Pagmamasid sa Daigdig
Ang mga Tin-edyer sa Canada at ang Relihiyon
“Lubhang nakagugulat na 80 porsiyento ng tin-edyer sa Canada ay naniniwala sa Diyos,” subalit “15 porsiyento lamang ang palagiang dumadalo sa isang relihiyosong institusyon,” ang sabi ng pahayagang Vancouver Sun. Bakit gayon kalaki ang agwat? Ipinasiya ng ilan na huminto dahil sa “matinding pagkabagot sa maraming relihiyosong mga serbisyo,” at “ang pagiging istrikto ng mga doktrina ay nakakawalang-gana para sa mga kabataan.” Idinagdag ng pahayagan: “Walang alinlangan na ang reputasyon ng organisadong relihiyon ay labis na nabahiran ng uluhang-balita ng mga ulat hinggil sa pag-aabuso sa sekso ng mga Kristiyanong klero, sa karahasan ng mga Sikh, sa ekstremistang mga Judio, at sa militanteng mga Hindu. Isinisiwalat ng surbey na 39 na porsiyento lamang ng mga tin-edyer sa Canada ang may tiwala sa kanilang relihiyosong mga lider, kung ihahambing sa 62 porsiyento noong 1984.” Nagwakas ang ulat sa pagsasabing: “Isa sa alinman ang dahilan, na ang wagas na pagtanggap ng mga klero ay hindi naipaaabot sa mga tin-edyer, ang karamihan ay may kulturang galit sa mga relihiyosong institusyon, o ang espirituwal na mensahe ay hindi kaakit-akit sa karamihan ng mga kabataan. O ang lahat ng nabanggit ay totoo.”
Mabibilis na Ipis
Sinumang nakasubok nang humuli ng mga ipis ay nakaaalam na hindi ito madaling gawin. Ano ang kanilang sekreto? Una, ang maliliit na buhok sa bawat tagiliran ng kanilang tiyan ay nakadarama ng pinakamahinang paggalaw ng hangin na gawa ng mga kaaway at nakapagbibigay ng direksiyon kung mula saan ito galing. Isa pa, waring napakahusay ng kanilang sistema ng nerbiyos, yamang kailangan lamang ang isang ika-isandaang bahagi ng segundo upang sila’y makakilos at makatakbo. Ngayon, sa pamamagitan ng isang kamera na mabilis kumuha, mas marami pa ang natutuhan nila Jeffrey Camhi at ng kaniyang mga kasamahan sa Hebrew University sa Jerusalem, ang ulat ng pahayagang Berliner Morgenpost. Natuklasan nila na ang mga ipis ay nakatatakbo sa bilis na isang metro sa isang segundo at kaya pa nilang baguhin ang kanilang direksiyon nang 25 ulit habang tumatakbo sa ganitong bilis. “Wala kaming nalalamang gayong likas na pagkilos sa ibang hayop na nakagagawa ng napakadalas na pag-ikot ng katawan,” ang sabi ni Camhi, na sinipi ng New Scientist. “Kung hindi lamang pinandidirihan ang ipis sa tahanan, walang pagsalang tatamuhin nito ang paghanga na karapat-dapat dito.”
Ang Pinakamalaking Baktirya sa Daigdig?
Si Heide Schulz, isang siyentipiko mula sa Max Planck Institute for Marine Microbiology, ay nakatuklas ng isang higanteng baktirya sa tumining na buhangin mula sa sahig ng dagat sa may baybaying dagat ng Namibia, Aprika. Ang organismo ay may sukat na 0.75 milimetro sa diyametro at 100 ulit na mas malaki kaysa sa anumang kilalang baktirya. “Kung ang ordinaryong baktirya ay kasinlaki ng isang bagong-panganak na daga, itong bago ay magiging kasinlaki ng blue whale,” ang ulat ng The Times ng London. Tulad ng mga kuwintas ng perlas, maluwag ang pagkakasunud-sunod ng mga organismong ito, na tinatawag na Thiomargarita namibiensis. Ayon sa The Times, ang mga baktirya ay “nabubuhay sa mga sulphide, na kanilang binabago sa tulong ng mga nitrate na nasusumpungan sa tubig-dagat.”
