Nakita Kong Lumago Ito sa Timugang Aprika
Ayon sa pagkalahad ni Robert Albert McLuckie
ANG gawaing pangangaral ng Kaharian sa Timog Aprika ay patuloy na nagaganap nang buong kaningningan. Mula sa sandaan humigit-kumulang na nangangaral noong mga huling taon ng 1920, ngayon ay may mga 45,000 na naghahayag ng mabuting balita sa Timog Aprika. At isa pang 150,000 humigit-kumulang ang nangangaral sa mga ibang bansa na kung saan ang sangay sa Timog Aprika ang dating nangangasiwa.
Nagkaroon ako ng kagalakan na makita ang kamangha-manghang paglago sa timugang Aprika noong nakalipas na 60 taon! Hayaan ninyong ilahad ko sa inyo nang maikli ang tungkol dito at sa bahagi ko at ng aking pamilya na naging pribilehiyo ko.
Nagsimula Iyon sa Trahedya
Noong Hunyo 22, 1927, ang aking mahal na maybahay, si Edna, ay namatay, anupa’t naulila ang aming anak na babae, si Lyall, tatlong taóng gulang at ang aming anak na lalaki, si Donovan, dalawang taóng gulang. Ako noon ay 26 na taóng gulang lamang. Sa kaniyang pagkamatay ay napuspos ako ng dalamhati at totoong naguluhan ang aking isip. Nasaan kaya siya? Palibhasa’y hindi ako naniniwala na siya’y nasa impiyerno, nagkaroon ako ng kaunting kaaliwan kung gabi sa aking pananaginip na siya’y nasa langit.
Nang buwang iyon ng Hulyo ako’y binigyan ng munting si Donovan ng isang pulyeto na para sa iba ngunit ito’y napahalo sa koreo na para sa amin. Mayroon itong isang diskurso ni Joseph Rutherford, ang ikalawang pangulo ng Watch Tower Society. Ganiyan na lamang ang pananabik ko nang mabasa ko ang nilalaman kung kaya’t agad na pumidido ako ng lahat ng nakalistang publikasyon. Bahagya man ay hindi ko natatanto noon na ito ang magbabago sa aking buhay.
Kabilang sa mga pulyeto na dumating, ang isa na pinamagatang Hell—What Is It? Who Are There? Can They Get Out? ang napagpakuan ng aking tingin. Anong laki ng aking pananabik na makita ang pulyetong iyon! Pagkatapos na makabasa ng dalawa o tatlong pahina lamang, aktuwal na nagtatawa na ako sa malaking kagalakan.
Palibhasa’y sabik akong ibahagi sa iba ang aking natutuhan, ako’y sumulat o dili kaya’y nakipag-usap sa aking mga magulang at iba pang mga miyembro ng pamilya. Kaya naman, ang aking apat na kapatid na lalaki, sina Jack, Percy, William, at Sydney, ay madaling naging interesado at nagsimulang mangaral sa iba. Makalipas ang mga taon, ang aking ama, ina, at dalawang kapatid na babae, si Connie at si Grace, ay sumampalataya na rin.
Wala akong makitang ibang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, sa aming panig ng Timog Aprika. Ako’y lumipat sa Timugang Rhodesia, ngayo’y Zimbabwe, at nagtrabaho ng mga isang taon sa isang rancho ng baka kasama ang aking kapatid na si Jack. Bilang resulta ng pagbabasa ng literatura ng Watch Tower Society, hindi nagtagal at ako’y nakadama ng isang apurahang pagnanasang pumasok sa buong-panahong ministeryo.
Hanggang noon ay wala pa akong nakikilalang sinumang kapananampalataya maliban sa mga nakilala ko nang ako’y magpatotoo sa kanila. Kaya’t ako’y nagbiyahe ng 2,300 kilometro sa tren patungong tanggapang sangay ng Samahan sa Cape Town, Timog Aprika. Anong siglang pagtanggap ang naranasan ko kay George Phillips, na siyang nangangasiwa sa gawain sa timugang Aprika! Noong Enero 10, 1930, ako’y nabautismuhan.
