Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/22 p. 14-17
  • Ang Muling Pagdalaw sa Pulang Planeta

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Muling Pagdalaw sa Pulang Planeta
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nasaan ang Tubig?
  • Pagmamasid Mula sa Itaas
  • Saan Lalapag?
  • Pagsusuri sa Ilalim ng Pinakalupa
  • Isang Pagnanais na Manggalugad
  • Mars sa Malapitan
    Gumising!—2009
  • Ginalugad ng Isang Robot ang Mars
    Gumising!—1998
  • Mars’ Hill
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Kahulugan ng mga Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/22 p. 14-17

Ang Muling Pagdalaw sa Pulang Planeta

Dalawang “detektib” mula sa Lupa ang ipinadala sa ating karatig na planeta sa sistema solar, ang Mars. Ang kanilang matutuklasan ay maaaring makatulong upang masagot ang ilang mahahalagang katanungan tungkol sa nakalipas na heolohika ng pulang planeta at gayundin ang kasalukuyang kalagayan nito.

MULA pa noong sinaunang panahon, pinukaw na ng Mars ang imahinasyon ng tao. Napagwari ng ating mga ninuno na may di-pangkaraniwang bagay sa maliwanag, kulay-pulang makalangit na bagay na bumabagtas sa madilim na kalangitan na kung minsan ay mas mabilis pa sa ibang mga bituin. Pinanganlan ng sinaunang mga taga-Babilonya, mga Griego, at mga Romano ang planeta alinsunod sa kanilang mga diyos ng digmaan at ng kamatayan, na hindi nakaaalam sa katotohanan na ang mapulang kulay nito ay katibayan lamang ng isang tanawin na nababalutan ng alikabok ng iron oxide.

Hindi pa gaanong natatagalan, habang pinipihit ng mga astronomo ang papalakas nang papalakas na mga teleskopyo sa sistema solar, hindi nila maiwasang mapansin na ang ating mapulang karatig na planeta ay may mga panahon, nagyeyelong mga polo, at iba pang mga katangian na katulad niyaong sa Lupa. Sa ika-20 siglo, ang naunang mga pagsisiyasat sa Mars ay isinagawa sa pamamagitan ng ilang space probe o sasakyang pangkalawakan, kabilang na ang mga orbiter at mga lander, na ipinadala ng Unyong Sobyet at ng Estados Unidos. Pagkatapos ay sumunod naman ang misyon ng Mars Pathfinder, na umagaw ng pansin ng milyun-milyong manonood ng telebisyon noong Hulyo 1997.a

Sa kasalukuyan, ang orbiter na Mars Global Surveyor ay nagtitipon ng mga impormasyon sa pulang planeta. Bagaman ang mga misyong ito ay nakapaglaan ng mayamang impormasyon, maraming mahahalagang katanungan tungkol sa Mars ang nananatili pa rin.

Nasaan ang Tubig?

Ang karaniwang salik sa mga tanong na ito ay tubig. Ipinagpapalagay ng mga siyentipiko na sa matagal nang panahong nakalipas, ang Mars ay ibang-iba sa nakikita nila ngayon. Inilalarawan nila ang isang planeta na dati’y may mas mainit na klima, mahalumigmig na hangin, at mga ilog na umaagos na parang laso sa ibabaw nito. Gayunman, sa paanuman ay naglaho ang tubig, anupat iniwan ang orbe na tuyo, maalikabok, at hantad sa hangin anupat maging ang mga disyerto sa Lupa ay nagmimistulang malago. Saan napunta ang tubig? Saan masusumpungan sa kasalukuyan ang tubig sa Mars, at sa anong anyo? Paano naaapektuhan ng tubig ang lagay ng panahon at ang klima ng Mars?

