Ligtas ba ang Inyong Tahanan?—20 Bagay na Dapat Suriin
“SA WAKAS, nasa bahay na ako!” Marahil nagiginhawahan ka kapag ikaw ay nakauwi na pagkatapos ng isang magawaing araw, naliligayahan na ikaw ay ligtas at tiwasay sa tahanan. Subalit ligtas ka ba talaga? Nakagugulat, nakakaharap ng ilang tao ang malulubhang panganib sa tahanan nang hindi nila nalalaman. Lalung-lalo nang dapat na maging palaisip sa kaligtasan ang mga may maliliit na bata upang mabawasan ang mga aksidente sa tahanan. Ginagamit ang sumusunod na talaan ng mga dapat tingnan, bakit hindi suriin ang inyong tahanan at pansinin ang anumang pagbabago na dapat gawin?
✔ Mga halaman. Kung mayroon kayong maliliit na bata, tiyakin na walang anuman sa inyong mga halaman ang nakalalason. Tandaan, isinusubo ng mauusisang bata ang halos anumang bagay sa kanilang bibig.
✔ Mga kurtina. Itaas ang mga tali sa kurtina sa hindi naaabot ng bata. Maaaring mapapulupot—at makasakal pa nga—ang mga ito sa maliliit na bata.
✔ Mga drower at paminggalan. Isaalang-alang ang paglalagay ng mga trangka. Maiingatan ng mga ito na huwag mahawakan ng mga bata ang matatalas na kagamitan at mapanganib na mga produktong panlinis.
✔ Hagdanan. Ito ba ay naiilawang maigi at walang anumang kalat? Nakapaglagay ba kayo ng mga harang upang huwag mahulog ang mga bata?
✔ Kalan. Ipaling ang hawakan ng mga kaldero at kawali patungo sa likod ng kalan, lalo na habang nagluluto.
✔ Ihawan. Linisin ito nang palagian. Ang isang malangis na kalderong ginagamit sa pag-iihaw ay maaaring pagmulan ng sunog sa kusina.
✔ Pamatay-sunog. Magkaroon ng kahit isa man lamang nito sa tahanan, at tiyaking lahat ng nasa hustong gulang ay nakaaalam kung paano iyon gagamitin.
✔ Mga kuna. Dapat na maliliit ang puwang sa kuna. Ang espasyo sa palibot ng kama ay hindi dapat malaki anupat maiipit ang ulo ng sanggol.
✔ Mga bintana. Maiingatan ang mga bata na huwag malaglag sa pamamagitan ng mga baras na pangkaligtasan, at madaling matatanggal ang mga ito ng isang adulto sakaling magkasunog.
✔ Mga bitamina at gamot. Itago ang mga ito sa isang nakasaradong kabinet o sa isang lugar na hindi maaabot ng mga bata.
✔ Banyera. Huwag kailanman iiwan ang isang maliit na bata sa banyera nang walang nag-aasikaso. Sandaling panahon—at kaunting tubig—lamang ang kailangan para malunod ang isang bata.
✔ Mga microwave oven. Tandaan na madaling painitin ang mga pagkain sa isang microwave. Halimbawa, ang gatas ng isang sanggol ay maaaring nakakapaso bagaman ang bote mismo ay medyo mainit-init lamang.
✔ Pugon. Sa pana-panahon, patingnan ang inyong pugon para sa mga tagas ng carbon monoxide.
✔ Ihawan ng barbecue. Tiyaking nasa ligtas na layo ang mga bata kapag mainit ang ihawan.
✔ Pintuan ng garahe. Bigyan ng tagubilin ang mga bata na huwag kailanman tatakbo sa ilalim ng pintuan ng garahe samantalang ito’y gumagalaw, lalo na kung ito’y pinagagana ng kuryente.
✔ Detektor ng usok. Panatilihing malinis ang mga ito, at regular na tingnan ang mga ito. Palitan ang mga batirya taun-taon.
✔ Mga kurdon ng kuryente at saksakan. Itapon ang nanisnis na mga kurdon ng kuryente. Mabuting takpan o lagyan ng takip na isinaksak ang mga saksakang hindi ginagamit.
✔ Mga kagamitang de-kuryente. Ilayo sa banyera o lababo ang mga kagamitang de-kuryente. Maiiwasan na makuryente ang isa sa pamamagitan ng mga ground fault circuit interrupters.
✔ Mga kahon para sa laruan. Lagyan ang kahon para sa laruan ng isa o higit pang butas para sa hangin at ng mahihigpit na bisagra upang hindi agad bumagsak ang takip.
✔ Plantsa. Itago ang plantsa—pati ang nakalambitin na kurdon nito—sa lugar na hindi maaabot ng mga bata.