Masyadong Maraming Bangkay sa Ganges
“Sa loob ng mga siglo, inilulubog ng mga Hindu ang kanilang mga patay sa Ganges sa paniniwalang matitiyak nito ang moksha, o ang paglaya ng kaluluwa mula sa siklo ng pamumuhay sa katawan,” ang binanggit ng the Electronic Telegraph. “Habang lumalalim ang tubig ng 2,500-kilometrong Ganges, nadadala ng matutuling agos nito ang daan-daang naaagnas na mga bangkay. Subalit sa paglipas ng mga taon, naging mas mabagal at mababaw ang ilog dahil sa industriyal na mga dumi at basura na itinatapon dito.” Bunga nito, ang mga bangkay ay “sumasabit sa mga damong-tubig at basura sa loob ng mga linggo.” Sa huling bahagi ng dekada ng 1980, sinikap ng pamahalaan na lutasin ang suliranin sa pamamagitan ng paglalagay sa Ganges ng libu-libong pagong na kumakain ng laman. Subalit inihinto ang proyekto noong 1994 dahil sadyang napakarami ng bangkay anupat hindi ito makayanan ng mga pagong, at ang mga pagong mismo ay hinuhuli ng ilegal na mga mangangaso. Sa isang bagong kampanya, ang mga tao ay hinihimok na sunugin ang patay nilang mga kamag-anak o ilibing ang mga ito sa buhanginan sa tabi ng ilog.
Wala Nang Limbo?
Ang Limbo—ang dako na ayon sa tradisyong Katoliko ay pinupuntahan ng mga kaluluwa ng namatay na mga sanggol na hindi nabinyagan—ay nawala na mula sa teolohiyang Katoliko. Bagaman hindi ito kailanman naging doktrina, ang limbo ay “bunga ng dagdag na mga paliwanag ng ika-12 siglong mga teologo” na naghanap ng lugar “sa Kabilang-Buhay” para sa mga hindi nakatalaga sa langit o sa impiyerno. Kabilang dito “ang walang-muwang na mga bagong-panganak na namatay nang hindi nadadala sa altar ng binyagan” at “ang mga di-sumasampalataya na namuhay nang matuwid.” “Noong napasimulan ito, ang Limbo ay gumanap ng isang mahalagang papel sa doktrina na itinuturo ng simbahan,” ang isinulat sa pahayagang La Repubblica ng komentarista sa Vatican na si Marco Politi. Ngunit sa makabagong mga katesismo, lakip na sa unibersal na katesismo na inihayag noong 1992, hindi man lamang nabanggit ang Limbo. “Sa katunayan, ang buong ideya ng Kabilang-Buhay ay nabago na sa loob ng huling nakalipas na mga dekada,” ang paliwanag ni Politi. Maraming teologo ang nagsasabi ngayon na ang mga sanggol na namatay nang hindi nabibinyagan ay kaagad na umaakyat sa langit. Ganito ang sabi ng Italyanong teologo na si Pino Scabini: “Sa ngayon, may hilig na isaalang-alang ang mahahalagang elemento ng naisiwalat na—ang buhay na walang hanggan, na sinalita ni Jesus, at ang pagkabuhay-muli.”
Ang Negosyo ng Pagkidnap
“Ang pagkidnap ay . . . isang lumalaking negosyo sa mga lugar tulad ng Mexico, Colombia, Hong Kong, at Russia,” ang sabi ng U.S.News & World Report. “Sa palibot ng daigdig, ang dami ng dinudukot para ipatubos ay pinakamataas higit kailanman sa bawat isa sa tatlong nakalipas na taon.” Sa kasalukuyan, ang pinakamalaking bilang ay nangyari sa Latin Amerika, kung saan mayroong 6,755 pagdukot sa pagitan ng 1995 at 1998. Ito’y sinusundan ng Asia at ng Dulong Silangan (617), Europa (271), Aprika (211), ang Gitnang Silangan (118), at Hilagang Amerika (80). Samantalang ang karamihan sa mga dinukot ay ang lokal na mga negosyante at mga may-ari ng lupain, ang sinuman—ang mga manggagawang naglalaan ng tulong, ang mga negosyanteng naglalakbay, o ang mga turista—ay nanganganib. Bumibili na ngayon ang internasyonal na mga kompanya ng polisa sa seguro para sa pagkidnap at pantubos upang mabayaran ang pantubos pati na ang gastos para sa mga propesyonal na nakikipagnegosasyon at mga sikologong tagapayo. Organisado ang mga kidnaper, na nagsasaliksik muna sa halaga at nagsusuri sa panganib bago kumilos sa potensiyal na biktima. Kadalasan nang pinakikitunguhan nila nang maayos ang kanilang mga bihag, dahil kanilang natatanto na kung gayon ay hindi gaanong magsisikap tumakas ang mga bihag at mas malaki ang kanilang kikitain. “Sa buong daigdig, 1 lamang sa bawat 10 pagkidnap ang nauuwi sa kamatayan ng taong dinukot,” ang sabi ng magasin, ngunit nagbigay ito ng babala: “Mag-ingat sa lokal na mga pulis. Madalas na kasabwat sila ng mga kidnaper.”
