Pagmamasid sa Daigdig
Mga Problema sa Pagpapairal ng Kapayapaan
“Isang dekada na ang nakalipas, gayon na lamang ang pagpapahalaga sa mga misyong pangkapayapaan ng UN anupat sa kabuuan ay ginawaran ang mga ito ng Nobel Peace Prize,” sabi ng pahayagang The Globe and Mail ng Toronto. “Ngayon, ang mga miyembro ng mga misyon sa pagpapairal ng kapayapaan—mga sibilyan, pulis at mga sundalo—ay umaani ng paghamak gayundin ng pagbati.” Bakit may gayong pagbabago? “Ang pangunahing problema ay ang uri ng mga labanan sa ngayon. Marami sa mga digmaan sa kasalukuyan ay hindi pinaglalabanan ng organisadong mga hukbo na may maliwanag na mga tunguhin at doktrina, ngunit ng mga pangkat at mga lider ng militar na gumagamit ng mga sundalong tin-edyer ukol sa sakim na mga layunin. Ang mga ito’y labanan para makontrol ang isang estado, hindi labanan sa pagitan ng mga estado,” sabi ng Globe. Bunga nito, sinabi pa ng pahayagan, “sa halip na subaybayan ang mga pormal na tigil-putukan sa pagitan ng mga bansa,” ang mga puwersa ng UN sa pagpapairal ng kapayapaan “ay naiipit sa pagitan ng naglalabanang mga pangkat na ang mga layunin—kung minsan maging ang hanay ng kanilang mga lider—ay hindi malinaw, at ang hangarin sa kapayapaan ay kahina-hinala.”
Humantong sa Karahasan sa Isport ang Bagong mga Simulain
Ayon sa magasing Pranses na L’Express, ang mga awtoridad sa soccer sa Pransiya ay humawak ng di-karaniwang 20,825 kaso ng pagdidisiplina sa panahon ng laro noong 1997/98, at lubhang dumami rin ang mga insidente ng karahasan sa iba pang laro. Bakit gayon na lamang kapalasak ang karahasan? Ayon sa mananaliksik na si Richard Pfister, ang isang dahilan ay “ang pangangailangang manalo. Kapag pinili ang salapi kaysa sa katanyagan, kapag idiniin ang resulta nang higit kaysa sa kaluguran sa paglalaro, ipinahihiwatig nito na kahit ano ay puwede.” Sinabi ni Pfister na ang gayong paggawi, ng mga taong itinuturing na huwaran anupat maliwanag na hindi napaparusahan, ay waring nagbibigay-matuwid sa karahasan sa paningin ng mga kabataan at nagpapasigla sa kanila na tularan iyon.
Kapaki-pakinabang Pa Rin ang Himpilan ng mga Kalapati
Ang kagawaran ng pulisya sa estado ng Orissa sa India ay may makabagong sistema ng komunikasyon, ngunit hindi pa rin nito isinasara ang “serbisyo ng mga kalapati,” isang kawan na binubuo ng 800 kalapati, ulat ng The Indian Express. Ayon kay G. B. B. Panda, panlahat na direktor ng pulisya ng Orissa, ang mga kalapati ay naging napakahalaga noong panahon ng mga baha at bagyo sa nakalipas na 50 taon at nagagamit pa rin kapag nasisira ang mga radyo. Halimbawa, nang wasakin ng baha ang bayan ng Banki noong 1982, mga kalapati ang tanging nag-uugnay sa bayan at sa pandistritong punong-himpilan sa Cuttack. Ang unang pangkat ng mga kalapati sa Orissa ay sinimulang gamitin noong 1946, sa pamamagitan ng lahing Belga na tinatawag na homer, na nakalilipad nang hanggang 800 kilometro nang walang hinto sa bilis na 80 hanggang 90 kilometro bawat oras. Ang mga ibon, na nabubuhay ng 15 hanggang 20 taon, ay iniingatan sa kasalukuyan sa tatlong sentro sa ilalim ng pangangalaga ng 34 na konstable. Sinabi ni G. Panda: “Ang mga kalapati ay maaaring mukhang lipas na sa panahon ng mga teleponong cellular, ngunit patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang dakilang paglilingkod sa estado.”
