Mars sa Malapitan
AGOSTO 2003, naitala na 56 na milyong kilometro ang layo ng Mars mula sa ating planeta. Ito ang pinakamalapit na distansiya ng Mars at Lupa sa loob ng halos 60,000 taon. Para sa mga astronomo, parang nasa bakuran lamang natin ang pulang planeta, at ikinatuwa ito ng mga nag-aaral ng mga bituin at planeta.
Pagsapit ng unang mga buwan ng 2004, marami nang sasakyang pangkalawakan ang nailunsad sa Mars para pag-aralan ang planetang ito. Ang ilan ay lumapag sa mismong planeta, at ang iba naman ay nasa orbit lamang. Ano ang itinuturo sa atin ng mga misyong ito hinggil sa ating kalapit na planeta?
Paggalugad sa Pulang Planeta
Nakarating sa Mars noong 1997 ang orbiter na Mars Global Surveyor. Natuklasan nito na dating may malakas na magnetic field ang Mars. Nakagawa rin ang orbiter ng wastong mapa ng topograpiya ng Mars, anupat isinisiwalat nito na ang distansiya ng pinakamababa at pinakamataas na lugar sa planeta ay mahigit sa 29 na kilometro, samantalang sa lupa ay mahigit lamang 19 na kilometro.a
Ang pinakamababang lugar sa Mars ay ang malawak na lunas ng Hellas, na posibleng likha ng pagbagsak ng isang dambuhalang asteroid. Ang pinakamataas na lugar naman ay ang taluktok ng napakalaking bulkang tinatawag na Olympus Mons, na mga 21 kilometro ang taas. Ang kamerang nakakabit sa Surveyor ay nakakuha rin ng mga larawan ng malalaking bato na mahigit 18 metro ang lapad, pagkarami-raming burol ng mga buhangin na pabagu-bago ang hitsura, at bagong mga guwang. Sa tulong ng isa pang instrumento, natuklasan na ang mga bato sa ibabaw ng planeta ay galing sa bulkan.
Bagaman naputol ang komunikasyon sa Mars Global Surveyor noong Nobyembre 2006, tatlo pang orbiter—ang 2001 Mars Odyssey, Mars Express, at Mars Reconnaissance Orbiter—ang nagpatuloy sa pagsusuri sa pulang planeta.b Gamit ang mas sensitibong mga kamera at detektor, nasuri ng mga ito ang atmospera at kalawakan ng Mars at natuklasan pa nga at naisamapa ang mayelong polong hilaga ng planeta.
Ang yelong ito ang pakay ng Phoenix Mars Lander, na walang kahirap-hirap na lumapag sa pulang planeta noong Mayo 25, 2008. Ang Lander ay may high-tech na mga instrumento sa pagsusuri ng atmospera at permafrost sa rehiyon sa polo. Gustong malaman ng mga siyentipiko kung dati bang may nabubuhay na mikrobyo sa mayelong lupang iyon. Pero may nauna nang isinagawang pag-aaral kung may anumang anyo ng buhay rito—o kung may puwedeng mabuhay rito.
Ang mga Rover na Spirit at Opportunity
Enero 2004, nakarating sa Mars ang dalawang Mars Exploration Rover na Spirit at Opportunity. Lumapag ang mga ito sa mga lugar na pinili batay sa nakuhang mga impormasyon sa naunang mga misyon. Ang mga rover—na parehong sinlaki ng maliit na kotseng pangarera—ay dahan-dahang lumapag sa Mars sa tulong ng mga heat shield, parasyut, at rocket. Sa paglapag, tumalbog ang mga ito sa pinakasahig ng planeta, palibhasa’y nababalot ng air bag gaya ng mas maliit na Mars Pathfinder, na naunang inilunsad noong 1997.c
Ang ibabaw ng Mars ay kasinlawak ng tuyong lupa ng ating planeta, kaya malawak ang lupaing puwedeng galugarin ng sasakyang robot. Ang piniling lapagan ng Opportunity ay ang Meridiani Planum, isang talampas ng susun-susong mga bato na may hematite, isang mineral na sagana sa iron. Ang Spirit naman ay lumapag sa kabilang panig ng Mars para galugarin ang Gusev, isang napakalaking hukay na sa paniniwala ng ilang mananaliksik ay dating may lawa. Ayon sa NASA, ang layunin ng dalawang misyong ito ay “suriin ang mga pagbabagong nangyari sa mga lugar na posibleng dating may tubig at puwedeng panirahan.”
Mga “Heologo” sa Mars
Enero 4, 2004, dumating ang Spirit sa destinasyon nito sa gitna ng tigang at mabatong lugar na maraming mababaw at pabilog na mga hukay. Pinag-aralan ng rover ang lupain na parang isang heologo—sinuri nito ang mga bato at ang iba’t ibang uri at anyo ng lupa. Natuklasan ng mga siyentipikong kumokontrol sa Spirit na ang nilapagan nito ay punô ng bulkanikong mga bato at maraming uka dahil sa pagbagsak ng mga bulalakaw. Pagkatapos, umusad nang 2.6 kilometro ang Spirit para pag-aralan ang isang grupo ng maliliit na burol. Nakatuklas ito roon ng kakaibang mga anyo ng bato at ng nakausling malalambot at susun-suson na mga bato na posibleng ibinuga ng bulkan.
Noon namang Enero 25, 2004, matapos maglakbay nang 456 na milyong kilometro, lumapag ang Opportunity, mga 25 kilometro lamang ang layo mula sa target nitong lokasyon. Ang rover na nababalot ng air bag ay tumalbog sa kapatagan ng Meridiani, gumulong, at nahulog sa isang maliit na hukay. Ayon nga sa isang siyentipiko, para daw itong bola ng golf na na-shoot sa unang palo!
