Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 10/22 p. 16-19
  • Kartograpya—Isang Susi ng Pagtuklas sa Mundo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kartograpya—Isang Susi ng Pagtuklas sa Mundo
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasaysayan ng Paggawa ng Mapa
  • Modernong Kartograpya
  • Mga Mapa​—Larawan ng Katotohanan?
  • Isang Hamon sa mga Gumagawa ng Mapa
  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay?
  • Mga Mapa Para sa Iyong Pangangailangan
    Gumising!—1995
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Ang Taong Gumawa ng Mapa ng Daigdig
    Gumising!—2009
  • “Insight On The Scriptures”—Isang Bagong Ensayklopedia sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 10/22 p. 16-19

Kartograpya​—Isang Susi ng Pagtuklas sa Mundo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

“Ang paraiso ay nasa bandang Dulong Silangan. Ang Jerusalem ang sentro ng lahat ng lupain at bansa, at ang mundo mismo ay isang palapad na bilog na napalilibutan ng mga karagatan ng tubig. Iyan ang tingin ng mga monghe, mga gumagawa ng mapa noong Edad Medya, sa mundong kinaroroonan nila.”

ANG mga salitang iyan ay ginamit ng mga patnugot ng The Reader’s Digest Great World Atlas sa pambungad nito. Ang gayong relihiyosong paniniwala, na wala namang suporta sa Bibliya, ay isang dahilan kung bakit ang kartograpya, o paggawa ng mapa, ay bahagya nang sumulong sa pagsisimula ng Edad Medya.

Ang mga mapa ay importante sa pag-alam ng heograpiya, na mahalaga naman sa ikauunawa ng daigdig sa palibot natin. Ngunit, para sa marami, ang kaalaman sa heograpiya ay hindi gaanong sumulong mula pa noong Edad Medya. Mga isandaang taon na ang nakalilipas, ginamit ng manunulat na si Mark Twain ang bungang-isip na tauhang si Huck Finn upang ipakita ang problema noong kaniyang kapanahunan. Sakay ng isang lumilipad na lobo, tiniyak ni Huck sa kaniyang kaibigang si Tom Sawyer na hindi pa nila nararating ang estado ng Indiana sapagkat ang lupa’y berde pa. Napansin ni Huck na ang Indiana sa mapa ay kulay-rosas.

Nitong nakalipas na panahon, pinasisimulan ng isang Amerikanong guro sa haiskul ang kaniyang kurso sa heograpiya sa pamamagitan ng paghiling sa isang estudyante na ituro ang Estados Unidos sa mapa ng mundo. Sa loob ng sampung taon, ganito niya pinasisimulan ang kaniyang klase. Iniulat niya na kahit minsan ay hindi naituro ng unang estudyante​—o ng ikalawa​—ang Estados Unidos! Marahil mas nakagugulat kaysa riyan, “3 sa 10 Amerikano ang hindi nakaaalam kung alin ang hilaga at kung alin ang timog sa mapa,” ayon sa magasing Time.

Kasaysayan ng Paggawa ng Mapa

Ang paggawa ng mapa ay isa sa pinakamatanda at pinakapambihirang anyo ng pakikipagtalastasan. Ang mga mapa ay naiukit na sa bato at kahoy; naiguhit na sa buhangin, papel, at pergamino; naipinta na sa mga balat at tela; at hinubog pa man din ng kamay sa niyebe.

Pinetsahan ng The World Book Encyclopedia ang pinakamatandang kilalang mapa mula mga 2300 B.C.E., anupat inilalarawan ito bilang “isang maliit na tapyas ng putik mula sa Babilonya na malamang na nagpapakita ng pag-aaring lupain sa bulubunduking libis.” Ang mga taga-Babilonya ay gumamit ng gayunding larawang-guhit sa putik ng mga pader ng lunsod nang nagsisimulang pasulungin ang kanilang pamayanan.

Alam ng Griegong heograpo na si Ptolemy ng Alexandria noong ikalawang siglo na ang lupa ay bilog, gaya ng pagkakasiwalat ng Bibliya noong ikawalong siglo B.C.E. nang tukuyin nito ang Diyos bilang ang “Isa na nananahanan sa ibabaw ng bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Ayon sa magasing Equinox, ang mga larawang-guhit ni Ptolemy ay “kabilang sa mga unang napaulat na pagsisikap sa kosmograpya​—ang pagsasamapa ng hugis ng nakikilalang mundo.”

