Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/8 p. 22-23
  • Cherrapunji—Isa sa Pinakabasang Lugar sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Cherrapunji—Isa sa Pinakabasang Lugar sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Ulan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Salamat at May Ulan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/8 p. 22-23

Cherrapunji​—Isa sa Pinakabasang Lugar sa Daigdig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA

ISA sa pinakabasang lugar sa daigdig? Ngunit paano mangyayari iyan? Pangkaraniwan lamang ang kakapusan sa tubig dito sa India, at kadalasan ay ni hindi mo kailangang magpayong! Anong kakatwang lugar ang inilalarawan namin? Ang Cherrapunji​—isang bayan sa Meghalaya, isang estado sa hilagang-silangan ng India, katabi ng hangganan ng Bangladesh. Napakaganda ng Meghalaya anupat tinatawag itong “ang Scotland ng Silangan.” Ang mismong pangalan nito ay nangangahulugang “tahanan ng mga ulap.” Ngunit bakit matagal nang itinuturing ang Cherrapunji bilang isa sa pinakabasang lugar sa daigdig? Sandali tayong maglakbay sa kahanga-hangang lugar na ito ng kalikasan.a

Simulan natin ang ating paglalakbay sa Shillong, ang kabisera ng estado ng Meghalaya. Pagkalulan sa bus ng mga turista, naglakbay na tayo patungo sa timog. Habang dumaraan tayo sa paalun-along mga burol at malalawak na damuhan, nakita natin ang nag-aabang na mga ulap sa unahan natin, na kaagad namang nagpaalaala sa atin na angkop ang pangalang Meghalaya.

Ang daang tinatahak natin ay papataas at paliku-liko sa gilid ng isang malalim na bangin na nababalutan ng napakaraming punungkahoy. May bumabagsak na napakatataas na mga talon, na bumubuhos sa ilog na umaapaw sa libis. Nang ang ating bus ay huminto sa Mawkdok, nakakita tayo ng mabababang ulap na dumaraan sa mga burol. Biglang tinakpan ng mga ito ang malaking bahagi ng tanawin at pagkatapos ay mabilis ding nawala upang muling mahantad sa paningin ang tanawin. Tayo rin ay sandaling napalibutan ng kaulapan at nabalot ng banayad at maputing talukbong ng ulap. Ngunit di-kalaunan ay naglaho ang mga ulap, at sinikatan ng araw ang makapigil-hiningang tanawin.

Ang Cherrapunji ay may taas na 1,300 metro mula sa kapantayan ng dagat. Nang makarating tayo sa bayan, wala kahit kaunting ulap-ulan, at walang may dalang payong. Tayong mga bumibisita lamang ang nakahanda sa ulan! Kaya kailan nga ba uulan?

Ang mga lugar sa tropiko ay nakararanas ng malakas na pag-ulan kapag maraming tubig ang napasingaw ng araw mula sa mas maiinit na bahagi ng karagatan. Kapag ang mahalumigmig na mga hangin mula sa Indian Ocean ay humihip sa mga timugang dalisdis ng Himalaya Mountains at naitaboy na papaitaas, ang mga ito’y lumalagpak bilang malalakas na ulan. Ang talampas ng Meghalaya ang isa sa madalas na inuulan. Bukod diyan, waring dahil maghapong tinatamaan ang mataas na lugar na ito ng matinding sikat ng araw sa tropiko, ang mga ulap-ulan ay pumapaitaas at namamalagi sa ibabaw ng talampas hanggang sa lumamig ang hangin sa kinagabihan. Maaaring ito ang paliwanag kung bakit mas madalas bumuhos ang ulan kung gabi.

Noong Hulyo 1861, ang Cherrapunji ay nakaranas ng nakagugulat na 930 sentimetro ng ulan! At 2,646 na sentimetro ng ulan ang lumagpak sa loob ng 12-buwang yugto mula noong Agosto 1, 1860, hanggang Hulyo 31, 1861. Sa ngayon, sa katamtaman, umuulan sa Cherrapunji sa loob ng 180 araw bawat taon. Pinakamalakas ang ulan mula Hunyo hanggang Setyembre. Yamang mas madalas bumuhos ang ulan kung gabi, ang mga bumibisita ay masisiyahan sa kanilang pamamasyal nang hindi nababasa ng ulan.

Mahirap paniwalaan na sa kabila ng napakadalas na pag-ulan, ang lugar na ito ay makararanas ng kakapusan sa tubig. Subalit madalas na ganiyan ang nangyayari sa mga buwan ng taglamig. Saan napupunta ang maraming tubig na dala ng malalakas na ulan? Dahil sa malawakang pagkakalbo ng kagubatan sa labas lamang ng Cherrapunji, ang kalakhang bahagi ng tubig-ulan ay umaawas mula sa mataas na talampas, anupat pinupuno ang mga ilog sa kapatagan, na pangunahin nang umaagos patungo sa Bangladesh. Isinasaalang-alang ang mga proyektong gaya ng paglalagay ng prinsa sa mga ilog at ang pagtatayo ng mga reservoir (artipisyal na lawa). Ngunit ayon sa hari ng tribo ng Mawsynram, si G. S. Malngiang, sa kasalukuyan ay “walang seryosong pagsisikap na lutasin ang suliranin sa tubig.”

Ang pagbisita sa Cherrapunji ay tunay na naging kapana-panabik at nakapagtuturo. Talaga namang makapigil-hininga ang tanawin sa lugar na iyon! At may pagkagagandang bulaklak, kasama na ang humigit-kumulang sa 300 uri ng orkid at ang isang pambihirang uri ng pitcher plant na kumakain ng kulisap. Karagdagan pa, napakaraming uri ng hayop-gubat na mapagmamasdan, at may mga yungib na batong-apog na magagalugad at pagkalalaking bato na masusuri. Ang malalawak na taniman ng kahel sa lugar na iyon ay pinanggagalingan ng makatas na bunga at siyang dahilan din ng likas na produksiyon ng masarap na pulot-pukyutan na nagmula sa bulaklak ng kahel. Lahat ng ito ay naghihintay sa mga bumibisita sa Meghalaya, ang “tahanan ng mga ulap,” at sa Cherrapunji, ang isa sa pinakabasang lugar sa daigdig.

[Talababa]

a Ang Mount Waialeale sa isla ng Kauai sa Hawaii at ang Mawsynram​—isang nayon na mga 16 na kilometro mula sa Cherrapunji​—ay paminsan-minsang nakapagtatala ng mas mataas na katamtamang pag-ulan kaysa sa Cherrapunji.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

INDIA

Cherrapunji

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga talon ay bumubuhos sa ilog na umaapaw sa libis

[Larawan sa pahina 23]

Ang uring ito ng pitcher plant na kumakain ng kulisap ay katangi-tangi sa sulok na ito ng daigdig

[Credit Line]

Photograph by Matthew Miller

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share