Pagpapalaki ng mga Anak sa Aprika sa Panahon ng Kahirapan
AYON SA SALAYSAY NI CARMEN MCLUCKIE
Noon ay taóng 1941. Nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II. Ako’y isang 23-taóng-gulang na ina na taga-Australia, ngunit kaming dalawa ng aking limang-buwang-gulang na sanggol ay nakabilanggo rito sa Gwelo, Southern Rhodesia (ngayo’y Gweru, Zimbabwe). Ang aking asawa ay nakabilanggo naman sa Salisbury (ngayo’y Harare). Ang iba pa naming anak—edad dalawa at tatlo—ay inaalagaan ng dalawang tin-edyer na anak-sa-una ng aking asawa. Ipaliliwanag ko sa iyo kung bakit ako humantong sa kalagayang ito.
KAPISAN ako nina Mommy at Daddy sa Port Kembla, mga 50 kilometro sa katimugan ng Sydney, Australia. Noong 1924, nakausap ni Clare Honisett ang aking Ina at pinukaw ang kaniyang interes sa mga turo ng Bibliya sa pamamagitan ng pagtatanong sa kaniya kung nauunawaan nito ang kahulugan ng Panalangin ng Panginoon. Ipinaliwanag ni Clare ang kahulugan ng pagsamba sa pangalan ng Diyos, at saka niya sinabi kung paano pangyayarihin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Namangha si Mommy. Sa kabila ng pagtutol ng aking Ama, nagsimula ang aking Ina na saliksikin pang mabuti ang gayong mga katotohanan sa Bibliya.
Di-nagtagal pagkaraan, lumipat kami sa isang lugar sa labas ng Sydney. Mula roon kaming mag-ina ay naglalakad nang mga limang kilometro upang makarating sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Bagaman hindi kailanman naging isang Saksi ang aking Ama, pumayag naman siyang ganapin ang mga pag-aaral ng Bibliya sa aming tahanan. Dalawa sa kaniyang mga kapatid—sina tiyo Max at tiyo Oscar Seidel—ang naging mga Saksi, at pati na ang ilan sa mga miyembro ng pamilya ni tiyo Max gayundin ang aking nakababatang kapatid na lalaki, si Terry, at nakababatang kapatid na babae, si Mylda.
Noong 1930, ang Samahang Watch Tower ay bumili ng isang 16-na-metrong barko, na nang maglaon ay pinanganlang Lightbearer. Dalawang taóng nakapondo sa paanan ng aming pag-aari sa Georges River ang barkong ito. Doon ito kinukumpuni upang magamit ng mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa mga isla ng Indonesia. Kami ng aking kapatid na si Coral ang naglilinis paminsan-minsan ng kamarote at kubyerta, at hinihiram namin ang ilawan sa dulo ng arbol para manghuli ng sugpo.
Patungo sa Aprika, at Pag-aasawa
Nagkaroon ng matinding krisis sa Australia noong kalagitnaan ng dekada 1930, at kami ng aking Ina ay naglakbay patungo sa Timog Aprika upang tingnan kung makabubuti para sa aming pamilya na doon na manirahan. Dala namin ang isang liham ng pagpapakilala mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia para kay George Phillips, na siyang nangangasiwa noon sa pangangaral sa timugang Aprika. Si George ay nasa daungan sa Cape Town upang salubungin ang aming bapor. Kilik niya ang aklat ng Samahang Watch Tower na Riches upang makilala namin siya. Nang araw ring iyon, noong Hunyo 6, 1936, ipinakilala niya kami sa limang miyembro ng mga tauhan ng sangay, kabilang na ang isang nagngangalang Robert A. McLuckie.a Sa loob ng taóng iyon, kami ni Bertie—gaya ng tawag naming lahat sa kaniya—ay nagpakasal.
Ang nuno-sa-tuhod ni Bertie na si William McLuckie ay nagtungo sa Aprika noong 1817 mula Paisley, Scotland. Sa kaniyang paglalakbay noon, nakilala ni William si Robert Moffat, ang lalaking bumuo ng pasulat na anyo ng wikang Tswana at nagsalin ng Bibliya sa wikang iyan.b Noong panahong iyon, si William lamang at ang kaniyang kaparehang si Robert Schoon ang tanging mga puti na pinagkatiwalaan ni Mzilikazi, isang bantog na mandirigma sa hukbo ng kilalang pinuno ng Zulu na si Shaka. Dahil dito, sina William at Robert lamang ang tanging mga puti na pinahintulutang makapasok sa nayon ni Mzilikazi, na kinaroroonan ngayon ng lunsod ng Pretoria, Timog Aprika. Nang maglaon, si Mzilikazi ay naging estadista at pinagkaisa niya ang maraming tribo upang maging sentralisadong kaharian ng Aprika noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo.
