Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 9/8 p. 22-24
  • Mga Mapa Para sa Iyong Pangangailangan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Mapa Para sa Iyong Pangangailangan
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Mapa​—Kailan Nagsimula, at Bakit?
  • Kung Paano Babasahin ang Isang Mapa
  • Proporsiyon, Taas, at Posisyon
  • Mga Mapa sa Panahon ng Computer
  • Kartograpya—Isang Susi ng Pagtuklas sa Mundo
    Gumising!—1998
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • “Insight On The Scriptures”—Isang Bagong Ensayklopedia sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Libutin Mo ang Lupain”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 9/8 p. 22-24

Mga Mapa Para sa Iyong Pangangailangan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG pagtunton ng lugar sa isang di-pamilyar na bansa o lungsod ay isang hamon. Una, kailangan mong malaman ang iyong kapaligiran. Pagkatapos, magpasiya kung alin ang pinakamabuting ruta. Paano mo malalaman iyon? Kailangan mo ng isang mapa!

Mga Mapa​—Kailan Nagsimula, at Bakit?

Ang paggawa ng mapa, o kartograpya gaya ng tawag dito, ay may mahaba at sari-saring kasaysayan. Tinutunton ng ilang awtoridad ang paggawa ng mapa mga 4,300 taon na ang nakalipas sa mga nakaukit sa lapidang luwad sa Babilonya. Subalit ang sinaunang mga Griego na gumamit ng mga tsart ang siyang tagapagpauna ng modernong mga mapa. Pagkatapos iguhit ni Claudius Ptolemy ang mga mapa ng sinaunang daigdig noong ikalawang siglo C.E., ang kartograpya ay bumaba ang uri dahil sa impluwensiya ng Panahon ng Kadiliman. Ang mga dakong hindi pa nagagalugad ay lumitaw bilang tirahan ng mga halimaw at mga higante. Labis na naimpluwensiyahan ng relihiyon ang mga mapa anupat marami ang naglalarawan ng isang daigdig na pinangingibabawan ng hardin ng Eden. Ang Jerusalem at ang Gitnang Silangan ay lumitaw sa itaas ng mga mapa ng kilalang daigdig noon.

Ipinakikita rin ng naunang mga mapa ng Britanya ang impluwensiyang eklesiastiko. Binagtas ng isang mapang iyon ang ruta na sinundan ng mga peregrino tungo sa relihiyosong mga dambana sa Inglatera. Ginagawang detalyado ang “Pangunahing Daan sa Hilaga ng Peregrino,” ipinakita ng mapang ito ang ruta mula sa bayan ng Durham sa hilaga tungo sa daungang baybayin ng Dover sa gawing timog.

Ang ama ng makabagong kartograpya ay si Gerardus Mercator (1512-94). Dinisenyo niya ang isang paraan ng paggawa ng mapa na kilala sa gitna ng mga nabigador dahil sa kawastuan nito, at maraming mapa ang iginuhit ayon sa paggawa ni Mercator ng mapa na lumilitaw sa modernong mga atlas.

Sa mga nagmamay-ari ng lupa, ang mga mapa ay isang malaking tulong. Ang pagtukoy sa kanilang malinaw ang pagkakaguhit na mga hangganan ay nakatulong upang lutasin ang legal na mga pagtatalo. Ang interes ng pamahalaan sa mga mapa ay tumindi, yamang ang pagtatasa ng buwis ay depende sa wastong pag-uulat ng pagmamay-ari ng lupa.

Sa ngayon, ang mga mapa ay tumutugon sa araw-araw na mga pangangailangan. Ang mga atlas ay tumutulong sa mga batang mag-aaral na maunawaan ang mga elemento ng heograpya. Mas maliwanag na naipakikita ng mga tagapag-ulat ng panahon sa pamamagitan ng mga tsart kung ano ang maaaring asahan may kinalaman sa mga kalagayan ng panahon. Ang isang mapa ay makatutulong sa atin na pinakamabuting magamit ang pampublikong transportasyon. At para sa pamamasyal ng pamilya, maipakikita ng isang mapa ang pinakamatanawing ruta na dapat kunin.