Hindi Nakapag-aaral ang mga Bata
Ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, na pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations noong 1948, ay nagpakilala sa saligang karapatan sa edukasyon. Bagaman maraming kapuri-puring pagsisikap ang naisagawa na, hindi pa rin naaabot ang tunguhing ito. “Limampung taon makalipas ang pagpapatibay sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, mayroon pa ring hindi nakapag-aaral na mahigit na 130 milyong bata na nasa edad na para mag-aral sa elementarya,” ulat ng pahayagang Aleman na Allgemeine Zeitung Mainz. “Nangangahulugan ito na 20 porsiyento ng lahat ng bata sa daigdig ay hindi nakakukuha ng saligang edukasyon.” Ayon kay Reinhard Schlagintweit, ang pinuno ng United Nations Children’s Fund, sa Alemanya, kakailanganin ang mga $7 bilyon upang makapag-aral sa elementarya ang lahat ng bata sa buong daigdig. Napakaliit nito kung ihahambing sa salaping ginugugol sa Europa taun-taon para sa sorbetes o sa halagang ginagasta taun-taon sa Estados Unidos para sa kosmetiko, at katiting na bahagi lamang ito kung ihahambing sa ginagastos ng daigdig sa mga sandata.
Madalas ang Kasakunaan sa Asia
“Anim sa 10 malalaking kasakunaan sa daigdig noong nakaraang taon ay nangyari sa Asia, anupat 27,000 katao ang nasawi at $38 bilyon (U.S.) ang halaga ng pinsala,” sabi ng South China Morning Post. Kasali rito ang mapangwasak na mga baha sa Bangladesh at Tsina at ang sunog sa kagubatan ng Indonesia na nagpakalat ng usok sa kalapit na mga bansa. “Mas madalas ang likas na kasakunaan sa Asia kaysa sa iba pang rehiyon sa daigdig,” sabi ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific. “Lalo na sa Asia, ang pagbabawas ng panganib ay magiging isa sa malalaking hamon sa ika-21 siglo.”
Kung Bakit Hindi Mo Nakikiliti ang Iyong Sarili
“Kapag natumbok ang kiliti ng isang tao, kahit malaki na siya ay manlalambot pa rin siya. Ngunit kahit paano ay mapapanatag ang loob ng isang taong napakasensitibo ang balat sa pagkaalam na hindi niya makikiliti ang kaniyang sarili,” sabi ng The Economist. Bakit hindi? Ayon sa mga bagong pananaliksik, ang sagot ay nasa cerebellum, ang bahagi ng utak na nag-uugnay sa mga galaw ng kalamnan. Naniniwala rin ang mga mananaliksik na hindi lamang pinag-uugnay ng cerebellum ang mga pagkilos kundi may kinalaman din ito sa patiunang pagsasabi ng pakiramdam na ibubunga nito. Kaya naman, kapag kiniliti ng mga tao ang kanilang sarili, inaasahan na ng cerebellum ang pakiramdam at pinipigil ito. Kapag kiniliti ng iba, ang pumukaw at ang inaasahan ng cerebellum ay hindi nagkakatugma, at hindi napipigil ang pakiramdam. Sa isang kahawig na artikulo, ganito ang pagkakabuod dito ng The New York Times: “Nalalaman ng utak kapag kinikiliti ng isang tao ang kaniyang sarili at sa gayo’y hindi ito pinapansin, upang maging higit itong sensitibo sa pagkiliti ng ibang tao na maaaring mas matindi.”
