Ang Pangmalas ng Bibliya
“Lubhang Mapanganib na mga Isport”—Dapat Mo Bang Subukan Ito?
“SA MGA PANAHONG ITO PARAMI NANG PARAMI SA ATIN ANG HINDI NA BASTA TAGAMASID LAMANG KUNDI MGA TUMATALON NA RIN SA MGA EROPLANO PARA MAG-PARACHUTE, DUMADAUSDOS PABABA SA MATATARIK NA BUNDOK, SUMASAKAY SA KAYAK NA NAGPAPATIHULOG SA MGA TALÓN AT SUMISISID KASAMA NG MGA PATING.”—PAHAYAGAN NA WILLOW GLEN RESIDENT.
INILALARAWAN ng komentong ito ang isang lumalagong kausuhan sa mga isport. Ang mapapansing popularidad ng gayong mga gawain tulad ng skydiving, ice climbing, paragliding, at BASE jumpinga ay nagpapaaninag ng isang sanlibutan na nahuhumaling sa pagsuong sa panganib. Ginagamit din ang mga snowboard, mountain bike, skateboard, at in-line skates upang lubos na malagpasan ang mga pansariling hangganan sa pamamagitan ng pagsisikap na mapagtagumpayan ang pinakamatatarik na bundok, ang pinakamatataas na mga bangin, at ang pinakamahahabang talon. Tulad ng sinabi sa magasing Time, ang lumalagong popularidad ng “lubhang mapanganib na mga isport” (extreme sports)—mga isport na kung saan hinaharap ng mga kalahok ang malalaking personal na panganib—ay nagtatampok sa kapanabikan ng milyun-milyon na makilahok sa “metaporikong hangganan, kung saan pinagsama ang panganib, husay at takot upang bigyan yaong mga weekend warrior (lumalahok tuwing dulo ng sanlinggo lamang) at gayundin ang mga propesyonal na atleta ng pagkadama ng paglagpas sa mga pansariling hangganan.”
Gayunman, malaki rin ang kapalit na dulot ng popularidad nito. Parami nang parami ang nasasaktan kapag ang waring ligtas na mga isport ay isinasagawa sa sukdulan. Sa Estados Unidos noong 1997, tumaas nang mahigit na 33 porsiyento ang bilang ng mga kaso sa emergency-room para sa mga pinsalang dulot ng pag-skateboard, 31 porsiyento sa pag-snowboard, at 20 porsiyento sa pag-akyat sa bundok. Sa ibang mga isport, mas malubha ang mga resulta, gaya ng makikita sa pagtaas sa bilang ng mga namatay na naugnay sa lubhang mapanganib na mga isport. Batid ng mga tagapagtaguyod ng ganitong mga isport ang mga panganib nito. Sinabi ng isang babae na lumalahok sa lubhang mapanganib na skiing: “Lagi kong naiisip ang kamatayan.” Binuod ito ng isang propesyonal na snowboarder sa pagsasabi na kapag “hindi ka nasaktan, kung gayon hindi mo ginagawa ang buo mong makakaya.”
Dahil sa mga bagay na ito, paano dapat malasin ng isang Kristiyano ang pakikilahok sa gayong mga gawain? Paano makatutulong ang Bibliya sa ating pagpapasiya kung dapat nga ba tayong lumahok sa lubhang mapanganib na mga isport? Ang pagsaalang-alang sa kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kabanalan ng buhay ang tutulong sa atin na masagot ang mga katanungang ito.
Ang Pangmalas ng Diyos sa Buhay
Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jehova ang “bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Higit sa paglalang sa sangkatauhan, kaniya ring lubos na inasikaso ang pagbibigay sa atin ng ating kailangan upang masiyahan sa buhay. (Awit 139:14; Gawa 14:16, 17; 17:24-28) Kung gayon, makatuwirang isipin na inaasahan niya na ating iingatan ang anumang may-kabaitang ibinigay niya sa atin. Ang mga kautusan at simulaing ibinigay sa bansang Israel ay tumutulong sa atin na mapahalagahan ang katotohanang iyan.
