“Mga Kabayong Sumasayaw sa Hangin”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
“Sino ang hindi matutuwa sa iyong maiindayog na hakbang, sa iyong tiyak at eksaktong mga galaw, sa iyong hinahon, at sa iyong talino sa heometriya?”—RAFAEL ALBERTI, MAKATANG KASTILA.
PINATAY na ang mga ilaw, at tumugtog na ang musika. Sa dakong hulihan ng arena, lumabas ang isang hineteng nakasakay sa puting kabayo na sumasayaw sa saliw ng musika. Mayamaya, kasama na ng hinete ang isang grupo ng mangangabayong nakasakay naman sa mga kabayo na buong-kahinhinang naglalakad nang paikot at nagbabago ng direksiyon sa eksaktong armonya. Pigil ang hininga ng mga nanonood sa paghanga sa matitikas na hayop na ito habang isinasagawa ang ganitong kahali-halinang koreograpiya.
Ang Royal Andalusian School of Equestrian Art, na nasa Jerez de la Frontera, Espanya, ay napabantog sa daigdig dahil sa sumasayaw na mga kabayo nito. Ang pagtatanghal ay talagang isang baléy ng mga kabayo, na nagtatampok ng koreograpiya mula sa tradisyonal na mga pagsasanay para sa mga kabayo. Pinasusunod ng mga hinete ang mga kabayo sa pamamagitan ng bahagyang pagkumpas ng kanilang mga kamay, binti, at pagpapabigat. Nakadagdag pa sa ganda ng panoorin ang tradisyonal na musikang Kastila at ang ika-18 siglong kostiyum ng mga hinete.
Ang Kabayo na Purong Kastila
Ang mga kabayong ginagamit sa pagtatanghal ay purong Kastila, na kilala rin bilang mga kabayong Andalusia. Ang kabayong Kastila ay sinaunang lahi na nabuhay sa kabundukan ng Iberian Peninsula libu-libong taon na ang nakalilipas. Kilaláng-kilalá ng mga Romano ang lahing ito bilang mahusay na kabayong pangmilitar.
Ang pambihirang mga katangiang taglay ng mga kabayong Andalusia ay lakas, liksi, yabang, at pagiging madaling turuan. Ang halaga nila ay dahil sa kanilang kakaibang katangian ng pagiging matapang at madaling turuan. Dahil sa kanilang lakas at liksi, ang mga kabayong ito ay nakagagawa ng napakahihirap na paghakbang at pagtalon. Gayunman, hindi madaling trabaho na gawing isang mahinhing mananayaw ang isang maharlikang hayop.
Pagsasanay sa Maharlikang Hayop
Ang Royal Andalusian School of Equestrian Art ay itinatag ni Álvaro Domecq noong 1972. Inihahanda ng paaralang ito ang mga kabayo sa pamamagitan ng maingat na pagsasanay sa gymnastic na nagpapalakas sa mga kalamnan ng mga hayop. Sa bandang huli, ang mga ito’y makagagawa na ng mahihirap na koreograpiya sa eksaktong armonya. Ang ganitong uri ng pagsasanay ay ginagawa sa dalawang kilalang sentro: ang Spanish Riding School of Vienna sa Austria at ang Royal School sa Espanya. Sa dalawang sentrong ito, nabibighani ang mga panauhin sa pinanonood na pagtatanghal at humahanga kahit ang pinakaistriktong tagapagsanay ng kabayo.
Kailangan ng hinete at ng kabayo ang puspusang pagsasanay upang maging gayon sila kahusay. Karaniwan nang sabay na nagsasanay ang hinete at ang kabayo nang limang araw sa isang linggo at pitong oras araw-araw sa loob ng apat na taon. Nagsisimula ang pagsasanay sa pangunahing koreograpiya kung saan itinuturo ng hinete sa kabayo na lumakad nang paabante kapag iniutos niya. Kapag kabisado na ang panimulang hakbang na ito, kailangan nang matutuhan ng kabayo na ilipat ang kaniyang bigat sa likuran habang kumikilos siya. Ang pagsasanay na ito ay tutulong sa kabayo na ilagay ang kaniyang puwersa sa likuran niya, isang pamamaraan na kailangan sa pagsasagawa ng mas mahihirap na paggalaw.
Ang mga eksibisyon, o airs, na natututuhan ng kabayo ay kabilang sa dalawang grupo: ang likas at ang artipisyal. Sa likas na mga galaw, kailangang pagandahin pa ng kabayo ang natural niyang mga galaw—ang paglakad, ang pagyagyag (trot), at ang pag-iskape (gallop). Sa artipisyal na airs na itinuturo sa Royal School, kailangang magkasundung-magkasundo ang kabayo at ang hinete. Kailangan ang presisyon at napakalakas na katawan para maisagawa ang mga eksibisyong ito.—Tingnan “Ang mga Pangunahing Airs sa Baléy ng mga Kabayo.”
