“Insight On The Scriptures”—Isang Bagong Ensayklopedia sa Bibliya
SA “Banal na Katarungan” na Pandistritong mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, ipinatalastas na maglalabas ng isang bagong ensayklopedia sa Bibliya na pinamagatang Insight on the Scriptures. Ito ay isang lathalaing dalawang tomo, na lahat-lahat ay may 2,560 pahina, pawang sa titik na malinaw, madaling basahin. Sa kasalukuyan ay makukuha lamang ito sa Ingles, subalit ang pagsasalin ay pinasimulan na sa mga ilang iba pang wika.
Taglay ng Insight on the Scriptures ang marami sa impormasyon na dati nang nasa aklat na Aid to Bible Understanding at higit na marami pa. Paano ngang ito ay naiiba? Marami sa mga seksiyon ang nirebisa at iniayon sa kasalukuyang mga pangyayari. Mayroon ding maraming mga bagong artikulo at nagdagdag pa ng mga bahagi sa Insight on the Scriptures.
Mga Aklat ng Bibliya
Bawat aklat ng Bibliya ay binigyan ng natatanging pansin. Mahalagang saligang materyal ang inihaharap. Mayroong mga panibagong banghay ng lahat ng aklat ng Bibliya, bawat isa’y tumatawag-pansin sa namumukod na mga katangian ng aklat. Ito’y naghahatid ng isang maikli ngunit malaman at malawak na pagtalakay sa nilalaman ng aklat ayon sa paraan na madaling maunawaan. Halimbawa, nariyan ang apat na pag-uulat ng Ebanghelyo ng makalupang buhay at ministeryo ni Jesus, bawat isa’y may naiibang layon. Sa pagpapakilala ng Ebanghelyo, ang kani-kaniyang banghay ay tumatalakay sa mga layuning ito sa ganitong paraan: ‘Ang pag-uulat ni apostol Mateo ng buhay ni Jesus ay isinulat na ang mga Judio ang pangunahing sumasaisip. Ipinakikita ng Ebanghelyong ito na si Jesus ang inihulang Haring Mesiyaniko.’ ‘Si Marcos ay naghaharap ng isang maigsi ngunit malaman, mabilisang-kilos na pag-uulat ng buhay ni Jesus, at ipinakilala siya bilang ang gumagawa-ng-himalang Anak ng Diyos.’ ‘Ang pag-uulat ni Lucas ng buhay ni Jesus ay nilayon na suhayan ang katiyakan ng katuparan ng mga pangyayaring nakapalibot sa buhay ni Kristo at ito’y sa isang paraan na makahihikayat sa mga tao ng lahat ng bansa.’ ‘Ang pag-uulat ni apostol Juan ng buhay ni Jesus ay nagtatampok sa tema na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, na sa pamamagitan niya ay makakamit ang buhay na walang-hanggan.’ Pagkatapos ng ganitong pagpapakilala, tinatalakay ng mga banghay ang nilalaman ng mga aklat sa ilalim ng isang limitadong bilang ng mga pangunahing titulo. Ito’y makatutulong sa iyo na tandaan ang mga pangunahing ideya na tinalakay ng manunulat ng Bibliya.
Mga Pagdalisay
Maingat na sinuri ang mga pangungusap sa lathalaing ito sa liwanag ng kahulugan ng mga salitang ginamit sa mga orihinal na wika ng Bibliya. Isinalin na rin ang mga detalye upang masakyan ng mga mambabasa ang lawak ng kahulugan ng orihinal-wikang mga salita sa Bibliya. Isa pa, ang kahulugan ng mga pangalan sa Bibliya ay dinalisay sa liwanag ng kung paano aktuwal na isinalin sa New World Translation ang pangunahing mga elemento ng mga pangalang iyon.
Pinagsumikapan din na ang materyal sa lathalaing ito ay maiayon sa kasalukuyang impormasyon na inilathala sa Ang Bantayan noong nakalipas na mga taon. Halimbawa, malaki ang natutuhan natin tungkol sa puso, sa aklat ng buhay, sa pag-aaring matuwid sa isa, at marami pang iba. Ang impormasyong ito ay nasa Insight on the Scriptures.
Mga detalye ng kasaysayan ng sanlibutan ang sinuri sa liwanag ng mga orihinal na mapagkukunan ng impormasyon, kung mayroon pa nito, sa halip na basta umasa na lamang sa ibang mga manunulat sa kanilang sinabi tungkol sa nilalaman ng mga pinagkukunang iyon ng impormasyon; daan-daang mga reperensiya ang isinali rin upang ipakita kung saan matatagpuan ang gayung impormasyon. Ang bahagi ng mga artikulo na may kinalaman sa siyensiya ay iniayon sa bagong kaalaman. Lubusang pinag-aralan muli ang lokasyon ng mga lugar batay sa pananaliksik ng mga arkeologo na isinagawa noong nakalipas na mga taon.
