Ang Pinsala ng Tabako sa mga Maninigarilyo at Hindi Maninigarilyo
Ang katibayan ng pinsala ng tabako sa mga maninigarilyo at hindi maninigarilyo ay patuloy na dumarami. Isaalang-alang ang sumusunod:
◼ Tabako sa Halip na Pagkain
“Isang epidemya ng kanser sa bagà ay maaaring ihula” sa maraming nagpapaunlad na bansa sa loob ng isang dekada, sabi ng babasahing World Health. Ang United Nations Food and Agriculture Organization ay nagsasabi pa na ang paggamit ng tabako “ay patuloy na tumataas ng 2.1 porsiyento isang taon sa Third World.” Sa kasalukuyan, 63 porsiyento ng tabako ng daigdig ay itinatanim doon, tumaas mula sa 50 porsiyento mga 25 taon na ang nakalipas. Isinasapanganib ng hilig na ito ang nagpapaunlad na mga bansang ito. Ipinaliliwanag ng The Times ng London kung papaano: “Ang produksiyon ng tabako, na itinuturing sa Third World na aning salapi, ay nagpaparami ng kanser, nagiging sanhi ng pagkalbo sa kagubatan at paggamit sa lupa na maaaring pagtamnan ng mas kinakailangang pananim na makakain para sa gamit sa tahanan.”
◼ Usok ng Sigarilyo at Kanser
Noong 1986, sa 14th International Cancer Congress sa Hungary, tinataya ng mga dalubhasa na 3,500,000 katao ang mamamatay sa kanser noong taóng iyon. “Sang-ayon sa estadistika ng WHO [World Health Organization],” pag-uulat ng medikal na babasahing Aleman na Ärztliche Praxis, “isang angaw sa mga kamatayang ito ang dahil sa paninigarilyo.”
Si Sir Richard Doll, propesor emeritus ng medisina sa Oxford University, ay nagbabala na sa 3,800 mga kemikal sa usok ng tabako, 50 ang nakilalang pinagmumulan ng kanser sa mga hayop. Ang ilan sa mga kemikal na ito ay nasumpungang pinakamatapang sa hindi nilalanghap na usok. Sa gayon inilalantad ng mga maninigarilyo ang iba, mga hindi maninigarilyo na nakalalanghap ng usok (passive smokers), sa mga sustansiyang higit na nakakakanser. Nasumpungan ng isang Britanong pag-aaral tungkol sa mga hindi maninigarilyo na namumuhay na kasama ng mga maninigarilyo na ang bawat ikalawang tao na namatay dahil sa kanser sa bagà ay isang hindi maninigarilyo na nakalalanghap ng usok.
Hinimok ng surgeon general ng Estados Unidos ang mga kompaniya na maglaan ng isang malaya-sa-usok na lugar ng trabaho para sa mga hindi maninigarilyo. Sa kaniyang report para sa 1986 tungkol sa mga epekto ng paninigarilyo, sinabi niya: “Ang di-kusang paninigarilyo ay pinagmumulan ng sakit, pati na ng kanser, sa malulusog na hindi maninigarilyo,” at “ang basta pagbubukod sa mga maninigarilyo sa hindi maninigarilyo sa loob ng iisang lugar ay maaaring makabawas, subalit hindi inaalis, ang pagkalantad ng mga hindi maninigarilyo sa usok ng tabako sa paligid.”
◼ Apektado ang Ipinagbubuntis
Sinasabi ng isang pangkat ng medikal na mananaliksik mula sa University of Sydney sa Australia na ang paninigarilyo ay nagkakait sa mga sanggol na nasa sinapupunan ng kinakailangang mga nutriyente. Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang epekto ng paninigarilyo sa daloy ng dugo tungo sa plasenta o inunan—ang sangkap na nagtutustos ng pagkain at oksiheno sa ipinagbubuntis na sanggol at nag-aalis ng dumi na pinadaraan sa taling-pusod o kordon umbilikal. Nang subaybayan ng mga mananaliksik ang daloy ng dugo sa taling-pusod, natuklasan nila na dalawang minuto lamang pagkaraang manigarilyo ng ina ng isang sigarilyo, ang daloy ng dugo ay bumagal, at ang gayong epekto ay tumatagal ng hanggang isang oras.
Si Dr. Brian Trudinger, senior lecturer sa obstetrics and gynecology, ay nagsabi, gaya ng iniulat sa The University of Sydney News: “Sa katamtaman, ang mga sanggol ng mga inang naninigarilyo ng sampung sigarilyo isang araw sa buong panahon ng pagdadalang-tao ay tumitimbang ng mga 300 gramo [10 onsa] na mas mababa sa pagsilang kaysa roon sa ang mga ina ay hindi maninigarilyo. Datapuwat ngayon lamang maikakatuwiran na ito sa ilang kaparaanan ay dahilan sa maninigarilyo sa halip na sa paninigarilyo—na maaaring ang babaing nanigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao ay may iba pang mga suliranin na ang naging resulta ay mas maliit na mga sanggol. Gayunman, kapani-paniwalang ipinakikita ng aming pananaliksik na tuwirang apektado ng paninigarilyo ang sanggol na ipinagbubuntis sa pamamagitan ng pagbawas sa daloy ng dugo mula rito tungo sa plasenta o inunan.”
Gayundin, inilathala kamakailan ng Britanong medikal na magasin na The Lancet ang mga resulta ng isang pag-aaral tungkol sa kanser ng mga bata. Nasumpungan ng pag-aaral na mientras mas maraming sigarilyo ang hinihitit ng ina sa bawat araw sa panahon ng pagdadalang-tao mas malaki ang panganib na magkakanser ang kaniyang anak. “Nang isaalang-alang ang lahat ng mga lugar ng kanser,” ang iniulat ng The Lancet, “ang lahat ng panganib sa kanser sa mga bata na nalantad sa 10 o mahigit pang mga sigarilyo isang araw sa panahon ng pagdadalang-tao ay dumami ng 50%.”
Pagkasilang sa kanila, nakakaharap ng mga anak ng mga maninigarilyo ang karagdagang mga panganib sa kalusugan. Sa isa pang labas, ganito ang sabi ng The Lancet: “Nasumpungan ng mga pag-aaral ang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng paglanghap ng usok ng sigarilyo at ng hika sa pagkabata, walang tigil na pag-agahas o paghuni, at karamdaman sa palahingahan sa una at ikalawang mga taon ng buhay.”
◼ Halaga ng Paninigarilyo sa Dako ng Trabaho
Ang mga maninigarilyo ay nagkakahalaga ng karagdagang $4,000 ($2,650, U.S.) sa bawat tao taun-taon, sabi ng New South Wales Health Surveyors’ Association sa Australia. Ibinabatay ng asosasyon ang pahayag nito sa katibayan na ang mga maninigarilyo ay madalas na nagkakasakit kaysa hindi maninigarilyo at nagkakaroon ng halos dalawang ulit na mga aksidente. Mas malamang ang aksidente sa gitna na mga maninigarilyo, sabi ng asosasyon, dahilan sa usok sa mga mata ng maninigarilyo o sapagkat ang mga maninigarilyo ay isang kamay lamang ang ginagamit sa pagsasagawa ng mga atas samantalang ang isang kamay ay humahawak ng sigarilyo.