Hindi Lamang mga Insekto ang Pinapatay ng Kemikal na mga Pestisidyo
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
“TAMANG-TAMA ito,” sabi ng magsasakang si Domingos dos Santos habang pinagmamasdan niya ang kaniyang mga pananim na balinghoy sa kaniyang bukid sa timugang Brazil. May dahilan siyang masiyahan. Mukhang walang nakadapo kailanman na mapaminsalang mga kulisap sa mga dahon ng kaniyang mga halaman. Isa na naman bang tagumpay ng kemikal na mga pamatay-kulisap? Hindi. “Noong isang taon at sa taóng ito,” sabi ni Domingos, “hindi ko kinailangang bumili ni isang patak ng pamatay-kulisap.”
Kabilang si Domingos sa isang lumalaking grupo ng mga magsasaka na atubiling gumamit ng kemikal na mga pestisidyo upang ipagsanggalang ang kanilang mga pananim.a Sa halip, gumagamit sila ng mga pamamaraan na nag-aalis o, kahit paano, nakababawas sa paggamit ng mga kemikal. “Anong uri ng mga pamamaraan?” ang tanong ko kay Sandro Müller, isang agronomista na nagsasagawa ng ilang eksperimento sa isang taniman ng citrus malapit sa São Paulo. “Bakit makatuwiran naman na bawasan ng mga magsasaka ang paggamit ng isinasabog na pamatay-kulisap?”
Ang Siklo ng Pestisidyo
Upang tulungan akong maunawaan ang pangit na bahagi ng paggamit ng kemikal na mga pamatay-kulisap, sinabi ni Sandro: “Gunigunihin ang isang grupo ng mga pulis na humahabol sa isang pangkat ng mga magnanakaw sa bangko. Upang makatakas, tumakbo ang mga magnanakaw patungo sa isang mataong gusali na puro mga opisina. Dahil napahalo na ang mga magnanakaw sa mga tao, tumawag ang mga pulis ng isang helikopter na naghulog ng isang bombang gas sa gusali ng tanggapan. Pinatay nito hindi lamang ang mga magnanakaw kundi pati ang inosenteng mga kawani sa opisina at ang mga guwardiya sa gusali. Katulad nito ang nangyayari kapag paulit-ulit na pinaulanan ng isang magsasaka ang kaniyang mga pananim ng matapang na pamatay-kulisap. Pinapatay nito ang mga nakapipinsalang kulisap, ang mga magnanakaw, ngunit pinapatay rin nito ang mga nakatutulong na kulisap, ang mga guwardiya.”
“Pero kahit paano ay naisalba ang pananim,” ang tugon ko. Subalit sinabi ni Sandro na ang pestisidyong ginagamit nang walang-habas ay nagpapasimula ng isang nakapipinsalang siklo. Paano? Naliligtasan ng ilang insekto ang pagbomba dahil hindi ito tinatablan ng ilang pestisidyo. Pagkatapos, naiiwan ang mga ito sa mga pananim na wala nang ‘mga guwardiya,’ o nakatutulong na mga kulisap—dahil sa pagbomba ng magsasaka.
Ang saganang pagkain at kawalan ng likas na mga kaaway ay gumagarantiya sa mabilis na pagdami ng insektong di-tinatablan ng pamatay-kulisap, kung kaya napipilitan ang magsasaka na magbomba uli, marahil ng isang mas matapang na uri ng pamatay-kulisap. Sa ilang lugar na taniman ng balatong sa Timog Amerika, ang mga magsasaka ay nagbobomba linggu-linggo. Ang resulta ng ganitong siklo? “Kapag naghasik ka ng pestisidyo,” sabi ng isang magsasaka, “mag-aani ka ng lason.”
Paggamit ng Pestisidyo—Hindi Gaanong Kapaha-pahamak?
Ipinakikita ng mga pananaliksik na ang taong lumalason sa mga peste ay lumalason din sa kaniyang sarili. Sa Brazil lamang, iniulat ng magasing Guia Rural, ang pestisidyo ay lumalason sa mga 700,000 katao bawat taon—iyan ay sa aberids na isang tao sa bawat 45 segundo! At iniulat ng World Health Organization na sa buong daigdig, 220,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa pagkalantad sa mga nakalalasong pestisidyo. Bukod dito, malaking pinsala ang ginagawa ng mga pestisidyo sa ating kapaligiran.
Bagaman inaakala ng ilang tao sa ngayon na ang pagbubukas ng lalagyan ng isang pestisidyo ay kagayang-kagaya ng pagbubukas ng kahon ng maraming problema, ang paggamit ng pestisidyo ay madalas na itinuturing ng iba na mas mabuti na kaysa sa wala. Ganito ang pangangatuwiran: Alin sa dalawa, gumamit ng pestisidyo at magkaroon ng pagkain o huwag gumamit nito pero wala namang pagkain. Tutal, dumarami ang tao sa lupa samantalang lumiliit ang lupa na puwedeng sakahin. Para mahadlangan ang pagkagutom ng buong daigdig, kailangang ipagsanggalang ang mga pananim sa nakapipinsalang mga kulisap na maaaring sumira sa mga ito.
