Kailangan Mo ba ng Seguro?
SA IBANG lupain ang ilang uri ng seguro ay sapilitan. Sa iba naman, ang karamihang uri ng seguro ay halos hindi kilala. Karagdagan pa, ang halaga ng seguro at ang uri ng saklaw nito ay lubhang nagkakaiba sa bawat bansa. Subalit ang pangunahing simulain ng seguro—ang pagbahagi ng panganib—ay gayon pa rin.
Natural, mientras mas maraming pag-aari ang isang tao, mas marami ang maaaring mawala sa kaniya. Sa katulad na paraan, mientras mas maraming pananagutang pampamilya ang isang tao, mas malaki ang epekto nito kung siya ay mamatay o magkaroon ng kapansanan sa katawan. Ang pagkakaroon ng seguro ay nakababawas sa pangamba ng isa sa posibilidad na mawalan ng pag-aari o magkaroon ng kapansanan dahil sa aksidente.
Gayunman, matalino bang gumastos ng salapi sa seguro kahit na hindi ka kailanman kukuha ng bayad-pinsala? Buweno, ang pagkakaroon ba ng reserbang gulong sa kotse ay isang pag-aaksaya, kahit na kung ang gulong ay hindi kailanman kakailanganin? Nagiging sulit ang gastos para sa ekstrang gulong dahil sa kapanatagang nadarama ng drayber ng kotse. Bagaman ang salaping bayad-pinsala ay hindi makapagtatakip sa ilang kawalan, maaari itong makapagtakip sa ibang kawalan.
Anu-anong uri ng pagkalugi ang saklaw ng mga polisa sa seguro?
Mga Uri ng Seguro
Karamihan sa seguro na binibili ng mga indibiduwal ay mauuri sa seguro sa ari-arian, bayarin, kalusugan, kapansanan, at sa buhay.
Seguro sa ari-arian: Ang pagkuha ng seguro laban sa pagkawala ng ari-arian—bahay, negosyo, kotse, o iba pang tinatangkilik—ay kabilang sa pinakakaraniwang anyo ng paghahanda sa posibleng panganib. Ito ang seguro na naipasiya ni John, nabanggit sa naunang artikulo, na hindi bibilhin para sa kaniyang karpinterya at mga kagamitan.
Kabilang sa saklaw ng ilang polisa ng seguro sa bahay ang ilang bagay na nasa loob ng bahay. Kung ito ang uri na binibili mo, makabubuting gumawa ng imbentaryo ng iyong mga tinatangkilik sa bahay na saklaw ng seguro at kung maaari pati mga litrato o videotape ng mga bagay na ito. Ang imbentaryong ito pati na ang anumang pagtasa o resibo ng pagbili sa mga bagay na iyon ay dapat na ingatan sa isang ligtas na lugar na hindi sa iyong bahay. Mas mapadadali ng mga rekord na ito ang pagtaya ng kukuning bayad-pinsala.
Seguro sa bayarin: Ang sinuman na nagmamaneho ng kotse, nagmamay-ari ng bahay o iba pang bahay at lupa, namamahala ng negosyo, o nagpapatrabaho sa iba ay may kaakibat na panganib na bayarin sa isang aksidente. At ang aksidenteng iyon ay maaaring magbunga ng pinsala sa ari-arian o pinsala o kamatayan ng ibang tao. Ang drayber ng kotse o ang may-ari ng ari-arian o ng isang negosyo ay maaaring managot sa pagbabayad para sa pagkumpuni ng ari-arian o para sa pagpapagamot o maging sa kirot at pagdurusa ng iba. Sa maraming bansa, ang mga amo at mga drayber ay hinihilingan ng batas na magkaroon ng seguro sa bayarin na tutulong sa pagbabayad ng mga gastusing ito. Kahit na hindi isang kahilingan ng batas ang seguro, ang isang drayber, may-ari ng ari-arian, o amo ay maaaring managot sa legal at moral na paraan na tulungan ang mga biktima ng isang aksidente o ang kani-kanilang pamilya.
Seguro sa kalusugan: Maraming bansa ang may anyo ng seguro na itinataguyod ng pamahalaan na naglalaan ng mga benepisyong gaya ng pensiyon para sa mga mamamayang may-edad na at medikal na pangangalaga. Gayunman, kahit na sa ganitong kalagayan, ang seguro ay maaaring magbayad ng isang bahagi lamang ng mga gastusin sa paggamot o maaaring bayaran lamang ang ilan. Kaya, ang ilang indibiduwal ay kumukuha ng karagdagang personal na seguro upang tulungan silang mabayaran ang natitirang gastusin. Sa maraming lugar ang mga manggagawa ay maaaring tumatanggap ng seguro sa kalusugan bilang isang kondisyon sa kanilang trabaho.
