Kalayaan sa Relihiyon—Pagpapala o Sumpa?
Ang pasimula ng ideya tungkol sa kalayaan sa relihiyon ay may kaakibat na matinding pagdaramdam sa Sangkakristiyanuhan. Isa itong pakikipagpunyagi laban sa pagiging dogmatiko, pagtatangi, at kawalan ng pagpaparaya. Sumawi ito ng di-mabilang na libu-libong buhay sa madugong relihiyosong mga digmaan. Ano ang itinuturo sa atin ng mapait na kasaysayang ito?
“ANG pag-uusig ay naging isang namamalaging katotohanan sa kasaysayan ng mga Kristiyano,” sulat ni Robin Lane Fox sa aklat na Pagans and Christians. Ang unang mga Kristiyano ay tinawag na isang sekta at pinaratangan na nagsasapanganib sa kaayusan ng bayan. (Gawa 16:20, 21; 24:5, 14; 28:22) Bunga nito, ang ilan ay nagbata ng pagpapahirap at pinatay ng mababangis na hayop sa mga Romanong arena. Sa harap ng gayong mapait na pag-uusig, ang ilan, gaya ng teologong si Tertullian (tingnan ang larawan sa pahina 8), ay nagsumamo para sa kalayaan sa relihiyon. Noong 212 C.E., siya’y sumulat: “Isa itong mahalagang karapatang pantao, isang likas na pribilehiyo, na ang bawat tao ay dapat sumamba ayon sa kaniyang sariling mga paniniwala.”
Noong 313 C.E., nagwakas ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa daigdig ng Romano sa ilalim ni Constantino, sa pamamagitan ng Kautusan ng Milan, na nagkakaloob ng kalayaan sa relihiyon kapuwa sa mga Kristiyano at mga pagano. Ang pagiging legal ng “Kristiyanismo” sa Imperyong Romano ang siyang nagwakas sa daluyong ng mga pag-uusig. Gayunman, noong mga 340 C.E., hiniling ng isang nag-aangking Kristiyanong manunulat ang pag-uusig sa mga pagano. Sa wakas, noong 392 C.E., sa pamamagitan ng Kautusan ng Constantinople, ipinagbawal ni Emperador Theodosius I ang paganismo sa loob ng imperyo, at maagang namatay ang kalayaan sa relihiyon. Dahil sa ang Romanong “Kristiyanismo” ang siyang relihiyon ng Estado, ang Simbahan at ang Estado ay nagsimula ng isang kampanya ng pag-uusig na tumagal ng mga dantaon, anupat naabot ang sukdulan nito sa madugong mga Krusada noong ika-11 hanggang ika-13 siglo at sa kalupitan ng mga Inkisisyon, na nagsimula noong ika-12 siglo. Yaong mga nangahas na tumutol sa tatag na paniniwalang ortodokso, sa monopolyo ng doktrina, ay inuri bilang mga erehes at pinaghahanap na katulad ng pagtugis sa mga mangkukulam noong panahong iyon. Ano ang nasa likuran ng mga pagkilos na ito?
Ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon ay pinayagan dahil umano sa pagkakaisa ng relihiyon ay nabubuo ang pinakamatibay na pundasyon para sa Estado at na ang mga pagkakaiba sa relihiyon ay nagsasapanganib sa kaayusan ng bayan. Sa Inglatera, noong 1602, isa sa mga ministro ni Reyna Elizabeth ay nangatuwiran: “Ang Estado ay hindi kailanman ligtas kapag ipinahihintulot nito ang dalawang relihiyon.” Sa katunayan, mas madaling ipagbawal ang mga tutol sa relihiyon kaysa sa alamin kung sila ay talagang isang panganib sa Estado o sa tatag na relihiyon. Ganito ang sabi ng The Catholic Encyclopedia: “Hindi masabi ng mga awtoridad ng pamahalaan at ng simbahan ang pagkakaiba sa pagitan ng mapanganib at di-mapanganib na mga erehes.” Subalit, malapit nang dumating ang pagbabago.