Iilan lamang ang nakaaalam ng tungkol sa mga mapa ni Ptolemy nang ang mga ito’y mapalimbag sa isang atlas noong magtatapos ang dekada 1400. Mula noon, ito ang pinagkunan ng mga heograpikong impormasyon ng mga maglalayag na gaya nina Columbus, Cabot, Magellan, Drake, at Vespucci. Maging sa ngayon, ang tulad-globong mapa ng mundo na gawa ni Ptolemy ay nahahawig sa mga modernong mapa, bagaman sa kaniyang mapa ay labis-labis ang laki ng lupain ng Eurasia. Binanggit ng Reader’s Digest Atlas of the World na ang pagpapalabis na ito “ang dahilan kung kaya nagkulang ang pagtantiya ni Columbus sa distansiya ng Asia nang siya’y maglayag sa Atlantiko, at sa gayo’y hindi niya napagtanto na natuklasan na pala niya ang namamagitang New World.” Ang tinatawag na New World, ang Amerika, na ipinangalan kay Amerigo Vespucci, ay unang idinagdag sa mapa ng mundo noong 1507.

Ang sumunod na mga paglalakbay noong panahon ng pagtuklas, sa pagitan ng mga 1500 at 1700, ay nagsangkap sa mga kartograpo ng mas tumpak na mga impormasyon. Ang kanilang mga tsart, o mapa, ay naging mga estratehikong dokumento at inilarawan bilang “mga instrumento ng kapangyarihan ng estado” at “mga sandata ng digmaan.” Ang mga gumagawa ng mapa ay pinanumpang maglilihim, pinagawa nang nakabukod, at ipinagsanggalang ang kanilang mga mapa kahit maging kapalit ng kanilang buhay. Kapag sumakay sa barko ang isang kaaway, ang mga mapa, na nakatago sa sakong may pabigat, ay inihahagis sa dagat. Sa loob ng mahabang panahon, maingat na binantayan ng mga bansa ang kanilang opisyal na mga mapa, at sa panahon ng digmaan, iilan lamang ang maaaring makakita sa mga ito.

Habang nakatutuklas ng mga bagong lupain, kinailangang baguhin ang mga dating hangganan. Tumugon ang heograpong taga-Flanders na si Gerardus Mercator (1512-1594) sa pamamagitan ng pagguhit ng unang siyentipikong aklat ng mga mapa. Sa kaniyang aklat, ginamit ni Mercator ang larawan ng maalamat na higanteng si Atlas the Titan, at mula noon ay ginamit na ang salitang “atlas” para sa isang koleksiyon ng mga mapa.

Modernong Kartograpya

Habang lumalawak ang kaalaman sa heograpiya, ang kalidad ng mga mapa ay sumulong. Gumanap ng pangunahing papel ang mga bagong pamamaraan sa paggawa ng mapa sa pagsulong na ito. Inilarawan ng Canadian Geographic ang napakahirap na papel ng mga agrimensor noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo: “Sa init at lamig, sakay ng mga kabayo, bangka, balsa at habang naglalakad . . . , sinusukat nila ang mga lunsod at mga homisted, kagubatan at parang, mapuputik na daan at mga lusak na pinamumugaran ng mga insekto. Gumamit sila ng mga kadena upang masukat ang mga distansiya at mga transit para sa mga anggulo. Gumawa sila ng mga benchmark sa pamamagitan ng mga bituin . . . at sinukat nila ang lalim ng tubig sa dagat.”

Nitong ika-20 siglo, napakalaki na ng isinulong ng paggawa ng mapa. Nagsimula nang kumuha ng mga larawang panghimpapawid mula sa mga eroplanong kinabitan ng mga kamera. Pagkatapos, pumasok sa space age ang paggawa ng mapa dahil sa umiikot na mga satelayt noong dekada ng 1950. Sa pagtatapos ng dekada ng 1980, kaya nang tiyakin ng mga agrimensor ng lupa ang heograpikong mga lokasyon sa buong lupa sa loob lamang ng isang oras dahil sa mga global-positioning receiver (mga aparato para sa posisyon ng mundo), isang bagay na noon ay inaabot ng mga buwan bago matapos.

Ang mga kartograpo ngayon ay gumuguhit sa tulong ng elektroniks. Nirerebisa nila ang kanilang mga mapa sa pamamagitan ng paggamit ng mga instrumentong inilagay sa orbita, na inaalalayan naman ng mga modernong instrumento sa lupa. Sa tulong ng mga computer hardware na may pantanging mga programa ng software, ang mga gumagawa ng mapa ay makapag-iimbak ng trilyun-trilyong piraso ng mga impormasyon, ito ma’y kartograpiko o hindi. Sa gayon, nakagagawa agad ng pasadyang mapa sa loob lamang ng ilang minuto, nang hindi na ginagamitan ng kamay.