Maliwanag, malaking problema ang mga peste. Subalit mabuti na lamang, dumarami ang mga magsasaka sa buong daigdig na nakatutuklas na may isang paraan na mas mabuti kaysa sa paulanan ang pananim ng matatapang na pestisidyo. Iyon ay tinatawag na integrated pest management, o IPM.
IPM—Isang Kahalili
“Ano ba ang IPM?” tanong ko kay Propesor Evôneo Berti Filho, pinuno ng Entomology Department sa University of São Paulo sa Piracicaba at isang nangungunang mananaliksik sa likas na pagsugpo sa peste. Ipinaliwanag ni Propesor Berti na ang layunin ng IPM ay ang bawasan ang paggamit ng pamatay-kulisap hangga’t maaari at gumamit lamang ng mga pamatay-kulisap na pumapatay ng espesipikong mga nakapipinsalang insekto. Ang pag-iwas sa pagbomba ay saka pinupunan sa pamamagitan ng likas na pamamaraan ng pagsugpo sa peste.
Ang isa sa gayong pamamaraan ng pagsugpo sa peste ay ang pagpapalit-palit ng pananim. Halimbawa, taun-taon, ang pananim na mais ay maaaring palitan ng magsasaka ng pananim na balatong. Ang mga insektong mahilig sa mais ngunit ayaw ng balatong ay alinman sa namamatay sa gutom o umaalis para maghanap ng lugar na may mas maraming mais. Pagkatapos, sa susunod na pagtatanim ng mais, maaaring halos wala nang mga insekto—kahit man lamang sa sandaling panahon. At kapag bumalik ang pulutong ng mga insektong mahilig sa mais, ang pagpapalit na naman ng pananim ay agad na magtataboy muli sa kanila.
Ang biyolohikal na pagsugpo ay isa pang bahagi ng IPM. Dito ay tinitipon ng mga magsasaka bilang kanilang mga kakampi ang mga kulisap, baktirya, virus, fungi, at iba pang likas na kaaway ng mga peste. Halimbawa, napansin ng mga mananaliksik na taga-Brazil na sa kalikasan ay maraming higad ang namamatay matapos madapuan ng isang virus na tinatawag na baculovirus. Naisip nila na yamang ang virus na ito ay hindi nakapipinsala sa mga tao, maaari nilang ibomba sa mga pananim ang isang likidong naglalaman ng virus na ito at ito’y magsisilbing isang biyolohikal na pamatay-kulisap laban sa mga higad na kumakain ng pananim na balatong at balinghoy. Naging mabisa ito. Ang mga higad ay namatay ilang araw matapos nguyain ang binombahang mga pananim. Bilang bonus, ang mga patay na higad ay naglaan din sa mga magsasaka ng libreng sandata para sa mga pakikipagbaka sa hinaharap? Paano?
“Inilalagay lamang ng mga magsasaka ang patay at may virus na mga higad sa isang blender,” paliwanag ni Propesor Berti, “dinudurog ang mga ito, sinasala, at iniimbak sa freezer ang nakuhang likido.” Pagkatapos, tinutunaw ng magsasaka ang likidong may virus, inihahalo iyon sa tubig, at ibinobomba ang timplang ito sa kaniyang pananim.
Ang biyolohikal na pamatay-kulisap na ito ay maaaring walang mabilis na epekto na gaya ng sa katapat nitong kemikal, subalit sabi ng isang mananaliksik, sa paano man ay 90 porsiyento ang antas ng tagumpay nito.
Pagsugpo sa mga Insekto—Sa Likas na Paraan
Ang pagtitipon ng nakatutulong na mga kulisap bilang mga kakampi upang labanan ang nakapipinsalang mga insekto ay isa pang mahalagang bahagi ng biyolohikal na pagsugpo sa peste. Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap na kumbinsihin ang mga magsasaka na gumamit ng ganitong paraan ng pagsugpo sa insekto, atubili pa ring gawin ito ng maraming magsasaka sa Brazil at sa iba pang lugar. Bakit? Waring ang ideya ng sadyang pagpapakawala ng mga kulisap sa lupang sakahan ay walang katuturan sa mga magsasaka kung paanong wala ring katuturan sa mga naninirahan sa lunsod ang pagpapakawala ng mga ipis sa mga apartment. “Para sa karamihan ng mga magsasaka,” sabi sa akin ni Propesor Berti, “lahat ng kulisap ay kumakain ng halaman. Ang pinakaayaw ng isang magsasaka ay ang marami nito.”
