang patugtugin ang musikang Pranses sa akurdiyon, naging mas mabili ang alak na Pranses kaysa iba’t ibang klase ng alak na Aleman sa proporsiyon na lima sa bawat isa,” ang sabi ng magasing National Geographic. “Subalit nang patugtugin naman ang musikang Aleman na karaniwan sa mga dakong inuman ng serbesa, dalawang bote ng alak na Aleman ang binili ng mga mamimili sa bawat isang bote ng alak na Pranses.” Kapuna-puna, kakaunting mamimili ang nakapansin na “may ginampanang bahagi ang musika sa kanilang pagpili,” sabi ng isa sa mga mananaliksik.
Ang Mabuting Aspekto ng El Niño
Ang mainit na tubig na dulot ng likas na pangyayaring tinatawag na El Niño ay siyang “sinisi sa lahat ng bagay mula sa nakamamatay na mga bagyo sa Estados Unidos hanggang sa naglalagablab na mga sunog sa Brazil at mahinang ani ng kape sa Kenya,” ulat ng Reuters. Gayunman, sa kabila ng mga bagyo at tagtuyot, sinasabi ng mga eksperto na may mabuti ring nagawa ang El Niño. Ayon sa ulat, ang aanihing kape ng Brazil ay “tinatayang aabot ng 35 milyong sako sa panahong ito, ang pinakamalaki sa loob ng isang dekada,” at “ang di-inaasahang pag-ulan sa di-inaasahang mga lugar ang nakaragdag ng tubig sa mga imbakan ng tubig at mga aquifer sa ibayo ng mundo.” Ganito ang sinabi ni Ants Leetmaa, direktor ng U.S. Climate Prediction Center: “Ang tubig ay problema sa kalakhang bahagi ng daigdig. Karamihan sa mga lugar na ito ay nangangailangan ng tubig. . . . Inaasam-asam ng mga nangangasiwa sa tubig ang El Niño.”
Nagsisikap na Maibalik ang mga Miyembro ng Kawan
Tinatayang 1,500 katao ang lumilisan sa mga simbahan sa United Kingdom linggu-linggo. Bagaman mahigit sa 50 porsiyento ng populasyon ay nag-aangking Kristiyano, halos 10 porsiyento lamang ang palagiang nagsisimba. Bakit? Ang mga simbahan sa United Kingdom ay “malimit na ireklamong walang silbi, walang pakialam at nakababagot,” ang sabi ng klerigong si Steve Chalk. Sa pagsisikap na “himukin ang mga tao na bumalik sa simbahan,” ang Arsobispo ng Canterbury at ang Arsobispo ng Westminster ay “sumusuporta sa bagong hakbang na nilayong tumulong sa mga simbahan na higit na maging mainit sa pagtanggap, makabuluhan at mapanghamon,” ang ulat ng BBC News. Inaasahan ng mga simbahan na maisasakatuparan ang “10 praktikal na mga tunguhin” sa Enero 2, 2000. Kasali sa mga ito ang: “Tatanggapin namin kayo, kami’y magiging mapagmalasakit sa pamilya, titiyakin naming kayo’y makakapakinig nang mabuti, . . . tutulungan namin kayong magsaliksik sa mga kasagutan sa inyong malalalim na katanungan, . . . titiyakin namin na ang inyong pagdalaw ay magiging kapaki-pakinabang subalit mapanghamon.”