Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/8 p. 3-4
  • Ang Mabilis na Takbo ng Buhay sa Daigdig na Ito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mabilis na Takbo ng Buhay sa Daigdig na Ito
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Biglang-Bigla, Mas Mahahabang Araw
  • Bumilis ang Takbo ng Buhay
  • Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?
    Gumising!—1989
  • Pagod Ngunit Hindi Nanghihimagod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kung Bakit Kailangan ng Iyong Katawan na Matulog
    Gumising!—1995
  • Ang Kabayaran ng Pagsisikap na Gumawa Nang Labis-Labis
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/8 p. 3-4

Ang Mabilis na Takbo ng Buhay sa Daigdig na Ito

PAMINSAN-MINSAN BA AY NADARAIG KA NG TAKBO NG BUHAY? NASISIPHAYO KA BA, NAPAPAGOD, ANUPAT HALOS HINDI MO NA ITO KAYANG HARAPIN? KUNG GAYON, HINDI KA NAG-IISA.

NASUSUMPUNGAN ng milyun-milyong tao, lalo na sa mga siyudad, na ang buhay ay naging isang nakahihilo at nakapapagod na pagmamadali. Ito ay lalo nang totoo sa mga Kanluraning bansa. Sa isang relihiyosong pagpupulong sa Estados Unidos kamakailan, hiniling ng isang tagapagsalita sa kaniyang mga tagapakinig na itaas ang kanilang mga kamay kung madalas silang nakadarama ng pagod. Kaagad-agad, nagtaasan ang napakaraming kamay.

Ang aklat na Why Am I So Tired? ay nagsabi: “Ang buhay sa modernong panahon ay puno ng di-nababalitaang mga tensiyon hanggang sa ngayon​—mga nakaiskedyul na pagsakay sa eroplano, mga deadline na hinahabol, paghatid at pagsundo sa mga anak sa tamang oras mula sa pre-school​—walang katapusan ang listahan.” Hindi nga nakapagtataka na ang pagkapagod ay inilarawan bilang ang sumpa ng ating panahon.a

Noon, mas simple ang buhay, at mas mabagal ang takbo ng buhay. Mas nakahilig ang mga tao na mamuhay kaayon ng mga siklo ng kalikasan​—ang araw ay para sa trabaho, at ang gabi ay para naman sa pamilya ng isa at sa pagtulog. Sa ngayon, maraming dahilan kung bakit ang mga tao ay lalong napapagod at nahahapo.

Biglang-Bigla, Mas Mahahabang Araw

Ang isang salik ay maaaring dahilan sa mas kaunti ang tulog ng mga tao. At ang isa sa mas kapansin-pansing pagsulong na nakaapekto sa oras ng pagtulog ay ang pagdating ng ilaw na de-kuryente. Sa pamamagitan ng pagkalabit sa switch, maaaring kontrolin ng mga tao ang haba ng “araw,” at di-nagtagal, sinimulang ipagpaliban ng mga tao ang maagang pagtulog. Sa katunayan, marami ang walang gaanong mapagpipilian hinggil sa bagay na ito dahil sa nagsimulang tumakbo ang mga pabrika nang 24 na oras at pinahaba ng mga industriyang naglalaan ng serbisyo ang kanilang mga oras ng pagtatrabaho. Sabi ng isang manunulat: “Isinilang na ang lipunan na pang-24-oras.”

Ang ibang pagsulong sa teknolohiya, tulad ng radyo, TV, at ang personal na computer, ay may papel din sa pagkakait ng kinakailangang tulog sa mga tao. Sa maraming lupain, nagpapalabas ng mga programa sa TV sa loob ng 24 na oras bawat araw. Pangkaraniwan para sa mga mahilig manood ng pelikula o mga tagahanga ng palakasan na pumasok sa trabaho nang inaantok at pagod pagkatapos ng magdamagang panonood. Ang mga computer sa bahay, at ang walang-katapusang mga libangan na iniaalok ng mga ito, ay umaakit din sa milyun-milyon na magpuyat. Siyempre pa, sa ganang sarili ay wala namang masama sa mga produktong ito; gayunman, naglalaan nga ang mga ito sa ilang tao ng karagdagang pangganyak upang ipagwalang-bahala ang pangangailangang magpahinga.

Bumilis ang Takbo ng Buhay

Hindi lamang ang ating mga araw sa ngayon ang naging mas mahaba kundi maging ang takbo ng buhay mismo ay tila bumibilis​—muli ito’y dahil sa teknolohiya. Ang kalesa noon, wala pang isang siglo ang nakalipas, ay ibang-iba kaysa sa mabibilis na kotse, mga bullet train, at mga eroplanong jet sa ngayon. Sa katunayan, ang isang makabagong-panahong negosyante, na ang kaniyang lolo ay maaaring naglalakad lamang noon o sumasakay sa kabayo o bisikleta patungo sa trabaho, ay maaaring mananghalian sa isang ibayo ng Atlantic Ocean at pagkatapos ay sumakay sa eroplano upang maghapunan naman sa kabilang ibayo!

Nagkaroon na rin ng di-napapansing mga pagbabago sa opisina alang-alang sa bilis at produksiyon. Ang mga makinilya at tradisyunal na koreo ay pinalitan na ng mga computer, fax machine, at E-mail. Dahil sa mga notebook computer, cellular phone, at mga pager, ang lugar ng trabaho ay umabot na sa loob ng tahanan.

Sabihin pa, walang sinuman sa atin ang makapagpapabagal sa bumibilis na takbo ng daigdig. Gayunman, maaari tayong gumawa ng mga personal na pagbabago na magpapangyaring magkaroon tayo ng isang mas kalmado at timbang na buhay. Ngunit bago natin isaalang-alang ang bagay na ito, suriin muna natin ang ilan sa mga epekto na maaaring idulot ng mabilis na takbo ng buhay sa ngayon sa bawat isa sa atin at sa lipunan sa kabuuan.

[Talababa]

a Ang namamalaging pagkapagod ay maaari ring idinulot o pinalalala ng ilang salik bukod pa sa pang-araw-araw na mga tensiyon. Maaaring kabilang sa mga sanhi ang mga problema sa pisikal na kalusugan, hindi sapat na pagkain, gamot, polusyong kemikal, mga problema sa isip at emosyon, katandaan, o kombinasyon ng mga salik na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share