Mga Kasangkapang Nagtuturo, Gumaganyak, at Nagpapalakas
1 Ang mga ito ay mabisa sa pagtuturo sa mga tao hinggil sa Bibliya at sa mga Saksi ni Jehova. Marami na ang naganyak ng mga ito na manindigang matatag sa katotohanan. Napalakas ng mga ito ang pananampalataya at ang pagpapahalaga ng naaalay na bayan ng Diyos. Ano ang mga ito? Ang mga video na ginawa ng organisasyon ni Jehova. Napanood na ba ninyo ang lahat ng sampung video? Gaano na katagal? Ginagamit ba ninyo ito sa inyong ministeryo? Paano kayo higit na makikinabang mula sa kamangha-manghang mga kasangkapang ito?
2 Ang Hulyo 1, 1999, artikulo ng Bantayan, na “Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya” ay nagrekomenda na “maaari rin ninyong gamitin ang ilang bahagi ng inyong panahon sa pag-aaral upang panoorin ang isang bahagi ng nakapagtuturong video ng Samahan . . . at saka pag-usapan iyon.” Kasuwato ng mabuting payong iyan, iba’t ibang video ang itatampok sa Pulong sa Paglilingkod tuwing makalawang buwan. Pinasisigla namin ang lahat ng nasa kalagayan na panoorin ang video sa tahanan bago ito pag-usapan sa Pulong sa Paglilingkod.
3 Sa buwang ito, tayo ay magsisimula sa unang video na ginawa natin, na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Panoorin at pakinggan ang mga kasagutan sa mga katanungang ito:
◼ Sa ano kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova?
◼ Ang lahat ng ginagawa sa Bethel ay kaugnay ng anong kasulatan?
◼ Anong eksena sa Bibliya ang nakita ninyong itinanghal, kinunan ng ritrato, at ipininta para gamitin sa mga publikasyon?
◼ Ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa paraan ng paghahanda sa ating literatura?
◼ Mula noong 1920 hanggang 1990, gaano karaming literatura ang inimprenta na ng Samahan?
◼ Sino sa bayan ng Diyos ang lalo nang dapat na magsikap upang maging kuwalipikado sa paglilingkod sa Bethel?—Kaw. 20:29.
◼ Sa anong mga paraan nagbibigay ang pamilyang Bethel ng napakainam na halimbawa para sa lahat ng mga Saksi ni Jehova?
◼ Ano ang hinahangaan ninyo hinggil sa trabahong isinasagawa sa Bethel upang maipaabot ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t maaari?
◼ Paano tinutustusan ang pambuong daigdig na gawain?
◼ Anong gawain ang maaari nating itaguyod nang buong sigasig, at taglay ang anong espiritu?—Juan 4:35; Gawa 1:8.
◼ Ano ang nadarama ninyo hinggil sa organisasyon na nasa likuran ng ating pangalan?
◼ Paano ninyo magagamit ang video[ng] ito sa ministeryo?
Sa Disyembre ating rerepasuhin ang video[ng] The Bible—Accurate History, Reliable Prophecy.