Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karukhaan at ang Kapaligiran
  • Ang Panganib ng Pagkasiphayo
  • Mga Taon sa Trapiko
  • Oras sa Gitnang Silangan
  • Takot sa Pranses
  • Naghahangad na Wakasan ang Panunuhol
  • Kausuhan sa Higad
  • Hindi Na ba Mababago ang Pinsala Dahil sa Paninigarilyo?
  • Pananghaliang Uod
    Gumising!—2007
  • Ang Pinsala ng Tabako sa mga Maninigarilyo at Hindi Maninigarilyo
    Gumising!—1987
  • Ikinakalat Ba Nila ang Kamatayan?
    Gumising!—1988
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Karukhaan at ang Kapaligiran

Sa kabila ng pag-unlad sa ekonomiya, mahigit na 1.3 bilyon katao sa buong daigdig ang nabubuhay pa rin sa halagang wala pang dalawang dolyar sa isang araw. Ang karukhaan, sabi ng isang report ng UN, ay hindi lamang nagpapatuloy kundi lumalala pa. Mahigit na isang bilyong tao ang kumikita nang kaunti ngayon kaysa sa nakalipas na 20, 30, o 40 taon. Ito naman ang nagiging dahilan ng pagkasira ng kapaligiran, yamang “ang karukhaan ay nangangailangan ng kagyat na pagsasamantala sa likas na yaman na bumibigo naman sa anumang pangmatagalan na pagsisikap sa pangangalaga,” sabi ng magasing UNESCO Sources. “Sa kasalukuyang bilis, ang kagubatan sa Caribbean ay lubusang maglalaho sa loob ng wala pang 50 taon . . . Pagdating sa pambansang kalagayan naman ay masahol pa: Ang kagubatan sa Pilipinas ay 30 taon na lamang ang itatagal, ang Afghanistan ay 16 na taon, at ang Lebanon ay 15 taon.”

Ang Panganib ng Pagkasiphayo

“Sinasabi ng mga siyentipiko . . . na malaking pinsala sa puso ang nagagawa ng pagkasiphayo na gaya ng paghitit ng 20 sigarilyo sa isang araw,” ulat ng The Times ng London. “Natuklasan sa isang apat na taóng pag-aaral sa halos 1,000 kalalakihang taga-Finland na nasa katamtamang gulang na ang pagkasiphayo ay humantong sa lubhang paglaki ng panganib ng atherosclerosis, o ang pagtigas ng mga arterya.” Ipinakita ng pag-aaral na ang kalagayan ng isip ay maaaring may malaking epekto sa kalusugan. “Palagi naming natutuklasan na ang kalagayan ng isipan at emosyon ay gumaganap ng bahagi sa kalusugan,” sabi ni Dr. Susan Everson, na nanguna sa pananaliksik. “Kailangang matanto ng mga manggagamot na ang kawalan ng pag-asa ay may negatibong epekto sa kalusugan at nagpapalala sa karamdaman. Kailangang matalos ng mga tao na kapag sila’y nawawalan ng pag-asa at nakadarama ng pagkasiphayo, dapat silang humingi ng tulong.”

Mga Taon sa Trapiko

Ang mga naninirahan sa malalaking lunsod ng Italya ay gumugugol ng malaking panahon sa pagbibiyahe mula sa kanilang bahay patungo at pabalik sa trabaho o sa paaralan. Gaano kalaking panahon? Ayon sa Legambiente, isang samahang pangkapaligiran sa Italya, ang mga mamamayan sa Naples ay gumugugol ng 140 minuto sa pagbibiyahe araw-araw. Kung ipalalagay na ang katamtamang haba ng buhay ng tao ay 74 taon, ang isang taga-Naples ay mawawalan ng 7.2 taon ng kaniyang buhay na ginugol sa trapiko. Ang isang Romano, na gumugugol ng 135 minuto sa pagbibiyahe bawat araw, ay mawawalan ng 6.9 taon. Ang kalagayan ay halos hindi rin kaayaaya sa iba pang lunsod. Ang mga tao sa Bologna ay mawawalan ng 5.9 na taon, at yaong mga nasa Milan ay 5.3 taon, ulat ng pahayagang La Repubblica.

