Isang Pamamaalam sa Digmaan
MALAON nang pinangarap ng mga tao saanman ang isang daigdig na walang digmaan. Ito’y isang pangarap na nananatiling pangarap. Gaya ng nakita natin sa nakaraang artikulo, marami ang naniniwalang sasapit lamang ang pangglobong kapayapaan sa pamamagitan ng pandaigdig na pamahalaan, isang walang-pinapanigang pamahalaan na kakatawan sa lahat ng tao sa lupa. Gayunman, karamihan ay nakababatid na hindi kailanman isusuko ng mga pinunong tao ang kanilang kapangyarihan sa isang pamahalaan na kumakatawan sa bawat isa sa lupa. Nangangahulugan ba ito na imposible nang magkaroon ng pandaigdig na pamahalaan?
Maaaring gayon nga. Subalit ipinakikita ng hula sa Bibliya na malapit nang magpasapit ng kapayapaan sa lupa ang isang pamahalaang mamumuno sa buong lupa. Hindi ito darating dahil sa pakikipagnegosasyon ng mga tao o sa pamamagitan ng internasyonal na mga kasunduan. Kinasihan ang propetang si Daniel na sumulat: “Magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.”—Daniel 2:44.
Ito rin ang Kahariang sinabi ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod sa panalanging kilala ng milyun-milyong tao bilang ang Panalangin ng Panginoon, o ang Ama Namin. Marahil ay pamilyar ka sa panalanging iyan, na masusumpungan sa Bibliya sa Mateo 6:9, 10. Ang isang bahagi niyaon ay may ganitong pagsusumamo sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Sasagutin ng Diyos ang panalanging iyan. Malapit nang “dumating” ang Kahariang iyan upang isagawa ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Kabilang sa kalooban ng Diyos ang pagpapabago sa globo tungo sa isang paraiso ng kapayapaan.
Isang Makatotohanang Pangitain ng Pangglobong Kapayapaan
Makatuwiran bang maniwala na magiging mas matagumpay ang Kaharian ng Diyos kaysa sa mga pamahalaan ng tao? Tingnan natin ang walong katangian ng Kaharian ng Diyos na titiyak sa walang-hanggang kapayapaan para sa lahat ng nasasakupan nito.
1. Tataglayin ng Kaharian bilang hinirang-ng-Diyos na lider nito ang niluwalhating si Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Nang naririto sa lupa, ipinakita ni Jesus na ang kaniyang mga lingkod ay hindi gumagamit ng sandata para sa pisikal na pakikipaglaban. Sinabi niya kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”—Mateo 26:52.
2. Ang Kaharian ay tunay na magiging isang pandaigdig na pamahalaan. May kinalaman sa awtoridad na ibinigay kay Jesus, inihula ni Daniel: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya”—Daniel 7:14.
3. Kakatawanin ng Kaharian ang lahat ng tao. Si Jesus ay may mga kasamang tagapamahala “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa,” at sila’y “mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
4. Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan ng tao, na sumasalansang sa awtoridad nito. “Dudurugin ng kaharian at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao], at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
5. Ang mga tao sa lupa ay pamamahalaan ng internasyonal na batas. Si Isaias ay humula nang panahong iyon na nagsasabi: “Mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem. At siya ay maggagawad nga ng kahatulan sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa maraming bayan.”—Isaias 2:3, 4.
6. Matututuhan ng mga sakop ng Kaharian ang mga daan ng kapayapaan. Nagpatuloy si Isaias: “At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Hindi sila magtataas ng tabak, ang bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
7. Pupuksain ang mga mangingibig ng karahasan. “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa. Magpapaulan siya sa mga balakyot ng mga bitag, apoy at asupre at nakapapasong hangin, bilang takdang bahagi ng kanilang kopa.”—Awit 11:5, 6.
8. Aalisin na ang mga sandata. “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya ang mga karwahe sa apoy.”—Awit 46:8, 9.
Pananampalataya sa mga Pangako ng Diyos—Bakit at Paano?
Marami pang detalye ang ibinibigay ng Bibliya hinggil sa Kaharian ng Diyos. Halimbawa, ipinakikita nito kung sino ang makakasama ni Jesu-Kristo sa pamamahala sa mga gawain sa lupa. Sinasabi pa nito kung paano sila pinipili at kung anong mga kuwalipikasyon ang dapat na maabot nila. Sinasabi rin sa Bibliya kung paano pangangasiwaan ng Kaharian ang mga kayamanan ng lupa upang itaguyod ang kasaganaan at kaligayahan sa lahat ng mga tao sa lupa, anupat inaalis ang inggit at kasakiman na siyang laging pinagmumulan ng pag-aaway.
Dapat bang paniwalaan ang hulang iyan? Sinabi mismo ni Jehova: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay] hindi . . . babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at iyon ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isaias 55:11) Ang pangungusap na ito ay higit pa sa isang katiyakan lamang na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako. Si Jehova ay Makapangyarihan sa lahat, kaya may kapangyarihan siyang magtatag ng pangglobong kapayapaan. Walang bagay na hindi niya nauunawaan; samakatuwid, taglay niya ang karunungan na mapanatili ang kapayapaan. (Isaias 40:13, 14) Bukod diyan, si Jehova ang mismong larawan ng pag-ibig, kaya wala nang iba pa sa lupa ang may nakahihigit na hangarin na magpasapit ng kapayapaan sa buong daigdig.—1 Juan 4:8.
Mangyari pa, kailangan ang pananampalataya upang maniwala sa mga pangako ng Diyos. Ang pananampalataya ay salig sa kaalaman at ito’y nililinang sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Filipos 1:9, 10) Habang natututuhan natin ang personalidad at mga layunin ng Diyos, nagiging maliwanag ang katotohanan ng Kaharian ng Diyos. Oo, mawawala na ang digmaan, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga tao, kundi sa pamamagitan ng isang niluwalhating pandaigdig na pamahalaan na may banal na pagsuporta, ang Kaharian ng Diyos.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, matututo ng kapayapaan ang mga sakop nito, at maaalis na ang mga sandata