Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Patuloy na Matuto Habang Ikaw ay Nagkakaedad
  • Pinakahuling Ulat sa Suplay ng Langis sa Daigdig
  • Di-Pormal na Damit​—Di-Seryoso sa Pagtatrabaho?
  • Pinsala ng Baha sa Mozambique
  • Ang mga Baka at ang Greenhouse Gas
  • Pinabulaanan ang Sabi-sabi Hinggil sa Paninigarilyo
  • Sakit na Naililipat ng Pagtatalik at ang mga Bata
  • Ginagamit ang Ulo Nito
  • Mga Magnanakaw ng Kuryente
  • Hindi Man Lamang Hinanap-hanap?
  • Bakit Kailangan ang Bagong Pinagmumulan ng Enerhiya?
    Gumising!—2005
  • “Pumaroon Ka sa Langgam”
    Gumising!—1990
  • Mga Latian ng Daigdig—Sinasalakay na Ekolohikal na mga Yaman
    Gumising!—1994
  • Langis—Paano Tayo Nakakakuha Nito?
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Patuloy na Matuto Habang Ikaw ay Nagkakaedad

Ang pagkatuto ng bagong mga teknolohiya sa lugar ng trabaho, gaya ng mga sistema sa computer at komunikasyon, ay maaaring magdulot ng kaigtingan sa ilang may-edad nang mga manggagawa, ulat ng pahayagang Toronto Star. Sinasabi ng dalubhasa sa kalakaran ng trabaho na si Ann Eby na ang problema ay kadalasang hinggil sa kung paano sila natututo sa halip na kung ano ang kanilang natututuhan. “Habang tayo’y nagkakaedad,” ang paliwanag ni Julia Kennedy, presidente ng Axiom Training and Development, “bumabagal ang mga proseso ng ating mga neuron, subalit nananatiling malusog ang ating utak.” Napansin ni Kennedy na di-tulad ng mga bata, na sanay na matuto sa pamamagitan ng pag-uulit nang hindi nagbibigay-pansin sa kahulugan, “kailangang pag-ugnayin ng mga adulto ang kanilang natutunan na (mga karanasan sa buhay) sa kanilang natutunan pa lamang.” Bagaman mas matagal para sa may-edad nang mga manggagawa na matuto ng mga gawaing masalimuot, may kakayahan pa rin silang matuto. Nagbigay si Kennedy ng mga mungkahi sa mga may-edad nang nagtatrabaho na sumusubok na matuto ng bago at mahihirap na gawain: Hangga’t maaari, iiskedyul ang inyong mga panahon sa pagsasanay sa umaga, sikaping unawain ang mga ideya sa halip na ang bawat detalye, at iwasang ihambing ang inyong sarili sa iba.

Pinakahuling Ulat sa Suplay ng Langis sa Daigdig

“Pagkatapos ng limang-taóng pag-aaral, itinaas nang 20 porsiyento ng U.S. Geological Survey [USGS] ang dating pagtantiya nito sa mga reserbang krudong langis sa daigdig, na may kabuuang 649 na bilyong bariles,” ulat ng magasing Scientific American. “Ang ginawa namin ay tumingin sa hinaharap at humula kung gaano karami pang [langis] ang matutuklasan sa susunod na 30 taon,” ang sabi ni Suzanne Weedman, coordinator ng USGS World Petroleum Assessment 2000. Bukod pa sa bagong natuklasang mga reserba, ang makabagong mga paraan ng teknolohiya sa pagbabarena ay nakaragdag sa suplay ng langis sa daigdig na nagpangyari sa mga kompanya ng petrolyo na “makakuha ng mas maraming langis mula sa mga lugar na pinagkukunan na ng langis,” ang sabi ng magasin.

Di-Pormal na Damit​—Di-Seryoso sa Pagtatrabaho?

Natuklasan sa isang pambansang pagsusuri sa Australia na ipinapalagay ng ilang nag-oopisina na ang di-pormal na damit sa trabaho ay umaakay sa katamaran, ulat ng The Sunday Telegraph. Halos 42 porsiyento ng mga nagtatrabaho sa mga kompanya ng computer sa Australia ang nagdaramit nang di-pormal ngayon sa lahat ng panahon, at 40 porsiyento ng mga kompanya sa Australia ang may “casual Fridays,” kung kailan maaaring magdamit nang di-pormal ang mga empleado sa araw na iyon kung gusto nila. Bagaman nauuso sa mga manggagawa ang pagsusuot ng di-pormal na damit sa trabaho, inaakala ng 17 porsiyento ng kinapanayam na mga nagpapatrabaho na ang di-pormal na damit ay nakaaapekto sa pagtatrabaho ng mga empleado. Ang bilang na ito ay halos kapareho ng opinyon ng mga manggagawa mismo, na ang 21 porsiyento ng kababaihan at 18 porsiyento ng kalalakihan ay nagsasabi na ang di-pormal na damit ay may negatibong epekto sa produksiyon.