Nang makilala ko si Bertie, siya’y isang biyudo, na may anak na babae, 12-taóng-gulang na si Lyall, at isang anak na lalaki, 11-taóng-gulang na si Donovan. Unang natutuhan ni Bertie ang katotohanan sa Bibliya noong 1927, ilang buwan pagkamatay ng kaniyang asawang si Edna. Nang sumunod na siyam na taon, ipinangaral niya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga isla ng Mauritius at Madagascar gayundin sa buong Nyasaland (ngayo’y Malawi), Portuguese Silangang Aprika (ngayo’y Mozambique), at Timog Aprika.
Ilang buwan pagkakasal namin ni Bertie, lumipat kami sa Johannesburg kasama sina Lyall at Donovan, kung saan mas madali para kay Bertie na makakita ng trabaho. Ilang panahon din akong nagpayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay nagdalang-tao ako kay Peter.
Ang Paglipat Namin sa Southern Rhodesia
Nang dakong huli, inanyayahan kami ni Jack na kapatid ni Bertie na sumama sa kaniya sa pagbabakasakali sa paghukay ng ginto malapit sa Filabusi, sa Southern Rhodesia. Naglakbay kami ni Bertie kasama si Peter, na noo’y isang taon ang edad, habang pansamantalang inaalagaan naman ng aking ina sina Lyall at Donovan. Pagsapit namin sa Mzingwani River, kasalukuyan itong bumabaha, at kinailangang tawirin namin iyon sakay ng isang kahong nakakabit sa isang kable na abot sa magkabilang pampang ng ilog. Anim na buwan si Pauline sa aking sinapupunan, at kailangan kong yakapin nang mahigpit si Peter sa aking dibdib! Nakatatakot iyon, lalo na kapag halos sumayad na ang kable sa tubig sa gitna ng ilog. Bukod pa sa nasa kalagitnaan na ng gabi noon, at umuulan! Pagkatawid sa ilog, kinailangan naming maglakad nang mga dalawang kilometro upang makarating sa bahay ng isang kamag-anak.
Pagkaraan ay nangupahan kami sa isahang-palapag na bahay na puro anay. Iilan lamang ang aming kasangkapan—ilan sa mga ito ay ginawa lamang namin mula sa mga kahong pinaglagyan ng dinamita at mga fuse. Palaging namamaga ang lalamunan ni Pauline, at hindi namin siya maipagamot. Parang mawawasak ang aking dibdib, salamat na lamang at naligtasan ni Pauline ang bawat pagkakataon.
Kami ni Bertie ay Kapuwa Nabilanggo
Minsan sa isang buwan ay naglalakbay kami patungo sa lunsod ng Bulawayo, mga 80 kilometro ang layo, upang ipagbili sa bangko ang aming ginto. Nagpupunta rin kami sa Gwanda, isang maliit na bayan na mas malapit sa Filabusi, upang mamili naman ng suplay ng pagkain at makibahagi sa ministeryo. Noong 1940, ang taon matapos magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal ang aming pangangaral sa Southern Rhodesia.
Di-nagtagal pagkaraan, inaresto ako habang nangangaral sa Gwanda. Nagdadalang-tao ako noon sa aking pangatlong anak, si Estrella. Habang isinasaalang-alang ang aking apelasyon, si Bertie ay inaresto dahil sa pangangaral at ibinilanggo sa Salisbury, mahigit sa 300 kilometro ang layo mula sa aming tirahan.
Ganiyan ang aming kalagayan noon: Si Peter ay nasa ospital sa Bulawayo dahil sa dipterya, at walang katiyakan kung makaliligtas siya. Kapapanganak ko pa lamang kay Estrella, at isang kaibigan ang nagdala sa akin mula sa ospital patungo sa bilangguan upang ipakita kay Bertie ang kaniyang bagong anak. Nang maglaon, nang tanggihan ang aking apelasyon, isang mayamang Indian na may-ari ng tindahan ang buong-kabaitang nagbayad ng aking piyansa. Nang maglaon, tatlong pulis ang dumating sa minahan para ibilanggo ako. Pinapili nila ako. Alinman sa isama ko ang aking limang-buwang-gulang na sanggol sa bilangguan o iwan siya sa pangangalaga ng aming dalawang tin-edyer, sina Lyall at Donovan. Ipinasiya kong isama siya.
