Tinupad Nila ang Kanilang Pangako!
SI ANTONIO, na nasa huling taon na sa haiskul, ay nais magpatotoo sa kaniyang mga kaklase sa di-pormal na paraan. Kaya iminungkahi niya na ipalabas ng kaniyang guro sa history ang video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Bagaman alinlangan, pumayag ang guro, na nagsabing ipalalabas niya ang video sa susunod na araw.
“Sa pasimula,” salaysay ni Antonio, “buong-pagmamataas na pinanonood ng guro ang video; subalit nang mapagtanto niyang mga prominenteng istoryador pala ang nagsasalaysay ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan, nanood siyang mabuti. Sa katapusan ay nagpasalamat siya sa akin dahil sa pagmumungkahi sa video.”
Noong sumunod na leksiyon, sinubok ng guro na ilarawan ang gawain ng mga Bibelforscher, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya; subalit napag-isip-isip niya na mas mabuti kung si Antonio na ang gumawa nito. Ipinaliwanag ni Antonio ang papel ng mga Saksi sa lipunan at ang ilan sa kanilang mga doktrina. Nagtapos siya sa pagsasabi: “Maliwanag na hindi makikinabang ang mga tao sa dala naming napakahalagang mensahe kung hindi sila makikinig sa amin, kung pagbabagsakan nila kami ng pinto, o kung hindi nila babasahin ang aming mga publikasyon.”
Lahat ng kaklase ni Antonio ay sumang-ayon sa kaisipang ito, at nagmungkahi ang guro ng isang resolusyon sa klase. Sa unang pagkakataon, sila’y makikinig sa mga Saksi at tatanggap ng kanilang mga publikasyon. Matagal-tagal ding naging usap-usapan ng klase ang tungkol sa video. Maguguniguni mo ang kasiyahan ni Antonio noong sumunod na mga araw nang makita niya ang ilan niyang kaklase na pumapasok na may dalang mga publikasyon ng Watchtower at marinig niyang bawat isa sa kanila’y nakangiting nagsasabi: “Kita mo, tinupad ko ang aking pangako!”