Ang Masakit na Pasimula ng Pagpaparaya
Ang sanhi ng pagbabago sa Europa ay ang kaguluhang nilikha ng Protestantismo, isang makasektang kilusan na hindi naglaho. Sa nakapagtatakang bilis, hinati ng Repormasyong Protestante ang Europa dahil sa relihiyon, anupat itinatampok ang ideya ng kalayaan sa budhi. Halimbawa, binigyan-matuwid ng kilalang Repormador na si Martin Luther ang kaniyang mga opinyon noong 1521, sa pagsasabing: “Ang aking budhi ay sakop ng Salita ng Diyos.” Inilunsad din ng pagkakabaha-bahagi ang Tatlumpung Taong Digmaan (1618-48), isang sunud-sunod na malulupit na relihiyosong digmaan na sumalanta sa Europa.
Gayunman, sa gitna ng digmaan, natanto ng marami na ang digmaan ay hindi siyang daan tungo sa pagsulong. Kaya naman, sunud-sunod na mga kautusan, gaya ng Kautusan ng Nantes sa Pransiya (1598), ang nilayong magtatag ng kapayapaan sa ginigiyagis-ng-digmaan na Europa subalit hindi nagtagumpay. Ang makabagong-panahong ideya ng pagpaparaya ay unti-unting lumitaw mula sa mga kautusang ito. Sa simula, ang “pagpaparaya” ay may negatibong implikasyon. “Kung pahihintulutan natin ang mga sekta sa ilalim ng ilang kalagayan . . . , walang alinlangang magiging masama ito—oo, isang malubhang kasamaan—subalit hindi kasinsama ng digmaan,” sulat ng kilalang humanista na si Erasmus noong 1530. Dahil sa negatibong diwa nito, pinili ng ilan, gaya ng Pranses na si Paul de Foix noong 1561, na pag-usapan ang tungkol sa “kalayaan sa relihiyon” sa halip na “pagpaparaya.”
Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang pagpaparaya ay hindi na itinuturing na masama, kundi bilang tagapagtanggol ng mga kalayaan. Hindi na ito itinuring na isang pagpapahinuhod sa kahinaan kundi isang garantiya. Nang pahalagahan ang iba’t ibang paniniwala at ang karapatang mag-isip nang naiiba bilang saligan ng makabagong lipunan, sapilitang naglaho ang pagkapanatiko.
Sa pagtatapos ng ika-18 siglo, ang pagpaparaya ay naugnay sa kalayaan at pagkakapantay-pantay. Ito’y ipinahayag sa mga batas at kapahayagan, gaya ng kilalang Deklarasyon ng mga Karapatan ng Tao at ng Mamamayan (1789), sa Pransiya, o ang Katipunan ng mga Karapatan (1791) sa Estados Unidos. Dahil sa naimpluwensiyahan ng mga dokumentong ito ang liberal na kaisipan mula noong ika-19 na siglo patuloy, ang pagpaparaya at ang kaakibat na kalayaan ay hindi na minalas na isang sumpa kundi isang pagpapala.
May Pasubaling Kalayaan
Bagaman mahalaga ito, may pasubali ang kalayaan. Dahil sa nakahihigit na kalayaan ng lahat, ang Estado ay nagpapasa ng mga batas na nagtatakda sa kalayaan ng ilang indibiduwal. Ang sumusunod ay ilan sa mga isyu na nauugnay sa kalayaan na kasalukuyang pinagtatalunan sa maraming bansa sa Europa: Hanggang saan ang sakop ng batas ng pamahalaan sa pribadong buhay? Gaano ito kabisa? Paano nito naaapektuhan ang kalayaan?
Ang pagtatalo tungkol sa mga kalayaan ng madla at ng indibiduwal ay itinampok ng media. Ang mga sinasabing brainwashing, pangingikil ng salapi, pag-abuso sa bata, at marami pang ibang malulubhang krimen ay ipinatungkol laban sa ilang relihiyosong grupo, kadalasan nang walang anumang matibay na ebidensiya. Malawak na tinalakay ng pamahayagan ang mga balita tungkol sa minoryang mga grupo ng relihiyon. Naging bahagi na ngayon ng pang-araw-araw na pananalita ang mapanghamak na mga katagang gaya ng “kulto” o “sekta.” Sa ilalim ng panggigipit ng opinyon ng madla, ang mga pamahalaan ay gumawa ng mga talaan ng tinatawag na mga mapanganib na kulto.