Ang ilan sa mga programa ng pangangalagang-pangkalusugan, kasali na ang mga kaayusan sa pangangasiwa ng pangangalaga at mga health maintenance organization (HMO), ay naglalaan ng komprehensibong pangangalagang medikal kapalit ng isang takdang buwanan o taunang bayad. Sinisikap ng mga organisasyong ito na ibaba ang halaga sa pamamagitan ng paglalaan ng hindi gaanong magastos na pangangalagang medikal at sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pananggalang na medisina. Gayunman, sa isang HMO, mas limitado ang pagpili ng isang pasyente ng mga doktor o paggamot kaysa sa matagal nang umiiral na mga seguro sa kalusugan.
Seguro sa kapansanan at seguro sa buhay: Ang seguro sa kapansanan ay naglalaan ng kita kung ang isang tao ay napinsala at hindi makapagtrabaho. Ang seguro sa buhay ay naglalaan ng pinansiyal na tulong sa mga umaasa sa isang tao sakali mang siya’y mamatay. Ang gayong seguro ay nagpapangyari sa maraming pamilya na mabayaran ang mga pagkakautang at magpatuloy sa kanilang rutin ng buhay pagkatapos ng pinsala o kamatayan ng naghahanap-buhay para sa kanila.
Paghanap ng Mapananaligang mga Ahente ng Seguro
Ang seguro ay salig sa ideyang pagbabayad ng salapi ngayon para sa pinansiyal na proteksiyon sa hinaharap, kaya hindi kataka-taka na ang industriya ng seguro ay umaakit ng maraming manggagantso. Totoo ito sa maunlad at papaunlad na mga ekonomiya. Kaya, matalinong mag-ingat sa tinatawag na murang seguro at maging alisto sa anumang kahina-hinalang pakana sa seguro. Napakaraming umaasang tao na bumili ng seguro ang walang nahita nang hindi bayaran ng mga kompanyang ito ang kanilang mga polisa—o biglang naglaho na lamang!
Kaya, gaya ng anumang iba pang mahalagang pagbili, makabubuting paghambingin ang iba’t ibang kompanya ng seguro, at kadalasang nakatitipid ng salapi dahil dito. Halimbawa, ang ilang kompanya ay nag-aalok ng mas mababang halaga ng seguro sa kalusugan sa mga hindi naninigarilyo at ng seguro sa kotse sa mga nakapasa sa mga kurso sa pag-aaral na magmaneho. Subalit paano makahahanap ng mapananaligang seguro ang isang potensiyal na bibili ng seguro?
Ang unang hakbang ay maaaring ang pag-alam kung ano ang naranasan ng iba sa iba’t ibang kompanya at mga ahente ng seguro. Maaaring may nalalaman ang inyong mga kaibigan at mga kapitbahay tungkol sa kalidad ng serbisyo ng kompanya o ang reputasyon ng ahente ng seguro may kinalaman sa katapatan at personal na pagmamalasakit. Makabubuti ring manatiling alisto sa mga balita na nagpapahiwatig kung aling mga kompanya ng seguro ang nagkakaproblema.
Bukod pa riyan, ang rekord at pinansiyal na kalagayan ng isang kompanya ay maaaring suriin sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga giya sa pagtaya ng seguro na masusumpungan sa isang aklatan o tindahan ng aklat o sa Internet. Ang mga ito ay maaaring magbigay ng mga kasagutan sa mga tanong na gaya ng: Matatag ba sa pinansiyal na paraan ang kompanya? Matagumpay ba ito sa negosyo sa loob ng maraming taon? Kilala ba ito sa mabilis at maayos na pag-aasikaso ng mga bayad-pinsala?
Gayunman, ang mga giya sa pagtaya ng seguro ay hindi dapat ituring na di-nagkakamali. Isang matagal nang naitatag at multibilyong-dolyar na kompanya ng seguro ang kinailangang pangasiwaan ng gobyerno isang linggo lamang pagkatapos na ito ay tayahin na napakahusay sa isang kilalang handbuk!
Ang Papel ng mga Ahente ng Seguro
Ang isang ahente ng seguro ay karaniwang nakatalaga sa isang partikular na kompanya ng seguro. Ang isang broker, o malayang ahente, ay maaaring sumangguni sa iba’t ibang kompanya upang makasumpong ng pinakamagaling na seguro para sa isang espesipikong halaga. Kailangang panatilihin nila kapuwa ang isang mabuting kaugnayan sa mga kliyente upang mapanatili nila ang kanilang negosyo. Kapag mapagkakatiwalaan at nagmamalasakit ang isang ahente ng seguro, malaking tulong siya sa kaniyang mga kliyente.