“Upang maisagawa ang mahihirap na pagsasanay sa Royal School, dapat na magkasundung-magkasundo ang kabayo at ang hinete,” ang sabi ni José María Sánchez Cobos, direktor ng eksibisyon sa Royal School. “Ang kabayong Andalusia ay itinuturing na isa sa pinakamaharlika sa lahat ng lahi ng kabayo, at talagang puwedeng maging matalik na kaibigan ng hinete ang ilan sa mga hayop na ito. Pero kung minsan, may mga kabayo at hinete na hindi magkasundo, kung kaya pinaghihiwalay sila.”
Nang tanungin tungkol sa pagtugon ng mga kabayo sa musika, ganito ang paliwanag ni José María: “Ang mga kabayo ay di-gaya natin na nakaiintindi ng musika, subalit maliwanag na may epekto sa kanila ang naririnig nilang musika sa eksibisyon. Kitang-kita ang reaksiyon nila sa tradisyonal na musika na mahalagang bahagi ng pagtatanghal, at waring tumutugon sila sa palakpakan ng publiko.”
Tumutugon ang mga kabayo sa matiyagang atensiyon na tinatanggap nila sa paaralan. Inaayusan sila nang husto para sa eksibisyon, at araw-araw na pinaliliguan tuwing matatapos ang pagsasanay upang maalis ang pawis at maginhawahan sila. Dahil mas sensitibo ang kanilang balat kaysa sa tao, kailangan nila ang pantanging atensiyon.
“Sabi nga ng kawikaang Kastila,” dagdag pa ni José María, “sa unang 7 taon, ang kabayo ay para sa kaibigan mo upang sanayin; mula 7 hanggang 14 na taon, ito’y para sa iyo upang mapakinabangan; at pagkalipas ng 14 na taon, para na lamang ito sa kaaway mo. Pero hindi naman palaging ganito sa aming paaralan. Isa sa aming mga kabayo, si Zamorano, ay nagtatanghal pa rin sa edad na 22!”
Ang resulta ng lahat ng maselang pag-aalaga at pagsasanay na ito ay ang pagtatanghal kung saan isinasagawa ng mga kabayo ang kanilang kakaibang mga eksibisyon. Nakikita rito mismo ng publiko kung paanong ang kabayo at hinete ay nagiging napakahusay na magkapareha at kung paano humahakbang ang mahinhin subalit malalakas na kabayong ito sa saliw ng tradisyonal na musikang Kastila. Hindi nga kataka-takang ilarawan ni Alberti, sa huling taludtod ng kaniyang tula na sinipi sa itaas, ang mahinhing mga hayop na ito bilang “mga kabayong sumasayaw sa hangin.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
Ang mga Pangunahing Airs sa Baléy ng mga Kabayo
Ang terminong airs ay tumutukoy sa iba’t ibang eksibisyong ginagawa ng mga kabayo. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangunahing airs.
Piaffe: Nakapirmi ang kabayo habang maindayog na yumayagyag, na halos para itong tumatakbo sa kinatatayuan niya.
Passage: Mabagal na yumayagyag ang kabayo habang nakataas ang mga paa, na parang sumasayaw.
Levade: Iniaangat ng kabayo ang kaniyang mga paa sa unahan at nananatili sa posisyong ito na nakaanggulo nang 45-digri sa sahig. Kailangan dito ang matinding kontrol sa kalamnan at ganap na panimbang.
Curvet: Nagpapatalun-talon ang hulihang mga paa ng kabayo nang hindi sumasayad sa lupa ang unahang mga paa nito.
Capriole: Tumatalon nang mataas ang kabayo, anupat idinidikit ang unahang mga paa nito sa dibdib habang nasa itaas, at isinisikad ang hulihang mga paa.
Mga Kabayong Nakasingkaw
Ang isa pang disiplinang kabilang sa pagtatanghal ay ang enganche, o coupling. Hinihila ng mga kabayo ang tradisyonal na mga karwahe sa magkasabay na pagtatanghal ng eksibisyon. Nangangailangan din ito ng maraming taon ng pagsasanay. Suot ang pinakamagandang bihis, isang panoorin ang mga kabayo at mga hinete na nagpapaalaala sa mga mánonoód noong panahong ang pangunahing transportasyon ay kabayo at karwahe.
[Credit Lines]
Piaffe, passage, and capriole: Fotografía cedida por la Real Escuela Andaluza; curvet, levade, and carriage: Fundación Real Escuela Andaluza del Arte Ecuestre
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Fotografía cedida por la Real Escuela Andaluza