Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 11-13
  • Makaaasa Ka Bang Mabuhay Magpakailanman?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makaaasa Ka Bang Mabuhay Magpakailanman?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagharap sa “Talagang Pangunahing Tanong”
  • Ang Pangunahing Sanhi ng Kamatayan
  • Isang Hatol at Isang Pangako
  • Kung Paano Palalawigin ang Iyong Buhay​—Magpakailanman
  • Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Mabuhay, Hindi Upang Mamatay
    Gumising!—1988
  • Kung Paano Ka Maaaring Mabuhay Magpakailanman
    Gumising!—1995
  • Posible Nga ba ang Buhay na Walang Hanggan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Maiiwasan Mo ba ang Pagtanda?
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 11-13

Makaaasa Ka Bang Mabuhay Magpakailanman?

“MAY nangyayari sa loob ng katawan ng tao upang matiyak na posible ang sukdulang haba ng buhay na 115 hanggang 120 taon,” sabi ni Dr. James R. Smith, isang propesor sa biyolohiya ng selula. “May hangganan​—pero hindi namin alam kung ano ang nagtatakda nito.” Sinasabi naman ng biyologong si Dr. Roger Gosden na hindi kataka-taka, kung gayon, na “hindi pa natutuklasan ng mga siyentipiko ang paraan para mapalawig ang buhay, at iilan sa kanila ang nag-iisip man lamang tungkol dito.” Mababago kaya ito?

Pagharap sa “Talagang Pangunahing Tanong”

Bagaman hindi nauubusan ng mga teoriya na nangangako ng lunas sa pagtanda, sumasang-ayon ang karamihan ng mga eksperto kay Dr. Gene D. Cohen, presidente ng Gerontological Society of America, na “ang lahat ng diumano’y inaasahang siguradong lunas na ito ay napatunayang wala palang bisa.” Bakit? Una, sabi ng manunulat sa siyensiya na si Nancy Shute, sa U.S.News & World Report, “wala pang nakaaalam kung ano ang dahilan ng pagtanda at ng di-maiiwasang resulta nito, ang kamatayan. At ang paglalapat ng lunas sa isang karamdaman na hindi mo alam ang sanhi ay isang pagbabaka-sakali lamang sa ilalim ng pinakamabubuting kalagayan.” Sinabi rin ni Dr. Gosden na ang pagtanda ay nananatiling isang palaisipan: “Nahahayag ito sa bawat isa sa atin ngunit nananatiling isang hiwaga ang saligang dahilan nito.” Sinabi niya na “ang talagang pangunahing tanong kung bakit nga ito nangyayari” ay hindi gaanong nabibigyang-pansin.a

Maliwanag, kung paanong may hangganan ang bilis ng pagtakbo ng mga tao, ang taas na malulundag nila, at ang lalim na masisisid nila, may hangganan din ang maipaliliwanag ng pag-iisip at pangangatuwiran lamang ng tao. At ang pagsagot sa “talagang pangunahing tanong na bakit” ay maliwanag na lampas sa hangganang iyan. Samakatuwid, ang tanging paraan upang malaman ang sagot ay ang pagbaling sa isang pinagmumulan ng impormasyon na nakahihigit sa kaalaman lamang ng tao. Iyan ang dapat mong gawin na iminumungkahi mismo ng isang sinaunang aklat ng karunungan, ang Bibliya. Kung tungkol sa Maylalang, “ang bukal ng buhay,” tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kung hahanapin ninyo siya ay hahayaan niyang siya ay masumpungan ninyo.” (Awit 36:9; 2 Cronica 15:2) Kung gayon, ano ang isinisiwalat ng pagsasaliksik sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, hinggil sa tunay na dahilan kung bakit namamatay ang tao?

Ang Pangunahing Sanhi ng Kamatayan

Sinasabi sa atin ng Bibliya na noong lalangin ng Diyos ang unang mga tao, inilagay niya ang “diwa ng kawalang-hanggan sa kanilang puso.” (Eclesiastes 3:11, Beck) Gayunman, binigyan ng Maylalang ang unang mga magulang ng tao hindi lamang ng hangaring mabuhay magpakailanman; binigyan din niya sila ng pagkakataong magawa iyon. Sila’y nilalang taglay ang sakdal na katawan at isip, at nabuhay sila sa isang mapayapang kapaligiran. Nilayon ng Maylalang na mabuhay magpakailanman ang unang mga taong ito at sa kalaunan, ang lupa ay mapupuno ng kanilang sakdal na mga supling.​—Genesis 1:28; 2:15.

Gayunman, ang walang-hanggang buhay ay may pasubali. Depende iyon sa pagsunod sa Diyos. Kung susuway si Adan sa Diyos, siya ay “tiyak na mamamatay.” (Genesis 2:16, 17) Nakalulungkot, sumuway nga ang unang mga tao. (Genesis 3:1-6) Sa paggawa nito, sila’y naging mga makasalanan, sapagkat “ang kasalanan ay katampalasanan.” (1 Juan 3:4) Bunga nito, wala na silang pag-asang mabuhay nang walang hanggan, sapagkat “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Kaya naman, nang inihahayag ang hatol sa unang mga tao, sinabi ng Diyos: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”​—Genesis 3:19.

