Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/8 p. 31
  • Isang Punungkahoy na Magpapatigil sa Iyo sa Daan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Punungkahoy na Magpapatigil sa Iyo sa Daan
  • Gumising!—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Dambuhalang Punungkahoy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Puno ng Sikomoro
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ang Kahanga-hangang “Puno ng Buhay” ng Aprika
    Gumising!—1995
  • Langis, Puno ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/8 p. 31

Isang Punungkahoy na Magpapatigil sa Iyo sa Daan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ECUADOR

PAGSAPIT ng kalagitnaan ng Disyembre, ang panahon ng tag-ulan ay hindi pa dumarating sa kapatagan ng baybayin ng Ecuador. Ang alikabok na tumatakip sa paalun-along mga burol ay nagbibigay sa mga pananim ng anyong walang kabuhay-buhay. Sa itaas, ang puro kulay-abong kaulapan ay waring nagpakulimlim sa araw habang isang grupo ng mga manlalakbay ang dumaraan sa kahabaan ng haywey, patungong kanluran sa Karagatan ng Pasipiko. Walang anu-ano, lahat ng mata ay napatingin sa isang punungkahoy sa tabi ng daan. Biglang huminto ang kotse. Anong puno ang kanilang nakita?

Isang punong guayacan na namumulaklak! Ang sandaling katahimikan ay binasag ng isang bulalas: “Kay ganda! Nakakita na ba kayo ng ganiyan katingkad na kulay? Marami na akong nakitang namumulaklak na mga puno na kulay-rosas, purpura, pula, o kahel, ngunit nahigitan ng tindi ng tingkad ng isang ito ang lahat ng iyon!”

Matapos hangaan ang ginintuang kagandahan nito, umalis na sila. Wala silang kamalay-malay na pasimula pa lamang ito. Di-kalaunan, nakakita sila ng isa pang punong guayacan na namumulaklak at pagkatapos ay ng isa pa. Para bang ang mga burol ay nababalutan ng mga silahis ng ginintuang sikat ng araw! Ito ang taunang panahon ng punong guayacan​—ang panahon kapag ang walang-kulay na mga kagubatan ay napupuno ng kagila-gilalas na biglang pamumukadkad ng kulay.

Gayunman, ang kagandahan ng namumulaklak na punong ito ay hindi lamang makikita sa isang bansa. Sa katunayan, ang punong ito ay katutubo sa maraming bahagi ng Timog at Sentral Amerika. Kilala rin ito sa mga pangalang gaya ng araguanay, guayacan amarillo, golden trumpet, at ang trumpet tree, na tinutukoy ang ginintuang hugis-trumpetang mga bulaklak nito. Ang siyentipikong pangalan nito ay Tabebuia chrysantha.

Ang guayacan ay pinagmumulan din ng tabla na pino ang hilatsa na ginagawang mga muwebles na de-kalidad sa loob ng marami nang taon. Dahil sa pag-unti ng punungkahoy na ito, kinailangan ng ilang bansa na ilagay ito sa ilalim ng nagsasanggalang na mga batas. Ito’y upang tiyakin na patuloy na matatamasa kapuwa ng mga katutubo at ng mga bisita ang kakaibang kagandahan nito sa panahong ito ay namumulaklak, bagaman sa loob lamang ng ilang araw at minsan lang sa isang taon.

Walang alinlangan na ang punong guayacan ay isang buháy na parangal sa pinakadakilang dalubsining sa lahat​—ang ating Dakilang Maylalang, ang arkitekto ng kamangha-manghang lupang ito na ating tinatahanan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share