Oras sa Gitnang Silangan

Ang mga pagbabago sa oras ay maaaring maging masalimuot sa Gitnang Silangan. Isang halimbawa ang Iran, na sa loob ng mga taon ay ‘nagtakda ng mga orasan nito na tatlo at kalahating oras na abante sa Greenwich Mean Time sa halip na sa oras, na karaniwang ginagawa ng karamihan ng mga bansa,” sabi ng The New York Times. “Halimbawa, upang makinig sa balita ng BBC World Service ng ika-5 N.U., dapat kang makinig sa ika-8:30 at huwag mong intindihin ang mga tunog ng orasang Big Ben na iba naman sa sinasabi ng iyong orasan.” At bagaman ang kaugalian sa rehiyon ay ang ihinto ang daylight saving time sa huling sanlinggo ng Setyembre, nitong nakaraang taon ang Israel ay gumawa ng pagbabago noong Setyembre 13. Mahirap din ang pagtiyak kung aling araw ang dulo ng sanlinggo. Karamihan ng mga bansa sa rehiyon ng Persian Gulf ay Huwebes at Biyernes ang dulo ng sanlinggo. Gayunman, sa Ehipto at sa karamihan ng kalapit na mga bansa nito, Biyernes at Sabado naman ang dulo ng sanlinggo, samantalang sa Lebanon ito ay Sabado at Linggo. “Halimbawa, ang isang manlalakbay na nagbabalak dumating sa Abu Dhabi ng Miyerkules ng tanghali, at saka lilipad patungong Beirut sa Biyernes ng gabi ay makatitiyak na masisiyahan sa apat na araw na dulo ng sanlinggo. Kailangan lamang planuhin ng isang workaholic ang paglalakbay sa baligtad na paraan,” sabi ng Times.

Takot sa Pranses

Ang mga kinatawan mula sa mga bansang nagsasalita ng Pranses ay dumalo sa tatlong-araw na komperensiya na idinaos sa Hanoi, Vietnam, upang ipagdiwang “ang pagiging pandaigdig ng wikang Pranses,” ulat ng pahayagan sa Paris na Le Figaro. Ang Pranses ay regular na sinasalita ng mahigit na 100 milyon katao. Sa katanyagan nito noong ika-17 siglo, Pranses ang wika ng internasyonal na diplomasya. “Sa nababahaging Europa, ang mga digmaan at bahagyang mga labanan ay nagwakas sa pamamagitan ng mga kasunduang pangkapayapaan na nakasulat sa Pranses,” ang sabi ng pahayagan. Subalit, ang wikang Pranses ngayon ay “naghahanap ng dako nito sa daigdig.” Ang paghina sa paggamit ng Pranses ay maaaring ipalagay sa pagiging popular ng Ingles, lalo na bilang wika sa komersiyo. Sa isang pagsisikap na bawasan ang agwat na ito, hinimok ng pangulong Pranses ang pagpapalaganap ng wikang Pranses sa information superhighway. Gayunman, isang pulitiko, sa pagpapahayag ng kaniyang mga pangamba sa kinabukasan ng Pranses, ay nagsabi: “Ang paggamit ng wikang Pranses sa buong daigdig ay hindi pumupukaw ng interes sa opinyon ng publiko, ng media, o ng mga pulitiko. Ang kawalan ng interes na ito ay malamang na lalo pang totoo sa Pransiya kaysa sa iba pang bansa.”