Sa tulong ng geographic information system (GIS), halos anumang impormasyon ay maaaring ipatong sa isang mapa. Ang GIS ay makagagawa ng pinakabagong mapa ng kalye sa isang lunsod upang makatulong sa daloy ng trapiko sa panahong nagdaragsaan ang mga sasakyan. Masusundan din nito at maituturo ang daan sa mga trak na panghakot na naglalakbay sa mga pambansang haywey, at mapangangasiwaan din nito ang pagsusuplay ng dayami sa mga may bakahan.

Mga Mapa​—Larawan ng Katotohanan?

“Maaaring magsinungaling ang isang mapa, ngunit hindi ito kailanman nagbibiro,” isinulat ng makatang si Howard McCordin. Halimbawa, kapag hindi nailagay sa gawang-kamay na mapa na iginuhit sa isang piraso ng papel ang tamang daan sa iyong pupuntahan, hindi ito nakatatawa. Inaasahan natin na ang lahat ng mapa ay tapat at lumalarawan sa katotohanan. Ngunit ang totoo, hindi lahat ay tapat, ni lumalarawan man ang lahat sa katotohanan.

Isang arkibista ang nagkaroon ng isang makulay na pandingding na mapa ng Quebec, Canada, at nang maglaon ay natuklasan niya ang isang wari’y malaking pagkakamali. “Ang buong Labrador ay ibinilang na bahagi ng Quebec,” paliwanag niya. “Nang ipakita ko sa isang kasamahan ang problema, gayon na lamang ang gulat ko nang sabihin niyang malamang na ito’y hindi nakaligtaan kundi isang sinasadyang pandaraya.” Waring hindi matanggap ng Quebec ang naging desisyon noong 1927 hinggil sa inilagay na hangganan sa pagitan ng Labrador at Quebec, kung kaya hindi ipinakikita sa mapa ang masaklap na katotohanang ito.

Tinukoy ng kasamahan ng arkibista ang ilan pang halimbawa ng mga mapa na sinadya ang pandaraya. Nang maglaon ay sumulat ang arkibista ng isang artikulo sa Canadian Geographic na pinamagatang “Mga Mapang Mandaraya,” kung saan idiniin na “ang kartograpya ay madaling nadodoktor upang suportahan ang isang partikular na pananaw.” Isinulat niya: “Noon pa ma’y itinuro na sa akin na ang mga mapa ay mga tapat na paglalarawan ng katotohanan ngunit narito ang mga mapang punung-puno ng kasinungalingan!”

Noong 1991, iniulat ng The Globe and Mail, ng Toronto, na “isang delegasyon ng mga opisyal na Hapones, na ang pamahalaan ay nag-aangking kanila ang kontrolado-ng-Sobyet na Kurile Islands, ang humiling sa [National Geographic Society] na gamitan ng ibang kulay ang pinagtatalunang teritoryo.” Bakit nila gustong palitan ang kulay? Ang punong kartograpo ng National Geographic na si John Garver, Jr., ay nagpaliwanag: “Gusto nilang palitan ng berde ang kulay, dahil ang Hapón ay kulay-berde sa mapa.”

Samakatuwid, ang mga kulay sa mapa ay magagamit upang makagawa ng ilang pag-uugnay o pagtatampok ng isang partikular na katangian. Halimbawa, noong 1897, nang makatuklas ng ginto sa may sangang-ilog ng Klondike River, ang mga mapa ay naging napakahalaga upang pasiglahin ang pagdaragsaan ng tinatayang 100,000 naghahanap ng ginto. Kinulayan ng mga nagsusuplay ng mapa ang Alaska at Yukon ng dilaw na dilaw upang ipahiwatig ang malaking potensiyal na umasenso.

Maaaring magkaroon ng mas malaking epekto sa hitsura ng mapa ang iba pang saloobin. Halimbawa, noong 1982, isang “Baligtad na Mapa” ang ginawa, anupat inilagay ang Timugang Hemispero sa itaas. Bakit? Sapagkat ipinalalagay na ang pagiging nasa itaas ay nagpapahiwatig ng kahigitan at karangalan at na ang gayong mapa ay magdudulot ng positibong epekto sa mas mahihirap na bansa sa daigdig na nasa Timugang Hemispero.