Maagang mga Taon sa Pagpapayunir
Bagaman daan-daang tao ang nakausap ko tungkol sa Bibliya noong nakalipas na tatlong taon, ako ay hindi nakikibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay. Gayunman, ako’y nakatala sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Noong mga araw na iyon ay wala pang programa sa pagsasanay. Sa katunayan, ang mga mamamahayag ay bihirang magsasama sa paglapit sa iisang tahanan. Yamang kakaunting-kaunti ang aming mga mamamahayag, parang hindi praktikal na gawin iyon.
Natural, ako’y palaisip tungkol sa ikabubuti ng aking mga anak, si Lyall at si Donovan, na ang nag-aasikaso’y ang kanilang mga ninuno. Yamang sila’y inaaruga namang mabuti, noon ay naisip ko na wasto namang ibuhos ko ang aking buong sikap sa pagpapalaganap sa iba ng mensahe ng Kaharian. Kaya ganiyan ang ginawa ko.
Noong sumunod na tatlong taon ng pagpapayunir, nagkaroon ako ng limang kapareha, kasali na ang aking kapatid na si Syd. Nang bandang huli ay dinapuan siya ng sakit na tipos samantalang nagpapayunir at namatay. Ang pagpapayunir ay hindi madali nang mga sinaunang araw na iyon. Kami’y gumagamit noon ng isang komersiyal na sasakyan na mayroon nang mga higaan, at naititiklop sa alinmang panig ng sasakyang iyon. Kaya kami ay nakatutulog, nakauupo, nakapagluluto, at nakakakain sa loob.
Ang pinakamahalagang pangyayari sa sinaunang mga araw ng pagpapayunir ko ay nang tanggapin namin ang aming bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova, noong 1931, kasama ang pulyetong The Kingdom—The Hope of the World. Tandang-tanda ko pa ang labis na pagkasindak ko sa ginuguniguni kong paggamit sa pinakadakilang pangalang iyan, iniisip ko kung ako’y karapat-dapat na gumamit niyan.
Ang isa pang di-malilimot na pangyayari sa maagang mga taóng iyon ay ang pagbabautismo ko sa aking kapatid na si Jack at sa kaniyang maybahay, si Dorrell, sa punô-ng-buwayang tubig ng Ilog Nuanetsi sa Timugang Rhodesia. Bago ganapin ang bautismo, kami’y naghagis sa ilog ng mga ilang malalaking bato upang magulat ang anumang mga buwayang namumugad doon. Pagkatapos, noong mga taon ng 1950, ang aking ina ay binautismuhan ko sa isang bathtub.
Sa Ibang mga Bansa
Noong 1933 ang aking panlimang kapareha, si Robert Nisbet, at ako ay naatasang gumawa sa bagung-bagong di pa nagagalaw na teritoryo—ang mga isla ng Mauritius at Madagascar sa timugang-silangang baybayin ng Aprika. Ang kalakhang bahagi ng apat na buwan ay ginugol namin sa dalawang islang iyan, na nagtatanim ng mga binhi ng katotohanan sa Bibliya. Anong laking kagalakan ngayon na makitang ang Mauritius ay may humigit-kumulang 800 mga mamamahayag ng Kaharian at ang Madagascar ay may mga 3,000! Nang kami’y bumalik sa Timog Aprika, naghiwalay na kami ni Robert. Nang malaunan siya’y nagpayunir na kasama ng aking kapatid na si Syd at pagkatapos nang bandang huli ay naglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay sa Mauritius.
Bago kami bumalik sa Timog Aprika, isinaayos ko na makita si Lyall at si Donovan sa tahanan ng aking ama. Pagkatapos na dalawin ko sila, dumating ang di-maiiwasang paghihiwalay, may kasabay na mga luha. Ako’y naglakbay upang makipagkita sa tagapangasiwa ng sangay, si Brother Phillips, upang tumanggap ng susunod na atas. Iyon ay ang Nyasaland, ngayo’y Malawi. Ako’y ibinili ng modelong 1929 Chevrolet upang magamit ko roon.
Kaya, noong 1934, humayo ako sa 1,900-kilometrong biyahe, ang kalakhang bahagi sa mga daang di-aspaltado mula Johannesburg, Timog Aprika, hanggang Zomba, ang kabisera ng Nyasaland. Sa wakas ay narating ko rin ang aking pupuntahan, ang tahanan ng isang kapatid na Aprikano, si Richard Kalinde. Siya’y naging aking matalik na kaibigan na kasa-kasama at intérpreté nang ako’y naroroon sa Nyasaland. Dumating ang panahon, ako’y nakakuha ng dalawang kuwarto sa isang lumang otel na hindi na ginagamit. Ang isa’y ginamit ko bilang bodegahang tanggapan, at iyong isa pa’y bilang tirahan.