Ang pangangailangan ng mga dalubhasa ay hindi kinaliligtaan. May mga mapa tungkol sa dami ng populasyon para sa mga tagaplano ng bayan. Ang mga mapa ng pinaka-sapin ng dagat ay tumutulong sa mga nagbabantay para sa nabagbag na mga bapor o sa paghahanap ng mineral na yaman. Ang mga mapang pang-arkeolohiya ay isang tulong sa pagtuklas ng mga bagay sa nakalipas na panahon. Aba, para sa mga mananaliksik sa kalawakan ay mayroon pa ngang mga mapa ng buwan at ng ilang planeta! Taglay ang gayong maraming impormasyong makukuha sa mga mapa, makabubuti sa iyo na gumawa at pagbutihin ang iyong kasanayan sa pagbasa nito.

Kung Paano Babasahin ang Isang Mapa

Ang pagkuha ng higit mula sa iyong mga mapa ay katulad ng pag-aaral ng isang wikang banyaga. Kapag ikaw ay nag-aral ng ibang wika, nakakaharap mo ang isang bagong bokabularyo at isang kakaibang balarila. Sa wika ng mapa, ang mga sagisag ay maaaring itulad sa mga salita, samantalang ang mga scale contour at mga grid (patayo at pahalang na mga guhit) ay kumikilos na parang balarila. Ang karamihan ng mga mapa ay ginuguhit na may kahon na naglalaman ng susing mga sagisag na ginamit sa mapa. Ito’y nagsisilbing isang diksyunaryo, binibigyan-kahulugan ang mga sagisag.

Ang mga sagisag ay maingat na pinili upang ibigay ang kanilang kahulugan. Halimbawa, upang makita ang isang parola, hanapin ang isang sagisag na kahawig nito. Ang mga simbahan at mga moske ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng kudrado o bilog na itim na may krus o gasuklay sa ibabaw nito.

Paano ka magiging pamilyar sa mga kahulugan ng mga sagisag na iyon? Si John Wilson, awtor ng Follow the Map, ay nagrerekomenda ng “kawili-wiling libangan na ‘pagbasa ng mapa.’” Sabi pa niya: “Hayaan mong gumala-gala ang iyong mata sa mapa, at bigyan-kahulugan ang mga sagisag na iyong nakikita rito.”

Nasusumpungan mo bang ang iyong lugar ay mukhang iba sa kung ano ang ipinakikita sa iyo ng mapa? Bakit gayon? Buweno, karaniwan nang minamalas natin ang ating kapaligiran mula sa ating taas, lima hanggang anim na piye sa ibabaw ng lupa. Subalit ipinakikita ng mga mapa ang lupa mula sa mas mataas na dako, para bang tayo’y malayo sa bawat dako. Upang maunawaan ang ideang ito, mahalagang maunawaan mo ang balarila ng mapa.

Proporsiyon, Taas, at Posisyon

Ang hamon sa kartograpo ay itala ang iba’t ibang altitud sa ibabaw ng antas ng dagat at anumang gawang-taong tampok sa ibabaw ng lupa. Lahat ng ito ay kailangang ilimbag sa isang papel na may tamang laki. Upang magawa ito, ang mga mapa ay iginuguhit ayon sa proporsiyon. Ipinakikita ng isang popular na serye ng Britanong mapa ang bansa sa proporsiyon na 1:50,000​—na nangangahulugang ang bawat centimetro sa mapa ay kumakatawan sa 50,000 centimetro ng ibabaw ng lupa.

