Mga Pamahiin—Bakit Lubhang Mapanganib?
MAISASAPANGANIB ka ba ng mga pamahiin? Baka ipagwalang-bahala ng iba ang pag-iisip na ito o di kaya’y maliitin nila ang panganib. Gayunman, sa kaniyang aklat na Believing in Magic—The Psychology of Superstition, nagbabala si Propesor Stuart A. Vyse: “Maaaring humantong sa mas mababang uri ng buhay ang pamahiin kung ang isa’y gumagastos ng malaking halaga ng salapi para sa mga espiritista, manghuhula, numerologo, o mga nagbabasa ng mga Tarot card, o kung ang mga mapamahiing ritwal ng isa ay nagpapangyari sa kaniya na ipagpatuloy ang problema sa pagsusugal.” Ang pagpapahintulot sa pamahiin na ugitan ang ating buhay ay maaaring magdulot ng mas malulubhang kahihinatnan.
Tulad ng atin nang nakita, maraming pamahiin ang nagsisilbing pampalubag-loob sa mga pangamba hinggil sa kinabukasan. Gayunman, mahalagang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng pamahiin at ng mapagkakatiwalaang kaalaman tungkol sa ating hinaharap. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
Isang Nakapagbibigay-Liwanag na Salaysay
Noong 1503, pagkaraan ng maraming buwan ng paglalayag sa may baybayin ng Sentral Amerika, idinaong ni Christopher Columbus ang huli niyang dalawang sasakyang pandagat sa isla na kilala ngayon bilang Jamaica. Sa pasimula, malayang ibinahagi ng mga tagaisla ang kanilang pagkain sa mga napasadsad na manggagalugad. Gayunman, nang malaunan, hindi na binigyan ng mga tagaisla ng pagkain ang mga mandaragat dahil sa maling ikinilos ng mga ito. Kritikal ang situwasyon, yamang may katagalan pa bago makarating ang isa pang barko upang iligtas sila.
Ayon sa salaysay, sinangguni ni Columbus ang kaniyang almanak at natuklasan niyang magkakaroon ng lubusang eklipse ng buwan sa Pebrero 29, 1504. Sa pagsasamantala niya sa pamahiin ng mga tagaisla, binabalaan niya sila na magdidilim ang buwan kung hindi nila paglalaanan ng pagkain ang kaniyang mga tauhan. Ipinagwalang-bahala ng mga tagaisla ang babala—hanggang nagsimula na nga ang eklipse! Pagkatapos, “habang labis na naghihiyawan at nananaghoy,” sila’y “nagsipagtakbuhan sa lahat ng direksiyon patungo sa mga barko na dala-dala ang mga pagkain.” Napaglaanan ng pagkain ang mga manggagalugad hanggang sa katapusan ng kanilang paghinto roon.
Sa mga tagaisla, nagsagawa ng makapangyarihang mahiko si Columbus. Ngunit ang kanilang konklusyon ay dahil sa pamahiin lamang. Ang totoo, ang “prediksiyon” ay salig sa di-nagbabagong pagkilos ng lupa, ng buwan, at ng araw. May katiyakang masasabi ng mga astronomo nang patiuna ang mga bagay na gaya ng mga eklipse, at ang impormasyong ito ay lumilitaw sa mga almanak. Karagdagan pa, ang tiyak na pagkilos ng mga bagay sa langit ay nagpapangyari sa mga astronomo na matukoy ang kanilang eksaktong posisyon sa anumang oras. Kaya naman, kapag ipinabatid ng pahayagan ang oras ng pagsikat o ng paglubog ng araw, tinatanggap mo iyon bilang katotohanan.
