Pagmamasid sa Daigdig
Mga Matang Kulang sa Oksiheno
Maaaring pinagkakaitan ng oksiheno ng ilang nagsusuot ng contact lens ang kanilang mga mata, ang ulat ng The Globe and Mail. “Ang di-normal na pagkakaroon ng mga daluyan ng dugo (vascularization) ay nagaganap kapag ang cornea [ang malinaw na takip ng mata] ay hindi makakuha ng oksiheno na kailangan nito mula sa hanging dumadampi sa pinakaibabaw nito at pinararami ang mga daluyan ng dugo upang masapatan ang kakulangan.” Maaaring magbunga ito ng malabong paningin o pagkabulag. Sinabi ni Dr. Raymond Stein, pinuno ng optalmolohiya sa isang ospital sa Toronto, na ang “pinakamalubhang maaaring mangyari ay kapag hindi iniingatan ng pasyente ang kaniyang mga lens at hindi siya nagpapatingin sa optometrista.” Hinihimok ng mga optometrista ang mga pasyente na magpatingin sa dalubhasa sa pangangalaga ng mata upang matiyak na mayroon silang tamang mga contact lens sa bawat mata at pagkatapos ay sundin ang iminungkahing panahon ng pagsusuot at mga tagubilin sa pangangalaga ng lens.
Hindi na Gaanong Nakikipagkaibigan ang mga Taga-Brazil
Hindi na gaanong nakikipagkaibigan sa ngayon ang mga taga-Brazil kaysa sa ginawa nila sampung taon na ang nakalilipas, ulat ng pahayagang O Globo. Ayon sa dalubhasa sa kalusugan ng isip na si Maria Abigail de Souza ng University of São Paulo, ang matinding kompetensiya sa paghanap ng trabaho, ang pagpapanatili ng isang istilo ng pamumuhay, at ang bibihirang paglilibang ay pawang mga sanhi nito. Sinabi ni César Vasconcelos de Souza, medikal na direktor sa Adventist Healthy Life Center, São Paulo: “Upang magkaroon ng tunay na mga kaibigan, kailangang ibahagi natin ang ating damdamin, buksan ang ating puso, at ipahayag ang masasaya at malulungkot na karanasan, mga bagay na mahirap at madaling sabihin. Kailangan nito ng panahon at pagpapalalim sa ugnayan ng damdamin. Nais ng karamihan na ibahagi ang kanilang damdamin sa iba ngunit natatakot silang gawin ito. Upang maiwasan ang mga panganib, mas pinipili nila ang di-matalik na pakikipagkaibigan.”
Pamimighati at Panlulumo
Ipinakikita ng isang surbey sa mga lalaki at mga babae na nasa pagitan ng edad 70 at 79 na ang ilang biyuda at mga biyudo ay nakararanas ng matitinding sintomas ng panlulumo hanggang sa ikalawang taon ng pagkamatay ng kanilang kabiyak. Yaong mga nakikibahagi sa pag-aaral ay hinati sa anim na grupo, batay sa haba ng panahon na lumipas mula nang mamatay ang kani-kanilang kabiyak. Parehong ginamit ang mga pakikipanayam at mga pagtatanong upang tayahin ang mga sintomas ng panlulumo. Sa mga tumugon, 38 porsiyento ay mga lalaki, at 62 porsiyento naman ang mga babae. Natuklasan sa pag-aaral na ang antas ng panlulumo sa bagong mga naulila ay siyam na beses na mas mataas kaysa sa mga may-asawang indibiduwal na hindi nakaranas ng katulad na pangungulila.