Sa gayon, matapos magkasala ang unang mga tao, ang inihulang epekto ng kasalanan ay napasulat sa kanilang mga gene, at itinakda ang hangganan. Dahil dito, sila’y dumanas ng pagtanda, na ang resulta ay kamatayan. Bukod dito, matapos palayasin sa kanilang orihinal na Paraisong tahanan, na tinatawag na Eden, napaharap ang unang mga tao sa isa pang salik na nagkaroon ng masamang epekto sa kanilang buhay​—ang kapaligiran sa labas ng Eden na tulad sa isang harang. (Genesis 3:16-19, 23, 24) Ang ganitong pag-uumpugan ng minanang depekto at malupit na kapaligiran ay nakaapekto sa unang mga tao at gayundin sa kanilang naging mga supling.

Isang Hatol at Isang Pangako

Yamang naganap ang ganitong nakapipinsalang mga pagbabago sa kanilang buhay bago nagkaanak ang unang mga tao, makapagluluwal lamang sila ng mga supling na katulad nila​—di-sakdal, makasalanan, at daranas ng pagtanda. “Ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” sabi ng Bibliya. (Roma 5:12; ihambing ang Awit 51:5.) “Taglay natin ang ating sariling mandamyento ng kamatayan na nakasulat sa kayarian ng ating selula,” sabi ng aklat na The Body Machine​—Your Health in Perspective.

Gayunman, hindi ito nangangahulugan na wala nang pag-asang mabuhay na walang hangganan​—buhay na walang pagtanda at kamatayan. Una, makatuwirang maniwala na ang ubod-dunong na Maylalang ng tao at ng iba pang anyo ng buhay na may kamangha-manghang pagkasari-sari ay makapagpapagaling sa anumang henetikong depekto at makapaglalaan ng enerhiyang kailangan upang patuloy na mabuhay magpakailanman ang tao. Pangalawa, ito ang mismong ipinangakong gagawin ng Maylalang. Matapos niyang igawad ang hatol na kamatayan sa unang mga tao, ilang beses na isiniwalat ng Diyos na hindi nagbago ang kaniyang layunin na mabuhay magpakailanman ang mga tao sa lupa. Halimbawa, ibinigay niya ang katiyakan: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Ano ang kailangan mong gawin upang maranasan ang katuparan ng pangakong ito?

Kung Paano Palalawigin ang Iyong Buhay​—Magpakailanman

Kapansin-pansin, matapos kapanayamin ng manunulat sa siyensiya na si Ronald Kotulak ang mahigit sa 300 medikal na mananaliksik, sinabi niya: “Matagal nang alam ng mga siyentipiko na ang kita, trabaho, at edukasyon ang siyang mga pangunahing nagpapahiwatig ng magiging kalusugan ng mga tao at kung gaano katagal sila mabubuhay. . . . Ngunit edukasyon ang lumilitaw na siyang pinakamahalagang nagpapahiwatig ng magiging haba ng buhay.” Ganito ang paliwanag niya: “Kung paanong ang pagkain natin ay nagbibigay-lakas sa ating mga sistema ng imyunidad para mapaglabanan ang mga nakahahawang mikrobyo na maaaring magsapanganib ng ating buhay, ipinagsasanggalang naman tayo ng edukasyon mula sa nakapipinsalang mga desisyon.” Gaya ng sabi ng isang mananaliksik, “sa pamamagitan ng edukasyon, matututuhan mo kung paano tatahakin ang iyong daigdig” at kung paano “mapagtatagumpayan ang magiging mga sagabal.” Kaya naman, sa isang banda, edukasyon “ang lihim sa mas malusog at mas mahabang buhay,” sabi ng awtor na si Kotulak.

Edukasyon din ang unang hakbang para matamo ang buhay na walang hanggan sa hinaharap​—ang edukasyon sa Bibliya. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova, na siyang Maylalang, tungkol kay Jesu-Kristo, at tungkol sa kaayusan ng pantubos na inilaan ng Diyos ang tanging anyo ng edukasyon na maghahanda sa isang tao upang gawin ang unang hakbang sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.​—Mateo 20:28; Juan 3:16.

Nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng isang programa ng edukasyon sa Bibliya na tutulong sa iyo na makamit ang nagbibigay-buhay na kaalamang ito sa Bibliya. Dalawin ang isa sa kanilang mga Kingdom Hall upang makaalam pa tungkol sa libreng programang ito, o kaya’y hilingin na dalawin ka nila sa isang kombinyenteng panahon. Makikita mo na taglay ng Bibliya ang matibay na ebidensiya na malapit na ang panahon na ang buhay ay hindi na mahahadlangan ng mga harang at hindi magkakaroon ng hangganan. Totoo, libu-libong taon nang naghahari ang kamatayan, ngunit malapit na itong maigupo magpakailanman. Tunay na isang kapana-panabik na pag-asa para sa matatanda at maging sa mga kabataan!

[Talababa]

a Nakabuo ang mga gerontologist ng maraming iba’t ibang teoriya (sa isang pagbilang, mahigit sa 300!) na naglalarawan kung paano maaaring mangyari ang pagtanda. Gayunman, hindi ipinaliliwanag ng mga teoriyang ito kung bakit nangyayari ito.

[Mga larawan sa pahina 13]

Edukasyon sa Bibliya ang unang hakbang para matamo ang buhay na walang hanggan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share