Pinsala ng Baha sa Mozambique

Noong kalilipas na taon sa buwang ito, ang tubig-baha sa Mozambique ay nag-iwan sa halos mahigit sa kalahating milyong katao na walang bahay, nanira ng halos sangkatlo ng aning mais ng bansa, at nilunod ang mahigit sa 20,000 baka. Habang bumabawi ang bansa mula sa bahang ito, na tinaguriang pinakamalubhang baha sapol noong bago ang taóng 1948, marami ang nagtatanong kung paano at bakit ito nangyari. Sinabi ng pahayagang African Wildlife na ang paggawa ng lunsod, pagbubungkal ng damuhan, at labis-labis na panginginain ng hayop sa katabing mga bansa na malapit sa ilog mula sa Mozambique ang sumira sa likas na kakayahang sumipsip ng tubig-baha ng mga damuhan at latian ng bansa. Kaya ang pagbuhos ng malakas na ulan sa dakong huli ay nagiging rumaragasang agos ng tubig. Sinabi ni David Lindley, coordinator ng proyekto para sa mga latian sa Timog Aprika: “Ang ginawa ng tao, dahil sa ating walang-patumanggang kahambugan at kawalan ng pananaw sa hinaharap, ay sirain ang magandang kalagayan ng ating mga latian at pakialaman ang kalikasan ng ating mga ilog.”

Ang mga Baka at ang Greenhouse Gas

Ang methane gas, diumano, ay 20 ulit na mas nakalalason kaysa sa carbon dioxide na siyang sanhi ng pag-init ng globo. Tinataya na sa buong daigdig, 100 milyong tonelada ng methane ang inilalabas taun-taon ng mga dalawang bilyong baka, tupa, at kambing. Ayon sa The Canberra Times, ang mga hayupan ang nakagagawa ng 13 porsiyento ng nailalabas na greenhouse gas sa Australia, samantalang sa New Zealand ang bilang ay halos 46 na porsiyento. Ang mga mikroorganismo sa tiyan ng mga hayop na ngumangata ang tumutunaw sa kumpay at gumagawa ng methane, na nailalabas sa bibig ng hayop. Sa pagsisikap na bawasan ang init na naidudulot ng mga hayop sa globo, ang mga siyentipiko ay nag-eeksperimento ngayon ng mga paraan para maragdagan ang paggawa ng gatas ng bawat baka samantalang binabawasan naman ang methane na inilalabas ng mga hayop.

Pinabulaanan ang Sabi-sabi Hinggil sa Paninigarilyo

“Mali ang pangangatuwiran ng ekonomiks na ang mga naninigarilyo ay hindi gaanong pabigat sa sistema ng pangangalaga sa kalusugan kaysa sa mga di-naninigarilyo dahil sa maaga silang namamatay,” ulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Natuklasan ng mga mananaliksik na Olandes na nagsuri sa kalagayan ng kalusugan ng mga 13,000 mamamayang Olandes at Amerikano na hindi gaanong nagtatagal ang pagkakasakit ng mga di-naninigarilyo kaysa mga naninigarilyo. Si Dr. Wilma Nusselder ng kagawaran ng pampublikong kalusugan sa Erasmus University sa Rotterdam ay sumulat: “Ang pagtigil sa paninigarilyo ay hindi lamang nagpapahaba ng buhay at nagdaragdag ng mga taon na nakapamumuhay nang walang pagkakasakit, kundi nakababawas din sa haba ng panahong ipinagkakasakit.” Ayon sa Globe, “mayroong halos 1.15 bilyong naninigarilyo sa buong daigdig, sangkatlo ng populasyon ng mga adulto sa daigdig. Humigit-kumulang 943 milyon ng mga naninigarilyong yaon ang nakatira sa papaunlad na mga bansa.”

