Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/22 p. 16-19
  • Ang Eukalipto—Gaano ba Kapaki-pakinabang Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Eukalipto—Gaano ba Kapaki-pakinabang Ito?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Emperador, at Isang Doktor
  • Isang Punungkahoy ng Buhay
  • Kino, Langis, at Tannin
  • Tahanan ng Maseselang Manginginain
  • Mga Bushfire at Pagtubong-Muli
  • Isang Punungkahoy na Dapat Pahalagahan
  • Nabighani ng Masarap Yapusing Koala
    Gumising!—1991
  • Ang Kahanga-hangang mga Marsupial na Iyon Buhat sa Bansa sa Ilalim
    Gumising!—1992
  • “Iniibig Ko ang Diyos. Ginawa Niya ang Punong Ito”
    Gumising!—1988
  • Ang Kahanga-hangang “Puno ng Buhay” ng Aprika
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/22 p. 16-19

Ang Eukalipto​—Gaano ba Kapaki-pakinabang Ito?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG ilan ay matatayog​—mahigit sa 90 metro ang taas​—na kabilang sa itinuturing na pinakamatataas sa daigdig. Ang iba ay maliliit at pilipit, na nakatungo sa tigang na lupa. Ang kanilang mga dahon ay isang kamangha-manghang disenyo, at ang kanilang mga bulaklak ay nakalulugod pagmasdan. Sa paanuman ay malamang na nakagamit ka na mismo ng bahagi ng punungkahoy na ito.

Ang ilan ay may kilalang mga pangalan na gaya ng alpine ash at Tasmanian oak, ngunit ang karamihan ay kilala lamang bilang ang karaniwang gum tree. Subalit ang totoo, ang tunay na gum (malagkit na dagta) ay isang sangkap na natutunaw sa tubig na gawa sa mga carbohydrate, at wala nito ang mga eukalipto. Ang totoo, ang pangalang gum tree ay isang maling katawagan. Ang mga punungkahoy na ito ay mas tamang kilalanin bilang uring Eucalyptus, at may mahigit na 600 miyembro sa pamilyang ito ng mga punungkahoy na katutubo sa Australia.

Ang mga eukalipto ay nabubuhay sa mainit na tropiko sa Northern Territory ng Australia at gayundin sa tigang na kapatagan ng liblib na mga lugar. Ngunit dumarami rin ang mga ito sa kabila ng hangin mula sa Antartiko sa timugang Tasmania at ng mahamog na mga kalagayan ng mga kabundukan sa tabing dagat. Napakalaganap ng mga ito kung kaya isang manggagalugad at soologo noong ika-19 na siglo ang nakapagsabi: “Ang tanging nakikita namin sa tanawin ay ang walang katapusang mga gum tree: wala man lamang bahagyang pagbabago sa mga dahon kahit sa milya-milyang kahabaan ng mga ito.”

Mula nang dumagsa ang mga naninirahang taga-Europa sa Australia noong ika-19 na siglo, ang eukalipto ay dumanas ng maraming pinsala. Tinatayang 300,000 kilometro kudrado ng mga punungkahoy na ito ang binunot sa mga ugat dahil ang mga punungkahoy na ito ay itinuring na sagabal sa pag-unlad. Gayunman, hindi naman lahat ay nagpakita ng gayong pagwawalang-bahala sa mahalagang yaman na ito. Noong ika-19 na siglo, sinimulan ng pamilya ng eukalipto ang kanilang paglaganap sa daigdig.

Isang Emperador, at Isang Doktor

Noong dekada ng 1880, si Emperador Menelik II ng Abyssinia, na tinatawag ngayong Etiopia, ay nangailangan ng mga punungkahoy na malilim at laging mapagkukunan ng panggatong para sa kaniyang tigang na bagong kabiserang lunsod, ang Addis Ababa. Walang katutubong punungkahoy sa Aprika ang nasumpungang angkop para sa kinalbong lugar na ito. Kaya ang mga dalubhasa ng emperador ay humanap sa ibang lugar ng punungkahoy na tumutubo sa ilalim ng nakapapasong sikat ng araw na gaya ng sa kanila. Ang “Addis Ababa” ay nangangahulugang “Bagong Bulaklak,” at ang pangalang ito ay malamang na ibinigay bilang parangal sa eukalipto, isang kapaki-pakinabang na angkat na gumanap ng mahalagang papel sa kabuhayan ng Etiopia.

Ang isa pang tao na nakatulong sa makabagong pag-aangkat ng eukalipto ay si Dr. Edmundo Navarro de Andrade. Palibhasa’y determinado na muling pakapalin ang lumiliit na mga kagubatan ng Brazil, pinasimulan niya noong 1910 na mag-angkat ng mga eukalipto mula sa Australia. Siya ang nanguna sa pagtatanim ng 38 milyon nito. Sa ngayon ay may mahigit sa dalawang bilyong eukalipto na inaalagaan sa Brazil.