“Ito’y isang kuwentong pandetektib,” sabi ni Norman Haynes, dating pinuno ng tanggapan ng Mars Exploration sa Jet Propulsion Laboratory ng NASA, sa Pasadena, California. “Ang talagang nakalilito sa Mars ay ang malaman kung ano ang nangyari sa tubig.” Ang mga siyentipiko ay umaasa na malapit na nila itong masagot. Sa halos bawat dalawang taon, kapag ang Lupa at ang Mars ay nagkakapantay, binabalak ng mga mananaliksik na maglunsad ng mga robot na pansiyasat upang unti-unting lutasin ang misteryo ng Mars.

Ang pinakabagong pares ng gayong “mga detektib” ay isang lumilibot sa polo na tagapagbantay ng lagay ng panahon at isang kimikong robot na nasa planeta mismo na magbibigay sa mga siyentipiko ng mas mahusay na pagsusuri sa ilalim ng pinakalupa ng Mars. Ang pangalan ng mga ito ay Mars Climate Orbiter at Mars Polar Lander.

Pagmamasid Mula sa Itaas

Inilunsad ang Mars Climate Orbiter noong Disyembre 11, 1998, mula sa Kennedy Space Center, sa Cape Canaveral, Florida, at pinasimulan nito ang siyam-na-buwang paglalakbay patungong Mars. Ito’y dinisenyo upang panatilihin ang 400 kilometrong taas na pag-ikot, kung saan ay susubaybayan nito ang atmospera ng planeta, mga katangian ng ibabaw nito, at mga korona ng polo. Ang pagmamasid ay tatagal nang isang buong taon sa Mars​—iyon ay, 687 araw sa Lupa.

Kabilang sa misyon ng climate orbiter ang pagmamasid sa anyo at pagkilos ng alikabok sa atmospera at singaw ng tubig sa ibabaw ng Mars. Ang orbiter ay dinisenyo rin upang subaybayan ang pagbabagu-bago ng panahon sa ibabaw ng planeta. Ang detalyadong mga larawan ng mga katangian ng ibabaw ng planeta ay maaaring makapaglaan sa mga siyentipiko ng mahahalagang palatandaan tungkol sa sinaunang kasaysayan ng klima ng planeta. Karagdagan pa, ang gayong mga katibayan ay maaaring makapagbigay sa mga mananaliksik ng higit na impormasyon tungkol sa posibleng mga nakaimbak na likidong tubig sa ilalim ng pang-ibabaw ng pinakalupa ng Mars.

Ang orbiter ay magsisilbi ring isang relay station para sa kasama nito, ang Mars Polar Lander. Ang huli ay inilunsad noong Enero 3, 1999, at nakatakdang dumating sa Mars sa maagang bahagi ng Disyembre ng taóng ito. Gayunman, saan lalapag ang lander na ito upang makapagbigay ng pinakamahuhusay na resulta?

Saan Lalapag?

Tandaan, ang katanungan tungkol sa tubig ang pinakamahalaga kung kaya ginagalugad ang Mars. Saang dako sa planetang iyon ang tamang-tamang lugar upang pag-aralan ang tubig? Ang lagay ng panahon, klima, at ang siklo ng tubig sa Lupa ay pinag-aaralan sa pamamagitan ng paghahambing ng mga resulta ng isinagawang libu-libong hiwa-hiwalay na mga pag-aaral na ginagamit ang maraming iba’t ibang instrumento sa maraming iba’t ibang lokasyon. Gayunman, ang panggagalugad ng ibang planeta ay nangangailangan ng higit pang piling proseso. Sapagkat ang bawat pagkakataon upang pag-aralan ang Mars mula sa ibabaw ay pambihira, dapat na maging maingat ang mga siyentipikong imbestigador sa pagpapasiya kung anong instrumento ang ipadadala at kung saan ipadadala ang mga ito.