Sa katunayan, ang Dakilang Maylalang ng mga bagay sa kalangitan ang siyang pinagmulan ng impormasyong inihahayag hinggil sa pagsasaoras ng mga eklipse, ng mga pagsikat at paglubog ng araw. Ngunit ang mga prediksiyon ng mga manghuhula, espiritista, tumitingin sa bolang-kristal at nagbabasa ng tarot card ay may ibang pinagmulan, isa na sumasalansang sa Diyos na Makapangyarihan sa Lahat. Isaalang-alang ang ibig naming sabihin.
Isang Mapanganib na Pinagmulan
Iniuulat ng banal na rekord sa Gawa 16:16-19 na “isang alilang babae” sa sinaunang lunsod ng Filipos ang nakapaglaan sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang dahil sa kaniyang “sining ng panghuhula.” Gayunman, payak na sinasabi ng ulat na ang pinagmulan ng kaniyang mga prediksiyon ay, hindi ang Maylalang na makapangyarihan sa lahat, kundi isang “demonyo ng panghuhula.” Kaya naman, nang palabasin ni apostol Pablo ang demonyo, nawala ang kakayahan ng alilang babae na manghula.
Kapag nauunawaan natin na ang gayong mga prediksiyon ay mula sa demonyo, naiintindihan natin kung bakit sinabi sa Kautusan ng Diyos sa Israel: “Huwag makasusumpong sa iyo . . . ng sinumang nanghuhula, ng mahiko o ng sinumang naghahanap ng mga tanda o ng manggagaway, o ng isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ng sinumang sumasangguni sa espiritista o ng manghuhula ng mga pangyayari . . . Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Sa katunayan, sa ilalim ng Kautusan, ang gayong mga gawain ay karapat-dapat sa kamatayan.—Levitico 19:31; 20:6.
Maaaring ikagulat mong malaman na ang balakyot na mga puwersa ang nasa likuran ng waring di-mapanganib na mapamahiing mga gawain. Subalit sinasabi ng Bibliya na si Satanas ‘ay nag-aanyong isang anghel ng liwanag.’ (2 Corinto 11:14) Maaaring palitawin ni Satanas at ng mga demonyong nasa kaniyang kapangyarihan na waring hindi nakapipinsala ang mapanganib na mga gawain, kundi kapaki-pakinabang pa nga. Kung minsan, maaaring makakatha sila ng mga palatandaan at mapangyaring magkatotoo ang mga ito, anupat nalilinlang ang mga nagmamasid sa pag-iisip na ang mga tandang iyon ay mula sa Diyos. (Ihambing ang Mateo 7:21-23; 2 Tesalonica 2:9-12.) Ito ang dahilan kung bakit ang ilang prediksiyon ng mga nag-aangking may pantanging kapangyarihan ay nagkakatotoo kung minsan.
Mangyari pa, marami, kung hindi man karamihan, sa mga nag-aangking may pantanging kapangyarihan ay huwad, mga nagmamarunong lamang, na may-pandarayang naniningil ng pera mula sa mga mapaniwalain. Ngunit huwad man o hindi, ang lahat ng mga ito ay matagumpay na ginagamit ni Satanas upang italikod ang mga tao kay Jehova, anupat binubulag sila sa “kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita.”—2 Corinto 4:3, 4.
“Masuwerte” na mga Anting-anting at ang Idolatriya
At kumusta naman ang “masuwerte” na mga anting-anting at mapamahiing mga kinaugalian na isinasagawa ng mga tao upang makadama ng katiwasayan at kontrol sa biglaang mga kaganapan sa buhay? Ang mga ito’y naghaharap ng ilang tusong panganib. Una, sa katunaya’y isinusuko ng mapamahiing tao ang kaniyang buhay sa di-nakikitang mga puwersa. Itinatakwil niya ang lohika at ang katuwiran, kundi sa halip ay nagpapadala sa di-maipaliwanag na mga takot.