Isang Aklat ng mga Mapa sa Bibliya
Ang Insight on the Scriptures ay may taglay na mga 70 mapa, na nagpapakita ng daan-daang mga lugar na binabanggit sa Bibliya. Sa gayon, taglay ng lathalaing ito ang isang malawak na kalipunan ng mga mapa sa Bibliya. Kadalasan, ang isang mapa ay nakatutok sa isang limitadong bahagi ng kasaysayan sa Bibliya o sa sanlibutan. Sa gayon, ito’y tumatawag-pansin sa lugar na may pantanging kahalagahan kung tungkol sa kontekstong iyon. Makikita mo rito ang isang mapa na nagpapakita ng mga paglalakbay ni Abraham, isang nagpapakita naman ng mga paglalakbay sa ilang ng Israel, at ang isa pa’y tungkol sa pananakop sa Lupang Pangako, ang isa naman ay tungkol sa buhay ni David bilang isang takas at ang isa pa’y para sa mga pangyayaring may kaugnayan sa kaniyang paghahari, isang serye ng mga mapang tungkol sa mga lugar na pinglakbayan ni Jesus nang kaniyang isinasagawa ang kaniyang makalupang ministeryo, at ang ilan pang mga mapa na nagpapakita ng mga detalye ng Jerusalem sa sari-saring yugto ng kasaysayan. Mayroon itong isang indise ng mga mapa upang tumulong sa iyo na makita ang espesipikong mga mapa na nagbibigay ng pinakamainam na impormasyon tungkol sa hinahanap mong mga lugar o lokasyon.
Sa marami sa mga mapa, mayroon ding isang listahan ng mga pangalan ng lugar, kalakip ang mga teksto na nagpapakita kung bakit ang mga lugar ay mahalaga sa partikular na kontekstong makasaysayan na tinatalakay. Sa iba pang mga pahina ng aklat ay makikita ang de-kulor na mga larawan ng mga lugar na itinatampok sa mapa. Ang mga bahaging ito ay makatutulong sa iyo na makinabang nang higit pa sa mga pag-uulat ng Bibliya, habang nakikita mo ang kaugnayan ng mga lugar sa isa’t isa, binabasa mo kung ano ang mga naganap sa lugar na iyon, at makita kung ano ang hitsura ngayon sa panahong ito ng mga lugar na iyon.
Natatanging mga Bahagi na Nasa Hustong Kulay
Sa paghahanda ng lathalaing ito, mga museo sa Hilagang Amerika, Europa, at Gitnang Silangan ang sinuyod upang makakita roon ng mahalagang mga bagay-bagay may kaugnayan sa ulat ng Bibliya. Mga larawan ng lubhang kinakailangang mga bagay-bagay ang kinuha. Isa pa, binalikang-aral ang maraming koleksiyon ng mga larawan ng mga lugar na binanggit sa Bibliya, upang piliin ang mga larawang makatutulong nang malaki. Ang resulta ay nakagawa ng walong 16-na pahinang hustung-kulay ng mga larawang may praktikal na kahalagahan. Ang mga ito ay kabigha-bighaning mga tampok na masisiyahan kayo at magagamit ninyo sa maraming paraan sa pagtuturo sa iba.
Halimbawa, mayroong isang seksiyon na pinamagatang “Paano Natin Nakamit ang Bibliya.” Buong linaw, inilalarawan nito ang mga baytang-baytang na pinagdaanan ng Bibliya upang makarating sa atin—buhat sa orihinal na mga Kasulatan hanggang sa modernong mga salin. Taglay nito ang mga larawan ng mga bahagi ng ilan sa pinakamatatandang mga manuskrito at nakikitang patotoo na nagpapatunay sa pag-iingat na ginawa ng mga sinaunang eskriba, hanggang sa sukdulang bilangin nila ang mga titik sa mga manuskrito na kanilang kinopya.
Ang isa pang seksiyon ay tungkol sa “Baha ng Kaarawan ni Noe.” Tinatalakay nito ang mga isyu gaya baga ng, “Nagkasya kaya sa daong ang lahat ng mga hayop?” at, “Saan napapunta ang mga tubig ng baha?” Ito’y naghaharap din ng isang pagsusuri ng mga alamat ng Baha buhat sa anim na kontinente at sa mga isla sa dagat upang ipakita na ang alaala ng Delubyo ng kaarawan ni Noe ay masusumpungan sa mga taong may iba’t ibang kultura sa buong lupa.
Ang mga iba pang seksiyon ay tumatalakay sa mga katangian ng heograpiya ng Lupang Pangako, sa sinaunang mga emperyo na nagkaroon ng epekto sa Israel ang mga aktibidades, at may larawan ng mga lugar na mapupuntahan ng mga bisita sa Jerusalem at sa paligid-ligid nito sa ngayon. Lahat-lahat, mayroong 50 ng gayung mga paksa na binuo sa hustong kulay.
Lahat ng impormasyong ito ay madaling matutunghayan sa pamamagitan ng malawak na indise na nasa mismong mga tomong ito. Ang mga indiseng ito ay umaakay sa iyo tungo sa pinakamaiinam na pagtalakay sa mga tekstong binanggit at sa mga paksang nakatala.
Bilang isang pangkalahatang pangmalas sa ensayklopediang ito, ang ganitong introduksiyon ay mababasa sa unang tomo: “Ang layon ng lathalaing ito ay tulungan ka na magkaroon ng matalinong unawa sa Kasulatan. Paanong ito ay ginagawa? Sa pamamagitan ng pagsasama-sama buhat sa lahat ng bahagi ng Bibliya ng mga detalye tungkol sa mga paksang tinatalakay. Sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa orihinal-wikang mga salita at sa kanilang literal na kahulugan. Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng kaugnay na impormasyon buhat sa kasaysayan ng sanlibutan, ng pananaliksik ng mga arkeologo, at ng mga iba pa buhat sa larangan ng siyensiya at panghihinuha ng kahulugan nito ayon sa liwanag ng Bibliya. Sa pamamagitan ng paglalaan ng mga nakikitang pantulong. Sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagkilos kasuwato ng sinasabi ng Bibliya.” Samakatuwid nasa mga pahina ng Insight on the Scriptures ang isang kayamanan ng tunay na mahalagang impormasyon na magagamit mo upang makinabang ka at pati ang iba.