Para sa pag-aaral ng klima sa Mars, ang mga rehiyon ng polo ang tamang-tamang mga lugar​—bagaman ibang-iba mula sa nakalatan-ng-batong kapatagan kung saan lumapag ang Mars Pathfinder dalawang taon na ang nakalilipas. Ang mga rehiyon ng polo ang siyang pinangyayarihan ng pinakamalalaking pagbabago ng panahon. Ipinagpapalagay na ang pana-panahong bagyo ng alikabok ay nag-iiwan ng manipis na alikabok sa mga rehiyon ng polo. Kapag dumarating ang taglamig, ang alikabok ay tumitigas sa ilalim ng carbon dioxide at nagyelong tubig. Sa paglipas ng panahon, marami nang suson ang namuo. “Ang mga suson na ito ay nag-iingat sa rekord ng kasaysayan sa klima [ng Mars],” sabi ni Ralph Lorenz, ng University of Arizona. Naniniwala ang mga eksperto na ang panggagalugad sa bagong teritoryong ito ay magiging isang mahalagang hakbang sa pagsasaliksik sa Mars. Paano nagkagayon? Ano ang gagawin ng lander pagkatapos nitong lumapag?

Pagsusuri sa Ilalim ng Pinakalupa

Bilang isang tulad-gagambang makina na may taas na isang metro, ang lander ay may tatlong paa at dalawang metrong haba na kamay ng robot na may panalok sa dulo nito. Magsisimula ang misyon nito bago lumapag sa pinakalupa ng Mars. Kapag malapit na malapit na sa atmospera ng pulang planeta, magpapakawala ang lander ng isang pares ng pod, na bawat isa ay sinlaki ng bola ng basketbol.

Ang mga projectile na ito ay kusang babagsak sa ibabaw at tatama sa pinakalupa ng Mars sa bilis na halos 700 kilometro bawat oras. Ang mga pod ay sinadya upang mawasak sa pagbagsak at palabasin ang isang pares ng mas maliliit na probe na ibabaon nang halos isang metro sa lupa. Kapag nakabaon na, ilalabas ng mga probe ang maliliit na barena at sisimulang suriin ang kimikal na kayarian ng pinakalupa ng Mars. Ang unang tunguhin ay upang hanapin ang anumang tubig na maaaring nakatago na naging yelo sa ilalim ng lupa.

Di-magtatagal pagkatapos na maabot ng mga probe ang lupa, susunod naman ang lander, na bababang nakaparakaida. Yamang nasasangkapan ng mga kamera at mga sensor, ang lander ay dinisenyo upang pag-aralan ang lupain at lagay ng panahon sa Mars. Kukuha ito ng mga larawan kapuwa habang bumababa ito at pagkatapos nitong lumapag sa lupa. Ang dala nitong mikropono ay magtatala sa kauna-unahang pagkakataon ng tunog ng hangin sa Mars. Ang lander ay nakatakdang gumana sa loob ng mga 90 araw pagkatapos lumapag.

Isang Pagnanais na Manggalugad

Siyempre pa, kakailanganin ng mga siyentipiko ang maraming taon upang pag-aralan at suriin ang mga impormasyon na nakolekta ng Mars Climate Orbiter at ng Mars Polar Lander. Ang mga pinakabagong sasakyang panghimpapawid na ito ay bahagi ng isang 16-na-taóng pagsisikap na matuto pa nang higit tungkol sa Mars. Maliban sa NASA, ang mga ahensiyang pangkalawakan ng mga Europeo, mga Hapon, at mga Ruso ay kasangkot din sa mga misyong iyon. Sa dakong huli, umaasa ang mga siyentipiko na ang mga misyon sa hinaharap ay makapag-uuwi ng mga sampol ng pinakalupa ng Mars sa mga laboratoryo sa Lupa para sa pagsusuri. Maaaring makatulong ang mga ito sa kanila na sa wakas ay masagot ang katanungan kung ano ang nangyari sa klima ng ating karatig na pulang planeta, ang Mars.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ginalugad ng Isang Robot ang Mars,” sa Hunyo 22, 1998, na isyu ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Ang Buhay ba ay Nagmula sa Mars?