Ang atas sa akin sa Nyasaland ay unang-una ayusin ang magugulong kalagayan na resulta ng umano’y mga kilusang Watchtower. Mga ilang taon bago pa noon, isang Aprikano, na may kasanayan sa mga isinulat ng unang pangulo ng Watch Tower Society, si Charles Taze Russell, ang may pangunahing bahagi sa pag-unlad ng mga kilusang ito, bagaman siya mismo ay hindi kailanman naging isa sa mga Saksi ni Jehova.—Tingnan ang 1976 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 71-4.
Ako’y dumalaw sa mga kongregasyon niyaong mga gumagamit ng literatura ng Watch Tower at bumasa ng isang resolusyon tungkol sa ating bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova. Lahat ng pabor sa resolusyon ay hinilingan na ipakita ito sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Bagaman ang karamihan ay gumawa ng gayon, marami ang hindi lubusang nakaunawa kung ano talaga ang kasangkot dito. Kaya naman, sa paglakad ng mga taon, samantalang ang iba ay hindi sumulong sa espirituwal, ang iba naman ay nag-alis sa kanilang lubusang pagsuporta sa isang dati’y kinikilala nila bilang lider at naging talagang mga Saksi ni Jehova.
Pagkatapos ng mga anim na buwan sa Nyasaland, ako’y nagpunta naman sa Mozambique, na kung saan hindi pa nakararating ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Doon ay nakatagpo ko ang isang kabataang opisyal na Portuges na nakilala namin ni Robert Nisbet sa barko nang kami’y patungo sa Mauritius. Kaniyang inanyayahan ako sa isang pananghalian, at ako’y nagkaroon pa ng pagkakataon na makipag-usap sa kaniya.
Sa isa pang okasyon, samantalang nasa isang bayan sa hilagaang Mozambique, isang kotse ang huminto pagkalampas sa akin. Iyon pala ay siya ang gobernador ng lugar na iyon. Siya ay nagtanong kung makatutulong siya at ako’y inanyayahan sa kaniyang tahanan, na kung saan tumanggap siya ng maraming publikasyon ng Watch Tower. Kahit na ang gawaing pangangaral ay ibinabawal ngayon sa Mozambique at Nyasaland (Malawi), ganiyan na lamang ang kagalakan ko na malamang maraming tapat na mga kapatid ang aktibo doon.
Mga Pribilehiyo sa Bethel
Matapos na bumalik ako sa Nyasaland, anong laking sorpresa ang sumalubong sa akin! Inanyayahan ako na mapabilang sa mga manggagawa sa tanggapan ng sangay sa Timog Aprika sa Cape Town, at ang aking nakababatang kapatid na si William ang pinapunta upang humalili sa akin sa Nyasaland. Kaya’t humayo ako sa 3,500 kilometrong pagbibiyahe sakay ng Chevrolet. Sa aking pagbibiyaheng iyon ay nagkaroon ako ng pagkakataon na dalawin si Donovan at Lyall. Sila’y 11 at 12 anyos na ngayon, at isang taon na naman ang lilipas bago ko sila makita uli.
Ako’y inatasan na siyang mangasiwa sa tanggapang sangay pagka wala si Brother Phillips, ang tagapangasiwa ng sangay. Bagaman ako’y hindi regular na kaugnay sa alinmang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova buhat ng makaalam ako ng katotohanan siyam na taon na ang lumipas, noong 1936 ako ay inatasan na maging punong tagapangasiwa ng Cape Town Congregation, binubuo ng mga 20 mamamahayag.
Pagbabago ng Katayuan
Hindi ko ibig na maiwala ang aking mga pribilehiyo sa paglilingkod, ngunit si Lyall at si Donovan ay papasok na sa kanilang mga taon ng pagka-tinedyer, at ako’y nababahala tungkol sa kanilang kapakanan, kasali na ang kanilang espirituwalidad. Salamat naman, malapit na pala noon ang kalutasan ng suliraning iyan.