Una, ang isang mahusay na ahente o broker ay makatutulong sa isang kliyente na pumili ng angkop na saklaw ng seguro mula sa tila walang-katapusang listahan ng mga mapagpipiliang seguro. Ipaliliwanag din niya ang mga detalye ng polisa sa kaniyang kliyente. Gaya ng nalalaman ng marami, lubhang masalimuot ang mga polisa ng seguro. Inamin ng presidente ng isang kompanya ng seguro na hindi niya nauunawaan ang mga bahagi ng polisa ng seguro na binili niya para sa kaniyang bahay!
Ang paliwanag ng ahente ay makatutulong na maiwasan ng kliyente ang di-kanais-nais na mga biglaang pangyayari. Halimbawa, karamihan ng mga polisa sa seguro sa ari-arian at sa kalusugan ay may babawasin (deductible). Ito ay isang takdang halaga na dapat bayaran ng taong nakaseguro—halimbawa, para sa mga pagpapakumpuni ng kotse o mga bayarin sa paggamot—bago bayaran ng kompanya ng seguro ang bahagi nito sa isang bayad-pinsala. Ang ahente ay maaari ring maging tagapagtanggol ng kaniyang kliyente sa kompanya ng seguro sakaling ang kliyente ay nahihirapan sa pagkuha ng kabayaran.
Seguro at mga Kristiyano
Kailangan ba ng isang Kristiyano na nagtitiwala sa tulong ng Diyos at umaasa sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay ang seguro? Noong taóng 1910, itinanong ito ng ilan kay Charles Taze Russell, patnugot ng magasing kilala ngayon bilang Ang Bantayan, ang kasamang magasin ng Gumising! Kinilala ni Russell na inihuhula ng Bibliya ang wakas ng kasalukuyang sistemang pangkabuhayan, at idinagdag pa niya na siya mismo ay walang seguro sa buhay.
“Gayunpaman, iba-iba ang kalagayan nating lahat,” ang sabi ni Russell. “Ang isang ama na may umaasang asawa’t mga anak—kung ang huling banggit ay mga bata pa at hindi pa makapagtatrabaho—ay may pananagutan sa kanila.” (1 Timoteo 5:8) Ang isang tao ay maaaring magtabi ng salapi upang tustusan ang kaniyang pamilya, sabi ni Russell. “Subalit sakaling hindi niya magawa ito, maaari niyang tuparin ang kaniyang tungkulin sa kanila sa pamamagitan ng seguro sa buhay.”
Ang isa na may pampamilyang pananagutan ay maaari ring maglaan ng seguro sa kalusugan, kapansanan, at iba pang uri ng seguro para sa mga miyembro nito. Maraming indibiduwal na walang asawa ang kumukuha ng seguro upang maging madali ang pagkuha ng kinakailangang serbisyo at gayundin upang protektahan ang kanilang sarili sa pagkakautang sakaling maaksidente o magkasakit.
Mahalaga ang pagkamatapat may kinalaman sa seguro. Tunay na hindi kailanman dadayain ng isang tunay na Kristiyano ang isang kompanya ng seguro, sa pagsagot sa isang aplikasyon sa seguro o sa pagkuha man ng bayad-pinsala. (Hebreo 13:18) Dapat niyang isaisip na ang layunin ng seguro ay magbayad para sa pagkalugi. Hindi ito isang tiket sa loterya—isang pagkakataon para mamuhay nang maluho.—1 Corinto 6:10.
Sinusunod ng mga Kristiyano ang lahat ng batas na nauugnay sa mga kahilingang gaya ng pagkuha ng seguro. Kung sinasabi ng batas na dapat magkaroon ng tamang seguro upang magpatakbo ng isang negosyo o magmaneho ng isang kotse, sila’y sumusunod. (Roma 13:5-7) Ang pagkamatapat at praktikal na karunungan din ay humihiling na patuloy na bayaran ang seguro. Kapag hindi nagbabayad, maaaring kanselahin ng kompanya ang polisa at hindi na babayaran ang bayad-pinsala. Isang katalinuhan na alamin ang hinggil sa mga ibinabayad sa pana-panahon sa pamamagitan ng tuwirang pag-alam sa kompanya at ingatan ang nasusulat na katunayan ng pagbabayad, gaya ng tsekeng tinatakan ng bangko bilang katunayan na ikaw ay nagbayad.
Mayroon mang makukuhang seguro o wala man nito sa inyong lugar, may pangunahing mga pag-iingat na makatutulong sa iyo upang maiwasan ang pagkalugi at sa gayo’y maiwasan mo at ng mga mahal mo sa buhay ang pighati na hindi maaalis ng anumang bayad-pinsala ng seguro. Susunod nating isasaalang-alang ang ilan sa mga pag-iingat na ito.
[Larawan sa pahina 7]
Ang isang mapagkakatiwalaang ahente ay makatutulong sa iyo na magpasiya may kinalaman sa seguro
[Larawan sa pahina 7]
Marami ang may seguro, ito man ay hinihiling ng batas o hindi