Kaya, bukod pa sa likas nitong mga maulang kagubatan, ang Brazil ang may pinakamaraming eukalipto sa labas ng Australia. Ang naging mga pakinabang nito sa kabuhayan ng Brazil ay gayon na lamang anupat dahil sa pagdadala ng mahalagang bagay na ito sa kaniyang bansa, si Dr. Navarro ay pinagkalooban ng isang pantanging medalya para sa katangi-tanging paglilingkod.

Isang Punungkahoy ng Buhay

Kinukuha ng ilang mga eukalipto, gaya ng mga mallee, ang lahat ng maaaring makuha ng mga ito sa tigang na lupa sa pamamagitan ng pag-iimbak ng maraming tubig sa kanilang mga ugat. Ang mga Aborigine sa Australia at ang sinaunang mga manggagalugad ay nabuhay sa tigang na ilang na ito sa pamamagitan ng pag-inom mula sa mga sisidlang ito ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang mahahabang ugat sa gawing ibabaw ay hinuhukay at pinuputol sa maliliit na piraso. Kapag hinipan ang dulo ng isang piraso nito, mapalalabas mula rito ang mapusyaw na kulay-kapeng dagta. Bagaman hindi isang masarap na inumin, tinatayang 1.5 litro ng nagliligtas-buhay na likido nito ang maaaring makuha mula sa isang 9-na-metrong ugat.

Ang ibang miyembro ng pamilyang ito ay nabubuhay sa latian, na may-kasabikang sinisipsip ang tubig mula sa basang lupa. Ang kakayahang ito ay pinakinabangan ng mga Italyano, na gumamit sa eukalipto na nabubuhay sa latian upang tumulong na tuyuin ang dating pinamumugaran ng lamok na mga latian sa Pontine. Ang lugar na ito ay isa na ngayong mabungang bukirin.

Mahigit na 50 bansa sa palibot ng Aprika, Amerika, Asia, at Europa ang gumagamit ng mga eukalipto dahil sa kahalagahan ng mga ito sa komersiyo at kagandahan. Pinahahalagahan ng mga gumagawa ng muwebles ang matingkad na pula at manilaw-nilaw na kayumangging kahoy ng mga ito. Sinasabi ng isang awtoridad: “Ang mga eukalipto ang pinagmumulan ng ilan sa pinakamabibigat, pinakamatitigas at pinakamatitibay na kahoy na nakilala. Ang kalidad ng kahoy, lakip na ang mabilis na paglaki nito . . . , ay nagpapangyari sa uring ito na maging ang pinakamahalagang pinagmumulan ng matigas na kahoy sa daigdig.”

Ang mga uri ng punungkahoy na ito na hindi tinatagusan ng tubig ay ginagamit sa paggawa ng mga barko, piyer sa dagat, poste ng telepono, bakod, at mga blokeng pansahig. Isa pa, ang magagandang bulaklak na gum-nut sa mga uri na kilala bilang yellow box at ironbark ay naglalabas ng matamis na nektar, na ginagawa ng mga bubuyog na maging masarap na pulot-pukyutan. Sa nakalipas na mga taon, 4.5 milyong tonelada ng mga piraso ng kahoy ng eukalipto ang iniluwas mula sa Australia, na kumita ng $250 milyon bawat taon.

Kino, Langis, at Tannin

Isang kulay-dugo at tulad-dagta na sangkap na tinatawag na kino ang kumakatas mula sa balat at kahoy ng eukalipto. Ang ilang uri ng kino ay ginagamit upang ipagsanggalang ang kahoy mula sa mga shipworm. Ginagamit din ang kino sa paggawa ng gamot na umaampat ng pagdurugo. Ang balat ng ibang uri ay naglalabas ng tannin, na ginagamit sa pagkukulti ng katad at sa pagtitina ng mga tela.

Ang mga dahon ay isang kamangha-manghang disenyo at isang imbakan ng mahalagang langis. Nakalaylay ang mga ito gaya ng nakalawit na mga daliri sa isang nanlalambot na kamay, na ang mga dulo nito ay nakaturo sa pinakapuno ng kahoy. Ang disenyong ito ay tumutulong sa mga dahon na magsilbing gaya ng isang malaking imbudo. Ang mahalagang halumigmig ay nasasalo sa ibabaw ng mga dahon, at pagkatapos ay tumutulo ito mula sa tila-katad na mga dulo nito tungo sa naghihintay na sistema ng ugat.

Ang langis ng eukalipto, na nagtataglay ng matapang at nakapagpapalakas na bango, ay kinakatas mula sa dahon sa pamamagitan ng proseso ng pagpapasingaw at distilasyon. Halimbawa, ito’y malawakang ginagamit sa mga produktong pabango, sabon, gamot, minatamis, at mga panlinis. Sa likas na kalagayan nito, ang langis ay sumisingaw mula sa dahon at pinupuno ang hangin ng maliliit na patak na tinatamaan ng sikat ng araw, na nagbibigay sa kagubatan ng eukalipto ng kakaibang asul na kulay. Ang Blue Mountains, na siyang hangganan ng dulong kanlurang bahagi ng lunsod ng Sydney, ay binigyan ng ganitong kakaibang pangalan dahil sa kababalaghang ito.

