Jehovah’s Witnesses—Organized to Share the Good News
Sa loob ng mahigit 100 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay inorganisa para ipangaral ang mabuting balita. Ito ngayon ang naging pinakamalawak na kampanya sa pangangaral, sinasalita natin ang mensaheng ito sa daan-daang wika sa mahigit na 230 lupain. (Mat. 24:14) Bakit mahalaga ang gawaing ito? Paano ito isinasagawa sa buong daigdig? Sinasagot ng video na Jehovah’s Witnesses—Organized to Share the Good News ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng detalyadong pagpapaliwanag tungkol sa ating gawain sa buong daigdig. Pagkatapos panoorin ang video, sagutin ang sumusunod.
Paano nakatulong ang video na ito para maunawaan mo at higit na mapahalagahan (1) ang pagsisikap na ginagawa ng organisasyon ni Jehova na ipangaral ang mabuting balita? (2 Tim. 4:2) (2) ang mga pamilyang Bethel sa buong daigdig? (3) ang pagtuturo at pagsasanay para sa mga misyonero at tagapangasiwa? (2 Tim. 2:2) (4) ang kahalagahan ng pagpapasimula ng bawat araw sa pagtalakay ng isang teksto sa Bibliya at paghahanda linggu-linggo para sa mga pulong ng kongregasyon? (Gawa 17:11) (5) ang mga pakinabang ng pagdalo sa ating mga pagpupulong Kristiyano? (Heb. 10:24, 25) (6) ang mga pagpapalang tatanggapin mo kapag naisauli ang Paraiso sa lupa? (Isa. 11:9) (7) ang pribilehiyo mong makibahagi sa gawaing pag-aani?—Juan 4:35.
Talagang mahusay na kasangkapan ang video na ito para malaman ng mga taong interesado ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (8) Kailan magandang ipapanood ang video sa ating mga estudyante sa Bibliya, kamag-anak, at iba pa? (9) Ano ang kanilang positibong reaksiyon?
Habang binubulay-bulay natin ang ginagawa ni Jehova, nauudyukan tayo nito na sumang-ayon sa sinabi ng salmista: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo.” (Awit 40:5) Gamitin sana nating mabuti ang video na ito upang tulungan ang iba pa na magpahalaga kay Jehova at sa kaniyang organisasyon!