Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 1/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakabubuti ang Pag-aasawa
  • Mararahas na Bida
  • Elektronikong Tulong sa mga Pusong Nalulumbay
  • “Numero 1 Pumapatay sa mga Kabataang Babae”
  • Kotseng Walang Polusyon
  • Kontaminadong Alpino
  • Pagkain ng Pamilya
  • Pagkabingi Dahil sa mga Headset
  • Itinataguyod ng Tabako ang Palakasan
  • Mga Unang Magsasaka
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Moralidad sa Tabako?
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 1/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nakabubuti ang Pag-aasawa

Ang pag-aasawa ay “nagpapahaba ng buhay, nakatutulong nang malaki sa pisikal at emosyonal na kalusugan at nagpapalaki ng kita” kapuwa ng mga babae at lalaki, sabi ng isang mananaliksik sa The New York Times. Sinalungat ng isang pag-aaral ng propesor sa University of Chicago na si Linda J. Waite ang isang ulat na nailathala noong 1972 na nagsasabing dumaranas ng higit na kaigtingan sa isip ang mga babaing may-asawa. Natuklasan ni Dr. Waite na “binabago ng pag-aasawa ang asal ng mga tao sa mga paraan na nakabubuti sa kanila,” gaya ng pag-inom ng mas kaunting alkohol. Waring nakababawas din ng panlulumo ang pag-aasawa. Sa katunayan, “ang mga lalaking walang-asawa bilang isang grupo ay nanlulumo sa pasimula ng pag-aaral at lalong nanlumo kung nanatili silang walang asawa.” Gayunman, sinabi ni Dr. William J. Doherty, ng University of Minnesota, na ang impormasyon ay kumakatawan sa pangkaraniwang grupo at hindi nangangahulugan na ang lahat ay nagiging mas mabuti kapag nag-aasawa o na ang taong nagpakasal sa isa na di-nararapat sa kaniya ay magiging maligaya at malusog.

Mararahas na Bida

Mga bida sa pelikulang aksiyon ang ilan sa pinakapopular na mga huwaran para sa mga bata, ayon sa isang pag-aaral ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization tungkol sa epekto ng karahasan sa media. Sa limang libong 12-anyos na ininterbyu sa 23 bansa, 26 na porsiyento ang naglagay sa mga bidang ito sa pelikula “sa mas mataas na puwesto kaysa sa mga popular na mga artista at musikero (18.5 porsiyento), relihiyosong lider (8 porsiyento), o mga pulitiko (3 porsiyento)” bilang kanilang huwaran sa paggawi, sabi ng Jornal da Tarde ng Brazil. Sinabi ni Propesor Jo Groebel, tagapag-ugnay ng pag-aaral, na maliwanag na itinuturing ng mga bata ang mararahas na bida pangunahin na bilang mga halimbawa kung paano malulusutan ang mahihirap na situwasyon. Habang lalong nasasanay sa karahasan ang mga bata, babala ni Groebel, lalo silang nagkakaroon ng kakayahan na gumawi nang may pagmamalabis. Sinabi pa niya: “Pinalalaganap ng media ang ideya na ang karahasan ay normal at kapaki-pakinabang.” Idiniin ni Groebel na ang mga magulang ay gumaganap ng mahalagang papel sa paglalaan sa kanilang mga anak ng patnubay na tumutulong sa kanila na makilala ang pagkakaiba ng kathang-isip at katotohanan.

Elektronikong Tulong sa mga Pusong Nalulumbay

Sa Hapon, ang pinakabagong paraan para magkatagpo ang dalawang pusong nalulumbay ay sa pamamagitan ng “love beeper,” ulat ng Mainichi Daily News. Ang beeper ay may programa para sa kinahihiligang gawain: karaoke (pag-awit na sinasaliwan ng nakarekord na musika), friends, at chat. Halimbawang ibig ng isang kabataang lalaki na makatagpo ng isang makakausap na kabataang babae. Ipinoprograma niya ang kaniyang sinlaki-ng-palad na elektronikong tagareto sa “chat.” Kung umabot siya ng ilang metro sa isang kabataang babae na ang love beeper ay nakaprograma rin sa “chat,” ang mga beeper ay magsisimulang tumunog at mag-iilaw ng kulay berde. Sa ngayon, 400,000 katao na ang bumili ng mga beeper. Maaaring pahintuin niyaong nababahala sa kung anong uri ng tao ang makatagpo nila ang tunog ng kanilang beeper at umasa na lamang sa berdeng ilaw. Sabi ni Takeya Takafuji, planning director para sa mga tagagawa ng produkto: ‘Kung hindi mo tipo ang lalaking ito na nasa katanghaliang edad, o ayaw mong makipag-usap sa kaniya, lumayo ka na lamang.’

