Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/22 p. 8-10
  • Ang Seguro na Kailangan ng Lahat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Seguro na Kailangan ng Lahat
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isipin ang Hinaharap
  • Maging Palaisip Hinggil sa Kaligtasan
  • Ingatan ang Iyong Kalusugan
  • Isang Mahalagang Uri ng Seguro
  • Kailangan Mo ba ng Seguro?
    Gumising!—2001
  • Isang Negosyo na may Malaon Nang Kasaysayan
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Sisirain Kaya ng Kasakiman ang Industriya ng Seguro?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/22 p. 8-10

Ang Seguro na Kailangan ng Lahat

KARANIWAN man o walang seguro kung saan ka nakatira, may isang uri ng seguro na makukuha at dapat kunin ng lahat. Yamang ang “seguro” ay maaaring tumukoy sa “isang paraan ng paggarantiya sa proteksiyon o kaligtasan,” paano ka makakakuha ng gayong uri ng seguro?

Magagawa mo ito sa pagkuha ng praktikal na mga hakbang upang bawasan ang mga panganib na napapaharap sa iyo. Ang Bibliya ay nagsasabi na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay nakaaapekto sa lahat. (Eclesiastes 9:11) Gayunman, sa pamamagitan ng pag-iwas sa di-kinakailangang mga panganib, nababawasan ang posibilidad na dumanas ng pinsala o kawalan.

Isipin ang Hinaharap

Ang pagpapamalas ng praktikal na karunungan ay isang proteksiyon. Sa panahon ng maituturing na kasaganaan sa kabuhayan, baka posibleng mag-impok para sa tag-ulan​—isang panahon ng pangangailangan. Noong sinaunang panahon, ang lalaking may-takot sa Diyos na si Jose ay nakilala bilang “isang lalaking maingat at marunong” sa pamamagitan ng pag-iimbak ng mga pagkain para sa buong lupain ng Ehipto sa panahon ng kasaganaan. Nang ang lupain ay dumanas ng tagtuyot noong dakong huli, ang ginawa ni Jose ay naglaan hindi lamang sa mga Ehipsiyo kundi rin naman sa kaniyang sariling pamilya.​—Genesis 41:33-36.

Maaari ring magsilbing isang proteksiyon ang pagiging katamtaman sa ating pagkonsumo. Makapagtitipid tayo ng salapi at mababawasan natin ang kaigtingan sa pamamagitan ng hindi palaging paghahangad ng pinakabagong kagamitan, moda, o paglilibang​—isang landasin na kaunti o walang maidaragdag sa ating tunay na katiwasayan. Ang totoo, gaya ng nabanggit na, mientras mas maraming materyal na mga tinataglay ang isang tao, mas malaki ang posibilidad na manakawan o mawalan.​—Lucas 12:15.

Maging Palaisip Hinggil sa Kaligtasan

Mababawasan natin ang karamihan ng panganib sa buhay sa basta pagiging palaisip sa kaligtasan. Gaano karaming kalunus-lunos na aksidente sa kotse ang maaari sanang naiwasan kung ang lahat ay nagmamaneho nang maingat at sa ligtas na bilis? Isipin din kung gaano karaming buhay ang maililigtas kung walang nagmamaneho na hapung-hapo o nakainom ng alak. May iba pang mga panganib sa pagmamaneho na maaari nating mabawasan.

Halimbawa, sa ilang bansa ay ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng cellular na telepono habang nagmamaneho. Ang isang pagsusuri ay naghinuha na ang paggamit nito ay apat na ulit na nakadaragdag sa panganib na maaksidente. Iyan ay kasintaas ng panganib sa aksidente na gaya ng pagmamaneho na may 0.1 porsiyentong antas ng alkohol sa dugo, ang punto na sa maraming lugar ang gayong tao ay legal na itinuturing na lubhang lasing upang magmaneho.

Ang laging paggamit ng mga sinturong pangkaligtasan ay nakababawas din sa panganib ng kamatayan para sa mga drayber at mga pasahero. Subalit huwag kailanman akalain na ang pagkakaroon ng gayong aparatong pangkaligtasan gaya ng mga sinturong pangkaligtasan at mga air bag o ang pagkakaroon ng seguro ay nangangahulugang maaari ka nang makipagsapalaran. Ipinakikita ng pananaliksik na ang gayong pag-iisip ay humahantong sa mas maraming aksidente.

Ang pagiging palaisip sa kaligtasan ay mabuti ring seguro sa loob ng tahanan at sa lugar ng trabaho. Ang iyo bang tirahan at lugar ng trabaho ay maayos at walang mga panganib? Tumingin ka sa paligid. Mayroon bang anumang bagay sa daanan na doo’y maaaring mapatid ang mga tao? May matatalas na bagay ba o maiinit na kagamitan​—mga kalan, pang-init, plantsa​—kung saan maaaring masugatan o mapasò ang mga tao? Mayroon bang natipong mga papel o iba pang mga bagay na madaling magliyab? Maging alisto lalo na sa mga panganib sa mga bata. Halimbawa, ang mga inumin bang nakalalasing at lahat ng nakalalasong mga produktong panlinis ay nakalagay sa lugar na hindi maaabot ng mga bata?