Inatasan akong manahi ng damit at maglinis. Gayundin, naglaan sila ng isang yaya upang tumulong sa pag-aalaga kay Estrella. Isa siyang kabataang bilanggo na nagngangalang Matossi, na nasentensiyahan ng habang buhay dahil sa pagpaslang sa kaniyang asawa. Umiyak si Matossi nang ako’y palayain, sapagkat hindi na niya maaalagaan si Estrella. Iniuwi ako ng guwardiyang babae ng bilangguan sa kanilang bahay para mananghalian at pagkatapos ay isinakay ako sa tren upang madalaw si Bertie sa bilangguan sa Salisbury.
Habang nakabilanggo kaming dalawa ni Bertie, ang paslit na si Peter at si Pauline ay inaalagaan nina Lyall at Donovan. Bagaman 16 lamang noon si Donovan, naipagpatuloy niya ang operasyon ng aming pagmimina. Nang palayain na si Bertie sa bilangguan, ipinasiya naming lumipat sa Bulawayo, yamang hindi na maganda ang takbo ng minahan. Nakapagtrabaho si Bertie sa perokaril, at tumulong ako sa aming kinikita sa pamamagitan ng paggamit sa aking bagong natutuhang kasanayan bilang mananahi.
Ang trabaho ni Bertie bilang tagarematse sa perokaril ay itinuring na importante, kaya pinalibre siya sa pagseserbisyo sa militar. Sa mga taóng iyon ng digmaan, ang halos isang dosenang Saksi na mga puti sa Bulawayo ay nagpupulong sa aming maliit na isahang-silid na bahay, at ang ilan sa aming itim na mga kapatid naman ay nagpupulong sa isang lugar sa lunsod. Pero ngayon, mahigit sa 46 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kinabibilangan ng kapuwa mga itim at puti ang masusumpungan sa Bulawayo!
Ang Aming Ministeryo Pagkatapos ng Digmaan
Pagkatapos ng digmaan, hinilingan ni Bertie ang perokaril na ilipat siya sa Umtali (ngayo’y Mutare), isang magandang bayan sa hangganan ng Mozambique. Nais naming maglingkod kung saan higit na kailangan ang mga tagapangaral ng Kaharian, at ang Umtali ay waring isang tamang-tamang lugar, yamang walang mga Saksi sa lunsod. Sa sandali naming paninirahan doon, ang pamilyang Holtshauzen, na may limang anak na lalaki, ay naging mga Saksi. Mayroon na ngayong 13 kongregasyon sa lunsod!
Noong 1947, pinag-usapan ng aming pamilya ang posibilidad na makabalik si Bertie sa pagpapayunir. Si Lyall, na bumalik na mula sa pagpapayunir sa Timog Aprika, ay sumuporta sa ideyang ito. Si Donovan naman ay nagpapayunir noon sa Timog Aprika. Buweno, nang mabalitaan ng tanggapang pansangay sa Cape Town ang pagnanais ni Bertie na muling magpayunir, hinilingan siya na magbukas na lamang ng isang bodega ng literatura sa Bulawayo. Kaya nagbitiw siya sa perokaril, at bumalik kami roon. Di-nagtagal pagkaraan, dumating sa Bulawayo ang unang mga misyonero sa Southern Rhodesia, kabilang sina Eric Cooke, George at Ruby Bradley, Phyllis Kite, at Myrtle Taylor.
Noong 1948, si Nathan H. Knorr, ikatlong presidente ng Samahang Watch Tower, kasama ang kaniyang sekretaryo, si Milton G. Henschel, ay dumalaw sa Bulawayo at isinaayos na gawing sangay ang bodega, na ang tagapangasiwa ay si Brother Cooke. Nang sumunod na taon, isinilang naman ang aming anak na si Lindsay. Pagkatapos, noong 1950, inilipat ang sangay sa Salisbury, ang kabisera ng Southern Rhodesia, at lumipat din kami roon. Bumili kami ng isang malaking bahay na tinirahan namin sa loob ng maraming taon. Palaging may mga payunir at mga panauhing nakikituloy sa amin, kaya ang aming lugar ay nakilala bilang otel McLuckie!