Paano, kung gayon, maipakikita ng isang mapang papel ang iba’t ibang altitud? Ang pahilis na mga guhit ay isang paraan ng pagdagdag ng ikatlong dimensiyon. Ang araw ay waring sumisikat mula sa isang posisyon sa itaas ng gawing-kaliwang sulok. Ang mga dalisdis na nakaharap sa silangan at timog-silangan, na may sombra (shade), ay iginuguhit na mayroong mas madidilim na kulay. Ang modernong mga mapa ay kadalasang may kurbadang mga guhit ng nagdurugtong na mga dako na magkakasintaas sa ibabaw ng katamtamang antas ng dagat. Sa paglilimbag ng mga tandang ito sa mapusyaw na mga kulay ay naiiwasan na maagaw ang pansin mula sa iba pang itinatampok ng mapa.

Maraming mapa ang gumagamit ng isang sistema ng nagbabagtasang guhit upang tulungan kang makitang mabuti ang iyong kinaroroonan. Ipinakikita ng grid na ito, gaya ng tawag dito, ang anumang lokasyon na kinakatawan ng isang set na abakada o numerong magkatugma na tumuturo sa lugar sa loob ng mga guhit ng grid. Halimbawa, ang isang bayan ay maaaring makita sa G-13, yaon ay G sa patayong guhit at numero 13 naman sa pahalang. Kung saan nagtatagpo ang dalawang puntong ito ay doon mo masusumpungan ang bayan. Gayunman, paano ka makatitiyak na ang iyong mapa ay magbibigay sa iyo ng isang wastong larawan?

Mga Mapa sa Panahon ng Computer

Ang mga pangangailangang militar ay kadalasang nagbunga ng paglalathala ng ubod nang tumpak na mga mapa. Sa nakalipas na 40 taon, ang tumpak na paggawa ng mapa na gumagamit ng stereoscopic na paghahambing ng mga litratong kuha sa himpapawid ay naging makatotohanan, na maraming bansa ang sumusunod sa gayong mga pamamaraan.

Sa ngayon, mayroon nang mga displey ng computerized na kumikilos na mapa sa ilang kotse gayundin ng detalyadong mga mapa para sa paglalakbay sa mga home computer. “Mga Micro Chip ang Nagdadala ng Manibela,” ang kababasahan ng isang ulong-balita sa The Observer. Ipinaliwanag ng ulat ang isang eksperimental na proyekto na gumagamit ng mga computer disc na may impormasyon ng mapa na nakakabit sa mga speech synthesizer. Basta ipinapasok ng tsuper ang ilang salita sa mapa sa iskrin ng computer upang ipahiwatig ang kaniyang patutunguhan. Hindi na niya kailangang mag-alala tungkol sa nakalilitong mga sangandaan! Bakit? Sapagkat habang papalapit ang kotse sa bawat krosing, isang tinig ang nagsasabi sa tsuper ng direksiyong kukunin. Itinatala naman ng mga sensor ng kompas at manibela ang landas ng kotse. Ang mga pagsulong kamakailan ay mas maaasahan at mas simple.

Ano ang ibig sabihin nito para sa mga mapa sa hinaharap? Ang mga mapang papel kaya ay mapabilang na lamang sa mahahalagang bagay na kinokolekta? Panahon lamang ang makapagsasabi. Sa paano man, ang mapa ay magpapatuloy bilang isang maraming-gamit na instrumento para sa iyong mga pangangailangan sa paglalakbay.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 23]

Maraming mapa ang may isang tanda, upang bigyang-kahulugan ang mga sagisag na ginagamit

Ang iba’t ibang elebasyon ay ipinakikita ng kurbadang mga guhit, karaniwan nang sa mapupusyaw na kulay

Isang grid system ang nagpapangyari na makita ang isang lugar sa mapa

Ipinakikita ng proporsiyon sa mapa kung ano ang katumbas ng isang centimetro sa ibabaw ng lupa (hindi ipinakikita rito)

Ang isang proporsiyon sa kilometro ay nagpapangyari sa iyo na masukat ang layo sa pagitan ng mga lugar

[Credit Line]

Crown Copyright Reserved

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Mula sa aklat na Die Heiligkeit der Gesellschaft Jesu

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share