Ingatan ang Iyong Kalusugan

Sa pagiging palaisip sa iyong kalusugan sa isang makatuwirang paraan, mababawasan mo ang panganib sa karamdaman. May kinalaman sa bagay na ito, ang kaalaman ay maaaring maging isang anyo ng seguro. Alamin ang mga panganib sa iyong kalusugan, at kumilos kaagad kapag nagkaroon ng mga problema sa kalusugan. Higit na mahalaga, alamin kung paano pananatilihin ang iyong kalusugan at yaong sa iyong pamilya. Tandaan ang matandang kasabihang: “Ang pag-iingat ay mas mabuti kaysa paggamot.”

Ang Gumising! ay malaon nang nagbibigay ng impormasyon na humihimok sa mga tao na mamuhay na kasuwato ng mga simulain sa Bibliya at sa gayon ay maiwasan ang mga kaugalian at mga istilo ng pamumuhay na nakapipinsala sa kalusugan. Halimbawa, kabilang sa maraming paksa na tinalakay sa Gumising! ang tungkol sa kahalagahan ng kalinisan, tamang pagkain, sapat na pagtulog, at regular na ehersisyo at gayundin ang pangangailangang kontrolin ang kaigtingan at takbo ng buhay.

Isang Mahalagang Uri ng Seguro

Sa di-sakdal na daigdig na ito, ang seguro ay maaaring maging isang napakapraktikal na kasangkapan, subalit walang polisa ng seguro ang makapagbibigay sa atin ng lubusang proteksiyon o ganap na makababayad para sa ating mga kawalan. Subalit, mayroon man silang makukuhang seguro o wala, may mga taong nagtitiwala na hindi sila pababayaan. Bakit? Sapagkat kapag humampas ang mga sakuna, ginagawa ng mga tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo​—yaong mga naglilingkod sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova​—ang lahat ng kanilang magagawa upang pagaanin ang mga pasanin ng bawat isa.​—Awit 83:18; Santiago 2:15-17; 1 Juan 3:16-18.

Bukod pa riyan, si Jehova mismo ay nangangako na hindi niya kailanman iiwan ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ang isang salmista ng Bibliya ay sumulat: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Bilang ang Bukal ng buhay, kayang buhaying-muli ni Jehova yaong mga namatay, at ayon sa Bibliya, binigyan niya ng kapangyarihan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ibangon ang mga patay. (Awit 36:9; Juan 6:40, 44) Gayunman, ipinakikita ng Salita ng Diyos na hindi lahat ay bubuhaying-muli. (Juan 17:12) Kung gayon, paano natin matitiyak na maaalaala tayo ng Diyos sa pagkabuhay-muli?

Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus, sa diwa, ang tungkol sa pinakamapananaligang uri ng seguro. Sinabi niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”​—Mateo 6:19-21.

Kadalasang ang mga tao’y nag-iisip na magtipon ng pera sa pag-asang ito’y magbibigay sa kanila ng katiyakan sa isang mas maginhawang buhay pagtanda nila. Gayunman, ipinakilala ni Jesus ang isang mas ligtas na uri ng seguro. Ang halaga nito ay di-mataya, at hindi ito kailanman mabibigo! Siya’y nagpaliwanag: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak at pagkakapit sa ating buhay ng ating natutuhan, gagawa tayo ng isang mabuting rekord sa Diyos. (Hebreo 6:10) Idiniin kapuwa nina apostol Pedro at Juan, na ibinabatay ang kanilang mga paniniwala sa turo ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, na magwawakas ang kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao. Gayunman, ipinaliwanag ni Juan: “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17; Mateo 24:3, 14; 2 Pedro 3:7, 13.

Tayo’y makapagtitiwala na kung paglilingkuran natin ang Diyos at mamatay, tayo ay kaniyang bubuhaying-muli o na kung tayo’y mabubuhay hanggang sa panahon na wakasan niya ang sistemang ito ng mga bagay, iingatan niya tayong buháy tungo sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Oo, ang pangako ng Diyos ay “papahirin ang bawat luha sa [ating] mga mata” at gagawing “bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:4, 5) Ang paglilingkod sa Diyos at pagtitiwala sa kaniyang mga pangako ang tunay na pinakamagaling sa lahat ng seguro. At ito’y makukuha ng lahat.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ang pagiging palaisip sa kaligtasan at kalusugan ay isang uri ng seguro

[Larawan sa pahina 10]

Ang pag-alam tungkol sa Diyos at ang paggawa ng kaniyang kalooban ang pinakamabuting seguro para sa hinaharap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share