Giya sa Pananalangin na Nasa Web Site
Kamakailan, ang Church of England ay naglunsad ng sarili nitong Web site sa Internet. Doon ay may giya kung papaano mananalangin. Samantalang idiniriin na pinakikinggan ng Diyos ang bawat panalangin, hinimok ng simbahan na maging malikhain ang mga tao kapag nananalangin. “Gumamit ng musika, isang bato, balahibo, bulaklak, o isang kandila upang matulungan kang magtuon ng pansin,” at “gamitin ang iyong kamay. Ang iyong mga daliri ay magagamit upang ipaisip sa iyo ang maraming bagay na iyong ipananalangin.” Halimbawa, sinasabi nito na ang hinlalaki, dahil sa ito ang pinakamalakas na daliri, ay maaaring magpaalala na ipanalangin ang mga bagay na matatag sa iyong buhay, tulad ng tahanan at ng pamilya. Ang mataas na gitnang daliri ay makapagpapaalala sa iyo na manalangin para sa “mga tao na may kapangyarihan sa sanlibutan,” at ang pinakamaliit na daliri ay makapagpapaalala sa iyo na “manalangin para sa iyong sarili.” Bilang komento sa mga pagbabagong ito, sinabi ng The Times: “Ang laman ng website ay isang palatandaan na nararamdaman ng Simbahan kung gaano na kasekular ang bansa. Inihahambing ng Web site ng simbahan ang pananalangin sa pagdidiyeta, o pagtatanggal ng panirang-damo sa isang hardin: ‘Ang maikli subalit madalas na pananalangin ang pinakamagaling, subalit huwag sumuko.’”
Ang Asido at Sira sa Ngipin
“Kailangang tigilan ng mga tao ang kaisipan na ang asukal lamang ang nagdudulot ng mga butas sa ngipin, at magtuon sila ng pansin sa mga pagkaing nag-iiwan ng asido sa kanilang bibig,” ang sabi ni Mike Edgar, isa sa mga awtor ng Oral Health: Diet and Other Factors. Ipinapayo ng ulat na ito na ang mga taong umiinom ng orange juice sa almusal o kumakain ng mga pagkaing puno ng asido ay huwag munang magsipilyo ng ngipin sa loob ng di-kukulangin sa kalahating oras pagkatapos. Bakit? Sapagkat kapag ang dami ng asido sa bibig ay lumagpas sa isang hangganan, lumalambot ang enamel ng ngipin at makakayod ng pagsisipilyo ang panlabas na balot. Sa halip ay iminumungkahi na kontrahin ang dami ng asido sa pamamagitan ng mga pagkaing sagana sa protina, tulad ng keso o mani, na kinakain ang mga ito sa loob ng 20 minuto pagkatapos kumain ng mga pagkaing maasido, ang sinabi ng The Times ng London.
Manikang Gawa sa Hapon ang Lunas?
Para sa mga lolo at lola na malayo at hindi gaanong nakikita ang kanilang mga apo, isang kompanya sa Tokyo ay may lunas: Ipadala mo sa kompanya ang larawan ng sanggol, at sa loob ng anim na linggo, matatanggap mo ang isang manika na kahawig niyaon. “Subalit hindi lamang hanggang doon ang magagawa nila,” ang ulat ng New Scientist. “Nasa loob ng manika ang isang digital microchip recorder na nakapagrerekord ng unang mga tunog na ginagawa ng sanggol, kaya parang ang iyong sanggol mismo ang naririnig mo. Basta hawakan lamang ang kamay ng manika at patutugtugin nito ang tinig ng sanggol—o kung anuman ang iyong inirekord. Ayon sa The Nikkei Weekly, ang manikang nagkakahalaga ng $400 ay kadalasang pinipidido ng mga lolo at lola na madalang makita ang kanilang mga apo.”