Ginalugad ng Opportunity ang mga hukay na may mga susun-suson na bato. Sa loob ng mga batong ito ay may tinatawag na mga blueberry, maliliit at bilug-bilog na butil na sagana sa mineral na hematite. Hindi talaga asul ang kulay nito, kundi abuhin na ibang-iba sa mamula-mulang kulay ng lupa at mga bato. Ang ilan sa susun-suson na mga bato ay alun-alon na gaya ng deposito ng buhangin sa dinaraanan ng tubig. Ayon sa ilang siyentipiko, ang mga anyong ito ng bato pati na ang natuklasan ditong chlorine at bromine ay nagpapahiwatig na dating may tubig-alat sa planetang ito.
Dahil sa misyon ng Phoenix Mars Lander noong 2008, marami pang nakuhang impormasyon hinggil sa Mars, lalo na sa mayelong rehiyon nito. Gamit ang pinakabisig ng lander, bumutas ito at kumuha ng mga sampol ng lupa at yelo, at sinuri ang mga ito sa dalawang “laboratoryo” ng Phoenix. Pero sandali lamang ang isinaplanong misyon na ito dahil alam ng mga siyentipiko na mga ilang buwan lamang matapos makumpleto ng lander ang trabaho nito, sasapit na ang taglamig sa Mars at “ang Phoenix ay mababalutan ng [tila] makapal na kumot ng nagyelong carbon dioxide,” ayon sa paliwanag ng magasing Science.
Ang tagumpay ng mga siyentipiko sa paggalugad sa ibang mga planeta na milyun-milyong kilometro ang layo ay nagpapakita na malaki ang magagawa ng mga tao kung magtutulungan silang abutin ang isang tunguhin. Patunay rin ang mga tagumpay na ito na matalino ang tao. Siyempre, naging posible lamang ang paggalugad sa kalawakan—pati na ang siyensiya sa kabuuan—dahil sa di-pabagu-bago at lubhang maaasahang pisikal na mga batas na umuugit sa uniberso. Ang mga batas na ito ay hindi basta na lamang umiral, kundi itinatag ng Dakilang Arkitekto ng uniberso, ang Diyos na Jehova.
[Mga talababa]
a Ang 19 na kilometro ay ang distansiya mula sa kailaliman ng Mariana Trench sa Karagatang Pasipiko hanggang sa taluktok ng Bundok Everest.
b Ang 2001 Mars Odyssey at ang Mars Reconnaissance Orbiter ay inilunsad ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), at ang Mars Express naman ay inilunsad ng European Space Agency.
c Tingnan ang artikulong “Ginalugad ng Isang Robot ang Mars,” sa Gumising!, isyu ng Hunyo 22, 1998.
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
MAY NABUBUHAY BA SA MARS?
Ipinagpalagay nina Sir William Herschel at Percival Lowell, mga astronomo noong ika-18 at ika-19 na siglo, na maraming nabubuhay na matatalinong nilalang sa pulang planeta, at waring ang paniniwalang ito ay sinusuportahan ng teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon. Pero napatunayang mali ang ideyang iyon. Isiniwalat ng mga pagsusuri ng satelayt na tiwangwang ang planetang ito at napakababa ng presyon ng atmospera na halos puro carbon dioxide. Noong 1976, natuklasan sa mga eksperimentong ginawa ng lander na Viking 1 na walang anumang nabubuhay sa Mars.d
Pero patuloy pa ring naghahanap ang mga siyentipiko ng indikasyon na may nabubuhay rito, at ang Phoenix Mars Lander ang pinakahuling inilunsad para tuklasin ito. Yamang may mga mikrobyo sa lupa na nabubuhay sa mga kapaligirang hindi natatagalan ng iba pang nilalang, iniisip ng mga siyentipiko na may gayunding mga uri ng organismo sa ilang lugar sa Mars. Ang lander na Beagle 2 na nakakabit sa Mars Express, ay may mga instrumento para masuri ang organikong mga substansiya sa lupa ng Mars. Dapat sana’y lumapag na ito sa Mars bago matapos ang 2003, pero nawala ito sa kalawakan. Nang sumunod na taon, ang mga siyentipiko ay may natuklasang kaunting methane sa atmospera ng Mars, kaya nagkaroon ng espekulasyon na ang gas na ito ay likha ng nabubuhay na organismo o kaya’y galing sa bulkan.
Posible kayang basta na lamang magkaroon ng buhay saanmang dako ng uniberso? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Nasa [Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Ipinakikita nito na ang buhay ay maaari lamang magmula sa Maylalang na siyang orihinal na Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova.—Gawa 17:25.
[Talababa]
d Tingnan ang artikulong “Ang Muling Pagdalaw sa Pulang Planeta” sa Gumising!, isyu ng Nobyembre 22, 1999.
[Credit Line]
NASA/JPL/Cornell
[Larawan sa pahina 15]
Ang pinakabisig ng Phoenix Mars Lander na may panalok, “probe,” at kamera
[Larawan sa pahina 15]
Pinalinaw na kuha ng mga “blueberry”
[Larawan sa pahina 15]
Ang patay na bulkang Olympus Mons, mga 21 kilometro ang taas
[Larawan sa pahina 15]
Binutas at kinuskos ng “rover” na Spirit ang batong ito
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Top left: NASA/JPL-Caltech/University of Arizona/Texas A&M University; top right: NASA/JPL/Malin Space Science Systems; bottom left and right: NASA/JPL/Cornell