“Numero 1 Pumapatay sa mga Kabataang Babae”

Sa mga nakaririwasang lupain, kadalasang dumadapo ang tuberkulosis sa mga lalaking ang edad ay mahigit sa 65, ulat ng Nando Times. Ngunit sa pangglobong lawak, ayon sa World Health Organization (WHO), ang tuberkulosis ay naging “ang Numero 1 pumapatay sa mga kabataang babae sa daigdig,” sabi ng ulat. “Ang mga asawang babae, ina at nagtatrabaho ay namamatay sa pinakaaktibong yugto ng kanilang buhay,” sabi ni Dr. Paul Dolin, ng Global Tuberculosis Program ng WHO. Sinabi ng mga eksperto na nagkatipon sa isang kamakailang medikal na seminar sa Göteborg, Sweden, na sa buong daigdig, mahigit sa 900 milyon kababaihan ang nahawahan ng tuberkulosis. Mga isang milyon sa mga ito ang mamamatay bawat taon, karamihan sa pagitan ng edad na 15 at 44. Ang isang dahilan sa dami ng namamatay na ito, ayon sa pahayagang O Estado de S. Paulo ng Brazil, ay ang paghinto ng marami sa pagpapagamot bago pa man gumaling ang karamdaman.

Kotseng Walang Polusyon

Ang mga kotse ang pangunahing pinagmumulan ng polusyon sa hangin sa malalaking lunsod sa daigdig. Upang harapin ang suliraning ito, isang inhinyerong Pranses ang nakaimbento ng isang kotseng panlunsod na tahimik at walang amoy at “tumatakbo lamang sa hangin sa paligid natin,” ulat ng The Guardian Weekly ng London. Ang disenyador ng makina na si Guy Nègre ay nakabuo ng isang motor na tumatakbo sa siniksik na hangin. Wala pang dalawang dolyar ang halaga ng elektrisidad na kailangan para punuin ng siksik na hangin ang tangke nito, pagkatapos ay tatakbo ang kotse sa lunsod sa loob ng sampung oras sa sukdulang bilis na mga 100 kilometro bawat oras. Hinihigop ng kotse ang hangin sa labas kapag nagpepreno ito. Dahil sa sistema nito ng pagsala sa karbon sa hangin, ang ibinubuga nitong usok ay mas malinis sa hangin na hinihigop nito. Matapos magsagawa ng maraming pagsubok sa iba pang di-nagpaparumi-ng-hangin na mga sasakyan, pinili ng mga awtoridad sa Mexico ang kotseng ito upang palitan ang 87,000 taksi sa Mexico City.

Kontaminadong Alpino

Labindalawang taon matapos ang aksidente sa plantang nuklear sa Chernobyl, Ukraine, lubhang kontaminado pa rin ng mga bumagsak na pirasong nuklear ang matataas na bundok alpino sa Europa. Isiniwalat ng isang bagong pagsusuri ang napakatataas na antas ng radyoaktibong isotope Cesium-137, ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Sa ilang lugar, ang radyaktibidad ay mas mataas ng 50 ulit kaysa sa pamantayan ng Europa sa pagtiyak ng nuklear na basura. Ang lubhang kontaminadong mga piraso ay galing sa Mercantour National Park, sa timog-silangang Pransiya; sa Matterhorn, sa hangganan ng Switzerland at Italya; Cortina, sa Italya; at Hohe Tauern Park, sa Austria. Hinihiling ng mga awtoridad na bantayan ng mga apektadong bansa ang antas ng radyasyon sa tubig at sa madaling hawahang pagkain, gaya ng kabuté at gatas.