Noong 1953, kami ni Bertie ay dumalo sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York City. Tunay na isang di-malilimot na pangyayari iyon! Makalipas ang limang taon, sina Lyall, Estrella, Lindsay, at 16-na-buwang-gulang na si Jeremy ay nakapiling namin sa loob ng walong araw na 1958 na internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium at sa karatig na Polo Grounds. Isang pinakamalaking bilang na mahigit na sangkapat ng isang milyon ang dumalo sa pahayag pangmadla sa pinakahuling araw!
Isang Bagong Atas sa Pangangaral
Halos 14 na taóng naglingkod si Bertie sa tanggapang pansangay sa Salisbury bilang isang nagbibiyaheng manggagawa, ngunit ipinasiya naming maglingkod sa Seychelles kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ipinagbili namin ang aming bahay at mga kasangkapan at ikinarga ang natira sa aming mga pag-aari sa aming Opel na station wagon. Kasama si Lindsay, 12, at si Jeremy, 5, nagbiyahe kami nang mga 3,000 kilometro sa baku-bako at maalikabok na daan sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia), Tanganyika (ngayo’y bahagi ng Tanzania), at Kenya, hanggang sa marating namin sa wakas ang daungang lunsod ng Mombasa.
Pagkainit-init sa Mombasa, subalit napakagaganda naman ng mga dalampasigan nito. Iniwan namin ang aming sasakyan sa isang Saksing tagaroon at sumakay sa bangka para sa tatlong-araw na paglalayag patungong Seychelles. Pagdating namin, sinalubong kami ni Norman Gardner, isang lalaking nakatanggap ng saligang kaalaman hinggil sa katotohanan sa Bibliya mula sa isang Saksi sa Dar es Salaam, Tanganyika. Isinaayos niya na upahan namin ang isang bahay sa Sans Souci Pass na itinayo para sa pulis na nagbantay sa Arsobispo ng Griego Ortodokso na si Makarios, na ipinatapon mula sa Cyprus noong 1956.
Dahil sa bukod na bukod ang aming bahay, lumipat kami makalipas ang isang buwan sa isang bahay na nakaharap sa dalampasigan sa Beau Vallon. Nag-aanyaya kami roon ng mga tao para makinig sa mga pahayag ni Bertie na ginaganap sa aming balkonahe. Napasimulan namin ang isang pag-aaral sa Bibliya sa pamilyang Bindschedlers, at pagkalipas ng ilang buwan, sila at ang kanilang anak na babaing ampon ay binautismuhan ni Bertie gayundin si Norman Gardner at ang asawa nito. Sumama rin kami kay Norman sa paglalayag sa kaniyang bangka patungong Cerf Island, kung saan nagpahayag si Bertie tungkol sa Bibliya sa isang tirahang-bangka.
Nang mga apat na buwan na kami sa Seychelles, sinabihan kami ng hepe ng pulisya na tigilan na ang pangangaral at kung hindi ay ipatatapon niya kami. Gipit kami noon sa pinansiyal, at ako’y nagdadalang-tao na naman. Ipinasiya naming ituloy ang aming pangangaral sa madla. Tutal, alam naman namin na hindi na rin kami magtatagal doon. Buweno, nang dumating nga ang sumunod na bangka mula sa India makalipas ang mga isang buwan, kami’y ipinatapon.
Isang Mapanganib na Pagbabalik
Pagdating namin sa Mombasa, kinuha namin ang aming sasakyan at napasatimog sa mabuhanging daan sa baybaying-dagat. Pagsapit namin sa Tanga, huminto ang makina ng aming sasakyan. Halos wala na kaming pera, ngunit tinulungan kami ng isang kamag-anak at isang Saksi. Habang nasa Mombasa kami, nag-alok ang isang kapatid na lalaki na tutustusan niya kami kung tutungo kaming pahilaga sa Somalia para mangaral. Subalit masama ang pakiramdam ko noon, kaya minabuti naming umuwi na lamang sa Southern Rhodesia.
Tumawid kami mula Tanganyika patungong Nyasaland at naglakbay pababa sa dakong kanluran ng Lake Nyasa, ngayo’y Lake Malawi. Masamang-masama na ang pakiramdam ko noon anupat hiniling ko kay Bertie na ibaba na lamang ako sa tabi ng daan para mamatay na roon! Malapit na kami noon sa lunsod ng Lilongwe, kaya isinugod niya ako sa isang ospital doon. Nakaginhawa naman ang mga turok ng morpina. Palibhasa’y hindi ko pa kayang magbiyahe sa sasakyan, si Bertie at ang mga bata na lamang ang naglakbay nang mga 400 kilometro patungong Blantyre. Makalipas ang ilang araw ay isinaayos ng isang kamag-anak na isakay ako sa eroplano patungo roon upang makasama nila. Mula sa Blantyre lumipad akong muli pabalik sa Salisbury, at si Bertie naman at ang mga bata ay nagkotse pauwi.
