Pamilihan sa Oktubre—“Ang Pinakamatandang Pang-Internasyonal na Pamilihan ng Kabayo sa Europa”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA IRELAND
NOONG nakaraang linggo ay mapayapa at tahimik ang maliit na bayang ito kung saan walang-ingay na isinasagawa ng mga tao ang kanilang karaniwang rutin. Subalit sa linggong ito ay naging magulo at maingay ito. Ang bayan ay napunô nang husto habang ang 6,000 naninirahan sa lugar na iyon ay nagsilbing punong-abala sa halos 50,000 panauhin. Gayunman, ang totoong kapansin-pansin ay hindi ang naggigitgitang mga tao o ang maraming puwesto sa pamilihan o kahit ang makukulay na mga panoorin sa daan, kundi ang mga kabayo! Ang mga ito’y nasa lahat ng dako!
Nasaan ba tayo? Sa maliit na bayan ng Ballinasloe na matatagpuan mga 140 kilometro sa gawing kanluran ng Dublin, ang kabisera ng Ireland. Ano ang dahilan ng gayong kalaking pagbabago sa dating tahimik na lugar na ito? Ito’y ang tinatawag ng mga tagapag-organisa na “pinakamatandang pang-internasyonal na pamilihan ng kabayo sa Europa,” ang Pamilihan sa Oktubre!
Bakit sa Ballinasloe?
Bakit napakapopular ng Pamilihan sa Oktubre? Kinapanayam ng Gumising! si George, isang magsasaka roon na nakapagbenta ng maraming kabayo. “Sa Ballinasloe,” sabi niya, “kahit sino—mayaman man o mahirap—ay maaaring magdala ng kahit anong uri ng kabayo para ipagbili. Ganoon lamang kasimple.” Subalit bakit lubhang kakaiba ito? “Sa maraming ibang lugar, ang pagbibili ng mga kabayo ay isang napakahigpit at kontroladong gawain,” ang paliwanag ni George. “Sa ilang pampublikong bentahan, iisang uri lamang ng kabayo ang iniaalok. At karaniwan nang nasasangkot ang maraming mabusising papeles sa pagbili nito. Iilan lamang ang pamilihan ng kabayo na doo’y maaaring magdala ng kabayo ang sinuman, dalhin iyon sa damuhan ng pamilihan, at basta ipagbili! Dito sa Pamilihan sa Oktubre, ang kalakalan ng kabayo ay isinasagawa pa rin sa paraang halos katulad ng ginagawa noong nakalipas na dalawa o tatlong-daang taon—sa pamamagitan ng tuwirang pangangalakal nang walang anumang pormalidad, dito mismo sa damuhan ng pamilihan.”
‘Paano,’ ang maitatanong natin, ‘naging sentro ng ganitong nakahuhumaling na bilihan ang Ballinasloe? Bakit ang mga negosyante mula sa lugar na kasinlayo ng Russia ay dito bumibili ng mga kabayo?’ Ang kaunting pagsusuri sa kasaysayan ay maglalaan ng sagot.
Ang ilan sa dakilang mga hari ng Ireland ay nagpuno sa Tara, mga 30 kilometro sa gawing hilagang-kanluran ng Dublin. Ito’y isang sentro ng relihiyon, at nang maglao’y pulitika, sa Ireland. Nagtungo ang mga tao sa Tara upang magbayad ng kanilang buwis at upang malaman ang tungkol sa bagong mga batas na ipinatutupad. Ano ang kaugnayan ng Tara sa Ballinasloe? Buweno, ang Ballinasloe ay lumawak sa palibot ng isang mababaw na bahagi ng ilog sa isa sa likas na mga daang patungo sa Tara mula sa kanluran. Nasumpungan ng mga manlalakbay na papunta at pabalik sa tirahan ng mga maharlika na ang mababaw na bahaging ito ng ilog, na halos isang araw na paglalakbay sakay ng kabayo mula sa dalampasigan sa kanluran, ay isang kombenyenteng lugar para makipagbalitaan at makipagpalitan ng mga kalakal. May ‘patotoo ng kalakalan ng mga kabayo sa lugar na iyon simula pa noong ikalimang siglo C.E.,’ ang sabi ng mga tagapag-organisa ng Pamilihan sa Oktubre.