Ang Pransiya ay isang bansang nagmamapuri sa tradisyon nito ng pagpaparaya at sa paghihiwalay ng relihiyon at ng Estado. May pagmamalaking ipinahahayag nito ang sarili na lupain ng “Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, Kapatiran.” Subalit, ayon sa aklat na Freedom of Religion and Belief—A World Report, “isang kampanyang pang-edukasyon sa mga paaralan upang itaguyod ang pagtanggi sa mga bagong kilusang relihiyoso” ang inirekomenda sa bansang ito. Gayunman, inaakala ng maraming tao na isinasapanganib ng pagkilos na ito ang kalayaan sa relihiyon. Paano?
Mga Panganib sa Kalayaan sa Relihiyon
Ang tunay na kalayaan sa relihiyon ay umiiral lamang kapag ang lahat ng relihiyosong grupo na gumagalang at sumusunod sa batas ay binibigyan ng Estado ng pantay-pantay na pakikitungo. Hindi ganito ang kalagayan kapag ang Estado ay nagpapasiya ayon sa kagustuhan nito kung aling relihiyosong grupo ang hindi isang relihiyon, sa gayo’y pinagkakaitan ito ng mga bentaha na ipinagkakaloob ng Estado sa mga relihiyon. “Ang mahalagang ideya ng kalayaan sa relihiyon ay huwad kapag inaangkin ng estado ang karapatang magpatunay sa mga relihiyon na gaya ng pagbibigay nito ng mga lisensiya sa mga tsuper,” ang sabi ng magasing Time noong 1997. Ipinahayag kamakailan ng isang hukuman sa paghahabol sa Pransiya na ang paggawa nito ay “humahantong, sinasadya man o hindi, sa totalitaryanismo.”
Nanganganib din ang saligang mga kalayaan kapag may monopolyo ang isang grupo sa media. Nakalulungkot sabihin, dumarami ang ganitong kalagayan sa maraming bansa. Halimbawa, sa isang pagsisikap na bigyan-kahulugan kung ano ang tama ayon sa relihiyon, itinalaga ng mga organisasyon laban sa mga kulto ang kanilang mga sarili bilang mga tagausig, hukom, at hurado at saka sinikap na ipatupad sa publiko ang kanilang may kinikilingang pangmalas sa pamamagitan ng media. Gayunman, gaya ng sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde, sa paggawa nito, kung minsan ang mga organisasyong ito’y nagpapakita ng “katulad na sektaryanismo na sinasabing nilalabanan nila at nanganganib na magsagawa ng ‘pagtugis sa mangkukulam’ na kalagayan.” Ang pahayagan ay nagtanong: “Hindi ba isinasapanganib ng paghamak ng lipunan sa maliliit na relihiyosong mga grupo . . . ang mahahalagang kalayaan?” Ganito ang sabi ni Martin Kriele, na sinipi sa Zeitschrift für Religionspsychologie (Magasin Para sa Sikolohiya ng Relihiyon): “Higit na ikinababahala ang pagtugis sa mga sekta na gaya ng pagtugis-sa-mangkukulam kaysa sa karamihan ng ‘tinatawag na mga sekta at mga psychogroup.’ Sa payak na pananalita: Ang mga mamamayan na hindi lumalabag sa batas ay hindi dapat pakialaman. Ang relihiyon at ang ideolohiya ay dapat na maging malaya at manatiling malaya, gayundin sa Alemanya.” Isaalang-alang natin ang isang halimbawa.
“Ulirang mga Mamamayan”—Binansagan na “Mapanganib”
Aling relihiyosong grupo ang sinasabing “ang pinakamapanganib sa lahat ng mga sekta” sa opinyon ng mga Katolikong awtoridad na sinipi sa popular na pahayagan sa Espanya na ABC? Maaaring mabigla kang malaman na ang tinutukoy ng ABC ay ang mga Saksi ni Jehova. Wala bang pagtatangi ang mga akusasyong ginawa laban sa kanila? Pansinin ang sumusunod na mga kapahayagan mula sa iba pang babasahin:
“Tinuturuan ng mga Saki ang mga tao na matapat na magbayad ng kanilang mga buwis, huwag makibahagi sa mga digmaan o sa mga paghahanda para sa digmaan, huwag magnakaw at, sa pangkalahatan, sumunod sa istilo ng buhay na kung susundin ng iba ay aakay sa mas mabuting mga pamantayan ng pagsasamahan ng mga mamamayan.”—Sergio Albesano, Talento, November-December 1996.