Sakit na Naililipat ng Pagtatalik at ang mga Bata

“Ang mga bata na kasimbata ng edad na 11 ay ginagamot dahil sa mga sakit na naililipat ng pagtatalik,” ang ulat ng The Times ng London. Dalawang ulit ang kahigitan ng dami ng may gonorea sa isang lunsod sa Inglatera kaysa sa pambansang bilang sa pangkalahatan, at 1 sa 8 tin-edyer na babae ang may chlamydia. Ang nahawahan ng chlamydia sa Inglatera ay halos nadoble sapol noong 1995 at tumaas nang sangkalima sa mga tin-edyer sa nakalipas na taon lamang. Ang 56-porsiyentong pagtaas ng gonorea sa buong bansa sa loob ng limang taon ay lalung-lalo nang nakaapekto sa mga tin-edyer.

Ginagamit ang Ulo Nito

Ang mga reynang langgam ng uring Blepharidatta conops, na matatagpuan sa kaparangan ng Brazil, ay may malaki, lapád, at bilugang ulo. Ayon sa edisyon ng National Geographic sa Brazil, ginagamit ng mga langgam ang di-pangkaraniwang bahaging ito upang hadlangan ang pagpasok sa isang silid kung saan nakatago ang mga itlog, larva, at pupa, anupat iniingatan ang mga ito mula sa posibleng mga maninila. Ang mga dingding sa silid ng reyna ay binubuo ng mga bahagi ng mga katawan ng insekto na tinipon ng mga manggagawang langgam. Pagkatapos kunin ang likido mula sa mga katawang ito at maingat na inaalis ang mga kalamnan nito, gumagawa ang mga manggagawang langgam ng isang silid sa palibot ng reynang langgam, na nag-iiwan ng bukasan na eksaktung-eksakto sa sukat ng ulo nito. Ang mga manggagawang langgam ay nakapapasok sa pantanging silid na ito sa pamamagitan ng pagtuktok ng isang uri ng password sa ulo ng reynang langgam.

Mga Magnanakaw ng Kuryente

Ang mga kompanyang naglilingkod sa publiko sa buong Estados Unidos ay nagsisimulang maghigpit sa lumalaking problema​—ang pagnanakaw ng kuryente. Sa mga taóng nagdaan, waring napakamura ng kuryente upang nakawin ito, ang sabi ng The Wall Street Journal, subalit tumaas nang husto ang singil sa kuryente nitong nagdaang mga taon, na nagpangyaring maging mas pangkaraniwan ang pagnanakaw ng kuryente. Halimbawa, tinataya ng Detroit Edison Company na noong 1999 ay nalugi ito nang $40 milyon dahil sa mga magnanakaw ng kuryente. Malimit na walang kaalam-alam sa mga panganib, ang mga magnanakaw ay napag-alamang gumagamit ng pinakasimpleng mga kagamitan, gaya ng mga jumper cable sa kotse, mga pambahay na extension cord, at tansong tubo. Ang iba naman ay naghuhukay sa ilalim ng lupa upang makakuha ng kuryente mula sa nakabaong mga kawad ng kompanya ng kuryente.

Hindi Man Lamang Hinanap-hanap?

Natuklasan kamakailan ang tumigas na bangkay ng isang lalaki sa isang apartment sa Helsinki, Finland. Napansin ng isang lalaking nagmamantini na pumasok sa apartment upang maglagay ng kagamitang pang-alarma sa sunog ang isang bunton ng sulat at masamang amoy. Natuklasan ng pulis na tumugon sa kaniyang tawag na ang 55-taóng-gulang na pensiyonado, na mag-isang nakatira roon, ay mahigit na anim na taon nang patay. Gaya ng napaulat sa pahayagang Helsingin Sanomat, sa buong panahong iyon, ang Social Insurance Institution ang nagbigay ng kaniyang pensiyon at ang opisina ng kawanggawa ang nagbayad sa kaniyang upa, subalit walang sinuman sa mga ito ang bumisita sa kaniya. Hindi rin siya hinanap-hanap ng kaniyang malalaki nang anak na naninirahan sa kabisera ng lunsod. “Sa loob ng anim na taon ang isang lalaki ay nanirahan sa isa mismong mataong lugar​—iyon ay, hindi sa isang nakabukod na isla, kundi sa isang lunsod​—at walang sinuman ang naghanap sa kaniya anupat nag-isip-isip man lamang kung nasaan na ang taong ito o kung ano na kaya ang nangyari sa kaniya,” ang sabi ni Gng. Aulikki Kananoja, direktor ng Kagawaran ng Panlipunang Paglilingkod sa Helsinki.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share