Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/22 p. 3-4
  • Isang Negosyo na may Malaon Nang Kasaysayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Negosyo na may Malaon Nang Kasaysayan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Seguro?
  • Ang mga Pinagmulan ng Seguro
  • Ang Seguro sa Ngayon
  • Kailangan Mo ba ng Seguro?
    Gumising!—2001
  • Ang Seguro na Kailangan ng Lahat
    Gumising!—2001
  • Sisirain Kaya ng Kasakiman ang Industriya ng Seguro?
    Gumising!—1988
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/22 p. 3-4

Isang Negosyo na may Malaon Nang Kasaysayan

Ang karpinterya ni John ang pinakamainam ang pagkakatayo at pinakamaraming kagamitan sa kaniyang pamayanan. Ito ang kaniyang ipinagmamalaki at kagalakan. Subalit isang gabi ay nagkaroon ng sunog. Sa loob ng ilang oras, ang kaniyang napakagandang karpinterya ay nauwi sa abo.

BAGO nito, naisip ni John ang tungkol sa pagbili ng seguro sa sunog sa pamamagitan ng ilan sa pondo na ginamit niya sa pagpapatayo ng kaniyang karpinterya. Gayunman, nangatuwiran siya: ‘Napakaingat ko. At kung hindi ako kailanman masunugan, magiging pagsasayang lamang ng pera ang seguro.’ Subalit nagkasunog. Kung nakaseguro sana ang karpinterya ni John, malamang na maipatatayo niya itong muli. Kung walang seguro, hindi niya ito magagawa.

Ano ba ang Seguro?

Ang seguro ay hindi naman isang pamumuhunan kung saan ang isa ay makaaasang maibabalik ang pera niya. Hindi rin ito sugal. Ang sugarol ay nakikipagsapalaran, samantalang ang seguro ay nag-aalok ng proteksiyon laban sa umiiral nang mga panganib. Ang seguro ay isang paraan upang ibahagi ang panganib sa iba.

Mula noong sinaunang panahon, nag-aambagan ang mga pamayanan ng ilan sa kanilang mga tinatangkilik upang tulungan ang mga indibiduwal na dumanas ng kawalan. Mga 3,500 taon na ang nakalipas, tinagubilinan ni Moises ang bansang Israel na mag-abuloy sa pana-panahon ng isang bahagi ng kanilang ani para sa ‘naninirahang dayuhan at batang lalaking walang ama at babaing balo.’​—Deuteronomio 14:28, 29.

Ang mga Pinagmulan ng Seguro

Ang seguro ay umiral na sa loob ng libu-libong taon. Isang anyo ng seguro sa pangungutang ang kabilang sa Kodigo ni Hammurabi, isang koleksiyon ng mga batas sa Babilonya na sinasabing nauna pa sa Kautusan ni Moises. Upang tustusan ang kanilang mga ekspedisyon sa kalakalan noong sinaunang panahon, ang mga may-ari ng barko ay nangutang sa mga mamumuhunan. Kapag nawasak ang isang barko, ang mga may-ari ay walang pananagutang bayaran ang mga utang. Yamang maraming barko ang ligtas na nakabalik, ang interes na ibinayad ng maraming may-ari ng barko ay sapat upang mabayaran ang mga nagpautang.

Ang paglalayag din sa dagat ang dahilan kung bakit lumitaw noong dakong huli ang isa sa pinakabantog na tagapaglaan ng seguro sa daigdig, ang Lloyd’s of London. Noong 1688, si Edward Lloyd ay namamahala ng isang kapihan kung saan nagtatagpo at nangangalakal sa impormal na paraan ang mga negosyante at mga may-ari ng bangko sa London. Doon ay isinusulat ng mga mamumuhunan na nag-aalok sa mga maglalakbay-dagat ng mga kontrata sa seguro ang kanilang mga pangalan sa ilalim ng espesipikong antas ng panganib na tatanggapin nila bilang kapalit ng isang kabayaran, o hulog sa seguro (premium). Ang mga tauhan ng seguro ay nakilala bilang mga underwriter o lisensiyadong mga ahente. Sa wakas, noong 1769, ang Lloyd’s ay naging isang pormal na pangkat ng mga ahente sa seguro na nang maglaon ay naging ang pinakamahusay na paseguruhan para sa mga panganib na nauugnay sa paglalakbay sa dagat.

Ang Seguro sa Ngayon

Kapag ang mga tao’y bumibili ng seguro sa ngayon, ibinabahagi pa rin nila ang kanilang panganib. Pinag-aaralan ng makabagong mga kompanya ng seguro ang mga estadistika na nagpapakita sa dalas ng nakalipas na mga pagkalugi​—halimbawa, mga pagkalugi mula sa mga sunog sa talyer​—upang subuking hulaan kung anong mga pagkalugi ang mararanasan ng kanilang mga kliyente sa hinaharap. Ginagamit ng kompanya ng seguro ang mga salaping ibinayad ng maraming kliyente upang bayaran ang mga kliyenteng dumanas ng pagkalugi.

Kailangan mo ba ng seguro? Kung oo, anong uri ng seguro ang nababagay sa iyong kalagayan? At kung ikaw man ay may seguro o wala, anong mga pag-iingat ang makatutulong sa iyo upang matagumpay mong makaharap ang mga panganib sa buhay?

[Larawan sa pahina 3]

Ang isa sa pinakabantog na mga tagapaglaan ng seguro sa daigdig ay nagsimula sa isang kapihan

[Credit Line]

Courtesy of Lloyd’s of London

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share