Epekto ng mga Video na Nagbibigay ng Patotoo
1 “Nanonood na ng video ang aming anak na lalaki bago pa siya natutong lumakad. Paulit-ulit niyang pinanonood ito. Napakahusay nga ng pagkakaroon ng mga kasangkapan na nagkikintal ng pag-ibig kay Jehova sa ating mga anak!” Aling video ang inilalarawan ng Kristiyanong magulang na ito? Yaong pinamagatang Noah—He Walked With God. Isang di-Saksing ina na may anak na nakapanood ng video na Noah sa bahay ng iba ay nagpadala ng donasyong $90 sa tanggapang pansangay at nagtanong kung tayo ay may iba pang video para sa mga bata. Ang mga video na ginawa ng organisasyon ni Jehova ay may matinding epekto kapuwa sa bata at matanda.
2 Sa Pamilya: Pagkatapos mapanood ng isang pamilyang Saksi ang Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault, ganito ang salaysay ng ina: “Buong araw kong pinag-isipan kung paano pinangyari ni Jehova na mabata ng karaniwang mga tao ang di-pangkaraniwang mga bagay! Ang pag-iisip hinggil dito ay nagpaalaala sa akin kung gaano kaliit ang aking sariling mga suliranin. Ang panonood ng video na ito kasama ng aming mga anak ay nakatulong sa kanila na makita nang higit na maliwanag ang pangangailangang umasa kay Jehova. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila pagkaraan nito, natulungan namin ang aming mga anak na babae na higit na masangkapan upang mapakitunguhan ang anumang panggigipit at pag-uusig na maaaring mapaharap sa kanila.”
3 Sa Paaralan: Bilang bahagi ng isang ulat, isang tin-edyer na Saksi ang nakapagpakita ng isang bahagi ng video na Stand Firm sa kaniyang klase. Dati, sabi ng guro, hindi niya gusto ang mga Saksi. Matapos panoorin ang video, sinabi niya: “Ito ang lubos na nagpabago sa aking pangmalas sa mga Saksi ni Jehova. Ako ay nangangako na sa susunod na pagkakataong sila ay pumunta sa aking bahay, makikinig ako sa kanila at magpapasimulang mag-aral ng Bibliya kasama nila!” Ano ang nagpabago ng kaniyang impresyon sa atin? Sinabi niya na iyon ay ang ating “tunay na pag-ibig at pagkamatapat.”
4 Sa Ministeryo: Nakausap ng isang sister ang isang babae na atubiling tumanggap ng literatura, bagaman siya ay may mga tanong tungkol sa atin at sa ating mga paniniwala. Bumalik ang sister taglay ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name at ipinalabas ito sa babae at sa kaniyang asawa. Kapuwa sila lubhang humanga at sumang-ayong makipag-aral ng Bibliya. Bilang resulta ng mainam na patotoong naibigay sa kanila, pinasimulan nilang iayon ang kanilang buhay sa kalooban ng Diyos.
5 Ginagamit mo ba ang ating mga video sa pinakamabuting paraan?