Ginalugad ng Isang Robot ang Mars
BUONG pananabik na nanonood kami ng aking pamilya habang umaangat ang rocket na naglululan ng sasakyang pangkalawakan na Mars Pathfinder mula sa lunsaran nito sa Cape Canaveral, Florida. Naisip namin, ‘Matagumpay kaya itong makalalapag sa Mars? Ano kayang mga bagong tuklas ang naghihintay roon?’
Ang pagkabahala para sa tagumpay ng Pathfinder sa isang banda ay batay sa naunang dalawang misyon sa Mars, sa pamamagitan ng Mars Observer at Mars 96, na kapuwa nabigo. Bukod dito, tatangkain ng Pathfinder ang isang di pa nagagawang mahirap na paglapag.
Nagsimulang bumulusok ang sasakyang pangkalawakan sa atmospera ng Mars sa bilis na halos 27,000 kilometro bawat oras. Matapos gumamit ng isang parakaida upang bumagal ito at saka bumaba sa altitud na mga 98 metro, nagpaputok ito ng mga rocket upang bumagal pa ito. Samantala, isang pananggalang na kutson na binubuo ng malalaking air bag na puno ng gas ang inilaan para sa sasakyan. Noong Hulyo 4, 1997, sa bilis na 65 kilometro bawat oras, lumagpak ang Mars Pathfinder sa ibabaw ng Mars.
Ang unang pagtalbog ay nagpatalsik sa sasakyan ng mga 15 metro. Pagkatapos na tumalbog na parang isang malaking bola sa dalampasigan sa loob ng 15 o higit pang ulit, huminto na ito. Pagkatapos ay umimpis at tumiklop ang mga air bag. Bagaman dinisenyo upang itayo ang sarili nito kung kailangan, nagkataong lumapag na patayo ang Pathfinder. Sa wakas, ibinuka nito ang tulad-bulaklak na mga talulot nito, anupat naglantad ng siyentipikong mga instrumento, mga antena ng radyo, mga batiryang solar, at isang rover (de-batiryang sasakyan) na pinanganlang Sojourner.
Pagsusuri sa Mars
Di-nagtagal at sinurbey ng kamera ng Pathfinder ang kapaligiran. Palibhasa’y nasa isang malawak na kapatagan na pinanganlang Chryse Planitia, na ang ibig sabihin ay “mga Kapatagan ng Ginto,” malapit sa isang lugar na tinatawag na Ares Vallis, o “Libis ng Mars,” ipinakita ng Pathfinder ang isang mabato at baku-bakong ibabaw at malalayong burol—tamang-tama para galugarin ng Sojourner. Pinapangyari nito na ang munting robot, na 65 centimetro ang haba, ay makapagsuri sa pamamagitan ng mga kamera nito at masukat ang dami ng kemikal na mga elemento sa mga bato at lupa sa pamamagitan ng isang spectrometer.
Ang mga siyentipiko at mga inhinyero na nangangasiwa sa misyon ang siyang nagpasimula ng panggagalugad sa pamamagitan ng Sojourner. Yamang gumugugol ng maraming minuto para makapaglakbay ang mga hudyat ng radyo sa pagitan ng Lupa at ng Mars, ang Sojourner ay hindi tuwirang maimamaneho ng mga nangangasiwa ng misyon. Kaya nakadepende nang husto ang Sojourner sa sarili nitong kakayahan na umiwas sa mga panganib sa kalupaan ng Mars. Ito’y ginawa nito sa pamamagitan ng paggamit ng mga laser beam upang tiyakin ang laki at lokasyon ng mga bato sa daraanan nito. Pagkatapos ay ituturo dito ng computer nito kung dapat dumaan sa ibabaw ng mga bato dahil sa ang mga ito’y maliliit naman o kaya’y dapat umiwas dahil sa napakalaki ng mga ito.
Pakikipagsapalaran at Pagtuklas
Ipinakita ng mga ulat sa mga pahayagan at magasin sa milyun-milyong tao ang mga larawang kuha ng Pathfinder sa ibabaw ng Mars. Habang dumarating mula sa Mars ang mga bagong tanawin, naaaliw naman ang mga tao sa lupa dahil sa mga kakatwang kilos ng lumilibot na rover, anupat naintriga sa makukulay na larawan ng mabato at maburol na tanawin, at nabighani sa mga tanawin ng mga ulap at paglubog ng araw sa himpapawid ng Mars. Sa unang buwan ng misyon, nakapagtala ang Web page ng Pathfinder sa Internet ng mahigit sa 500 milyong “hit” (bawat pagkakataon na tumawag ang isang manonood sa isang Web page) mula sa mga taong interesado sa mga gawain ng sasakyang pangkalawakan.
Ang Pathfinder ay nakakuha ng napakaraming impormasyon, anupat nahigitan pa nga ang inaasahan ng mga siyentipikong nangasiwa sa misyon. Ito ay sa kabila ng pag-andar sa mga temperaturang mula sa nagyeyelo, 32 degrees Fahrenheit, hanggang sa pagkalamig-lamig na -110 degrees Fahrenheit. Ano ang isiniwalat ng misyong ito?
Natuklasan ng mga kamera at mga instrumento ang mga bato, lupa, at lumilipad na alikabok na may iba’t ibang kemikal na komposisyon, kulay, at kayarian, anupat nagpapakita ng masalimuot na mga proseso na gumagana sa Mars. Ang maliliit na buhanginan sa palibot ay nagpapatunay sa pagkakabunton ng mga buhaghag na buhangin na itinambak ng hanging galing sa hilagang-silangan. Makikita sa kalangitan ang mga ulap bago magbukang-liwayway na binubuo ng mga tipik ng yelo. Habang naglalaho ang mga ulap at sumasapit ang bukang-liwayway, ang kalangitan ay nagiging kulay pula dahil sa pinong alikabok sa atmospera. Paminsan-minsan, dumaraan sa ibabaw ng sasakyan ang mga dust devils, mga umaalimpuyong hangin at alikabok.
Binigyan tayo ng Mars Pathfinder ng isang talagang pambihirang karanasan sa kalawakan. Nagpaplano ang Estados Unidos at Hapon ng marami pang misyon sa Mars hanggang sa susunod na dekada. Mula noon ay nakarating na sa Mars ang isang orbiter (sasakyang gumagalugad sa kalawakan), ang Mars Global Surveyor, upang magsagawa ng iba pang siyentipikong pagsusuri. Tunay, ang Mars ay magiging isang lalong pamilyar na tanawin habang nililibot natin ang pulang planeta sa pamamagitan ng mga mata ng robot na sasakyang pangkalawakan.—Isinulat.
[Mga larawan sa pahina 26]
Palunsad na
Paglapag
Sa Mars
[Credit Line]
Lahat ng larawan: NASA/JPL