Hiniling ng Kautusang Mosaiko na ang isang indibiduwal ay gumawa ng mga pag-iingat upang mapangalagaan ang buhay ng iba. Kung hindi ito isinagawa at may namatay, ang isa na nakapigil sana sa trahedya ay maituturing na may pagkakasala sa dugo. Halimbawa, ang isang may-ari ng bahay ay inutusan na gumawa ng isang mababang pader o barandilya, na tinatawag na halang, sa paligid ng patag na bubungan ng kaniyang bagong bahay. Kung hindi niya gagawin ito, magkakaroon ng pagkakasala sa dugo sa bahay niya kapag nahulog at namatay ang sinuman mula sa kaniyang bubungan. (Deuteronomio 22:8) Kapag ang isang toro ay di-inaasahang nanuwag at nakapatay ng isang tao, hindi mananagot ang may-ari ng toro. Sa kabilang dako naman, kapag nalaman na ang toro ay mapanganib at ang may-ari ay binabalaan ngunit hindi niya angkop na binantayan ang toro, at pagkatapos ay nanuwag ang toro ng kung sinuman, ang may-ari ng toro ay ituturing na may pagkakasala sa dugo at maaaring patayin. (Exodo 21:28, 29) Yamang mahalaga ang buhay kay Jehova, ipinaaninag ng kaniyang Kautusan ang mataas na pagpapahalaga sa pagpapanatili at pag-iingat ng buhay.
Naunawaan ng mga tapat na lingkod ng Diyos na sakop din ng mga simulaing ito ang pagsasapanganib ng sarili nilang buhay. Sa isang ulat sa Bibliya, ibinulalas ni David ang kaniyang pagnanais na ‘makainom sa tubig mula sa imbakang-tubig ng Betlehem.’ Nasa pananakop ng mga Filisteo ang Betlehem noong panahong iyon. Nang marinig ang hiling ni David, tatlo sa kaniyang mga sundalo ang sapilitang pumasok sa kampo ng mga Filisteo, sumalok ng tubig mula sa imbakang-tubig ng Betlehem, at dinala iyon kay David. Paano tumugon si David? Hindi niya ininom ang tubig kundi, sa halip, ibinuhos niya ito sa lupa. Sinabi niya: “Malayong mangyari sa ganang akin, kung tungkol sa aking Diyos, na gawin ito! Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito na nagsapanganib ng kanilang mga kaluluwa? Sapagkat nanganib ang kanilang mga kaluluwa nang kunin nila iyon.” (1 Cronica 11:17-19) Para kay David, malayong isipin niya na isapanganib ang buhay ng isa para lamang sa kaniyang personal na kasiyahan.
Tumugon si Jesus sa gayunding paraan nang, marahil sa isang pangitain, tinukso siya ng Diyablo na magpatihulog sa ibabaw ng moog ng templo upang malaman kung iingatan siya ng mga anghel mula sa pinsala. Sumagot si Jesus: “Huwag mong ilalagay si Jehova na iyong Diyos sa pagsubok.” (Mateo 4:5-7) Oo, kinilala kapuwa nina David at Jesus na mali sa paningin ng Diyos ang sumuong sa di-kinakailangan at delikadong mga gawain na maaaring magsapanganib sa buhay ng tao.
Taglay sa isipan ang mga halimbawang ito, maaari nating tanungin, ‘Paano natin malalaman kung ang isang laro ay mapanganib o lubhang mapanganib? Yamang kahit ang karaniwang anyo ng libangan, na hindi naman mapanganib sa ganang sarili, ay maaaring paabutin sa sukdulang hangganan, paano natin malalaman kung hanggang saan tayo puwedeng lumahok?’
Sulit ba na Subukan Ito?
Ang tapat na pagtantiya sa anumang gawain na maaari nating pinag-isipan na gawin ay makatutulong sa atin na malaman ang kasagutan. Halimbawa, maaari nating tanungin ang ating mga sarili, ‘Gaano ba karami ang naaaksidente sa larong ito? Taglay ko ba ang mga kinakailangang kagamitang pansanay o pananggalang upang maiwasan ang mga pinsala? Anu-ano ang magiging resulta kapag ako ay nahulog o nagkamali sa pagtalon o kapag nasira ang aking kagamitang pangkaligtasan? Ito ba’y magdudulot ng maliit na pinsala lamang, o may posibilidad ba ng lubhang kapinsalaan o kamatayan?’
Ang di-kinakailangang pagsasapanganib ng buhay alang-alang sa libangan ay maaaring makaapekto sa mahalagang ugnayan ng isang tunay na Kristiyano kay Jehova maging ang kaniyang pagiging nararapat sa mga pantanging pribilehiyo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:2, 8-10; 4:12; Tito 2:6-8) Maliwanag, na kahit sa paglilibang, mainam na isinasaalang-alang ng mga Kristiyano ang pangmalas ng Maylalang sa kabanalan ng buhay.
[Talababa]
a Ang ibig sabihin ng BASE ay building, antenna, span, at earth. Ang larong ito ng pag-parachute mula sa nakapirmeng mga bagay tulad ng mga gusali, tulay, at mga bangin ay itinuturing na napakapanganib anupat ipinagbawal ito ng National Park Service sa Estados Unidos.