Pagkain ng Pamilya

Sa isang pag-aaral sa 527 tin-edyer, yaong kumakain kasama ng kanilang pamilya nang di-kukulangin sa limang beses sa isang linggo ay “malamang na hindi mag-abuso sa droga o manlumo, anupat higit na masigla sa paaralan at mayroong mas mabuting kaugnayan sa mga kaedad,” sabi ng pahayagang Toronto Star ng Canada. “Ang mga tin-edyer na tinaguriang ‘hindi mahusay makibagay’ ay tatlo o mas kaunting araw lamang sa isang linggo kung kumain na kasama ng kanilang pamilya.” Sinabi ng sikologong si Bruce Brian na ang oras ng pagkain ng pamilya ay “isang katangian ng malusog na pamilya.” Sinabi ng ulat na ang pagkain nang magkakasama ay nagpapasulong sa mga ugnayang pampamilya, mga kakayahan sa pakikipag-usap, at sa pagkadama na ang isa ay tinatanggap, at naglalaan ng pagkakataong matuto ng tamang paggawi sa mesa at makibahagi sa usapan, tawanan, at panalangin. Ayon sa isang malaki nang anak na babae mula sa isang pamilya na regular na kumakaing magkakasama, kung hindi nila laging ginawa iyon, “sa palagay ko ay hindi ako magiging ganito kalapit sa kanila.”

Pagkabingi Dahil sa mga Headset

Isiniwalat ng pananaliksik ng National Acoustic Laboratory ng Australia na maging ang normal na paggamit ng sariling mga stereo headset ay maaaring maging sanhi ng di-halatang pinsala sa tainga, ulat ng The Courier-Mail ng Brisbane. Sinabi ng mananaliksik na si Dr. Eric LePage na ang mga kabataan ay atubiling seryosohin ang gayong mga babala. “Maaaring paulit-ulit nilang ilantad ang sarili sa napakalalakas na tunog o musika sa loob ng maraming taon at isipin na wala iyong epekto,” sabi niya. Ipinakita ng isang surbey na ang mga babala “ay hindi gaanong pinapansin hanggang sa ang mga tao ay aktuwal nang nabibingi,” sabi ng pahayagan. Tinitiyak ng bagong pananaliksik ang mga pag-aaral sa Alemanya na nagpapakitang mga sangkapat ng mga kinalap sa militar doon na ang edad ay 16 hanggang 24 ay may pinsala na sa kanilang pandinig bunga ng pakikinig sa malakas na musika at na “halos 10 porsiyento ng mga estudyanteng ang edad ay 16 hanggang 18 ay hindi na gaanong makarinig anupat nahihirapan silang makaintindi sa ilang normal na usapan.”

Itinataguyod ng Tabako ang Palakasan

Ang malawakang paggamit ng industriya ng tabako sa mga laro sa palakasan at iba pang libangan para ianunsiyo ang kanilang mga produkto ay lumilikha ng “isang positibong samahan sa pagitan ng palakasan . . . at ng paninigarilyo,” sabi ni Rhonda Galbally, ng Victorian Health Promotion Foundation ng Australia. Bunga nito, ang kadalasang tusong pag-aanunsiyo ng tabako sa mga palakasan ay maaaring gumanyak sa mga tao na manigarilyo. Natuklasan ng Cancer Research Campaign sa Britanya na “ang mga batang lalaki na nasisiyahang manood ng karera ng kotse na tinatawag na Formula One sa telebisyon ay halos doble ang posibilidad na magsimulang manigarilyo,” ulat ng ahensiya sa pagbabalita na Panos. “Sa buong Europa, gumagasta ang mga kompanya ng tabako ng ilang daang milyong dolyar taun-taon para lamang itaguyod ang karera ng kotse.” At ang mga kotse ay napagagalaw ng anunsiyo na malimit mapanood sa telebisyon.

Mga Unang Magsasaka

Iniulat ng pahayagang Pranses na Le Monde na natuklasan ng isang pangkat ng mga siyentipikong taga-Europa na ang DNA ng mga uri ng ligaw na trigo sa Fertile Crescent ng Gitnang Silangan ay katulad na katulad ng sinasakang uri na ginagamit sa iba pang lugar ngayon. Kasama ng trigo at iba pang “naunang mga pananim,” ang mga unang alagang tupa, kambing, baboy, at baka ay lumilitaw na galing din sa rehiyong iyan. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang paggamit ng mga inaalagaang pananim ay lumaganap mula roon hanggang sa Europa at Asia. Kapansin-pansin, ang ilan sa pinakaunang sakahang mga nayon kung saan natuklasan ang mga trigo na libu-libong taon na ang tagal ay sa gawing timog-kanluran ng Lake Van at sa kabundukan ng Ararat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share