Nahumaling sa Pornograpya sa Internet
Natuklasan ng mga mananaliksik na “di-kukulangin sa 200,000 gumagamit ng Internet ang nahuhumaling sa mga site ng pornograpya, X-rated na mga chat room o iba pang seksuwal na mga materyal na naka-on-line,” pag-uulat ng The New York Times. Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga sikologo sa mga unibersidad ng Stanford at Duquesne at isa ito sa kauna-unahang tumantiya sa bilang ng mga “nahuhumaling sa cybersex.” Sinabi ng mga mananaliksik na ang mga indibiduwal na ito ay gumagamit ng mga Web site na X-rated nang mahigit sa 11 oras bawat linggo. Sinipi ng pahayagan ang mga mananaliksik na nagsasabing: “Ito’y isang nakakubling panganib sa kalusugan ng madla na mabilis na lumalala, dahil iilan lamang ang kumikilala na ito ay isa ngang panganib o isang seryosong bagay.”
Sinasalanta ng AIDS ang Aprika
Sa nakalipas na taon, mas maraming tao sa Aprika ang napatay ng AIDS kaysa sa napatay ng digmaan, ayon kay Kofi Annan, kalihim-panlahat ng United Nations. Kabilang dito ang mga digmaan sa Democratic Republic of Congo, Sierra Leone, Angola, Republic of Congo, Etiopia, Somalia, Eritrea, at Sudan. Halos dalawang-katlo sa 36 na milyong may AIDS sa buong daigdig ang naninirahan sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika. Sa Côte d’Ivoire, ang AIDS ay pumapatay ng isang guro bawat araw sa paaralan, at sa Botswana, ang inaasahang haba ng buhay ay bumaba mula 70 taon tungo sa 41. Inaasahan ng Zimbabwe na pagsapit ng taóng 2005, uubusin ng HIV at AIDS ang 60 porsiyento ng badyet nito para sa kalusugan, at hindi pa rin iyon makasasapat. Ang paksa hinggil sa AIDS ay iniiwasan sa Malawi at Zambia, kung saan ang mga antas ng impeksiyon ay lubhang mataas; at sa Timog Aprika, ang mga biktima ay iniiwasan, pag-uulat ng pahayagan sa London na The Guardian. “Wala pang sinuman sa atin ang nakauunawa sa lubos na epekto ng nakagigimbal na bagay na ito—sa kalidad ng buhay sa Aprika, sa magagawa nito sa ekonomiya at sa sosyal at pulitikal na katatagan nito,” ang sabi ni G. Annan.
Binabago ng mga Lunsod ang Klima
“Ang napakabilis na pagdami ng mga lunsod ay lumilikha ng ‘maiinit na lugar’ na napakatitindi anupat gumagawa ang mga ito ng kanilang sariling lokal na mga sistema ng panahon,” ulat ng The Times ng London. Nakukulong ng mga lunsod ang init kapag araw at pinasisingaw ito pabalik sa kalawakan sa gabi. Kaya ang mga temperatura sa mga lunsod na gaya ng Beijing at Atlanta ay tumaas ng 5.5 digri Celsius o higit pa. Sa nakalipas na 19 na taon, ang 150,000 ektarya ng kakahuyan sa Atlanta ay napalitan ng mga daan at pabahay. Ang paglawak ng mga lunsod ay nagpapalala sa polusyon sa hangin, nagdudulot ng wala-sa-panahong mga bagyong makulog, at nakababawas sa pagiging mabunga ng bukirin na umaasa sa photosynthesis. Sa pagkokomento hinggil sa mga epekto ng “maiinit na lugar” na ito, sinabi ni Dr. Marc Imhoff, isang siyentipiko ng National Aeronautics and Space Administration: “Ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa kakayahan ng kapaligiran na gumawa ng pagkain. Kung ang kakayahan ng kapaligiran na magsagawa ng photosynthesis ay lubhang nababawasan, ang kakayahan ng planeta na tumustos ng buhay ng tao ay hihina rin.” Sa karamihan ng mga kaso, naisasakripisyo ang pangunahing mga lupaing pang-agrikultura para sa pagpapalawak ng mga lunsod.