Noong Hunyo 6, 1936, ako’y ipinakilala ni Brother Phillips sa mga baguhan doon na mga taga-Australya, si Sister Seidel at ang kaniyang kaakit-akit na 18-taóng-gulang na anak na babae, si Carmen. Hindi naglipat taon at kami ni Carmen ay napakasal. Kaya ako’y naghanapbuhay at nagtatag ng isang tahanan.
May isang taon na nagtrabaho ako sa Timog Aprika, ngunit noon si Carmen at ako at ang aming sanggol na lalaki, si Peter, ay lumipat sa Timugang Rhodesia, kung saan ako’y inanyayahan ng aking kapatid na si Jack na sumama sa kaniya sa isang hanapbuhay na pagmimina ng ginto. Nang kami’y matatag na roon, si Lyall at si Donovan, na naiwan muna kasama ang ina ni Carmen, ay nakipisan na rin sa amin.
Pagharap sa Pag-uusig sa Panahon ng Digmaan
Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at nang sumunod na taon ay ibinawal ang ating literatura sa Bibliya. Aming ipinasya na subukin ang legalidad ng batas sa pamamagitan ng pamamahagi ng literatura anuman ang dumating. Kasunod nito’y mga pag-aresto at mga pagbibilanggo, at ang aming mga aklat at mga Bibliya y kinumpiska at pinagsusunog.
Isang umaga pagkatapos ng aming pangangaral, kami’y inanyayahan ng isang detektib na sunduin ang aming mga anak sa istasyon ng pulisya na pinagdalhan sa kanila. Kami’y tumanggi, na sinabi naming yamang ang mga bata’y maliwanag na inaresto, bahala ang pulisya na mag-asikaso sa kanila. Nang hapong iyon, nang kami’y makabalik na galing sa ministeryo sa larangan nadatnan na namin sa tahanan ang mga bata ngunit walang isa mang pulis doon!
Minsan, noong 1941, si Carmen ay sinintensiyahan ng pagkabilanggo bagaman siya’y nagdadalantao. Datapuwat, si Estrella ay isinilang bago nagsimula si Carmen na ganapin ang kaniyang sintensiya. Sa halip na ang sanggol ay iwanan sa akin sa tahanan, minabuti ni Carmen na isama ito sa piitan. Sa ganoon, si Estrella ay nagkaroon ng isang tagapag-alagang Aprikana na pumaslang sa kaniyang asawa. Nang mapalaya si Carmen, ganiyan na lang ang pagdadalamhati ng babaing iyon na pumaslang ng asawa na anupa’t siya’y nanangis nang buong tindi. Siyanga pala, si Estrella ay nagsimulang nagpayunir noong 1956 sa edad na 15. Nang maglaon, naging asawa niya si Jack Jones at sa mahigit na 20 na ngayon ay naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa Timog Aprika at sa kasalukuyan sa punong-tanggapan ng Watch Tower sa Brooklyn, New York.
Hindi naman nagtagal pagkatapos at ako’y gumugol ng kung mga ilang buwan sa piitan dahil sa pangangaral. Nang ako’y naroroon, noong Enero 1942, si Joseph Rutherford ay namatay. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha nang gabing iyon sa pag-iisa ko sa aking selda. Ako’y nagkaroon ng pagkakataon na makapagpatotoo, at isang umaga ng Linggo, samantalang lahat doon ay nasa labas para mag-ehersisyo, aking binautismuhan ang isang kapuwa ko preso na tumugon sa mensahe ng Kaharian.
Isang Bagong Tanggapang Sangay
Pagkatapos na makalaya ako sa bilangguan, ako’y nakakuha ng empleyo sa perokaril sa Bulawayo. Si Carmen ay natuto ng pananahi ng bestida sa bilangguan at ginamit niya ang gayong natutuhan niya upang tumulong sa pagsuporta sa pamilya. Si Lyall ay bumalik galing sa Timog Aprika, na kung saan siya’y nagpapayunir, at tumulong din sa mga gastusin. Kaya naman, hindi nagtagal at higit na marami ang aming kita kaysa talagang kailangan namin, kaya’t aming pinag-usapan iyon, at napagkasunduan na ako’y muling babalik sa buong-panahong ministeryo.
