Ang Kapangyarihan ng Musika
“Kahit musika lamang na may biglang halina ay maaaring pumigil sa gumagalang diwa, at magpahinahon sa isipang balisa.”
GANIYAN ang isinulat ni William Congreve sa kaniyang Hymn to Harmony mga 300 taon na ang nakalilipas. Noong mga nakaraang siglo bago nito, inaangkin ng mga sinaunang akdang Griego na ang “pagsasanay sa musika ay isang mas makapangyarihang instrumento kaysa sa alinmang iba pa, dahil ang ritmo at armonya ay nanunuot nang maigi sa kaluluwa.”
Ang pagiging totoo nito ay nakita ng ilang magulang na nakapansin na ang kanilang mga tin-edyer ay nagiging mapagmaktol at hindi nakikipagtulungan pagkaraan ng palaging pakikinig sa musikang heavy metal. Nakita rin ito sa Alemanya noong mga dekada ng 1930 at 1940 nang ang mga Nazi ay gumamit ng mga nakapupukaw-damdaming musikang pangmartsa upang ito’y makatulong sa paghahanda sa malalaking pulutong na makinig sa mapang-akit na mga talumpati ni Adolf Hitler.
Walang-alinlangan na maaaring makaapekto ang musika sa isip at puso at maaaring gamitin upang impluwensiyahan ang isip at puso ukol sa ikabubuti o sa ikasasama. Halimbawa, ang pagkahantad ng mga bata sa ilang uri ng musika ay pinaniniwalaang nakatutulong sa kanilang intelektuwal at emosyonal na paglaki. Maging ang mga utal ay nakaaawit kung minsan ng mga pangungusap na hindi nila kayang salitain.
Ang mga epekto ng musika sa mga pasyenteng may neurolohikal na mga karamdamang nagiging sanhi ng mga problema sa paggalaw ay nakagugulat kung minsan, ayon kay Anthony Storr sa kaniyang aklat na Music and the Mind. Inihalimbawa ni Storr ang isang babaing pasyente: “Palibhasa’y hindi makagalaw dahil sa sakit [na Parkinson], nananatili siyang di-makakilos hanggang sa maalaala niya ang mga himig na kabisado niya mula pagkabata. Ang mga ito ang biglang magpapasigla sa kaniyang kakayahang kumilos muli.”
Isang Bagay na Nakababahala
Lumilitaw kung gayon na may mga pakinabang na naidudulot ang kapangyarihan ng musika. Gayunman, nariyan ang panganib na baka gamitin ng mga tiwali o sakim na mga tao ang kapangyarihan ng musika bilang isang nakamamatay na instrumento. Ipinakita ng ilang pag-aaral ang tuwirang kaugnayan ng paggawing laban sa lipunan at ng ilang uri ng musika.
Bilang pagsuhay sa gayong mga pag-aangkin, ganito ang ulat ng Psychology of Women Quarterly: “May katibayan na nagpapahiwatig na ang epekto ng panonood ng mga rock video ay katulad ng panonood ng pornograpya yamang ang mga lalaking nanood ng mararahas na rock video ay nagpamalas ng mas manhid at mas galít na saloobin sa mga babae kaysa sa mga lalaking nanood ng hindi mararahas na rock video.”
Ang epektong ito ay hindi lamang nangyayari sa mga lalaki. Maaari ring maapektuhan ang mga babae. Ganito pa ang sinabi ng ulat ding iyon: “Maaaring magsimulang tanggapin kapuwa ng mga lalaki at mga babae ang negatibong mga mensahe na inihaharap ng mga awiting ito tungkol sa kawalang-halaga ng mga babae.”
Ang babasahing Sex Roles ay sumasang-ayon sa konklusyong ito, sa pagsasabing: “Isang pag-aaral kamakailan . . . ang nakatuklas na ang pamumuhay sa isang di-kasiya-siyang kapaligiran ng pamilya at ang madalas na pagkahantad sa mga music video ay may malaking kaugnayan sa maluwag na saloobin at paggawi ng mga kabataang babae may kinalaman sa sekso.” Ang sobrang karahasan at malalaswang liriko ng ilang musikang rap ang naging dahilan kaya ipinasiya ng isang hukom ng distrito sa Estados Unidos na ang isang album na rap ay “mahalay ayon sa mga pamantayan ng komunidad.”
Lumalabis na ba ang pananaw ng hukom? Hinding-hindi! Ang babasahing Adolescence ay nagkaroon ng konklusyon na “kapuwa ang mga kabataan at ang kanilang mga magulang ay nag-uulat na talagang mas maraming gulo sa buhay ng mga kabataan na nakikinig sa heavy metal at rap.” Ang gayong gulo ay iniuugnay sa “agresibo at nakapipinsalang mga paggawi” at mabababang marka sa paaralan.
Sa katunayan, ang mga kaugnayan sa pagitan ng ilang uri ng musika at ng sekso, pagpapatiwakal, at paggawing laban sa lipunan ay pinatutunayan ng maraming kasulatan. Subalit ibig bang sabihin nito na lahat ng musika ay nauugnay sa gayong negatibong mga epekto? Basahin ang ilalahad ng sumusunod na mga artikulo hinggil dito.
[Blurb sa pahina 4]
Ang musika ay maaaring makaapekto sa puso at isip ukol sa ikabubuti o ikasasama