Pinahihinto ng Polusyon ang Pangangailangan sa mga Balyena
Ang polusyon ay maaaring naging di-inaasahang kakampi sa pakikipaglaban upang iligtas ang balyena. Ipinakita ng kamakailang mga pagsusuri na ang mga balyena at mga lampasut na nahuli sa baybayin ng Hapon ay lubhang nahawahan ng DDT, dioxin, mga PCB, at methylmercury. Ipinakita ng isang pagsusuri na ang pagkain ng 50 gramo lamang ng nahawahang karne ng lampasut ay makapagdudulot ng malaking panganib sa kalusugan ng isang tao. Umaasa ang ilan na ang gayong balita ay maaaring magpahinto sa pangangailangan para sa karne ng balyena.
“Naglilinis-ng-Sarili” na Lotus
Bakit kaya ang halamang lotus, na malaon nang itinuturing na banal sa mga relihiyon sa Silangan, ay laging mukhang napakalinis? Inaangkin ngayon ng mga siyentipikong Aleman na nasumpungan na nila ang sagot sa katanungang ito na matagal nang panahon na nakapukaw sa interes ng mga biyologo. “Ang pagiging hindi tinatablan ng tubig ng pinakaibabaw ng mga halaman ay matagal nang alam,” ang sabi ng siyentipikong si W. Barthlott at C. Neinhuis. “Ngunit ang kakayahan nito na maglinis ng sarili . . . ay lubusang ipinagwalang-bahala.” Gaya ng ipinaliwanag sa The Sunday Times of India, “tinatangay ng mga patak ng tubig na gumugulong sa dahon ng lotus ang mga dumi, sa gayo’y lubusang nalilinis ang pinakaibabaw nito.” Ito’y hindi dahil sa madulas ang pinakaibabaw nito. Kung titingnan sa ilalim ng mikroskopyo, magaspang ang pinakaibabaw ng dahon at ito’y may “mga umbok, tupi at mga bukol” at may kakayahang “paagusin ang tubig sa pamamagitan ng nakaumbok o hugis simburyo (dome)” na kayarian nito. Ngunit isa pang salik na nakatutulong sa kalinisan ng lotus ay ang epekto ng hydrophobic, o hindi tinatablan ng tubig, na mga crystalloid na pagkit na siyang bumabalot sa halaman. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang “katangian ng lotus” na ito ay mabilis na nakababawas sa pagkapit ng tubig at maliliit na dumi, at idinagdag pa nila na maaaring gumawang muli ang halaman ng mga pagkit sa kabila ng matitinding kalagayan sa kapaligiran. Ito, ayon sa kanila, ang nagpapangyaring maging higit na mabisa ang likas na kahusayan ng lotus kaysa sa gawang-taong pintura na hindi tinatablan ng tubig o mga sabong panlaba.
Maiinom Ba?
Isang pag-aaral ng World Wide Fund for Nature (WWF) ang nagbababala na “kailangang gumawa ng mga pag-iingat” bago umabot ang kalidad ng tubig sa Pransiya sa “isang punto na wala nang posibleng solusyon.” Ayon sa WWF, ang tubig sa ilalim at ibabaw ng lupa sa Pransiya ay nahahawahan ng mga pestisidyo at mga nitrate. Ang pagkahawa sa nitrate ay pangunahin nang nagaganap kapag ang dumi ng baboy o baka ay napupunta sa suplay ng tubig. Sinasabi ng report na “ang dumi ng walong milyong baboy sa rehiyon ng Brittany ay maihahalintulad sa basura na nagmumula sa isang lunsod na may 24 na milyong mamamayan na walang anumang pasilidad sa pagpoproseso ng basura!” Isa pa, “ang labis na paggamit ng mga pataba para sa pangmalawakang pagsasaka” ay nagpaparumi rin sa suplay ng tubig dahil sa mga nitrate, sabi ng WWF. Karagdagan pa, ang lansakang paggamit ng mga pestisidyo sa pagsasaka ng mais ay nagpataas sa antas ng pestisidyo nang mahigit sa 40 porsiyento kaysa sa itinakdang pamantayan. Inirerekomenda ng ulat ng WWF na muling magkaroon ng mga latian at mga dike na natatakpan ng mga puno na magsisilbing mga likas na pansala.