Panatilihin ang Timbang na Pangmalas sa Musika
ANG industriya ng musika sa ngayon ay isang multibilyong-dolyar na negosyo. Ang sikat na mga musikero at ang kanilang mga tagapagtaguyod ay kumikita nang malaki. Gayunman, isang katotohanan na ang kawalang-kaligayahan, maagang kamatayan, at pagpapatiwakal ay makikita sa mga buhay ng ilan sa totoong matatagumpay na mga musikero. At maliwanag na ipinakita na ang ilang musika ay nakasasama sa moral, emosyon, at espirituwal at maaaring humantong sa paggawing marahas at laban sa lipunan.
Gayunman, kailangang magkaroon ng timbang na pangmalas sa musika. Bagaman maraming mali at masama sa anyong ito ng sining, ang ilang musika ay maaaring magpayaman sa buhay ng isa at magdulot ng isang antas ng kagalakan at kasiyahan. Maaari tayong pasiglahin nito sa emosyonal at espirituwal na paraan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Ang 150 salmo sa Bibliya ay mga obra-maestrang mga akda—lirikong tula, sagradong mga awitin, at mga panalangin. Ang mga ito ay binabasa ngayon nang may kasiyahan sa daan-daang wika. Gayunman, ang sinaunang mga Hebreo ay hindi lamang nagbasa ng mga salmo; inawit nila ang mga ito. Kadalasan, ginagawa nila ito taglay ang magagandang saliw ng musika—isang mapuwersang paraan upang iugnay ang karunungan ng kanilang Diyos, si Jehova, na gaya ng nakasaad sa mga salita, sa damdamin na maaaring itawid ng mga manganganta sa mga tagapakinig. Sa halip na masyadong payak o makaluma, ang kalidad at istilo ng Hebreong musika ay lumilitaw na mas matayog kaysa sa mga musika ng nakapalibot na mga bansa noong panahong iyon.
Nang maglaon, ang mga Kristiyano noong unang siglo ay umawit ng mga salmo at iba pang sagradong mga awitin upang purihin ang Diyos at upang magdulot ng kaginhawahan sa maigting na damdamin. Kaya naman nagamit ang musika upang pagyamanin ang kanilang buhay. At sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awiting salig sa Bibliya, naitimo nilang mabuti sa kanilang puso ang kaalaman ng Diyos, na kailangan nila upang mapatnubayan ang kanilang buhay.—Mateo 26:30; Gawa 16:25.
Naniwala ang sinaunang mga Griego na pinauunlad ng musika ang personalidad ng tao at ginagawang kumpleto ang isang lalaki o isang babae. Sa ika-20-siglong daigdig na ito, na nagdiriin sa edukasyon sa siyensiya, kabuhayan, at lohika, ang pag-unlad ng pitak ng personalidad na may kinalaman sa emosyon sa pamamagitan ng sining ay kadalasang napapabayaan.
Manatiling Timbang
Ang pakikinig sa isang piyesa ng magandang musika ay maaaring maging kapaki-pakinabang at kalugud-lugod na karanasan. Subalit ang isang tao ay maaari pang masiyahan nang higit sa pagtugtog ng instrumentong pangmusika o pag-awit kasama ng isang grupo ng mga kaibigan. Ang pagkatuto sa musika ay maaaring magbukas ng isang malawak na larangan ng tunay na kasiyahan.
Siyempre pa, gaya ng ibang mabubuting bagay sa buhay, kailangan ang pagiging katamtaman, mabuting pagpapasiya, at pagiging mapamili sa larangang ito ng paglilibang. Ito’y totoo hindi lamang sa uri ng musikang pinipili kundi maging sa dami rin ng panahong ginugugol sa pakikinig o pagtugtog ng musika.
Kung ang isang uri ng musika ay nagsisimulang magkaroon ng negatibong epekto sa iyong damdamin, kilos, at pakikipag-ugnayan, kung gayon ay pumili ng ibang uri. Mag-ingat sa iyong pinakikinggan upang maingatan ang iyong damdamin nang sa gayon ay maingatan ang iyong puso at isip!
Ito ay lalo nang totoo pagdating sa mga liriko. Maaaring magsimulang hubugin ka ng mga ito sa mga hangarin niyaong hindi nakikiisa sa iyong mga pangmalas sa buhay at moralidad, na sa halip ay baka magmungkahi ng di-makadiyos at imoral na istilo ng pamumuhay. Sa ilang kaso, kahit ang pamagat lamang ng isang awit ay maaaring magpakilos sa maling uri ng damdamin.
Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagpapayo sa mga magpapalugod sa kaniya na ‘iharap ang kanilang mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang kanilang kakayahan sa pangangatuwiran.’ (Roma 12:1) Maliwanag, ang ating damdamin ay bahagi ng gayong ‘buháy na hain.’ Kaya sakaling masumpungan natin na dahil sa kapangyarihan ng musika, ang ating emosyon ay nagsisimulang bumulag sa ating mapanuring pagpapasiya at katuwiran at maglihis sa ating pagkilos, kung gayon ay panahon na upang baguhin ang ating kaugalian sa pakikinig ng musika. Tandaan: Ang kapangyarihan ng musika ay maaaring makaapekto sa iyong puso at sa iyong isip—alinman sa ikabubuti o ikasasama!
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Pagpapaunlad sa Kakayahang Matuto
“Ipinakikita ng mga pananaliksik na ang regular na pakikinig sa magagandang musika ay magpapaunlad sa kakayahang matuto ng isang sanggol. Subalit sa maraming tahanan, wala silang naririnig na ganoon.”—Audio, Marso 1999.