“Salungat sa mga pasaring na ikinakalat sa ilang okasyon, para sa akin [ang mga Saksi ni Jehova] ay waring hindi pagmumulan ng bahagya mang panganib sa mga institusyon ng Estado. Sila’y mga mamamayan na maibigin-sa-kapayapaan, matapat, at magalang sa mga awtoridad.”—Isang nakaatas na kinatawan ng parlamento sa Belgium.
“Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala bilang ang pinakamatapat na mga tao sa Pederal na Republika.”—Pahayagang Aleman na Sindelfinger Zeitung.
“Maaari mong ituring ang [mga Saksi ni Jehova] na huwarang mga mamamayan. Masikap silang nagbabayad ng buwis, nag-aaruga sa maysakit, nagsisikap na pawiin ang kawalan ng kakayahang bumasa’t sumulat.”—Pahayagang San Francisco Examiner sa Estados Unidos.
“Ang mga Saksi ni Jehova ay mas matagumpay sa pagkakaroon ng matatag na mga pag-aasawa kaysa sa mga miyembro ng ibang denominasyon.”—American Ethnologist.
“Ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa pinakamatuwid at masikap na mga mamamayan ng mga bansa sa Aprika.”—Dr. Bryan Wilson, Oxford University.
“Ang mga miyembro ng relihiyong ito ay nakatulong nang malaki sa nakalipas na mga dekada sa pagpapalawak ng kalayaan sa budhi.”—Nat Hentoff, Free Speech for Me—But Not for Thee.
“Nakagawa sila . . . ng tiyak na abuloy sa pagpapanatili ng ilan sa pagkahala-halagang mga bagay sa ating demokrasya.”—Propesor C. S. Braden, These Also Believe.
Gaya ng ipinakikita ng mga pagsipi sa itaas, ang mga Saksi ni Jehova ay kinikilala sa buong daigdig bilang huwarang mga mamamayan. Bukod pa riyan, kilala sila sa kanilang walang bayad na gawaing pagtuturo ng Bibliya at sa pagtataguyod ng mga simulaing pampamilya. Ang kanilang mga klase na nagtuturong bumasa’t sumulat ay nakatulong sa daan-daang libo, samantalang ang kanilang pagkakawanggawa sa nakalipas na mga dekada ay nakatulong sa libu-libo, lalo na sa Aprika.
Ang Kahalagahan ng Pagkamakatuwiran
Ang lipunan ay puno ng mga taong walang konsiyensiya na naninila ng walang-malay na mga biktima. Dahil dito, may tiyak na pangangailangan na maging maingat pagdating sa mga sinasabi tungkol sa relihiyon. Subalit gaano nga ba kamakatuwiran at kanais-nais ang kalayaan sa relihiyon kapag ang ilang peryodista, sa halip na sumangguni sa matapat na mga dalubhasa, ay umaasa sa impormasyon mula sa mga relihiyon na nakakapansing umuunti ang kanilang bilang o mula sa mga organisasyong laban sa mga sekta na ang layunin ay nakapag-aalinlangan? Halimbawa, inamin ng pahayagang tumawag sa mga Saksi ni Jehova na “ang pinakamapanganib sa lahat ng mga sekta,” na ang mga pakahulugan nito ay galing sa “mga dalubhasa sa Simbahang [Katoliko].” Bukod pa rito, binanggit ng isang magasing Pranses na ang karamihan ng mga artikulong patungkol sa ipinalalagay na mga sekta ay galing sa mga organisasyong laban sa mga sekta. Ito ba sa palagay mo ang lubhang walang pinapanigang paraan ng pagkuha ng makatuwirang impormasyon?