Kung gayon, maliwanag na magiging popular lamang ang biyolohikal na pagsugpo sa peste kapag naunawaan ng mga magsasaka na kakampi nila ang ilang kulisap. Halimbawa, ang mga nagtatanim ng prutas sa California, E.U.A., ay gumamit ng mga salaginto noong huling bahagi ng mga taon ng 1800. Noon, ang nakapipinsalang kulisap, na di-sinasadyang nakapasok mula sa Australia, ang sumalakay at halos pumawi sa lahat ng puno ng limon at kahel. Wala pang dalawang taon ang ginugol ng mga salaginto para masupil ang mga sumasalakay na kulisap, kung kaya nasagip ang mga taniman ng citrus sa California!
Pagsugpo na May Malaking Nagagawa
Sa ngayon, muling natutuklasan ng ilang magsasaka sa Brazil ang papel ng joaninha (munting Joanna, ang pangalan dito ng salaginto) bilang isang maaasahang ‘guwardiya.’ “Sinusugpo ng mga joaninha ang mga kuto sa mga halamang citrus,” sabi ni Sandro sa akin habang naglalakad kami sa hanay ng mga puno ng kahel sa taniman ng citrus na inaalagaan niya. Huminto siya sa isang puno ng kahel, inabot ang isang maliit na sanga na may murang mga dahon, at binaluktot ito. Ang mga apid, o kuto sa halaman—mabagal na mga kulisap na sinlaki ng dulo ng aspile—ay walang katinag-tinag na nakakapit ang bibig sa mga dahon, habang sinisipsip ang katas nito.
Subalit ang mga kutong ito ay pagkain para sa ‘guwardiya.’ Sa katunayan, sa ilang uri ng salaginto, ang isang insekto ay nakakakain ng 800 kuto sa kabuuang haba ng buhay nito. Malaking bagay na nga kaya iyan? “Oo,” sabi ni Sandro, “kung mag-iiwan ka ng sapat na damo at panirang-damo sa pagitan ng mga puno ng citrus upang panirahan ng maraming salaginto at iba pang likas na mga kaaway.” Noon, nang hindi pa ginagawa sa lagwertang ito ang ganitong biyolohikal na pagsugpo, sabi ni Sandro, nagbobomba ng kemikal na mga pestisidyo tuwing ikalawang linggo. Ngayon, dahil sa likas na mga kaaway na gaya ng salaginto at iba pang kulisap, kailangan na lamang magbomba ng pamatay-kulisap tuwing ikalawa o ikatlong buwan.
Ang salaginto ay isa lamang sa maraming likas na kakampi na inaasahan ng mga magsasaka. Ang mga pukyutan, putakti, ibon, gagamba, palaka, mga kabkab, bilang pagbanggit sa ilan, ay pawang mga miyembro ng beinte-kuwatro-oras na hukbo sa pagsugpo ng peste. Kahit ang mga isda ay nakatutulong upang mapalitan ang latang pambomba. Paano?
Sa Tsina, ulat ng mananaliksik na si Xiao Fan, ng Kagawaran ng Pagsasaka at Kagubatan sa Nanking, Lalawigan ng Kiangsu, nabawasan ang pangangailangan sa pamatay-kulisap nang simulang mag-alaga ng mga isda sa matubig na taniman ng palay. Hinihila ng mga magsasaka ang isang lubid sa ibabaw ng mga halaman upang malaglag sa tubig ang mga kulisap. “Dahil sa ang mga planthopper ay nagkukunwaring patay kapag nalaglag ang mga ito mula sa tanim na palay,” paliwanag ni Fan, “ang mga ito ay madaling kainin ng mga isda.”
Ang di-gaanong paggamit ng pestisidyo ay nagpapahintulot din na mabuhay ang nakatutulong na mga kulisap. Nakikisanib ng puwersa ang mga kulisap na ito sa isdang kumakain ng insekto para sa pagsugpo sa mga peste. Dahil sa biyolohikal na pagsugpo sa peste, sabi ni Fan, naging lipas na ang maramihang paggamit ng nakalalasong pamatay-kulisap. Idinagdag pa niya na kitang-kita ang kabutihan nito sa kalusugan at ekolohiya.
Totoo, tinatanggap ng mga magsasaka ang IPM lalo na dahil sa kabuhayan kaysa sa ekolohiya. Tutal, ang kabawasan sa paggamit ng mamahaling pestisidyo ay nakatitipid ng salapi, at nangangahulugan iyan ng mas malalaking tubo—isang pangganyak na kinawiwilihan sa lahat ng panahon at sa buong daigdig. Gayunpaman, kung ang mas malaking kita ay humahantong din sa kabawasan ng pagkalason ng mga pananim at pagliit ng pinsala sa kapaligiran, kung gayo’y nakikinabang din sa IPM ang mga magsasaka at mamimili gayundin ang ekolohiya. Gaya ng sabi ng isang tagapagmasid, sa IPM, “lahat ay panalo.”