Nito lamang mga nagdaang panahon, ang mainam na lugar ng Ballinasloe ay naging isang tamang-tamang puwesto para sa malaking opisyal na pamilihan na itinatag dito noong pagsisimula ng ika-18 siglo. Ang ilang magsasaka ay naglalakbay na ng halos isang buwan ang aga upang dalhin ang kanilang mga baka sa palengkeng ito para ipagbili ang mga ito, bagaman para sa ilan iyon ay nangangahulugan ng paglalakbay ng 200 kilometro. Nang maglaon, ang mga kabayo ang naging pangunahing atraksiyon dito.
Ang lupain sa paligid ng Ballinasloe ay napakataba at angkop na angkop para sa paghahayupan. Pinapangyayari nitong lumakas, lumusog at dumami ang mga hayop. “Ang mga kabayo sa Ireland,” paliwanag ng awtor na si Mark Holdstock, “ay kilalang-kilala dahil sa malalakas ang mga ito.” Ang pagpapatuloy niya: “Ang mga lahing tulad ng Irish Draught ay nagsilusog sa lugar na ito sa loob ng daan-daang taon, anupat lumakas nang lumakas sa loob ng mga siglo.”
Ang Pangangailangan sa mga Kabayo
Sa ngayon ang pangunahing bagay sa talaan ng pag-uusapan ay ang pangangalakal ng kabayo! Bakit napakahalaga ng mga kabayo? Noong ika-18 at ika-19 na siglo, ang mga magsasaka sa buong Ireland ay malawakang gumamit ng mga kabayo para sa paglinang sa lupain. Kinailangan nila ang malalakas at maaasahang mga kabayong pang-araro para sa malimit ay mamasa-masa at maputik na lupa. Subalit may isa pang malaking pangangailangan sa mga kabayo. Kailangan ng mga hukbo ang malalakas na kabayo na hindi matatakot sa ingay ng labanan at na may mapuwersa at tumatagal na lakas upang maghatid ng mabibigat na mga panustos patawid sa baku-bakong lupain. Taglay ng Irish Draught ang lahat ng katangiang ito kung kaya higit na hinahanap ito. Kung palalahian ito sa Thoroughbred, magluluwal ito ng isang matapang at maliksing kabayo na angkop na angkop para sa kabalyeriya.
Libu-libong kabayo, gayundin ng mga sundalo, ang namatay sa digmaan. Para mapalitan ang mga namatay sa maraming digmaan sa Europa, ang mga kinatawan ng hukbo mula sa maraming bansa sa Europa, kahit na kasinlayo pa nga ng Russia, ay handang maglakbay patungong Ballinasloe para bumili ng bago at maaasahang uri. Sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang Pamilihan sa Oktubre ay naging “ang pinakamalaking pamilihan ng kabayo sa Europa.” “Ayon sa sabi-sabi,” ani Holdstock, “kalahati sa mga kabayo sa Battle of Waterloo ay binili mula sa Ballinasloe.”a
Mga Pamamaraan sa Pangangalakal ng Kabayo
Siyempre pa, ang partikular na pangangailangang iyon sa mga kabayo ay mabilis na umunti noong panahon ng ika-20 siglo. Ang kabalyeriya ay pinalitan ng mga sasakyang pang-militar, at hinalinhan ng mga traktora ang mga pang-ararong hinihila ng kabayo. Sa katunayan, halos natigil na ang kalakalan sa Ballinasloe. Subalit, pagkaraan ng mga 40 taon, ang pamilihang ito ay muling itinatag.