Isang Hamon sa mga Gumagawa ng Mapa

Kahit naisin ng mga kartograpo na maglarawan ng katotohanan, ang paggawa ng mapa sa patag na guhitan ay nagiging problema. Ito’y dahil sa nababago ang hugis ng isang bilog kapag iginuhit sa isang patag na guhitan. Ito’y maihahalintulad sa pagsisikap na ilatag nang lapat na lapat ang buong balat ng isang dalandan. Maaaring wasto naman ang hugis ng mga kontinente, ngunit ang mga sukat nito ay hindi proporsiyon. Kaya naman, sinabi ni John Garver, Jr.: “Ang tanging wastong mapa ay ang globo.” Ngunit yamang mahirap magbitbit ng mga globo, ang isang lapad at makulay na mapa ng mundo ay pinasasalamatan at kapaki-pakinabang.

Noong 1988, naglabas ng isang bagong mapa ng mundo ang National Geographic. Bilang pag-uulat sa pangyayaring ito, ipinaliwanag ng Time ang problemang kinakaharap ng mga gumagawa ng mapa: “Ang mga larawan sa mga mapa ay karaniwan nang hindi nagbibigay ng aktuwal na hugis at relatibong sukat ng mga kontinente at mga karagatan.” Madali mong makikita ang bagay na ito kung ihahambing mo ang mapa ng mundo na ipinalabas ng National Geographic Society noong 1988 sa mga mapa ng mundo na ginawa ng samahan ding ito noong naunang mga taon.

Nang tinatalakay ang malalaking pagkakaiba sa nabanggit na mga mapa, sinabi ng Time: “Sa bagong mapa ng mundo na ipinadala ng [National Geographic Society] sa 11 milyong miyembro nito, ang Unyong Sobyet ay nawalan ng 47 milyong metro kudrado​—mahigit sa dalawang-katlo ng nasasakop ng teritoryong ipinakita sa mapa ng National Geographic noong nakaraang kalahating siglo.”

Sapol noong panahon ni Ptolemy, kinaharap na ng mga kartograpo ang problema ng pagpapakita ng relatibong mga sukat ng mga lugar sa mundo. Halimbawa, sa isang pagsasalarawan na ginamit ng National Geographic sa loob ng 66 na taon, ang Alaska ay limang ulit sa aktuwal na sukat nito! Ang ganitong mga problema ng pagkakamali ay maaaring tumulong sa iyo na maunawaan kung bakit si Arthur Robinson, na itinuturing ng marami na dekano ng mga kartograpo sa Estados Unidos, ay nagsabi: “Ang paggawa ng mapa ay isang anyo ng sining kung paanong ito’y isa ring anyo ng siyensiya.” Ang mapang sinusunod ng National Geographic Society sapol noong 1988, ayon kay Garver, ay “ang pinakamahusay na pagbabalanse ng heograpiya at ng kagandahan.”

Anong Kinabukasan ang Naghihintay?

Maliwanag, higit pa ang nasasangkot sa paggawa ng mapa kaysa sa inaakala ng maraming tao. Habang lumalawak ang kaalaman tungkol sa mundo, lalong nagiging tumpak ang mga mapa. Gayunman, ang kaalamang iyan ay maaaring hindi madaling makuha. Kaya nga, gaya ng sabi ng awtor na si Lloyd A. Brown ilang taon na ang nakalilipas, “hangga’t hindi dumarating ang panahon na lahat ng tao’y walang-pangambang makapaglalayag hanggang sa dalampasigan ng kaniyang kapuwa, at makapaglalakbay o makalilipad saanmang bansa nang hindi binabaril o pinipigilan, ang dakilang mapa ng mundo na kung ilang siglo nang pinapangarap ng mga tao ay hindi pa rin magagawa. Baka matapos din ito balang araw.”

Nakatutuwa naman, ayon sa hula ng Bibliya, darating ang panahon na ang buong globo ay magkakaisa sa ilalim ng pamamahala ng inatasang Hari ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ganito ang pahayag ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Magkakaroon siya ng mga sakop sa dagat at dagat at sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Awit 72:8) Kapag sa wakas ay nawala na ang pagtatalo hinggil sa mga hangganan ng teritoryo at pag-aalitan sa pulitika at hindi na umiiral ang naglalabanang mga pambansang soberanya, magagawa na rin ang sakdal na mapa ng mundo.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Si Ptolemy at ang kaniyang mapa ng mundo

Gerardus Mercator

[Credit Line]

Sina Ptolemy at Mercator: Culver Pictures; mapa ng mundo ni Ptolemy: Gianni Dagli Orti/Corbis; globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.; larawan sa likod sa pahina 16-19: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share