Kapag Hindi Sapat ang mga Mapa Lamang—Ang Kamangha-manghang Global Positioning System
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG mukha ng kabataang naglalakad ay pawisang-pawisan dahil sa kapaguran niya sa gayong napakainit na araw. Iginalaw-galaw niya ang kaniyang mga balikat upang magpahingalay mula sa bigat ng pasan niyang bag sa likod na punô ng mga kailangan niya para makatagal siya sa paglalakbay. Maingat niyang binuksan at sinuri ang kaniyang mapa, ngunit sa kaniyang pagkadismaya, wala sa nakapalibot na tanawin ang pamilyar sa kaniya. Di-nagtagal, unti-unti siyang nasiraan ng loob, at hindi na siya mapakali. “Huwag mong sabihing naligaw ako,” ang may-pangambang sinabi niya sa kaniyang sarili.
Ngunit biglang-bigla ay nabuhayan siya. Mula sa kaniyang bag sa likod, kinuha niya ang isang kasangkapang nasa isang lalagyan para maingatan ito at ipinasok dito ang ilang impormasyon. Sa loob ng ilang sandali, nakangiti na siya. Ngayon, agad niyang inayos ang kaniyang bag at humayo siya sa paglalakad, taglay ang pagtitiwalang alam niya kung saan siya patungo.
Bakit madali at mabilis na nakaalis ang manlalakbay na ito mula sa gayong situwasyon na waring walang pag-asa? Dahil gumamit siya ng isang kamangha-manghang pantulong na kilala bilang ang Global Positioning System (GPS). Pinangyari nitong malaman niya kung saan ang kaniyang eksaktong kinaroroonan at kung saan siya dapat dumaan. Ano ba talaga ang kagila-gilalas na sistemang ito, ang GPS?
Ang buong katawagan dito ay ang Navstar Global Positioning System. Ang Navstar ay isang akronima para sa Navigation Satellite Time and Ranging System. Unang ginawa ang GPS para sa militar ng Estados Unidos, ngunit maaari na itong magamit ng sinuman at saanman sa buong daigdig. Ang unang satelayt na kailangan para sa paggamit ng GPS ay inilunsad noong 1978. Ngayon, ang kumpletong sistema ay gumagamit ng 21 Navstar na satelayt gayundin ng 3 pang aktibo na reserbang satelayt na umiinog sa mga orbita nito. Ang mga ito ay inilulunsad sa 10,898-nautical-mile na mga orbita, at ang bawat orbita ay nakatagilid nang 55 digri mula sa ekwador. Sa ganitong ayos, hindi kukulangin sa apat na satelayt ang magagamit mula sa anumang lugar sa ibabaw ng lupa sa lahat ng panahon.
Mahalaga ang Kisap-Matang Tiyempo
Naglalabas ang mga satelayt ng radio pulses sa espesipiko at alám na oras, at sa pamamagitan ng pagsukat sa eksaktong oras na matanggap ang pulse, natitiyak ng Navstar receiver ang distansiya hanggang sa satelayt. Isang ikalabing-isang bahagi ng segundo ang kailangan para makarating ang pulse sa lupa. Pagkatapos ay iminumultiplika ng receiver ang bilang na ito sa bilis ng liwanag, na nagsasabi ng layo hanggang sa satelayt nang may kamangha-manghang kawastuan. Gayunman, ang pagsukat ng oras ay dapat na eksakto sapagkat kapag sumablay nang kahit na kasinliit lamang ng isang ika-isang milyong bahagi ng segundo, magkakaroon ng pagkakamali nang mga 300 metro!
Paano naiingatan ang gayong hindi kapani-paniwalang kawastuan sa oras? Natatamo ito sa paggamit ng masalimuot na atomikong mga orasan sa loob ng mga satelayt. Sa kaniyang aklat na The Navstar Global Positioning System, ipinaliwanag ng awtor na si Tom Logsdon: “Ang Block II na mga satelayt . . . ay nagtataglay ng apat na orasan na napakawasto ang takbo—dalawang cesium atomic na orasan at dalawang rubidium atomic na orasan. Di-nagbabago at napakawasto ng takbo ng mga orasang ito anupat makukulangan o madaragdagan lamang ang mga ito ng mga isang segundo lamang sa bawat 160,000 taon”!
Kapag ginagamit, ang isang receiver, katulad ng ginamit ng manlalakbay na binanggit sa pasimula, ay nakatatanggap ng mga signal mula sa apat o higit pang mga satelayt at nakapagkakalkula ng distansiya nito sa bawat isa sa mga iyon. Pagkatapos, ang mga distansiya ay ginagamit upang makuha ang kasalukuyang latitud, longhitud, at altitud ng nabibitbit na receiver. Ang resulta ay saka idinidispley sa GPS receiver. Di-kukulangin sa apat na satelayt ang kailangan para wastong matukoy ang posisyon. Ang nabibitbit na mga receiver ay magaan at mura at halos kasinlaki at kasinghalaga ng nabibitbit na telepono.