Isang manunulat ang bumanggit ng isa pang likas na panganib. Sinabi niya: “Kapag ang isa’y nagtitiwala sa isang masuwerteng anting-anting para sa proteksiyon at nabigo ang anting-anting, may hilig ang taong iyon na sisihin ang pagkilos ng iba sa [kaniyang] kasamaang-palad, sa halip na tanggapin ang kaniya mismong pananagutan.” (Ihambing ang Galacia 6:7.) Kapansin-pansin, ang mananaysay na si Ralph Waldo Emerson ay minsang nagpahayag: “Ang mabababaw na tao ay naniniwala sa kapalaran . . . Ang matatatag na tao ay naniniwala sa sanhi at epekto.”
Ang “sanhi at epekto” na kumikilos sa ating mga buhay ang nagdudulot ng biglaang mga kaganapan—ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari” na sumasapit sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Ang biglaang mga kaganapan ay hindi dahil sa sinumpong ang “kamalasan.” Alam ng mga Kristiyano na walang epekto sa biglaang mga kaganapan ang mapamahiing mga rutin at ang mga anting-anting na may mahiko. Kapag nangyari ang mga ito, tayo ay napaaalalahanan ng katotohanan sa Bibliya: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay nawawala.”—Santiago 4:14.
Karagdagan pa, alam ng mga tunay na Kristiyano na madalas binibigyan ng mapagpitagang atensiyon ang mga anting-anting at ang mapamahiing mga ritwal o rutin. Kaya naman, minamalas ng mga Kristiyano ang lahat ng gayon bilang mga anyo ng idolatriya, na maliwanag na hinahatulan sa Salita ng Diyos.—Exodo 20:4, 5; 1 Juan 5:21.
Kung Paano Natin Malalaman ang Hinaharap
Hindi ito nangangahulugan na hindi nababahala ang mga Kristiyano hinggil sa hinaharap. Sa kabaligtaran, ipinakikita ng matinong pangangatuwiran na talagang mahalagang malaman kung ano ang magaganap sa hinaharap. Kung alam natin nang patiuna ang mangyayari, makagagawa tayo ng tamang mga hakbang, sa gayo’y makikinabang tayo at ang ating mga mahal sa buhay.
Subalit may totoong pangangailangan na hanapin ang impormasyong ito mula sa tamang pinagmumulan. Nagbabala ang propetang si Isaias: “Sasabihin sa inyo ng mga tao na humingi ng mga mensahe mula sa mga manghuhula at espiritista . . . Inyong sasagutin sila, ‘Pakinggan ninyo ang itinuturo sa inyo ng Panginoon! Huwag kayong makinig sa mga espiritista—ang kanilang sinasabi sa inyo ay hindi magdadala sa inyo ng kabutihan.’”—Isaias 8:19, 20, Today’s English Version.
Ang tumpak na pinagmumulan ng mapagkakatiwalaang impormasyon hinggil sa hinaharap ay ang Awtor ng Bibliya. (2 Pedro 1:19-21) Ang kinasihang aklat na ito ay naglalaman ng saganang patotoo na ang mga hulang binigkas ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jehova, ay mapananaligan—sa katunayan, mapananaligan na gaya ng pagkilos ng mga bagay sa langit na “inihula” sa di-mabilang na mga almanak. Upang ilarawan ang detalyadong kawastuan ng hula sa Bibliya, isaalang-alang ang halimbawang ito. Sabihin na nating isang prominenteng persona ngayon ang nagpahayag sa madla at nanghula ng mga kaganapan 200 taon sa hinaharap, para sa taóng 2199. Ang kaniyang prediksiyon ay naglalaman ng ganitong mga detalye:
◻ Isang malawak na digmaang militar ang sisiklab sa pagitan ng kapangyarihang pandaigdig na mga bansa na hindi pa magkaribal, at ang resulta niyaon ay magpapabago sa kasaysayan.
◻ Ang estratehiya na gagamitin ay nagsasangkot sa isang himala ng inhinyeriya na babago sa agos ng isang malaking ilog.