Paano isinagawa ni George, na nabanggit kanina, ang pangangalakal ng kabayo rito? “Nagtutungo lamang ako sa damuhan ng pamilihan na dala ang mga kabayo na gusto kong ipagbili,” sabi niya, “at sa malao’t madali ay may isa na lalapit sa akin at magtatanong kung magkano ang gusto ko.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni George kung ano ang ilan sa mga sekreto ng pangangalakal ng kabayo: “Magtatawaran muna kami ng ilang sandali, madalas ay sa agresibong paraan. Kung talagang gusto ng mamimili ang aking kabayo, mag-iingat siya upang hindi labis na mahalata ang kaniyang interes, sa pag-aakala na baka hindi ako magbaba ng presyo. Maaaring aalis muna siya at saka na lamang babalik, anupat umaasa na wala pang nakapagbigay ng mas magandang alok. Maaari pa nga siyang magsugo ng isang kasamahan na makikipag-usap sa akin para abalahin ako upang hadlangan ang iba na mag-alok. Sa wakas ay magkakasundo kami sa halaga at pagtitibayin iyon sa pamamagitan ng pagkakamayan. Kadalasan, nagbabayad siya ng salapi at mapapasakaniya ang kabayo sa sandali ring iyon. Yamang walang namamagitang lupon na nangangasiwa rito, kapag ang pera ay naibayad na, wala nang mga garantiya!”
Mahihirapang malaman ng isang tagamasid kung aling kabayo ang ipinagbibili at hindi ipinagbibili. “Kung iyon ay nasa damuhan,” ang sabi ni George, “iyon ay ipinagbibili.” Pagkatapos ay binanggit niya ang ilan sa mga kaugalian sa lugar na iyon: “Noong nakaraan—at kung minsan ay hanggang sa ngayon—isang bunton ng lupa ang inilalagay sa kulungan ng mga kabayo kung iyon ay naipagbili na. O kaya, ito ay inilalayo na lamang ng bagong may-ari nito. Bilang pagtulad sa isa pang dating kaugalian sa pangangalakal ng kabayo sa Ireland, ang nagbebenta ay nagbibigay sa amin ng ‘pera para sa suwerte’ pagkatapos magbayad ang bumibili para sa bagong kabayo. Ito’y isang maliit na halaga na isinasauli pagkatapos ng pangunahing transaksiyon. Pinaniniwalaang magbibigay ito ng ‘suwerte’ sa kabayo na mayroon na ngayong bagong may-ari.
“Talagang kinakailangang mayroon kang mahusay na kaalaman hinggil sa mga kabayo at sa halaga nito,” ang babala ni George. “Kadalasan nang nakukuha mo ang katumbas ng halagang ibinayad mo, at karamihan ng mga tao ay umaalis sa pamilihan nang nasisiyahan. Subalit dapat ding mag-ingat ang mga makaranasang negosyante sa kabayo. May nalalaman akong isang negosyante na nagbenta ng kabayo at pagkatapos ay nagtungo sa bar upang uminom nang kaunti bago umuwi sa bahay. Samantala, ginupitan at sinuklay ng bagong may-ari ang buhok ng kabayo, anupat malaki ang ipinagbago ng anyo nito. Ang ‘bagong’ kabayo ay ipinakita sa dating may-ari nito, na agad namang binili ito sa mas mataas na halaga, anupat inaakalang iyon ay ibang kabayo!”
Mayroon pang ibang balakid maliban sa panganib na makagawa ng di-matalinong pagbili. “Mag-ingat kung saan ka nakatayo!” ang payo ni George. “Huwag kaligtaan na sa napakaraming kabayong ito na nakatayo nang malapit sa isa’t isa—marahil ng mahahabang oras—at sa lahat ng mga gawaing ito na nakapalibot sa kanila, marami sa mga ito ay ninenerbiyos at baka manipa. Nakakita ako ng maraming nahintakutang mga kabayo na nagdadamba kahit na inaalagaan ng isang makaranasang mangangabayo.” Ipinagpatuloy niya: “Siyanga pala! Magsuot ka ng angkop na Wellington [mga bota na goma]. Baka hindi na putik ang natatapakan mo!”
[Talababa]
a Ang Battle of Waterloo ay ipinakipaglaban sa Europa noong 1815. Kinasangkutan ito ng iba-ibang hukbo na may kabuuang halos 185,000 na sundalo. Malamang na libu-libong kabayo ang ginamit na pang-hukbo at panghatid.
[Larawan sa pahina 16]
Isang matipunong piebald na handang ipagbili
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang damuhan sa pamilihan sa Ballinasloe sa unang araw nito
[Larawan sa pahina 17]
Ang uring ito ay lahi ng Irish Draught at Thoroughbred