Pumalit sa Morse Code
Ang Morse code, na naimbento noong 1832, “ay gumanap ng napakahalagang papel sa pag-unlad ng pangangalakal at ng kasaysayan mismo,” ang pag-amin ni Roger Cohn, ng ahensiya ng United Nations na nangangasiwa sa industriya ng pagbabarko sa daigdig. Ito ay isa sa naging pamantayang pandaigdig na ginagamit ng mga barkong nasa panganib mula pa noong 1912, ang taon nang humudyat ang Titanic ng SOS—tatlong tuldok, tatlong gatlang, tatlong tuldok—sabi ng The Toronto Star. Ngunit simula sa Pebrero 1, 1999, isang bagong sistema ng satelayt, na ipinakilala ng International Maritime Organization, ang awtomatikong maghahatid ng isang kalipunan ng mga impormasyon sa “isang sistema ng magkakaugnay na mga sentro sa pagsagip na matatagpuan sa buong daigdig” kapag pinindot ang isang “aktibong tipa” sa terminal ng satelayt ng barko. Bukod sa siyam-na-numerong pagkakakilanlan sa barko, sa iba pang impormasyon na ihahatid ay “maaaring kalakip ang oras, posisyon ng barko at ang uri ng panganib—hindi detalyado, o ang isa sa 12 kategorya na mula sa sunog hanggang sa pagbaha at pagtagilid hanggang sa mga pirata,” sabi ng Star. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong nagdaan, sinabi pa nito: “Ang Morse ay ginamit upang ihatid sa daigdig ang ilan sa pinakamagagandang balita sa kasaysayan: Ginamit ito upang isahimpapawid ang mga tigil-putukan sa dalawang Digmaang Pandaigdig.”
Iniugnay sa Sapatos ang mga Suliranin sa Kalusugan
“Ipinahihiwatig ng opinyon ng mga manggagamot na isa sa anim na tao ang may malubhang suliranin sa paa, na kadalasa’y maaaring iugnay sa sapatos,” ulat ng The Toronto Star. Ang makikirot na tuhod, masakit na balakang, pananakit ng gawing ibaba ng likod ay maaaring nagsasabi sa iyo na tingnan mo ang sapatos na isinusuot mo. “Pinakamahalagang tandaan na ang sapatos ay hindi sumusunod sa paa, ang paa ang siyang sumusunod sa sapatos,” sabi ng Star. “Huwag kang bibili ng sapatos at aasang susunod ito sa iyong paa. Kung sa tindahan pa lang ay hindi na ito komportableng isuot, huwag mo nang bilhin.” Sa bandang hapon ka mamili ng sapatos, dahil “karaniwan nang malaki nang kaunti ang paa sa dulo ng maghapon,” at “iangkop ang sapatos sa sukat ng hinlalaki, sa halip na sa sakong.” Ayon sa estadistika, ang mas marami sa mga may suliranin at depekto sa paa ay mga kababaihan. Inaakala na ito ay dahil sa 90 porsiyento sa kanila “ang nagsusuot ng sapatos na napakaliit o napakasikip sa kanilang paa” at “dahil sa matataas na takong, marami ang nagkakaroon ng malulubhang depekto sa paa.” Sinabi pa ng pahayagan: “Mahalaga ring tandaan na nararamdaman lamang ang kirot kapag mayroon nang pinsala.”
Paglalathala ng Bibliya sa Tsina
“Ang Tsina ay naglathala na ng mahigit sa 20 milyong kopya ng Banal na Bibliya sa nakalipas na dalawang dekada at ang Bibliya [ay] naging isa sa pinakapopular na aklat sa bansa sapol nang magsimula ang dekada ng 1990,” sabi ng Xinhua News Agency. Ayon kay Propesor Feng Jinyuan, ng Institute of World Religions sa ilalim ng Chinese Academy of Social Sciences, ang mga Kristiyano sa Tsina ay may karapatang bumili ng dalawang kopya. Mahigit sa 20 iba’t ibang edisyon ang nailathala na, “kasali na ang mga edisyong Ingles na may salin sa Tsino, mga edisyong Tsino sa tradisyunal at pinagaan na mga letra, mga edisyon sa mga wika ng etnikong minorya at kapuwa sa anyong nabibitbit at yaong binabasa mula sa mesa sa simbahan.” Karagdagan pa, maraming aklat na naglalaman ng mga kuwento sa Bibliya ang nailathala na at inaasahang mas mabili pa kaysa sa Bibliya. “Ang Bibliya ay nasa ika-32 puwesto sa listahan ng pinakamaimpluwensiyang mga aklat sa bansa mula nang mga unang taon ng 1990,” sabi ng artikulo, ngunit “sa pangkalahatan, mas maliit ang impluwensiya ng relihiyon sa mga Tsino kaysa sa mga tao sa Kanluran.”