Ang bulalakaw na ALH84001​—na pinaniniwalaang nagmula sa Mars​—ay natuklasan sa Antarctica noong 1984. Noong Agosto 1996, ipinatalastas ng ilang mananaliksik sa Johnson Space Center ng NASA at Stanford University na ang kasinlaki ng patatas na bato ay naglalaman ng ebidensiya, ngunit hindi malinaw na patotoo, ng buhay sa Mars​—mga halong organiko, mga depositong mineral, at mga microbe na naging fossil. Ang pahiwatig ay na ang buhay sa Lupa ay maaaring nagmula sa Mars.

Gayunman, halos lahat ng kabilang sa komunidad ng siyensiya ay sumasang-ayon na ngayon na ang bulalakaw na ito ay hindi makapagbibigay ng anumang matibay na ebidensiya na ang buhay ay nagmula sa Mars. “Sa palagay ko’y malayong mangyari na mayroon silang natitirang katibayan na nauukol sa biyolohikal na pagkilos,” sabi ni William Schopf, ng University of California, sa Los Angeles. Sa katulad na paraan, si Ralph P. Harvey, ng Case Western Reserve University, ay nagsabi: “Bagaman ang buhay sa Mars ay isang nakasasabik na kuru-kuro para sa marami sa atin, ang ALH[84001] ay maliwanag na naglalaman ng salat na patotoo nito.”b

[Talababa]

b Para sa maaasahang ebidensiya sa katanungan hinggil sa pinagmulan ng buhay sa Lupa, tingnan ang kabanata 3 hanggang 5 ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]

Apatnapung Taon ng Panggagalugad sa Mars

◼ Noong 1960, inilunsad ng Unyong Sobyet ang kauna-unahang mga probe na pamplaneta, na nakatuon sa Mars. Hindi nakarating ng orbita ang mga probe.

◼ Noong Hulyo 14, 1965, ang Mariner 4, mula sa Estados Unidos, ay dumaan ng Mars at nagpadala ng mga larawan at mga sukat pabalik sa Lupa.

◼ Noong 1971, ang Mars 3, isang probe ng Sobyet, ay naghulog ng isang kapsula na nakagawa ng unang marahang paglapag sa Mars. Ang Mariner 9, isang probe ng Estados Unidos, ay nakarating sa Mars nang taon ding iyon at nakakuha ng larawan sa malaking bahagi ng ibabaw ng planeta. Nalitratuhan din ng Mariner 9 ang dalawang maliliit na buwan ng planeta, ang Phobos at Deimos.

◼ Dalawang probe ng Estados Unidos, ang Viking 1 at Viking 2, ang lumapag sa Mars noong 1976. Ang mga probe ay gumana sa loob ng mga taon, anupat nagsagawa ng masalimuot na mga eksperimento.

◼ Noong 1988, ang mga siyentipikong taga-Sobyet ay naglunsad ng dalawang sasakyang panghimpapawid, ang Phobos 1 at Phobos 2, patungong Mars. Nasira ang Phobos 1 habang naglalakbay, ngunit ang Phobos 2 ay nakarating sa Mars at nakapagpadala ng mga tuklas nito sa loob ng ilang araw.

◼ Noong 1992, inilunsad ng Estados Unidos ang probe na Mars Observer, na nabigo sa misyon nito.

◼ Ang Mars Pathfinder, na may dalang Sojourner rover, ay lumapag sa Mars noong Hulyo 4, 1997. Ang kaakit-akit na mga larawang de-kulay ay ipinadala mula sa ibabaw ng pulang planeta.

[Mga larawan]

Mariner 4

Isa sa mga lander na Viking

Phobos 2

[Larawan sa pahina 15]

Mars Climate Orbiter

[Larawan sa pahina 15]

Mars Polar Lander

[Larawan sa pahina 16, 17]

Larawan ng tanawin sa Mars, na kuha ng Mars Pathfinder

[Picture Credit Lines sa pahina 14]

Pahina 15: Bulalakaw: NASA photo; background: NASA/U.S. Geological Survey; orbiter at lander: NASA/JPL/Caltech

Mga Pahina 16 at 17: Tanawin, Mariner 4, Viking lander: NASA/JPL/Caltech; planeta: NASA photo; Phobos 2: NASA/National Space Science Data Center

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share