◻ Ang pangalan ng manlulupig ay ibinigay—maraming taon bago pa siya isinilang.
◻ Ang sukdulang kahihinatnan ng talunan ay inilarawan, anupat napalawak ang prediksiyon at umabot hanggang sa maraming siglo sa hinaharap.
Kung ang lahat ng mga prediksiyong ito ay magkatotoo, hindi kaya pangyayarihin nito ang mga tao na isaalang-alang ang iba pang bagay na sinabi ng personang ito hinggil sa hinaharap?
Ang mga bagay na kababanggit pa lamang namin ay aktuwal na naganap noon. Mga 200 taon bago lupigin ng mga Medo at Persiano ang Babilonya, inihula ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ang sumusunod:
◻ Isang malawak na digmaang militar ang sisiklab sa pagitan ng Medo-Persia at Babilonya.—Isaias 13:17, 19.
◻ Ang estratehiyang ginamit ay magsasangkot ng pagpapatuyo ng isang pandepensang ilog na tulad-trinsera. Karagdagan pa, ang mga pader sa nakukutaang lunsod ay maiiwang bukas.—Isaias 44:27–45:2.
◻ Ang manlulupig ay panganganlang Ciro—inihula mga 150 taon bago ng kaniyang kapanganakan.—Isaias 45:1.
◻ Nang maglaon, ang Babilonya ay magiging lubos na wasak.—Isaias 13:17-22.
Ang lahat ng mga prediksiyon na ito ay nagkatotoo. Hindi ba karapat-dapat na paglaanan mo ng panahon ang pagsasaalang-alang sa ibang hula ni Jehova sa kaniyang nasusulat na Salita?
Ang Dakilang Kinabukasan na Ipinangangako ng Diyos
Ano ang inihuhula ng Bibliya? Ipinangangako ng Bibliya na sa bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos, wala nang magdurusa dahil sa kawalan ng katiwasayan hinggil sa hinaharap. Pansinin ang katiyakan ng Diyos sa mga mabubuhay sa panahong iyon: “Walang sinumang magpapanginig sa [aking bayan].”—Mikas 4:4.
Ipinangangako pa ng Bibliya na ‘binubuksan [ng Diyos] ang kaniyang kamay at sinasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’ (Awit 145:16) Matagal pa ba ang katuparan ng hulang ito? Hindi! Patiuna nang inihula ng Bibliya na ang mismong mga kalagayan na nakikita natin sa lupa ngayon ay patotoo na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sistema.—2 Timoteo 3:1-5.
Di na magtatagal, wawakasan ng maibiging Maylalang ang masasamang kalagayan na ito. Paglilikatin niya ang lahat ng digmaan, at ang lahat ng ugat ng kawalang-katiwasayan at pagdurusa sa buong daigdig. Bukod pa rito, ang pagkakapootan, pagiging makasarili, krimen, at karahasan ay magiging mga bagay na nakalipas. Ipinangangako ng Bibliya: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Kabilang sa mga pagpapalang tatamasahin ng mga tao sa bagong sanlibutan na ito ay ang mabuting kalusugan. Maging ang kamatayan at ang kaakibat nitong mga lumbay ay mawawala na. Ang Diyos mismo ang nagsasabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
Sa panahong iyon, wala nang tao ang mapasasailalim sa biglaang mga kaganapan na nakapagpapabago at nakasisira sa mga buhay ngayon. Mawawala na rin ang balakyot na mga demonyo at si Satanas, ang pinagmumulan ng mapamahiing pagkatakot at masasamang kasinungalingan. Ang nakatutuwang mga katotohanang ito ay masusumpungan sa Bibliya.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang pamahiin at espiritistikong mga gawain ay may malapit na kaugnayan
[Credit Line]
Maliban sa babaing nasa loob ng bolang kristal: Les Wies/Tony Stone Images
[Larawan sa pahina 10]
Wala nang pamahiin sa bagong sanlibutan ng Diyos