Kalusugan at Kaligtasan sa Europa
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya
MAHIGIT sa 16,000 lalaki at babae ang gumagawa sa punong-tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society at sa 109 na mga tanggapang pansangay nito. Ang ilan sa mga boluntaryong ito ay nangangalaga sa pagmamantini ng imprentahan, mga pagawaan, at makina. Ngunit anuman ang kanilang mga atas, sila’y nanghahawakan sa mahusay na kaugalian sa paggawa, na nag-iingat sa buhay at kalusugan.
Ang mataas na pamantayan na itinakda ng sangay sa Britanya sa pagawaan nito sa Mill Hill ng London ay kinilala sa publiko noong 1998, pagkatapos ng 1997 European Week for Safety and Health. Isang kristal na mangkok na may nakasulat na mga salitang “European Week for Safety and Health—Award Winner 1997” ang ibinigay sa Samahan. Ano ang dahilan sa pagtanggap nila ng prestihiyosong gantimpalang ito?
Noong 1994 nagsumite ang Samahang Watch Tower sa Health and Safety Executive (HSE) ng isang detalyadong resulta ng pagsusuri kung paano mababawasan ang bilang ng mga pinsala sa likod sa trabaho. Sa pagtatapos ng kampanyang ito, tumanggap ang Samahan ng isang sertipiko sa HSE para sa pagsuporta nito. Noong 1996 ay hinilingan ang Samahan na magtipon ng isang maikling ulat sa mga gawain nitong pangkalusugan at pangkaligtasan. Pagkatapos, isang sertipiko ang ibinigay sa “WatchTower Bible and Tract Society bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon” sa kalusugan at kaligtasan.
Nang sumunod na taon ng 1997, inanyayahan ng HSE ang Watch Tower na makibahagi sa kampanya nitong pangkalusugan at pangkaligtasan sa Europa. Nang maglaon ay nagsumite ang Samahan ng detalyadong salaysay, na may mga larawan, na nagpapakitang sa pamamagitan ng pagkakabit sa indibiduwal na de-mekanismong mga kasangkapan sa sistema ng pangunahing kasangkapan na kumukuha ng alikabok, maaaring mabawasan ng 90 porsiyento ang alikabok sa isang pagawaan na gumagamit ng kahoy at mababawasan ng 100 porsiyento naman sa mga tipik ng kahoy, sa halagang wala pang £250 ($400).
Bunga nito, ang Samahan ay isa sa 30 nagwagi ng gantimpala na inanyayahan upang makilala ng mga kinatawan ng European Commission at ng pamahalaan ng Britanya at maging ng tsirman ng Health and Safety Commission. Nang inihaharap ang may sulat na mangkok, sinabi niya: “Napakagaling, Watch Tower!”
[Mga larawan sa pahina 31]
Mga gantimpala na ibinigay sa Watch Tower dahil sa mataas na pamantayan nito sa kalusugan at kaligtasan