[Talababa]
a Ang pinakamalaganap na ginagamit na uri ng mga pestisidyo ay (1) pamatay-kulisap, (2) panira ng halaman, (3) pamatay ng fungi, at (4) pamatay-daga. Bawat uri ay pinanganlan ayon sa peste na sinusugpo nito.
[Kahon sa pahina 21]
Pamanang Pestisidyo
Kahit na gamitin ng mga magsasaka sa buong daigdig magmula ngayon ang integrated pest management, malayo pa ring matapos ang suliranin sa pestisidyo. Tinataya ng United Nations Food and Agricultural Organization (FAO) na may mahigit sa 100,000 tonelada ng natirang mga pestisidyo ang nakaimbak sa papaunlad na mga bansa. “Isang malaking bahagi ng mga nakaimbak,” sabi ng Our Planet, isang magasing inilathala ng United Nations Environment Programme, “ang mga nalabi sa mga pestisidyong nakuha sa ilalim ng mga kasunduan sa pagtulong.” Kasali sa mga suplay na ito ang maraming DDT at iba pang pestisidyo na itinuturing na ngayon bilang mapanganib na basura. Kung hindi maaalis ang pamanang pestisidyong ito, komento ng Our Planet, “maaasahan ang mga kasakunaan.”
Subalit ang paglilinis ay isang magastos na gawain. Ang halaga ng pag-aalis ng pamanang pestisidyo sa Aprika lamang ay maaaring umabot sa $100 milyon. Sino ang sasagot sa gastusin? Nanawagan ang FAO sa mga nag-abuloy na lupain upang tumulong dito. Gayunman, gaya ng sinabi ng FAO, “dapat ding humingi ng tulong mula sa mga kompanya ng mga kemikal na pang-agrikultura, na kadalasang gumaganap ng papel sa labis-labis o di-kinakailangang suplay na mga pestisidyo.” Subalit hanggang sa ngayon, ang mga kompanyang ito ay nananatiling “atubili na mag-abuloy ng salapi para sa paglilinis ng mga dati nang nakaimbak.”
[Kahon sa pahina 22]
Binagong mga Halaman—Bakit Kontrobersiyal?
Ang biotechnology ay isa pang sandata sa pagsugpo sa mga peste. Dahil sa lumalawak na kaalaman ng tao tungkol sa panloob na operasyon ng molekula ng DNA, napagsama ng mga mananaliksik ang mga bahagi ng DNA ng iba’t ibang kaurian at nakabuo ng mga halaman na may likas na panlaban sa mga peste.
Ang mais ay isang halimbawa. Inilipat ng mga henetikong inhinyero ang isang gene mula sa iba tungo sa DNA ng mais. Ang inihalong gene naman ay nakabuo ng isang protina na napatunayang nakamamatay para sa mga peste. Ang resulta ay isang tanim ng mais na kinontrol sa henetikong paraan na hindi nadaraig ng mga kulisap na kaaway nito.
Gayunpaman, ang mga binuong halamang ito ay naging kontrobersiyal. Ikinakatuwiran ng mga tumututol na ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng pagkakasakit ng mga tao o na ang binagong mga pananim ay maaaring maging makakapal na panirang damo. Nagbabala ang ilang siyentipiko na ang mga halamang may gene na pumapatay ng kulisap ay magpapabilis sa pagiging di-tinatablan ng mga peste. “Dapat nating bantuan ang ating kasigasigan tungkol sa henetikong inhinyeriya,” babala ng entomologong si Berti. “Natatandaan mo ba kung gaano kasabik ang mga tao noong mga taon ng 1950 nang ibunyi bilang himala ang mga pamatay-kulisap? Ngayon ay alam na nating hindi ito totoo. Ang himalang mga pamatay-kulisap ay nagbunga ng himalang mga kulisap. Sinong nakaaalam kung anong mga problema ang ibubunga ng binuong himalang mga halaman sa ngayon?”
Kahit na maaaring malutas ang lahat ng biyolohikal na suliranin, matuwid lamang na mabahala ang ilang tao tungkol sa pakikialam ng mga siyentipiko sa mga henetikong tuntunin. Inaakala ng ilan na maaaring lutasin ng biotechnology ang mga dati nang suliranin sa pestisidyo ngunit sa halip ay mag-iiwan sa atin ng bagong mga suliranin sa etika.
[Larawan sa pahina 23]
Ang isang salaginto ay nakakakain ng daan-daang peste