Nakahihigit sa Pangkaraniwang mga Mapa?
Hindi lamang ang eksaktong kinaroroonan ng receiver ang ibinibigay ng GPS kundi maging ang direksiyon na dapat tahakin, kung wastong ipinasok ang mga detalye hinggil sa gustong puntahang dako. Sa ganitong paraan, kung gayon, nakahihigit ang mga kagamitang tulad ng GPS sa pinakatumpak na pangkaraniwang mga mapa. Halimbawa: Kapag gumagamit ng mapa sa paghanap ng iyong direksiyon, maaari kang mahadlangan ng mga salik na tulad ng matataas na puno o malalagong pananim. Ang malalawak na mga dako na walang mga palatandaan (lalo na ang mga karagatan at disyerto), ang kadiliman, at ulap ay ilan lamang sa mga bagay na nagpapahirap o nagpapawalang-saysay pa nga sa paggamit ng mapa. Siyempre pa, hindi naman nangangahulugan na wala nang pangangailangan para sa mapa dahil sa GPS receiver, kundi ito’y mas epektibo kapag ginamit na katuwang ng mga mapa at tsart. Malaki ang pakinabang nito sa paggabay sa mga barkong nasa maulap na mga daungan at sa pagsubaybay sa mga lagayan ng kargamento sa abalang mga daungan, gayundin sa marami pang gamit sa komersiyo.
Habang patuloy na sumusulong ang GPS, ang sumusunod ay ilan sa iba pang gamit na natutuklasan para rito.
● Pagsubaybay sa mapanganib na mga iceberg.
● Pagtaya sa lagay ng panahon.
● Eksaktong paglapag ng mga sasakyang panghimpapawid.
● Paghahanap sa lumubog na mga barko.
● Mga sistema ng pagsubaybay at paggabay para sa mga sasakyan.
● Wastong pamamahagi ng abono.
Kaya sa gayong paraan nagabayan ang ating manlalakbay ng pambihirang sistema na ito ng mga satelayt, na nagbigay ng kaalaman hinggil sa kaniyang eksaktong kinaroroonan at naglaan ng tiyak na impormasyon kung kailan niya ito kailangang-kailangan. Gayundin, itinuro siya nito sa tamang direksiyon na dapat tahakin, at nang malaunan ay nakarating siya nang ligtas sa kaniyang paroroonan. Oo, nang sandaling inakala niya na siya’y naligaw na, natulungan siya ng kamangha-manghang Navstar Global Positioning System!
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Noong 1984, ang negosyanteng taga-Oklahoma na si Ron Frates ay gumamit ng Global Positioning System (GPS) upang mahanap ang labí ng sinaunang pamayanan ng Maya na nakatago sa masukal na kagubatan sa Guatemala at Belize. Ginamit ni Frates kapuwa ang pagmamasid sa mga larawang kinuhanan ng Landsat at ang eksaktong pagtatalunton sa pamamagitan ng GPS. “Sa loob ng mga limang araw, naimapa namin ang lawak ng sibilisasyong Maya na nasa Yucatan,” ang iniulat ni Frates at ng kaniyang mga kasamahan. “Kung maglalakad kami upang gawin ito, aabutin kami ng di-kukulangin sa isandaang taon.”
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KUNG ANO ANG MAAARING IPAKITA NG GPS
Ang eksaktong kinaroroonan mo
Ipinakikita ang pagtatagpo ng longhitud at latitud
Ang oras at petsa
Isang kompas para sa paglalakbay
Ang iyong altitud
Isang mapa para sa reperensiya
Maaari itong palakihin o paliitin. Kapag nagmamaneho, maaari itong gamitin upang maituro ka sa isang lugar na hindi mo pa kailanman nararating
Ang iyong kalagayan
Ang isang compass guide at pointer ay maaaring makapagturo sa iyo pabalik sa iyong tirahan at makapagsabi kung gaano kalayo ang dapat mo pang lakbayin
Antena
Aktuwal na laki
Kalagayan ng satelayt
Ang larawan ng kalangitan ay nagpapakita kung alin sa 24 na satelayt ang “nakikita” ng iyong receiver
Ang lakas ng signal
Kung ang ilang satelayt ay maharangan (bar na may kulay), gumagamit ang receiver ng mga kahalili upang mapanatili ang iyong posisyon
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Mga globo sa pahina 21-3: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.