Naghahangad na Wakasan ang Panunuhol

Sa Tsina ito ay huilu; sa Kenya, kitu kidogo. Ginagamit ng Mexico ang terminong una mordida; ng Russia, ang vzyatka; at ng Gitnang Silangan, ang baksheesh. Sa maraming bansa, ang panunuhol ay isang paraan ng buhay, at kung minsan ito ang tanging paraan upang makipagnegosyo, upang bumili ng ilang bagay, o upang makamit pa nga ang katarungan. Subalit, 34 na bansa kamakailan ang lumagda sa isang kasunduan na naglalayong alisin ang panunuhol sa internasyonal na mga transaksiyon sa negosyo. Kabilang dito ang 29 na miyembro ng Organization for Economic Cooperation and Development, pati na ang Argentina, Brazil, Bulgaria, Chile, at Slovakia. Nagsasagawa rin ng mga hakbang laban sa katiwalian ng mga opisyal ang nangungunang pinansiyal na mga organisasyon ng daigdig​—ang World Bank at ang International Monetary Fund. Ang mga hakbang na ito’y isinagawa pagkatapos ipakita ng isang surbey ng World Bank na 40 porsiyento ng mga negosyo sa 69 na bansa ay nanunuhol. Pinapayagan ngayon ng dalawang organisasyong ito na putulin ang pagbibigay ng mga pondo sa mga bansang nagwawalang-bahala sa katiwalian.

Kausuhan sa Higad

Ang mga higad na mopane ay malaon nang bahagi ng pagkain ng mahihirap na tao sa kabukiran ng Timog Aprika, kung saan ang mga higad ang inaasahan bilang isang pinagmumulan ng protina. Mga anak ng mariposa, nakuha ng mga ito ang kanilang pangalan sa puno ng mopane na kanilang kinakain. Kung Abril at Disyembre, tinitipon ng mga babae ang mga higad at, pagkatapos alisan ng bituka, inilalaga ito at saka ibinibilad sa araw. Ang kanilang protina, taba, bitamina, at calorie ay maitutulad sa karne at isda. Subalit, ngayon ang higad na mopane ay nagiging usong pagkain sa mga restoran sa Timog Aprika. Ang kausuhang ito ay lumaganap din sa Europa at sa Estados Unidos, at ito ay ipinangamba ng mga tao sa lalawigan ng Aprika. Bakit? “Habang lumalaki ang pangangailangan ay nariyan ang pagkabahala kung makaliligtas ba ang uring ito,” sabi ng The Times ng London. Ngayon pa lamang, “ang mopane ay naglaho na sa malalaking pook ng kalapit na Botswana at Zimbabwe.”

Hindi Na ba Mababago ang Pinsala Dahil sa Paninigarilyo?

Ang pinsala sa mga arterya dahil sa paninigarilyo ay maaaring maging permanente na, sabi ng isang pag-aaral kamakailan. Sa The Journal of the American Medical Association, iniulat ng mga mananaliksik na kapuwa ang paninigarilyo at pagkalantad sa usok ng sigarilyo ay maaaring permanenteng makapinsala sa mga arterya. Sinubaybayan ng pag-aaral ang 10,914 lalaki at babae na ang edad ay nasa pagitan ng 45 at 65 taóng gulang. Kabilang sa grupo ang mga naninigarilyo, dating naninigarilyo, hindi naninigarilyo na regular na nalalantad sa usok ng sigarilyo, at mga hindi naninigarilyo na hindi regular na nalalantad sa usok ng sigarilyo. Nasukat ng mga mananaliksik na gumagamit ng ultrasound ang kapal ng arteryang carotid sa leeg. Ang mga pagsukat na ito ay inulit pagkaraan ng tatlong taon.

Gaya ng inaasahan, lubhang bumilis ang paninigas ng mga arterya ng regular na mga naninigarilyo​—50 porsiyento sa kaso ng mga tao na, sa katamtaman, ay nanigarilyo ng isang kaha ng sigarilyo araw-araw sa loob ng 33 taon. Ang mga arterya ng dating mga naninigarilyo ay kumipot din, na 25 porsiyentong mas mabilis kaysa roon sa mga hindi naninigarilyo​—ang ilan pa nga ay pagkatapos ng 20 taon mula nang sila’y humintong manigarilyo. Ang mga hindi naninigarilyo na nalantad sa usok ng sigarilyo ay 20 porsiyentong higit na nagpakita ng paninigas ng arterya kaysa sa mga hindi nalantad sa usok ng sigarilyo. Ayon sa pag-aaral, tinatayang 30,000 hanggang 60,000 ng namamatay taun-taon sa Estados Unidos lamang ang maipalalagay na dahil sa pagkalantad sa usok ng sigarilyo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share