Ginantimpalaan ang Kaniyang Pagkukusa
MARAMING KABATAAN SA GITNA NG MGA SAKSI NI JEHOVA ang nagpapakita ng mainam na halimbawa ng walang-takot na pagsasalita tungkol sa kanilang pananampalataya. Isaalang-alang si Stella, isang tin-edyer mula sa Salonika, Gresya. “Sa isa sa ating mga Kristiyanong pagpupulong,” sabi niya, “tinalakay ang mga paraan na magagamit ang ating mga video upang matulungan ang iba na makilala si Jehova. Nag-isip ako ng paraan kung paano ko magagamit ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Kinabukasan ay nakipag-usap ako sa punong-guro, at iminungkahi ko na ipalabas ang video sa paaralan. Sa aking pagkabigla, hindi siya tumutol—basta sumasang-ayon ang mga guro.
“Di-nagtagal nang araw ring iyon, sinabihan ako ng punong-guro na ang video ay maaaring ipalabas sa susunod na linggo—subalit pagkatapos pa ng klase. Nalungkot ako dahil naisip kong hindi isasakripisyo ng aking mga kamag-aral ang kanilang libreng panahon upang panoorin ang video. Sa kabila nito, nang sumunod na araw ay inimbitahan ko ang lahat na dumalo. Hindi lamang nila tinanggap ang paanyaya kundi nag-imbita pa sila ng mga estudyante mula sa ibang mga klase. Anim na guro—kasama ang isang teologo—ang dumating din upang panoorin ang video.
“Lahat ay lubos na nagbigay-pansin. Pagkatapos, inanyayahan ako ng punong-guro na pangunahan ang isang tanong-at-sagot na pagtalakay. Maraming estudyante ang humanga sa boluntaryong gawain na isinasagawa sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na ipinakita sa video. ‘Bagaman hindi sila binabayaran, isinasagawa nila ang kanilang mga atas nang may kagalakan!’ bulalas ng isang estudyante.
“Binanggit ko sa lahat ng dumalo ang tungkol sa ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Namahagi rin ako ng Kingdom News Blg. 36, ‘Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?’ Humingi pa ng karagdagang mga kopya ang punong-guro upang maibigay niya ito sa mga guro na hindi nakadalo.
“Pagkatapos, ipinakipag-usap ng maraming estudyante sa kanilang mga kaibigan ang tungkol sa video. Natutuwa ako na nagamit ko ang pagkakataong ito upang makapagpatotoo. Nagpakita ng higit na paggalang sa akin ang aking mga kamag-aral; ngunit mas mahalaga, nagpakita sila ng paggalang sa Diyos na aking sinasamba!”