Ang internasyonal na mga hukuman at organisasyong may kinalaman sa pangunahing mga karapatang pantao, gaya ng UN, ay nagsasabi na “ang pagkakaiba sa pagitan ng isang relihiyon at isang sekta ay napakaartipisyal upang maging karapat-dapat tanggapin.” Kaya nga, bakit iginigiit ng ilan ang paggamit ng mapanghamak na salitang “sekta”? Isa pa itong katibayan na nanganganib ang kalayaan sa relihiyon. Paano, kung gayon, maipagtatanggol ang mahalagang kalayaang ito?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
Mga Tagapagtanggol ng Kalayaan sa Relihiyon
Bumangon ang malinaw na mga panawagan para sa kalayaan sa relihiyon mula sa pagdanak ng dugo sa mga relihiyosong digmaan sa Europa noong ika-16 na siglo. Ang mga panawagang ito ay nauugnay pa rin sa mga talakayan tungkol sa kalayaan sa relihiyon.
Sébastien Chateillon (1515-63): “Ano ba ang isang erehe? Wala akong masumpungang anumang bagay maliban na ituring natin na mga erehes ang lahat ng hindi sumasang-ayon sa ating opinyon. . . . Kung ikaw ay itinuturing na isang tunay na mananampalataya sa lunsod o rehiyong ito, ikaw ay ituturing na isang erehe sa ibang lunsod o rehiyon.” Binanggit ni Chateillon, kilalang Pranses na tagasalin ng Bibliya at masigasig na tagapagtanggol ng pagpaparaya, ang isa sa susing elemento sa debate tungkol sa kalayaan sa relihiyon: Sino ang nagpapakahulugan sa kung sino ang erehe?
Dirck Volckertszoon Coornhert (1522-90): “Nabasa natin noon na . . . nagambala pa nga ni Kristo mismo sa Jerusalem at pagkatapos ay ng maraming martir sa Europa . . . [ang lipunan] sa pamamagitan ng kanilang mga salita ng katotohanan. . . . Ang kahulugan ng salitang ‘nagambala’ ay kailangang bigyan ng tumpak at malinaw na kahulugan.” Nangatuwiran si Coornhert na ang pagkakaiba sa relihiyon ay hindi dapat ituring na paggambala sa kaayusan ng bayan. Nagtanong siya: Talaga bang isang panganib sa kaayusan ng bayan ang mga mahigpit na sumusunod at gumagalang sa batas?
Pierre de Belloy (1540-1611): Isang “kamangmangan na maniwalang ang pagkakaiba-iba ng relihiyon ay nagbubunga at nagpapalaki ng kaguluhan sa Estado.” Si Belloy, isang abogadong Pranses na sumulat noong panahon ng mga Digmaan ng mga Relihiyon (1562-98), ay nangatuwiran na ang pagkakaisa ng Estado ay hindi nakasalalay sa pare-parehong relihiyon maliban na lamang, mangyari pa, na ang pamahalaan ay sunud-sunuran sa mga panggigipit ng relihiyon.
Thomas Helwys (c. 1550–c. 1616): “Kapag ang kaniyang bayan [ng hari] ay masunurin at tapat na mga sakop sa lahat ng batas ng tao, wala na siyang mahihiling pa.” Sumulat si Helwys, isa sa mga pundador ng English Baptists, na pumapabor sa paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado, anupat humimok sa hari na magkaloob ng kalayaan sa relihiyon sa lahat ng relihiyon at sekta at masiyahan na sa kapangyarihang sibil sa mga tao at mga pag-aari. Idiniin ng kaniyang mga akda ang kasalukuyang problema: Hanggang saan ang kontrol ng Estado sa espirituwal na buhay ng mga tao?
Walang-pangalan na manunulat (1564): “Upang maipakilala ang kalayaan sa budhi, hindi sapat na pahintulutan ang isang indibiduwal na huwag magsagawa ng isang relihiyon na hindi niya sinasang-ayunan kung, sa katulad na kadahilanan, hindi ipinahihintulot ang malayang pagsasagawa ng relihiyon na kaniyang sinasang-ayunan.”
[Mga larawan]
Tertullian
Chateillon
De Belloy
[Credit Line]
Lahat ng larawan: © Cliché Bibliothèque Nationale de France, Paris