Tahanan ng Maseselang Manginginain

Ang pinakakilalang naninirahan sa kagubatan ng eukalipto ay ang kabigha-bighaning bolang balahibo na kilala bilang ang koala. Mas gustong kainin ng maselang herbivore na ito ang dulo ng 12 o higit pang uri ng mga dahon ng eukalipto. Ang gayong natatanging pagkain ay ikamamatay ng karamihan sa mga hayop ngunit hindi ng mga koala. Bakit hindi?

Ito’y dahil sa pantanging dinisenyo na sistema ng panunaw ng mga koala, na kalakip ang isang apendiks na isa hanggang dalawang metro ang haba. Kung ihahambing, ang apendiks ng isang tao ay walo hanggang labinlimang sentimetro lamang ang haba. Ang kakaibang apendiks ng koala ay nagpapangyari sa maliit na hayop na ito na kunin mula sa pagkaing ito ang lahat ng protina, carbohydrate, at taba na kailangan nito.

Kinakain din ng isang di-gaanong kilalang katutubo ng Australia, ang pinakamalaki sa mga gliding opossum, ang pantanging pagkain ng koala na mga dahon ng eukalipto. Ang mabalahibong marsupial na ito ay mga kasinlaki ng karaniwang pusa. Mayroon itong malagong buntot na mga 40 sentimetro ang haba at nakalaylay na mga balat sa pagitan ng mga paa nito sa harap at sa likod. Sa paggamit sa malalamáng pakpak na ito, ang isang opussum ay lulundag mula sa isang sanga, lilipad nang hanggang 100 metro at liliko nang 90 digri habang ito’y lumilipad, at pagkatapos ay ligtas na kakapit sa susunod na sanga.

Mga Bushfire at Pagtubong-Muli

Ang mga bushfire (mga sunog sa kakahuyan), gaya ng tawag sa mga ito sa Australia, ay isang banta sa kagubatan ng eukalipto. Gayunman, ang mga punungkahoy na ito ay dinisenyo upang maligtasan ang mga ito. Paano?

Buweno, sa ilalim lamang ng balat ng punungkahoy, sa katawan ng punungkahoy nito at mga sanga, ay ang mga natutulog na mga usbong ng dahon. Kapag nabalatan at natanggalan ng mga dahon ang isang punungkahoy dahil sa sunog, ang mga ito ay umuusbong. Ang nangitim na katawan ng punungkahoy ay binabalutan ng mga ito ng mga sariwang luntiang dahon. Bunga nito, nabubuhay ang orihinal na punungkahoy. Karagdagan pa, kadalasang sinasamantala ng mga binhi ng punungkahoy na natutulog sa lupa ang pagkakataon na umusbong at nagiging isang bagong sibol.

Isang Punungkahoy na Dapat Pahalagahan

Nasubukan mo na bang paginhawahin ang iyong lalamunan sa pamamagitan ng gamot na kinatas mula sa eukalipto o nakatikim ka na ba ng minatamis na gawa sa pulut-pukyutang mula sa eukalipto? Nakasakay ka na ba sa isang bangka na gawa sa kahoy ng punong ito, o nasubukan mo na bang tumira sa bahay na yari sa kahoy ng eukalipto o kaya’y makapagpainit mula sa siga ng kahoy na ito? Malamang na sa paanuman ay nakinabang ka na mula sa kahanga-hangang punungkahoy na ito. Kaya sa susunod na pagkakataong makakita ka ng isang mabalahibong koala​—o humanga sa larawan ng isa nito​—maalaala mo sana ang kahanga-hangang disenyo ng punong ito na siyang tirahan ng mga koala.

Tunay, ang maraming mapaggagamitan at matibay na eukalipto ay isang punungkahoy na maraming pinaggagamitan.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga eukalipto ay kabilang sa itinuturing na pinakamatataas na punungkahoy sa daigdig

[Larawan sa pahina 17]

Ginagamit ng mga bubuyog ang nektar ng eukalipto upang makagawa ng piling pulot-pukyutan

[Larawan sa pahina 18]

Ang mga eukalipto ang “pinagmumulan ng ilan sa pinakamabibigat, pinakamatitigas at pinakamatitibay na kahoy na nakilala”

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang mga koala (kaliwa) at ang gliding opossum (itaas) ay kumakain ng mga dahon ng eukalipto

[Credit Line]

© Alan Root/Okapia/PR

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Geoff Law/The Wilderness Society

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Courtesy of the Mount Annan Botanic Gardens

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share