Laking ginhawa naming lahat nang makarating kami sa Salisbury sa tahanan ng aming anak na si Pauline at ng kaniyang asawa! Noong 1963, ipinanganak ang aming bunso, si Andrew. May diperensiya ang kaniyang bagà at wala na raw pag-asang mabuhay, subalit mabuti na lamang at nabuhay rin siya. Nang maglaon, lumipat kami sa Timog Aprika at permanente nang nanirahan sa Pietermaritzburg.
Biniyayaan ng Isang Mapagmahal na Pamilya
Payapang namatay si Bertie sa edad na 94 noong 1995, at mula noon ay nag-iisa na lamang ako rito sa aming tahanan. Subalit hindi naman ako talagang nag-iisa! Sina Lyall at Pauline ay naglilingkod kay Jehova kasama ng kani-kanilang pamilya dito sa Timog Aprika, at ang ilan sa kanila ay nakatira dito sa Pietermaritzburg mismo. Si Lindsay naman at ang kaniyang pamilya ay nasa California, E.U.A., kung saan silang lahat ay pawang mga aktibong Saksi. Ang aming dalawang bunsong anak, sina Jeremy at Andrew, ay lumipat sa Australia, kung saan sila kapuwa ay maligayang nagkaasawa at naglilingkod bilang matatanda sa kani-kanilang kongregasyon.
Lahat ng aming walong anak ay nagkaroon ng pagkakataong makibahagi sa pagpapayunir sa ministeryo, at anim ang nakapaglingkod sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Si Donovan ay nagtapos sa ika-16 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead noong Pebrero 1951 at naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Estados Unidos bago bumalik upang magtrabaho sa tanggapang pansangay sa Timog Aprika. Isa na siya ngayong Kristiyanong matanda sa Klerksdorp, mga 700 kilometro mula sa Pietermaritzburg. Si Estrella naman ay kapisan ng kaniyang asawa, si Jack Jones, sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
Si Peter, ang aking panganay, ay gumugol ng ilang taon sa buong-panahong ministeryo, kapuwa sa pagpapayunir at sa tanggapang pansangay ng Watch Tower sa Rhodesia. Gayunman, makalipas ang ilang taon, nalungkot ako nang iwan niya ang pakikipagsamahan sa kongregasyong Kristiyano.
Sa paglingon sa aking nakaraan, masasabi kong ako’y tunay na natutuwa na nagtungo kami ng aking ina sa Aprika noong ako’y isang tin-edyer. Totoo, ang buhay ay hindi naging laging madali, subalit isang pribilehiyo para sa akin na maging suporta sa aking asawa at magpalaki ng isang pamilyang nakatulong sa pangunguna sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa timugang Aprika.—Mateo 24:14.
[Mga talababa]
a Ang unang-panauhang kasaysayan ni Robert McLuckie ay lumitaw sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1990, pahina 26-31.
b Tingnan ang pahina 11 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
TIMOG APRIKA
Cape Town
Pietermaritzburg
Klerksdorp
Johannesburg
Pretoria
ZIMBABWE
Gwanda
Bulawayo
Filabusi
Gweru
Mutare
Harare
ZAMBIA
MOZAMBIQUE
MALAWI
Blantyre
Lilongwe
TANZANIA
Dar es Salaam
Tanga
KENYA
Mombasa
SEYCHELLES
SOMALIA
[Larawan sa pahina 20]
Kasama sina Peter, Pauline, at Estrella, bago ko isama si Estrella sa bilangguan
[Larawan sa pahina 21]
Sina Lyall at Donovan sa harapan ng aming isahang-palapag na bahay malapit sa Filabusi
[Larawan sa pahina 23]
Sina Bertie, Lyall, Pauline, Peter, Donovan, at ako noong 1940
[Mga larawan sa pahina 24]
Si Carmen at ang lima sa kaniyang mga anak (paikot mula sa kaliwa): Donovan, nang nasa Gilead noong 1951, at sina Jeremy, Lindsay, Estrella, at Andrew sa ngayon