Palibhasa’y mayroon akong pases sa perokaril, noong 1947 ako’y nagbiyahe sakay ng tren upang magtungo sa Cape Town para makipagkita kay Brother Phillips. Sa laki ng aking pagkamangha, ako’y inatasan na magbukas ng isang bodega para sa pag-iingat ng literatura ng Samahan sa Bulawayo. Pagkatapos, nang sumunod na taon, si Nathan H. Knorr, ang ikatlong pangulo ng Watch Tower Society, ay dumalaw at nagsaayos na ang bodega ay maging isang tanggapang sangay noong Setyembre 1, 1948, na si Eric Cooke ang tagapangasiwa ng sangay ng Timugang Rhodesia. Sa sumunod na 14 na taon, ako’y nagkapribilehiyo na gumawa sa sangay samantalang, mangyari pa, naninirahan sa sariling tahanan kapiling ng aming lumalaking pamilya. Ganiyan na lamang ang pasasalamat ko sa sustento na naitulong ni Carmen at ng aming nakatatandang mga anak, kaya naman nakapagpatuloy ako ng pagtatrabaho sa tanggapang sangay.
Isa Pang Atas sa Pangangaral
Nang sumapit ang 1962 kami ni Carmen ay nagnasang magpalawak pa sa aming paglilingkod sa larangan at gumawa kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Kaya’t ipinagbili namin ang aming tahanan at dinala namin si Lindsay at Jeremy, ang aming dalawang pinakabunsong anak—yaong lima ay nagsilaki na at lumisan na sa tahanan—at pumatungo sa Seychelle Islands.
Sa primero, kami’y nagbiyahe sakay ng kotse, ang kalakhang bahagi’y sa mga daan na hindi aspaltado, sa layong humigit-kumulang 2,900 kilometro, anupa’t dumating kami sa Mombasa, Kenya. Ang kotse ay inihabilin namin sa isang kapatid at nagbarko kami patungong Seychelles. Isang taong interesado ang nagpakilala sa amin sa iba, at hindi nagtagal kami’y nagdaraos na ng mga pulong na ginaganap halos sa lilim ng bahay ng obispo. Kami’y nagdaos ng mga iba pang pulong sa isang karatig isla sa isang boathouse na isang pribadong pag-aari na napaliligiran ng matatangkad na mga punong palma at ang alon ay bumubulubok sa dalampasigan.
Di-naglaon at nahayag ang aming aktibidades, at sa wakas iniutos sa amin ng mga maykapangyarihan na kami’y huminto ng pangangaral, isang bagay na talagang hindi kami papayag na gawin. (Gawa 4:19, 20) Sa katunayan, kami’y idiniporta, ngunit samantala kami ay nakapagbautismo ng limang katao. Sa panahon ng aming limang-buwang paglagi sa Seychelles, ipinagbuntis ni Carmen si Andrew, ang huling anak namin. Sa pagbabalik namin sa Timugang Rhodesia, kami’y inanyayahan ng aming anak na babaing si Pauline na makipisan muna sa kanilang mag-asawa habang hinihintay ang pagsilang ni Andrew.
Mga Pagpapala at Kasiyahan
Ako’y natutuwang sabihin na lahat ng walo naming anak, kasali na si Lyall at si Donovan, ay nakapagpayunir sa pana-panahon. Ang totoo, apat sa aming mga anak na lalaki at mga manugang na lalaki ang mga matatanda ngayon, at dalawa ang ministeryal na mga lingkod. Bukod dito, anong laki ng aming kagalakan na marami sa aming mga apo at mga apo-sa-tuhod pati ang kani-kanilang mga magulang ang naghahayag ng masasayang balita sa di-kukulangin apat na bansa at marami sa mga iba pang miyembro ng pamilyang McLuckie ang naglilingkod din kay Jehova. Ako’y kumbinsido na ang ganiyang mga resulta ay dahil sa walang patid na pagdalo ng pamilya sa mga pulong at regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral.
Ngayon sa edad na 89 na taon, ako’y may pribilehiyo pa rin na pagiging isang matanda sa aming kongregasyon sa Pietermaritzburg, Timog Aprika. Nagdudulot sa akin ng tunay na kasiyahan na lumingon sa mahigit na 60 taon sa pinagpalang paglilingkuran kay Jehova. Isang natatanging pagpapala na makita ang limang salinlahi ng aming pamilya, kasali na ang aking mga magulang, na magdala ng kapurihan kay Jehova, ang dakilang Diyos ng buong sansinukob.